Ang mga Paglubog ng Araw ay Nagbabadya sa Kaluwalhatian ng Kanilang Maylikha
GAANO kadalas man nating makita ang isang magandang paglubog ng araw, tayo ay laging nagpapahalaga sa maluwalhating tanawin. Ang mga ulap na nakakalat sa abot-tanaw ay nakadaragdag sa magandang tanawin habang ito’y sinasabuyan ng lumulubog na araw ng mga kulay ube, pula, kulay dalandan, rosas, at dilaw.
Bakit kaya ang langit ay nagbabagang pula sa paglubog ng araw, samantalang maaga rito ito ay mangasul-ngasul ang kulay? Ito ay may kaugnayan sa paglalagos ng liwanag ng araw sa atmospera na nakapalibot sa ating mundo ng mga isang daan at animnapung kilometro pataas. Ang blangket na ito ng hangin ang nagtutustos ng oksihenong ating nilalanghap. Naglalaman din ito ng iba pang mga gas, gaya ng nitroheno, carbon dioxide, at singaw, at mga alikabok din.
Kapag ang liwanag ng araw ay naglalagos sa atmosperang ito, tinatamaan nito ang maliliit na mga molekulang ito ng hangin at mga alikabok, at ang liwanag ay may hilig na kumalat. Ang mga kulay ng liwanag ng araw ay naglalakbay sa “mga alon,” at mientras mas maikli ang wavelength ng isang kulay, mas makalat ito kapag ito ay tumatama sa maliliit na mga bagay sa hangin. Ang mapusyaw na bughaw ay may maikling wavelength at malaganap ang pagkalat. Ang mapusyaw na pula ay may mahabang wavelength at hindi gaanong kumakalat.
Sa isang maaliwalas na araw kapag ang araw ay nasa itaas ng abot-tanaw, ang langit ay bughaw sapagkat ang mas maikling mga alon ng bughaw ay nakakalat sa hangin at ipinababanaag pabalik sa lupa mula sa lahat ng bahagi ng langit. Ngunit kapag lumubog ang araw sa abot-tanaw sa gabi, ang liwanag nito ay naglalakbay ng maraming karagdagang kilometro sa atmospera ng lupa upang makarating sa atin. Kaya tinatamaan nito ang mas maraming molekula ng hangin at alikabok kaysa kung ang araw ay nasa itaas. Ang mas maikling mga sinag na bughaw ay hinahadlangan at kinukuha ng atmospera bago pa ito makarating sa ating paningin. Ang mas mahabang mga sinag na pula ay tumatagos sa atmospera upang makarating sa atin, na nagpapangyari sa mga kulay na nakikita natin sa paglubog ng araw at sa pagsikat ng araw.
Kapag mas maraming alikabok sa atmospera, gaya niyaong mula sa pagsabog ng bulkan, ang mga paglubog ng araw ay mas makulay. Bilang halimbawa, nang ang bulkan ng Krakatau na malapit sa Java ay pumutok noong 1883, pagkarami-raming alikabok ang sumaboy ng mga kilometro ang layo sa atmospera. Binabanggit ng The New Encyclopædia Britannica ang resulta: “Ang pinong alikabok ay tinangay ng ilang ulit sa palibot ng Lupa, na siyang dahilan ng kagila-gilalas na pulang mga paglubog ng araw sa buong panahon nang sumunod na taon.”
Ang napakarilag na mga paglubog ng araw ay dapat na mag-udyok sa atin na pahalagahan ang Maylikha ng araw, ng lupa, at ng ating atmospera, na gumagawang posible sa gayong maluwalhating mga pagtatanghal. Dapat nating madama ang gaya ng nadama ng mga manunulat ng Bibliya na sumulat: “Nagsisiwalat ang mga langit ng kaluwalhatian ng Diyos; at ng gawang-kamay niya’y nagbabadya ang kalawakan.” “Karapat-dapat ka, Jehova, na aming Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahilan sa iyong kalooban kung kaya’t sila’y umiral at nangalalang.”—Awit 19:1; Apocalipsis 4:11.
[Picture Credit Line sa pahina 16]
G. Ludwig/U.S. Fish & Wildlife Service