Ang Pagtatalo Tungkol sa Day-Care
Isa itong kaaya-ayang dako. Ang mga silid palaruan ay napintahan ng masiglang mga kulay at nagagayakan ng mga paskil at mga sampol ng gawang-sining ng mga bata. Ang mga laruan ay maayos na nakasalansan sa mga istante. At ang lugar ay punô ng ingay ng mga bata.
“Inaalagaan namin ang halos 130 mga bata,” sabi ni Bernice Spence, ang tulad-inang babae na nagpapatakbo ng day-care center. At saan ba galing ang mga batang ito? “Sa karamihang bahagi, sila ang mga anak ng mga magulang na nagtatrabaho na nakatira sa malapit. Ang aming mga tauhan? Maraming sertipikadong mga guro.”
ANG isang mahusay na pinamamahalaang day-care center na ang mga tauhan ay nagmamalasakit at maaasahan ay tunay na nag-iiwan ng mabuting impresyon. Ang mga magulang ay nakadarama ng katiwasayan kapag ang kanilang mga anak ay inaalagaan sa gayong dako. Gayumpaman, ang mga day-care center ang tudlaan ng mainit na mga pagtatalo. Ang dahilan? Sa isang bagay, ang de-kalidad na mga center ay hindi laging karaniwan. Ang ilan ay hindi mahusay ang mantensiyon, hindi mahusay ang pamamahala, hindi magaling ang mga tauhan, at hindi rin mahusay na napangangalagaan ang mga bata.
Ang day care sa New York City na suportado ng pondo ng bayan ay karaniwan nang mahusay ang kalidad. Subalit ito ay magkakahalaga sa lunsod ng $201 milyon sa 1987—mahigit na $4,800 sa bawat bata! Sa mga lupaing gaya ng Sweden, kung saan ang gobyerno ay naglaan ng malaking badyet para sa day-care, mataas na uri ng day-care center ang umiiral doon. Ngunit sa Third World, at maging sa ilang mga pamayanan sa E.U., ang mga pondo ng bayan para sa day-care ay hindi sapat. Ang resulta? Ang mga bata ay baka tumatanggap ng mababang uri ng pangangalaga.
Ipinagbibiling Pangangalaga sa mga Bata
Totoo ito kahit na sa mga day-care center na isinasagawa para sa pakinabang. Ipagpalagay na, maraming magagaling na day-care center ang umiiral. Gayunman, binabawasan ng ibang mga center ang pagkakagastos sa pamamagitan ng paglalagay ng mas kaunting mga tagapag-alaga sa mas maraming bata. O nagtitipid sila sa pamamagitan ng pag-upa ng mga tagapag-alaga sa halagang mataas nang kaunti sa minimum na sahod—na nagtataboy sa mga propesyonal na tumanggap ng mahusay na pagsasanay.
Totoo, maraming manggagawa sa day-care ang nagtitiis sa maliit na sahod sapagkat talagang nagigiliw sila sa mga bata. Subalit ano ang maaaring mangyari kung wala ang gayong pangako? Natuklasan ito ni Samuel at ng kaniyang asawa. Magkasamang pinangasiwaan nila ang isang day-care center sa Lagos, Nigeria—hanggang sa napilitan silang isara ito. Nagugunita pa ni Samuel: “Kailanma’t mamimili ang aking asawa o aalis sa iba pang kadahilanan, sa pagbabalik niya ay masusumpungan niya na hindi inaasikaso ng mga katulong ang mga bata.”—Tingnan ang pahina 6.
Sa Estados Unidos, kailangang maligtasan ng mga center na gumagawa-ng-pakinabang ang masusing pagsisiyasat ng mga ahensiya na naggagawad ng lisensiya. Subalit ganito ang ulat ng Newsweek: “Karamihan ng mga kahilingan sa pagkuha ng lisensiya ay maluwag, ang mga ahensiya ng estado ay walang pera o manggagawa upang aregluhin ang industriya ng day-care.”
Mga Day-Care Home
Kahawig ng mga day-care center ay ang mga day-care home, pribadong mga tahanan kung saan ang maliit na mga pangkat ng mga bata ay inaalagaan. Hindi gaanong mahal kaysa mga center, ang mga ito ay lubhang popular, nangangalaga sa halos tatlong-ikaapat ng mga bata sa E.U. na inaalagaan sa labas ng tahanan. Ang day-care na ina ay karaniwan nang isang magulang mismo.
Para sa bata, ang isang day-care home ay maaaring magbigay ng isang tulad-tahanang kapaligiran, isang nangangalagang babae na titingin sa kaniya, at ang pakikisama ng isang maliit na grupo ng mga bata. Subalit kadalasan ay walang gaanong ginagawa upang subaybayan ang gayong mga pasilidad. Sa gayon ang Globe and Mail ng Toronto ay nag-uulat na ang kalidad ng mga day-care home sa Canada ay mula sa “ekselente hanggang sa walang kakuwenta-kuwenta.” Sampung porsiyento ng mga tahanan ay hindi ligtas para sa mga bata.
