Ang Day Care—Pagpili ng Pinakamainam Para sa Inyong Anak!
ANG isyu tungkol sa day care ay masalimuot. Para sa maraming pamilya, ang day care ay tumutugon sa isang tunay na pangangailangan. Kasabay nito, ibinangon ang nakababalisang mga tanong tungkol sa mga epekto nito sa mga bata. Sa gayon dapat harapin ng mga magulang ang katotohanan na ang day care ay mayroong positibo at negatibong mga aspekto, na hindi lahat ng day care ay de-kalidad na pangangalaga. Dapat na maingat na pag-isipan ang tungkol dito bago ilagay ang isang bata sa pangangalaga ng day care.
‘Ano ang Pinakamainam para sa mga Sanggol?’
Halimbawa, ang iyo bang anak ay isang sanggol? Ang ibang dalubhasa, gaya ng iginagalang na sikologong si Burton White, ay mariing nagpapayo laban sa paglalagay sa mga sanggol sa pangangalaga ng day care. Sinabi niya sa Gumising!: “Sa unang anim na buwan ng buhay, ang mga batang lumalaki nang husto ay yaong mga bata na labis-labis na pinagpapakitaan ng pansin; yaong mga bata na agad-agad na binibigyan ng atensiyon kapag sila’y asiwa at yaong madalas na nilalaro ng isa na nag-aakalang wala nang mas mahalaga pang bagay sa daigdig kundi ang batang iyon!
“Minsang ang bata ay gumagapang na sa gulang na anim o pitong buwan,” sabi pa ni Dr. White, “ang batang iyon ay nangangailangan ngayon ng isang mapupuntahan na giliw na giliw sa kaniya! Iyan ay upang padaliin ang likas na paraan ng pagkatuto, upang tangkilikin ang kaniyang pag-uusyoso, upang dagdagan ang kaniyang kasiglahan, upang gawin ang anumang bagay na tutulong sa pag-unlad ng isang matatag na tao. Hindi nakukuha ng bata ang pagtangkilik na ito mula sa kahaliling mga tagapag-alaga. Bihirang magpapakita ng gayong interes ang sinuman maliban sa mga magulang o mga nuno ng bata.”
Isang propeta noong una ang nagtanong: “Malilimutan ba ng babae ang kaniyang batang pasusuhin anupa’t siya’y hindi mahahabag sa anak ng kaniyang bahay-bata?” (Isaias 49:15) Ang mga ina ay mabilis tumugon sa halos walang-tigil na paghiling ng sanggol ng pag-ibig at atensiyon. Subalit tutugon ba ang isang binabayarang tagapag-alaga—na mayroong ilang mga batang inaalagaan na humihiling ng atensiyon—sa paraan na gaya ng pagtugon ng isang magulang? Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa paraan ng “isang nagpapasusong ina na nagmamahal sa kaniyang sariling mga anak.” (1 Tesalonica 2:7) Bagaman hindi lahat ng ina ay nakapagpapasuso sa anak, ang paggawa ng gayon ay nagpapatibay sa buklod na namamagitan sa ina at anak. Tatanggapin ba ng isang sanggol ang pangangalagang ito sa day care?
Pagsusuri sa Iyong mga Prayoridad
Sa gayon inirirekomenda ng ilang mga doktor ang pag-aantala sa kahaliling pangangalaga hanggang sa ang sanggol ay mga apat na buwang gulang. Gayunman, iminumungkahi ni Dr. White na ang mga sanggol ay kailangang magkaroon lamang ng “paminsan-minsang yaya sa unang anim na buwan ng buhay. At, hindi hihigit sa tatlo hanggang apat na oras isang araw ng mataas-na-uring kahaliling pangangalaga.”
Ipagpalagay na natin na ang pangangalaga sa day care ay hindi mabuti sa mga sanggol. Hindi kaya kalalakhan ng mga sanggol ang anumang problema na bunga nito? Si Dr. White ay hindi sang-ayon sa ideyang iyan: “Iyan ay katulad na rin ng pakikipagsapalaran. Hindi ko ipakikipagsapalaran ang aking mga anak sa ganiyang paraan, at hindi ko irirekomenda ito sa kaninumang iba.”
