Nakakita Ka Na ba ng Berdeng Kislap?
ANONG sayang mamaalam sa isa na namang araw nang nakamasid sa isang kahali-halinang paglubog ng araw! Ang mainit na sikat ng araw ay naglalaan ng pagkarami-raming kulay habang ang liwanag ay tumatagos sa atmospera ng lupa. Itinatampok pa nang husto ng makapigil-hiningang kaganapang ito ang di-pangkaraniwang pangyayari sa kalikasan na tinatawag na berdeng kislap (green flash). Kung angkop ang kalagayan, ang pagsabog ng kulay esmeralda na liwanag na ito ay nagaganap sa dakong huli ng paglubog ng araw. Ang higit na pambihirang pangyayari na tinatawag na bughaw na kislap (blue flash) diumano’y mas maganda.
Ano ang nagpapangyari sa makukulay na kislap na ito? Bakit ang mga ito’y tumatagal lamang nang sandali? At bakit napakapambihira ng mga ito? Upang masagot ang mga katanungang ito, kailangan muna natin ang panimulang mga kaunawaan tungkol sa epekto ng pagsasanib sa pagitan ng sinag ng araw at ng atmospera ng lupa.
Ang sinag ng araw na bumababa sa lupa ay nagtataglay ng lahat ng kulay ng bahaghari. Kapag ang liwanag na ito ay tumagos sa atmospera ng lupa, ang atmospera ay nagsisilbing gaya ng isang gahiganteng prisma at nagsasaboy, o nagkakalat, ng liwanag. Gayunman, ang lawak na sasaklawin ng pagkalat ng liwanag ay depende sa wavelength nito.
Ang bughaw na mga light wave ay may mas maiikling wavelength at malawak na sumasabog sa buong atmospera. Iyan ang dahilan kung bakit ang kalangitan ay waring bughaw kapag ang araw ay nasa itaas na itaas ng guhit-tagpuan (horizon) sa isang maaliwalas na araw. Subalit kapag ang araw ay malapit sa guhit-tagpuan—gaya sa paglubog ng araw—ang sinag ng araw ay dapat na tumagos nang higit sa ating atmospera upang makita ng ating mga mata. Bunga nito, ang kalat na kalat na bughaw na liwanag ay hindi nakaaabot sa atin. Sa kabilang dako, ang mas mahabang mga wave, gaya ng pula, ay mas madaling tumagos sa makapal na atmospera. Ito ang nagbibigay sa paglubog ng araw ng karaniwang pula o kulay dalandan na kulay nito.a
Kaya naman, sa ilalim ng ilang kalagayan, ang berdeng kislap o ang bughaw na kislap ay maaaring makita kung lumulubog ang araw. Paano nagaganap ang mga ito? Sa mismong paglubog ng natitirang hibla ng araw sa ibaba ng guhit-tagpuan, ang liwanag ng araw ay nahahati sa ispektrum na gaya ng bahaghari. Ang pulang liwanag ay lumilitaw sa ilalim ng ispektrum, at ang bughaw na liwanag ay nasa itaas. Habang patuloy na bumababa ang araw, ang pulang bahagi ng ispektrum ay bumababa sa guhit-tagpuan at ang bughaw na bahagi ay karaniwang sumasabog sa atmospera. Sa pagkakataong ito na ang huling hibla ng nakikitang liwanag ay magniningning ng berde. Subalit bakit berde? Sapagkat ang berde ay isa pang pangunahing kulay sa liwanag.
Kapag ang kalangitan ay maruming-marumi, ang berdeng kislap ay bihirang makita, at ang bughaw na kislap ay nagaganap lamang kapag ang atmospera ay ubod nang aliwalas at sapat na bughaw na liwanag ang tumatagos sa kalangitan na siyang nagpapangyari na lumitaw ang nagniningning na kislap.
[Talababa]
a Tingnan ang Gumising!, ng Disyembre 8, 1987, pahina 16, para sa karagdagan pang impormasyon tungkol sa mga paglubog ng araw.
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Paglubog ng araw: ©Pekka Parviainen/SPL/Photo Researchers