Ang Day Care—Paano Naaapektuhan Nito ang mga Bata?
Sapagkat ang mga day care ay sumasaklaw ng gayong pagkasarisari ng uri, ang mga mananaliksik ay nahirapang tiyakin kung paano talagang naaapektuhan ng day care ang mga bata. Totoo, ang ibang mga tagapagtaguyod ng day-care ay nagsasalita na punúng-punô ng pag-asa. Sabi ni Alison Clarke-Stewart sa kaniyang aklat na Daycare: “Ang mabuting balita mula sa lahat ng mga pag-aaral na ito—sa Canada, Inglatera, Sweden, Czechoslovakia, Estados Unidos—ay na ang pangangalaga sa isang desenteng pasilidad ng daycare ay walang masamang epekto sa intelektuwal na pag-unlad ng mga bata.” Ipinakikita pa nga ng ilang mga pag-aaral na ang mga bata mula sa mga pamilyang may mababang-kita ay nakikinabang sa intelektuwal na pangganyak ng day-care!
Gayunman, ang mga mananaliksik na sina Belsky at Steinberg ay nagbababala: “Sa kalakhang bahagi, ang pananaliksik tungkol sa day care ay isinagawa sa mga center na nauugnay-sa-unibersidad na may mataas na katumbasan ng tauhan sa mga bata at idinisenyong-mainam na mga programa. . . . Gayunman, ang karamihan ng day care na makukuha ng mga magulang ng bansa ay tiyak na hindi ang uring ito at maaaring hindi ang uring ito.” Ano, kung gayon, ang kalalabasan ng mga bata sa mas tipikal na kalagayan sa day care? Sina Belsky at Steinberg ay naghinuha: “Nakasisindak na wala tayong gaanong nalalaman tungkol sa epekto ng day care sa mga bata.”—Ang babasahing Child Development, Tomo 49, pahina 929-30.
Lalo pa ngang kaunti ang nalalaman tungkol sa epekto ng mga day-care home—na siyang nangangalaga sa marami. Gayunman, lumilitaw na ang isang day-care na ina ay maaaring gumawa ng kaunti upang pasiglahin ang intelektuwal at emosyonal na paglaki ng bata; ang kaniyang pansin ay ang basta pakanin at ilayo siya sa kapilyuhan hanggang sa pagbabalik ng kaniyang ina. Ang mga batang iniiwan sa day-care-home ay sa gayon kadalasang nasusumpungang nakasalampak sa harap ng TV.
Kaunti rin ang nalalaman tungkol sa kung paano naaapektuhan ng day care ang emosyonal na buklod sa pagitan ng ina at ng bata o sa kung anong lawak ang mga bata ay labis na napapalapit sa kanilang mga tagapag-alaga. Ipinakikita ng mga pagsubok, gayunman, na kung papipiliin sa pagitan ng ina at ng manggagawa sa day-care, pipiliin pa rin ng karamihan ng mga bata ang ina.
Ang mga Suliranin Tungkol sa Pakikisama sa mga Kaedad
Isang pakinabang ng day care ay na ang mga bata ay natututong makisama sa kanilang mga kaedad. Gayunman, mayroon din itong disbentaha. Sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Ipinakikita ng pananaliksik mula sa Estados Unidos at Europa na ang mga batang inaalagaan sa day-care ay waring ‘mas agresibo, hindi gaanong matulungin sa mga may sapat na gulang, mas iginigiit-ang-sarili, hindi masunurin, at hindi natatakot sa parusa kaysa mga batang pinalaki sa tahanan.’
Sinasabi ni Alison Clarke-Stewart na ang gayong paggawi ay talagang “nagbabadya ng higit na pagkamaygulang at sosyal na kakayahan sa halip na isang bagay na dapat ikabahala.” Subalit ito ay maaaring hindi gaanong makaaliw sa mga magulang na nakikita ang isang dating mahinahong bata na nagsasalita ng kalapastanganan, lalo na kung ang mga magulang na iyon ay nagsisikap na ikintal sa kanilang anak ang mga simulain ng Bibliya.—Efeso 4:29.
Mga Panganib sa Kalusugan
Mayroon ding mga panganib sa kalusugan ang day care. Ang CDC (U.S. Centers for Disease Control) ay bumabanggit tungkol sa “lumalaking pangangailangan para sa pagsugpo sa nakahahawang mga sakit na madalas makaapekto sa mga bata sa day care.” Kabilang sa tinatawag na mga sakit sa day-care ay ang hepatitis A, shigellosis (isang grabeng sakit sa bituka), Hemophilus influenzae type B (isang impeksiyon na dala ng baktirya). Pagtatae at lagnat ay karaniwang mga sintomas. Ang sakit ay karaniwang resulta ng pagsasama-sama ng maliliit na bata na mahilig isubo sa kanilang mga bibig ang lahat ng bagay at na hindi nasanay sa wastong pag-uugali sa kasilyas.