Bagaman marami ang tila tatanggi sa gayong matatag na paninindigan, ang mga palagay ni Dr. White ay mahirap pawalang-saysay. Gayumpaman, ang mga magulang—hindi ang mga mananaliksik—ang dapat magpasiya kung ano ang pinakamainam para sa kanila at sa kanilang mga anak, at kadalasang nagwawagi ang pagsasaalang-alang sa kabuhayan. Kaya pagkatapos na timbang-timbangin nang maingat ang lahat ng mga salik na nasasangkot, ang iba ay nagpapasiya pa rin na gamitin ang ilang uri ng pangangalaga sa bata.—Tingnan ang pahina 10.
Ang iba ay maaaring nasa kalagayan na isiping-muli ang kanilang mga prayoridad. Tutal, ang mga bata ay minsan lamang nagiging sanggol. Ang pagkakataon na sanayin ang isang bata “mula sa pagkasanggol” ay mabilis na lumilipas. (2 Timoteo 3:15) Kung ang hindi pagtatrabaho ng mga ilang taon—o ang basta pamumuhay ng may kaunting kita—ay hindi praktikal, ang ilan kung gayon ay baka magpasiyang magtrabaho nang part-time. Ito ay nagpapahintulot sa mga magulang na manatiling pangunahing mga tagapag-alaga ng kanilang anak.
Pagpili ng Day Care
Ligtas bang ilagay ang mga batang humahakbang-hakbang na sa pangangalaga ng day care? Ang mga mananaliksik ay hindi nagkakaisa, subalit ang karamihan ay sumasang-ayon na ang kakayahan ng bata na tiisin ang pagkahiwalay sa kaniyang mga magulang ay lumalaki habang siya ay tumatanda. Minsan pa, ang mga magulang ang dapat magpasiya kung makakayanan ng kanilang anak ang pangangalaga sa day care. Kung makakayanan iyon ng bata, hindi naman ito nangangahulugan ng paglalagay sa kaniya sa unang day-care home o center na masumpungan nila. Si Doby Flowers, kinatawang administrador ng Agency for Child Development ng New York, ay nagpapayo: “Maingat na maingat na piliin ang day care. Anong reputasyon mayroon ang center sa pamayanan? Ang mga kagamitan ba at mga laruan ay angkop sa edad? Ito ba ay may mahusay na mantensiyon at malinis? Ano ang mga kredensiyal ng mga tauhan?”
Oo, ang mga tauhan—hindi ang magarang mga kagamitan o mga laruan—ang pinakamahalagang sangkap sa pangangalaga sa bata. Kaya dalawin ang ilang mga center at mga tahanan at personal na obserbahan kung paano pinakikitunguhan ng mga tagapag-alaga ang mga bata—lalo na ang iyong anak. Tanungin: Gaano katatag ang mga tauhan? Anong uri ng mga pagkain ang isinisilbi? Gaano karaming bata ang inaalagaan ng bawat manggagawa? (Mientras mas kaunti, mas mabuti.) Ang mga bata ba ay waring maligaya at palagay? Ang center ba o ang tahanan ay nakatutugon sa mga kahilingan ng lokal na tagapagbigay ng lisensiya at sa mga kahilingan sa kaligtasan? Ano ang pang-araw-araw na rutina ng mga gawain?
Ang pagkaalam na mayroon kayong makukuhang pinakamainam na pangangalaga para sa inyong anak—at makakaya ng bulsa—ay malaki ang magagawa upang mabawasan ang di-kinakailangang pagkadama ng pagkakasala.
Pagsasamantala sa Day Care
Ngayong nasumpungan na ang isang angkop na tahanan o center, huwag basta iwan doon ang inyong anak. Ipaliwanag kung bakit kinakailangang naroroon siya. Tiyakin sa kaniya na siya ay hindi pinabayaan. Hayaang maging maginhawa siya sa day care, marahil ay sinasamahan siya sa ilang mga pagdalaw—na tinatagalan ang mga pagdalaw—sa center o sa tahanan bago iwan siya roon sa maghapon. At, payo ng direktor ng day-care-center na si Bernice Spence, kapag iniiwan siya sa umaga, “huwag madaliin ang bata! Maglaan ng panahon upang pahinahunin siya kung siya’y nababalisa.”
