Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 12/8 p. 18-21
  • Ang Pagpupunyagi Kong Iwan ang Isang Marahas na Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagpupunyagi Kong Iwan ang Isang Marahas na Buhay
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-ibig sa Unang Pagkakita
  • Ang “Pamilya” ng Motorsiklo
  • Ang mga Epekto ng Pagpatay sa Kapuwa
  • Ano ba ang Layunin ng Buhay?
  • Isang Mahirap na Pasiya
  • Huwag Mong Isubo ang Iyong Daliri sa Apoy
  • Motorsiklo—Gaano Kapanganib Ito?
    Gumising!—1992
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1992
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Ang Malaon Ko Nang Pakikipagbaka Upang Masumpungan ang Tunay na Pananampalataya
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 12/8 p. 18-21

Ang Pagpupunyagi Kong Iwan ang Isang Marahas na Buhay

SA LOOB ng walong taon ako ay isang membro ng kilalang samahan ng mga motorsiklo. Karamihan sa mga pangkat na ito ay hindi nagkakasundo sa iba pang mga samahan ng motorsiklo, at nariyan ang labanán sa tuwina. Isang gabi marami sa amin ay nasa sentro ng New Orleans na hinahanap ang isang kalaban na pangkat mula sa bayan. Nais naming “untugin ang ilang ulo” upang ituwid ang ilang di-pagkakaunawaan namin.

Ang ibang grupo ay hindi matagpuan, kaya naghiwa-hiwalay kami at nagkani-kaniyang landas. Gayunman, ang ilan ay nanatili sa isang bar, kung saan nagkaroon ng pakikipagsuntukan sa dalawang pulis na nakasuot sibilyan. Ang mga opisyal ay nagpaputok at nasugatan ang isa sa aking mga kaibigan. Ako’y nakaupo sa isang tahimik na lumang bar sa malapit na pook nang mabalitaan ko ang nangyari. Hindi ko alam kung baga ang aking kaibigan ay buháy o patay, kaya ako’y nagtungo sa ospital upang alamin. Pagdating na pagdating ko, itinuro ako ng isang lalaki, na nagsisigaw, “Isa siya sa kanila! Dakpin ninyo siya!” Bagaman hindi ako kasangkot sa labanan, sa palagay ko sapagkat ako’y may mahabang buhok at balbas, lahat kami ay magkakamukha sa kanila. Gayon man, sinunggaban nila ako, at ako’y nakulong sa loob ng ilang linggo. Subalit paano ba ako nasangkot sa marahas na istilong ito ng pamumuhay? Hayaan mong gunitain ko ang aking kabataan.

Pag-ibig sa Unang Pagkakita

Karamihan ng mga magulang ay hindi masisiyahan kung ang kanilang mga anak ay mapasangkot sa ganitong uri ng buhay, at ito ay tiyak na totoo sa aking inay at itay. Sila’y mabait subalit istrikto sa akin at naniniwala sila sa disiplina.

Ang problema ko ay nagsimula noong huling taon sa high school nang ako’y maghimagsik laban sa awtoridad ng aking mga magulang at ako rin ay nagsimulang uminom nang malakas. Isang araw, samantalang nakatayo sa harap na hagdan ng aming high school, may nakita ako na nag-iwan sa akin ng matinding impresyon sa mga taóng darating. Itinubog sa kromado (chrome), matingkad ang pagkakapinta, isang “Harley Chopper” na motorsiklo ang nagdaan, para bang sumalimbay sa harap ko. Ang nakasakay rito ay para bang walang pakialam sa mundo. Nagkahilig ako sa mga motorsiklo ora mismo!

Nang dakong huli ng taóng iyon nang magtapos ako sa eskuwela, ginamit ko ang aking pinag-ipunang pondo mula noong aking kabataan at bumuli ako ng isang malaking 750 cc motorsiklong yari sa Inglatera. Nang tag-araw na iyon ako’y naglakbay sa mga estado sa Gitnang-kanluran, tumigil ako sa Iowa, kung saan ako ay pumasok sa kolehiyo.

Ang “Pamilya” ng Motorsiklo

Ang Digmaan sa Vietnam ay sumisige, at para sa marami sa aming mga kabataan, ito ay isang mahirap na panahon sa aming buhay. Ang kaisipan na pagtungo sa digmaan at pagpatay ay nakasusuklam sa akin. Gayunman, kung hindi ako mananatili sa kolehiyo, doon ako mapupunta​—nang sapilitan. Nagpasiya akong magsalita bilang pagprotesta, kasama ng maraming iba pang mga kabataan na nawalan ng tiwala. Sumali ako sa isang pangkat na laban sa digmaan, subalit ang kanilang mga miting ay masyadong disorganisado. Pagkaraan ng maikling panahon, natanto ko na hindi mababago ng grupong ito ang sistema at magdala ng mas mabuting mga kalagayan. Saka ko pinag-isipan ang pagsali sa iba pang grupo ngunit natuklasan ko na sila ay kasangkot sa iba pang mga gawa ng karahasan. Sa pakiwari ko’y hindi ito tama​—paggamit ng karahasan upang tutulan ang karahasan.