Ang mahusay na center, gayunman, ay maselang isinasaalang-alang ang mga pag-iingat sa kalusugan. “Tinuturuan namin ang mga bata na maghugas ng kanilang mga kamay pagkatapos gamitin ang kanilang kasilyas,” paliwanag ng kasangguni sa day-care na si Delores Alexander. “At hindi namin tinatanggap ang mga batang nalalaman naming may sakit.” Ganito pa ang sabi ng direktor ng Willoughby House na si Bernice Spence: “Kung ang bata ay magkasakit sa panahon na siya ay nasa aming pangangalaga, kadalasang tinatawagan namin ang magulang at sinasabi sa kaniya na iuwi niya ang bata.” Ang regular na medikal na pagsusuri sa mga tauhan at mga bata ay mahalaga ring mga hakbang sa pag-iingat.
Gayumpaman, inaamin ng mananaliksik na si Clarke-Stewart: “Ang mga bata na nasa mga daycare center ay mas madalas matrangkaso, sipunin, at ubuhin kaysa mga bata sa bahay . . . Ang sipon ng bata ay maaaring ang halagang handang ibayad ng mga ina na iniiwan ang kanilang mga anak sa isang daycare center samantalang sila ay nagtatrabaho.” Subalit dahil sa mga nabanggit na, wari bang ang day care ay maaaring nangangahulugan ng mga panganib na mas malala kaysa sipon. Ano ang kahulugan ng lahat ng ito, kung gayon, para sa mga inang nag-aakalang kailangan nilang magtrabaho?
[Kahon sa pahina 6]
Ang Day Care at Pag-abuso sa Sekso
Maraming publisidad ang kamakaila’y ibinigay sa mga iskandalo tungkol sa pag-abuso sa bata na kinasangkutan ng mga manggagawa sa day-care. Ang mga day-care center ba ay kublihan para sa seksuwal na mga mang-aabuso ng mga bata at mga pornograpo ng mga bata?
Ang gayong katanungan ay nakapagpapagalit sa ilang mga manggagawa sa day-care. “Talagang ikinagalit ko iyon,” sabi ni Bernice Spence, isang administrador ng day-care-center. “Ikinagagalit ko na ang day care ay magkaroon ng masamang pangalan. Karamihan ng mga taong nakikilala ko sa day care ay dedikadong mga tao—nagmamalasakit sila sa mga bata.”
Gayunman, ang responsableng mga administrador ay kumuha ng mas matatag na mga hakbang. Ang Gumising! ay nakipag-usap kay Doby Flowers, kinatawan na administrador para sa Agency for Child Development sa New York City. Mahigit na 40,000 mga bata ang nakatala sa mga programa sa day-care na nasa ilalim ng kaniyang pangangasiwa. Sabi ni Miss Flowers: “Sinasala namin nang husto ang aming mga tauhan sa day-care. Sinusuri namin upang alamin kung mayroon silang kriminal o pag-abuso sa bata na mga rekord. At mula noong 1984, ang lahat ng mga manggagawa sa day-care ay dapat kunan ng mga tatak o bakas ng daliri.”
Ang mga mang-aabuso ba sa bata ay waring naaakit sa gawain sa day-care? Ganito ang tugon ni Miss Flowers: “May seksuwal na mga mang-aabuso ng mga bata sa relihiyosong mga orden, sa mga grupo ng mga mambabatas, sa edukasyon. Ang seksuwal na mga mang-aabuso ng mga bata ay makikita sa lahat ng antas ng kabuhayan, hanapbuhay, lahi, at etnikong pinagmulan.” Gayumpaman, gaya ng pagkakasabi rito ni Dr. Roland Summit, isang saykayatris na nagpapakadalubhasa sa paggamot sa seksuwal na inabusong mga bata: “Ang panganib ng pagsasamantala sa isang bata ay tuwirang dumarami habang ang bata ay inilalayo sa pangangalaga ng kaniyang ina.”
Ano, kung gayon, ang dapat gawin ng mga magulang na may mga anak na nasa pangangalaga ng day care? “Pakinggan ang inyong anak!” sabi ni Doby Flowers. “Maupo at kausapin ang inyong anak. Bantayan ang mga pagbabago sa paggawi o mga tanda ng panlulumo, gaya ng pag-ihi sa kama o biglang pag-aatubiling magtungo sa day care.” Ang listong pagbabantay ng mga magulang at edukasyon ng bata ang pinakamagaling na mga sandata laban sa pag-abuso sa bata.—Tingnan ang Gumising! ng Hunyo 22, 1985, “Pang-aabuso sa Bata—Maaari Ninyong Pangalagaan ang Inyong Anak.”
[Larawan sa pahina 5]
Paano naaapektuhan ng day care ang buklod sa pagitan ng ina at ng bata?