Ang dating mga nangangasiwa ng day-care-center na sina William at Wendy Dreskin ay nagbababala: “Maaaring akalain ng mga bata na sila ay walang mapagpipilian, at tatanggapin na lamang nila ang kanilang kapalaran. Maaaring ihinto nila ang pagpapahayag ng kanilang mga damdamin sa mga manggagawa sa day care at sa kanilang mga magulang, subalit ang mga damdaming ito ay hindi naaalis.” Kaya dapat ninyong subaybayan ang pagtugon ng inyong anak sa day care. Gumugol ng panahon upang ipakipag-usap ang mga pangyayari sa kaniyang araw. Pakinggan ang kaniyang mga reklamo. (Kawikaan 21:13) Maging alisto sa mga tanda ng panlulumo, gaya ng mga masamang panaginip o pag-ihi sa higaan. “Iba-iba ang reaksiyon ng bawat bata,” paliwanag ng kasangguni sa day-care na si Delores Alexander. “At hindi lahat ng mga bata ay nakakayanan ang mga pangkat sa center.”
Ang Kristiyanong mga magulang ay kailangang magbigay ng higit na pansin sa kanilang mga anak. Ang mga Saksi ni Jehova, halimbawa, ay hindi nakikibahagi sa mga gawaing nauugnay sa ilang relihiyosong mga kapistahan. Bagaman pinagsisikapan nilang ituro ang salig-Bibliyang paninindigang ito sa kanilang mga anak, baka hindi lubusang maunawaan ng kanilang mga anak na hindi pa nag-aaral ang mga isyu na nasasangkot. Baka mabalisa sila kung sila ay hindi isinasali sa “nakatutuwang” mga gawain. Kaya ang Kristiyanong mga magulang ay dapat kumilos bilang mga tagapagtaguyod ng kanilang mga anak, ipinaaalam sa mga tagapag-alaga kung anong mga gawain ang hindi puwede at ipakipag-usap ang mga mapagpipilian.a
Bantayán din nila na ang kanilang mga anak ay hindi nakapupulot ng hindi maka-Diyos na mga ugali mula sa ibang bata. Ang aklat na Pakikinig sa Dakilang Guro (inilathala ng Samahang Watchtower) ay nakatulong sa maraming magulang na ikintal ang pagpapahalaga sa maka-Diyos na mga simulain kahit na sa maliliit na mga bata.
Huwag hayaang sirain ng day care ang buklod ng pag-ibig sa pagitan mo at ng iyong anak. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa isang babaing nagngangalang Ana, na bagaman nahiwalay sa kaniyang batang anak na si Samuel sa loob ng mahabang yugto ng panahon ay napanatili ang maibiging kaugnayan sa kaniya. (1 Samuel 2:18, 19) Tiyak, magagawa mo rin iyon kung matalinong gagamitin mo ang mahalagang panahon na kasama mo ang iyong anak sa dulo ng bawat araw at sa mga dulo ng sanlinggo. Tunay, taglay ang wastong atensiyon, ang kaugnayang iyon ay maaaring lumago!
Kahit na ang pinakamainam nito, ang kahaliling pangangalaga ay gayon lamang—isa lamang kahalili sa pangangalaga ng isang maibiging ina at ama. Sabihin pa, malayo ito sa huwaran. Hanggang sa dumating ang bagong sistema ng Diyos taglay ang huwarang mga kalagayan nito, maraming magulang ang maaaring napipilitang gamitin ang kahaliling pangangalaga. (2 Pedro 3:13; Isaias 65:17-23) Subalit kung totoo ito sa inyong kalagayan, maingat na piliin ito. Matamang subaybayan kung paano ito nakakaapekto sa inyong anak—sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan. Tutal, ang mga anak ay mana mula sa Diyos.—Awit 127:3.
[Talababa]
a Ang brosyur na School and Jehovah’s Witnesses (inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.) ay maaaring iwan sa mga guro sa day-care upang liwanagin ang katayuan ng Kristiyano sa mga bagay na ito.