Noong ako’y nasa kolehiyo, natalos ko rin ang relihiyosong pagpapaimbabaw. Bilang isang Katoliko, ako’y naturuan na yaong mga gumagawa ng masasamang bagay ay magtitiis magpakailanman sa impiernong apoy kapag sila’y mamatay. Sa akin wari bang iilang tao lamang ang maaaring maging napakabanal sa kanilang buhay anupa’t sila’y magtutungo sa langit. Para sa akin wari bang mahirap unawain nang malaman ko na sinasang-ayunan ng simbahan sa kabuuan ang pakikipagbaka sa digmaan at pagpatay ng tao. Nawalan ng tiwala, hindi na ako dumalo sa mga serbisyo ng simbahan at itinuring ko ang aking sarili na hindi na bahagi ng Iglesya Katolika. Sa paghahanap ng higit pang pagkaunawa, kumuha ako ng kurso sa pilosopiya ng relihiyon. Ang aking instruktor pala ay isang ateista at tinuruan kami na kung paanong walang Santa Klaus, wala rin namang Diyos!

Sa panahong ito ang tanging mga bagay na walang pagbabagong nanatili ay ang aking malakas na pag-inom at ang aking pagmumotorsiklo. Bigo sa kolehiyo at sa buhay sa pangkalahatan, lumipat ako sa New Orleans, sa kadulu-duluhan sa Timog. Dito ko nakilala ang isang pangkat ng iba pa na nagtataguyod ng katulad na mga bagay na itinataguyod ko. Marami sa kanila ang naiinis din sa lipunan. Tinuruan nila ako ng maraming bagay na may kaugnayan sa pagbuo ng motorsiklo; hinanapan nila ako ng trabaho at inalagaan ako nang ako’y magkasakit. Ang pagmamalasakit na ito ang umakit sa akin na sumama sa kanila bilang isang grupo.

Ang aming “pamilya” ay lumaki upang isama ang mga pangkat mula sa mga lunsod sa buong Estados Unidos. Kung tag-araw kami ay nagmumotorsiklo sa buong Gitnang-kanluran, hanggang sa hilaga sa Minnesota at Wyoming, hanggang sa dulong kanluran sa California, at hanggang sa Mexico pa nga. Dinalaw namin ang maraming mga parke ng estado at aming tinamasa ang kagandahan at kapayapaan sa lalawigan.

Kasama sa paraan ng aming pamumuhay ang paggugol ng maraming panahon sa pag-inom sa mga bar. Ang ilan sa mga kasamahan namin ay nasisiyahan sa bakbakan, subalit ako’y hindi. Naging mahusay ako sa pagmanman sa mga kalagayan na humahantong sa mga labanan at iniiwasan ko ito. Gayunman, sa ibang panahon ang mga tao ay gumagawa ng mga bagay na hindi ko masupil, kaya’t ako’y makikisali upang turuan sila ng leksiyon. Minsan ako’y nakatayo sa labas ng isang bar nang sa-daraan ang isang motorsiklo. Tinitingnan ko kung sino ito, nang tutukan ako ng baril niyaong nakasakay sa motorsiklo at barilin ako! Kung paanong hindi niya ako tinamaan, hindi ko alam.

Ang mga Epekto ng Pagpatay sa Kapuwa

Natalos ko na walang tunay na kaligayahan sa naghahangad-kalayawang paraan na ito ng pamumuhay. Pagkatapos ako’y nag-asawa, subalit ang pag-aasawa ay hindi nakabuti; tumagal lamang ito ng tatlong buwan. Nang maglaon, ang motorsiklo ko ay ninakaw. Pagkatapos isang gabi, pagkaraang uminom nang labis, nagkaroon ako ng mainit na pakikipagtalo sa aking matalik na kaibigan. Ako’y lubhang nanlumo. Sinisikap na wakasan ang lahat ng ito, nilunok ko ang isang dakot na mga pildoras. Saka ako nahiga upang mamatay sa prinsa ng Ilog Mississippi. Gayunman, nagising ako sa ospital. Sa dalawa pang okasyon, nagwakas din ako sa ospital dahil sa aking problema sa pag-inom.