[Kahon sa pahina 10]
Mga Karapatan sa Pagpili sa Pangangalaga sa Bata—Ang mga Bentaha at Disbentaha
Ang karamihan ng mga magulang ay gumagamit ng iba’t ibang impormal na paraan upang alagaan ang kanilang mga anak. Narito ang ilan sa mga ito:
MGA LOLO AT LOLA: Ang iba ay naniniwala na bilang mga tagapag-alaga, ang mga lolo’t lola ay pangalawa lamang sa likas na mga magulang. Ang mga lolo’t lola ay baka madaling mapagod sa karagdagang pananagutan kapag ang bata ay humahakbang-hakbang na. At ang mga pagkakaiba sa mga pamantayan ng pagpapalaki-sa-bata (‘Higit ang nalalaman ng lola!’) ay maaaring pagmulan ng mga alitan. Sa kaniyang aklat na The Child Care Crisis, ganito ang sabi ni Fredelle Maynard: “Dahilan nga sa [ang lola] ay kapamilya, siya ay hindi sumusunod sa mga utos at maaaring mangailangan ng mataktikang pakikitungo. Kung isang binabayarang tagapag-alaga ay pumapalo sa iyong anak o pinakakain siya ng marshmallow fluff sa halip ng keso, maaari kang tumutol at kung kinakailangan ay tapusin na ang kanilang paglilingkod. Kung si lola ang lumalabag sa iyong mga pagpapahalaga at mga pamantayan, problema iyan.”
Gayunman, kadalasang mahahadlangan ng prangkang pag-uusap sa pagitan ng mga magulang at mga nuno ang di-kinakailangang hidwaan. “Nabibigo ang mga plano kung saan walang may pagtitiwalang pag-uusap,” sabi ng Bibliya. (Kawikaan 15:22) Maaaring mahal na mahal ng isang lola ang isang bata, subalit dapat din niyang kilalanin na iniaatas ng Bibliya ang pananagutan ng pagpapalaki sa bata sa mga magulang ng bata. (Efeso 6:4) Sa gayon ang mga magulang at mga lolo’t lola ay dapat na maglagay ng sinang-ayunang mga tuntunin at mga pamantayan upang ang gayong kaayusan ay gumana.
TIN-EDYER NA MGA KAPATID: Kapag sila ay makatuwirang maygulang na at responsable, ito man ay nakatutulong. Gayunman, kadalasan nang kinaiinisan ng mga bata na sila’y sabihan na, ‘Bantayan mo ang iyong kapatid na babae.’ At ang walang-malasakit na tagapag-alaga ng bata ay malamang na hindi maaasahan, walang-ingat, at pabaya. Tandaan, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng batang lalaki [o babae].”—Kawikaan 22:15.
Kaya ang pag-aalaga sa mga bata ng mga kapatid ay dapat na matamang sinusubaybayan. Tiyakin na ang inyong nakatatandang anak na lalaki o babae ay may espisipikong mga tagubilin tungkol sa pagpapakain, pangangalaga, at pangangasiwa sa mga biglang pangangailangan at na handa niyang bigyan ng pansin ang iyong anak.
PAGTRABAHO SA MAGKAIBANG ORAS NG TRABAHO: Maraming mag-asawa ang nagsisikap na pangasiwaan ang pangangalaga sa bata sa ganang sarili sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa magkaibang oras ng trabaho. Sabi ng isang ama: “Ako ay nagtatrabaho sa kalagitnaan- o sa bandang hapon pagdating ng asawa ko sa bahay. Sa gayon ang aming mga anak ay ‘nababantayan’ alin ng ina o ng ama. . . . Inaakala namin na ang kaayusang ito ay nagpangyari sa amin na lubusan naming makilala ang aming mga anak at maging ang pangunahing mga impluwensiya sa kanilang mga buhay.”
Gayunman, may mga problema rito. Ang mga mag-asawa ay nagiging tulad sa ‘mga barko na nagdaraan sa gabi,’ na may kaunting panahon sa isa’t isa. At ang isang magulang na kagagaling-galing lamang sa panggabing trabaho ay hindi laging pinakaalistong tagapag-alaga; ni siya man ay malamang na makapagpahinga sa araw. Inaakala ng ilang mga mag-asawa na ang personal na pangangalaga nila sa kanilang mga anak ay sulit sa sakripisyo.
BINABAYARANG MGA YAYA: Ang isang kuwalipikado, nagmamalasakit na tagapag-alaga ng bata o buong-panahong yaya ay kadalasang isang pambihirang tagapag-alaga. Gayunman, mahal ang bayad sa mga yaya. Nilulutas ng ilang pamilya ang pinansiyal na suliraning ito sa pamamagitan ng pakikisama sa isa o dalawang iba pang mga pamilya at magkasamang umuupa sila ng isa na mag-aalaga ng kanilang mga anak. Ang problema ay ang paghanap ng tamang yaya. Ang Bibliya ay nagbababala: “Kung paano ang mamamana ay sumusugat sa lahat gayon ang isa . . . na umuupa sa bawat magdaan.”—Kawikaan 26:10.
Ito’y nangangahulugan ng maingat na pagsusuri sa sinuman na pagkakatiwalaan mo ng iyong anak. Ano bang talaga ang nalalaman mo tungkol sa magiging yaya ng iyong anak? Mayroon ba siyang anumang dating karanasan o pagsasanay sa pag-aalaga ng bata? Paano ba siya nakikitungo sa iyong anak at paano ba nakikitungo ang inyong anak sa kaniya? Mayroon ba siyang di-kanais-nais na mga ugali—gaya ng labis-labis na panonood ng TV, paninigarilyo, o pag-abuso sa droga? Handa ba siyang sumunod sa iyong mga simulain at mga tuntunin sa bahay?
Kapag ang isang pamilya sa wakas ay nakasumpong ng isang responsable, nagmamalasakit na indibiduwal, karaniwan nang nasusumpungan nila sa kanilang pagkasiphayo na ang mga yaya ay lubhang hindi nagtatagal. Para sa bata, ito ay maaaring mangahulugan ng pana-panahong sama ng loob habang ang mga yaya ay dumarating—at umaalis.
[Kahon sa pahina 11]
Mga Batang Iniiwang Mag-isa
Parami nang paraming mga bata ang nagiging tagapag-alaga ng kanilang mga sarili. Sila ay binansagang “latchkey children” sapagkat sila’y binibigyan ng mga susi ng kanilang tahanan upang sila’y makapasok, yamang wala pang tao sa bahay. Tinataya ng ilan na mayroong angaw-angaw na mga latchkey children sa Estados Unidos lamang.
Ang mga dalubhasa sa pangangalaga-sa-bata ay hindi nagkakaisa sa kung gaano katanda ang isang bata bago siya ligtas na maaaring iwang mag-isa sa anumang haba ng panahon. Kaya ang mga magulang ay dapat na maingat na magpasiya kung ano ang pinakamainam para sa kanilang anak, isinasaalang-alang ang kaniyang edad, pag-uugali, mga kakayahan, at partikular na kalagayan sa tahanan at sa pook. Ang batas ng lupain ay isa ring mahalagang salik, yamang ang pag-iiwan ng isang bata nang walang superbisyon ay baka labag sa batas sa inyong pamayanan.—Roma 13:1.
Kung kailangang gamitin ang kaayusang latchkey, ilang praktikal na mga hakbang ay maaaring makatulong upang tiyakin ang kaligtasan ng bata:
1. Tiyakin na alam niya kung paano makikipag-alam sa iyo, marahil ay tawagan ka sa telepono pagdating na pagdating niya sa bahay mula sa paaralan.
2. Itala ang importanteng mga numero ng telepono (ng doktor, pulis, bombero) na nakapaskil malapit sa telepono.
3. Bigyan ng tagubilin ang iyong anak na huwag papasukin ang mga estranghero.
4. Bigyan ng mga tuntunin ang iyong anak tungkol sa paggamit sa potensiyal na mapanganib na mga kagamitan. Huwag iwang nakakalat ang mga posporo.
5. Panatilihing abala ang iyong anak sa mga gawain sa bahay at mga takdang aralin.—Tingnan ang Gumising! ng Enero 22, 1987, pahina 14-16.
[Larawan sa pahina 9]
Bihirang magpapakita ng gayunding interes sa isang bata ang isang manggagawa sa day-care na gaya ng interes na ipakikita ng isang magulang