Pagkatapos ay dumating ang isang umagang hindi ko malilimutan. Noong alas singko tumanggap ako ng isang tawag sa telepono na nagsasabi sa akin na isa sa aking matalik na kaibigan ay nabaril at namatay. Nakipag-inuman siya na kasama ng dalawa pang membro ng samahan, at inawat nila ang isang lalaki na binubugbog ang isang babae. Ang babae pala na binubugbog ng lalaki ay asawa niya. Binaril at napatay niya ang aking kaibigan. Kaming lahat ay nabigla, at ginugol ko ang maghapon nang sumunod na araw na kasama ng kaniyang kapatid, isinasaayos ang libing.

Samantalang nag-iisa sa gabi roon sa punerarya, hinipo ko ang mukha ng aking kaibigan. Siya ay malamig, matigas, at walang buhay. Saan na kaya siya nagpunta? Gayon na lamang ba iyon​—ang wakas ng lahat ng bagay? Tiyak na mayroon pang higit kaysa rito​—buhay na iilang taon lamang, saka niwawakasan ang lahat ng ito ng kamatayan. Natanto ko na wala akong kabatiran tungkol sa buhay, at mula noon ay sinikap kong alamin. Sinubukan ko ang espiritismo, at maraming beses na para bang makakausap na sana namin ang aking kaibigan. Subalit ito’y pawang malabo at hindi pa rin nito sinasagot ang aking mga katanungan.

Ano ba ang Layunin ng Buhay?

Isang gabi nasobrahan ko ang pag-inom at ako’y nawalan ng malay samantalang ako’y nagmumotorsiklo. Sa aksidente na nangyari, grabe ang pagkapilay ko sa aking bukung-bukong. Hindi ako makalakad at kinailangan kong manatili sa bahay sa loob ng dalawang linggo. Sa panahong ito, isang lalaki at ang kaniyang nakababatang anak na lalaki ay kumatok sa aking pinto. Nais nilang ipakipag-usap sa akin ang tungkol sa Bibliya. Pinatuloy ko sila. Sinabi nila sa akin na sila’y mga Saksi ni Jehova. Yamang hinding-hindi ko pa narinig ang pangalang iyan noon, tinanong ko sila kung sila ba’y isang bagong relihiyosong pangkat. May kabaitang ipinakita sa akin ng lalaki mula sa Bibliya na ang pangalan ng Diyos ay Jehova at na sila’y nakikipag-usap sa mga tao tungkol sa kaniya. Bago iyan sa akin. Ang Diyos ay may pangalan, Jehova. Hindi iyan itinuro sa akin ng relihiyosong pagsasanay na tinanggap ko bilang isang kabataan. Nag-isip tuloy ako kung ano pa kaya ang hindi itinuro sa akin.

Pagkatapos ipinakita nila sa akin na ang Bibliya ay bumabanggit tungkol sa katapusan ng sanlibutan, o sistema ng mga bagay, na kinabubuhayan natin. Ang “katapusan ng sanlibutan”! Bakit hindi ako sinabihan nito noon? Ito ay nagbukas ng daan sa marami pang pag-uusap na nang panahong iyon ay marami akong katanungan. Iniwan nila sa akin ang aklat na Ganito na Lamang ba ang Buhay? Hindi ko ito mabasa nang mabilis, sapagkat sa wakas ay nasusumpungan ko kung ano nga ba ang buhay.

Nalaman ko na hindi layunin ng Diyos na tayo ay mamuhay sa gayong maikling panahon at pagkatapos ay mamatay. Nalaman ko ang tungkol sa dumarating na pagwawakas sa kamatayan at sa pag-asa ng buhay na walang-hanggan sa isang paraisong lupa. Kung tungkol sa mahal kong kaibigan, nalaman ko na siya ay walang malay at hindi naghihirap saanman; bagkus, siya ay mahimbing na natutulog, naghihintay ng isang pagkabuhay-muli buhat sa mga patay. Anong dakilang pag-asa iyan! Marahil ay makikita ko siyang muli!​—Apocalipsis 21:4, 5; Eclesiastes 9:5; Juan 5:28, 29.

Isang Mahirap na Pasiya

Ang aming pag-uusap sa Bibliya ay nahinto nang magtungo ako sa pinakamalaking paglalakbay ng samahan sa motorsiklo na binalak nang tag-araw na iyon. Sinabi ko sa kaibigan kong Saksi, si Daniel, na tatawagan ko siya pagbalik ko. Binigyan niya ako ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-hanggan. Sa sumunod na apat na linggo ng paglalakbay, tuwing hihinto kami upang magpahinga binabasa ko ang isang bahagi ng aklat. Pagbalik ko, tinawagan ko si Daniel. Gumawa kami ng mga kaayusan upang pag-aralan ang Bibliya na magkasama, at pagkatapos ng unang pag-aaral, inanyayahan niya akong dumalo sa isang pulong sa Kingdom Hall nang sumunod na Linggo ng hapon.

Ngayon, mayroon planong paglalakbay ang aming samahan sa motorsiklo nang Linggong iyon, at ako ay inaasahang naroroon upang manguna. Dumating ang Linggo ng umaga at kami’y umalis. Huminto kami sa isang bar, at ang lahat ay nag-inuman. Bandang ala-una marahan akong lumabas, pinaandar ko ang aking motorsiklo, at nagbalik ako sa lunsod. Nang ika-3:00 n.h., naroon ako sa Kingdom Hall, na nakasuot na T-shirt, maong, boots, may balbas, at ang aking buhok ay nakatali. Masigla akong tinanggap ng mga Saksi, hindi binabanggit ang anuman tungkol sa aking hitsura. Hinimok nila akong bumalik. Bumalik naman ako, at mula noon ay patuloy akong dumalo sa mga pulong.

Gayunman, ang unang buwan ay mahirap sapagkat ako ay dumadalo pa sa lingguhang pulong ng samahan sa motorsiklo. Hindi nagtagal ay nakita ko na kung magpapatuloy ako sa samahan sa motorsiklo, mahihirapan ako sa pagkakapit at pamumuhay sa mga simulain ng Bibliya. Kaya ako’y nagpasiyang iwan ang samahan sa motorsiklo. Mahirap iwan ang mga kasama kong iyon. Sa loob ng maraming taon, naranasan namin ang maraming bagay na sama-sama, at ito ang mahigpit na nagbuklod sa amin. Sa kabilang dako, nakagiginhawang iwan ang marahas na daigdig na iyon at pumasok sa mapayapang pambuong-daigdig na organisasyon ni Jehova. Ipinagbili ko pa nga ang riple na lagi kong katabi sa aking higaan.

Huwag Mong Isubo ang Iyong Daliri sa Apoy

Anim na buwan pagkatapos na ako’y mag-aral, ako ay nabautismuhan. Sa maikling panahong ito, sa tulong ni Jehova, nadaig ko ang aking bisyo sa pag-inom, at ang aking pag-uugali sa pangkalahatan ay bumuti. Ako ngayon ay nasisiyahan sa pagdalaw sa mga tao sa kanilang mga tahanan na gaya nang dalawin ako ni Daniel sa simula. Mula sa Bibliya, sinisikap kong ipakita sa aking kapuwa na ang Diyos na Jehova ay may isang pamahalaan na magbabawal sa karahasan, na mamamahala nang may katarungan, at na magbibigay ng lahat ng matuwid na mga bagay na hindi maibigay ng mga pamahalaan ng tao, at na sa malapit na panahon wala nang mga taong mararahas na matitira sa lupa. Ito lalo na ay nakaakit sa akin dahilan sa aking mga karanasan noon sa karahasan, kaya naidiriin ko ito nang husto.​—Apocalipsis 11:18.

Ako’y pinagpala ng Diyos na Jehova ng isang mapagmahal na asawang Kristiyano at dalawang magagandang anak. Kaming apat ay gumagawang sama-sama sa bahay-bahay at dumadalo sa Kristiyanong mga pulong at mga kombensiyon. Ako’y may pribilehiyo na maglingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa kongregasyong Kristiyano. Oo, iniwan ko ang karahasan at ako’y nakasumpong ng tunay na kapayapaan. Anong laking pagkakaiba! Pagkatapos magbalik sa New Orleans, nabalitaan ko ang kamatayan ng dalawa sa aking dating mga kaibigan. Mula nang ako’y narito sa Louisiana, tatlo pa ang nabaril at napatay. Kung hindi dahil kay Jehova, saan na kaya ako ngayon?

Sa mga kabataan, nais kong sabihin na bagaman ang sanlibutan ay waring kaakit-akit at kapana-panabik, huwag mong isubo ang iyong daliri sa apoy. Dati akong nasa sanlibutan at natikman ko itong lahat. Wala namang nawawala sa inyo. At sa inyo na naghahangad na magkaroon ng kaugnayan kay Jehova subalit nag-aakalang hindi ninyo magagawa ang kinakailangang mga pagbabago, pakisuyong bigyang-pansin ang nakapagpapatibay-loob na mga salita ni Jesus: “Sa Diyos ang lahat ng bagay ay mangyayari.” (Mateo 19:26)​—Gaya ng isinaysay ni David L. Wirges.

[Larawan ni David L. Wirges at ang kaniyang pamilya sa pahina 18]

[Larawan sa pahina 20]

Noong aking marahas na mga kaarawan ng pagmumotorsiklo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share