Ang Malaon Ko Nang Pakikipagbaka Upang Masumpungan ang Tunay na Pananampalataya
Lagi kong ikinatatakot na ako’y mapupunta sa impiyerno, alam kong hindi ako ganoong kabait upang mapunta sa langit. Inakala kong masuwerte na kung mapunta ako sa purgatoryo, kaya ako’y taimtim na nanalangin at nagsindi ng mga kandila upang huwag mapunta sa impiyerno.
HABANG ang mga gulong ng aking kotse ay dumausdos at dumulas sa mayelong mga daan sa isang daanan sa bundok sa Oregon, E.U.A., naitanong ko kung ano bang problema ang napasukan ko. Ito ang una kong karanasan ng pagmamaneho sa niyebe, at narito ako sa gitna ng isang bagyo ng yelo sa di-pamilyar na mga daan, na may malalalim na bangin sa magkabilang tabi, bahagya nang makita ang harapan ng kotse. Batid kong mamamatay kami, kaya nanalangin ako sa Diyos na iligtas ang aking pasahero at ako at na babayaran ko siya sa pamamagitan ng panunumbalik sa simbahan.
Buweno, nakarating din kami sa aming patutunguhan, at tinupad ko ang aking panata na manumbalik sa simbahan. Nakakita ako ng isang lokal na simbahan sa Seattle sa pamamagitan ng paghahanap sa direktoryo ng telepono at nagtungo ako roon nang sumunod na Linggo. Nagbigay ito sa akin ng gayunding hungkag na damdamin na naranasan ko noon. Idiniin ng simbahan ang gayunding bagay na gaya sa dati kong simbahan, salapi. Ang basket ay ipinapasa nang tatlong ulit! Natatandaan ko pang sinabi ko sa Diyos na ako’y maghahanap ng ibang paraan upang sambahin siya.
Bilang isang bata, ako’y pinalaki na isang mahigpit na Katoliko sa isang militar na tahanan. Ako’y nag-aral sa isang paaralang Katoliko. Natatandaan ko pa ang pagdalo sa isang klase ng katekismo at tinatanong ang madre: “Bakit hindi natin ginagamit kailanman ang Bibliya?” Ako’y sinabihan na napakahina ko sa pananampalataya, ilang ulit na ipinagbigay-alam sa aking mga magulang ang tungkol sa aking kahinaan.
Ako’y pinalaki na may takot sa Diyos. Mayroon akong malabong idea tungkol sa kaniya. Siya’y isang Diyos na karapat-dapat na sambahin subalit pinahihirapan ka kapag hindi mo siya sinamba nang tama. Nang ako’y 17, sinabi ko sa aking mga magulang na hindi na ako magsisimba pa. Nadarama kong ako’y mas malapít sa Diyos saanman maliban sa simbahan. Madalas akong maglakad sa dalampasigan, at kung may bumabagabag sa akin, kinakausap ko ang Diyos tungkol dito. Humihingi ako ng paumanhin sa kaniya dahil sa pakikipag-usap sa kaniya nang hindi gumagamit ng isang pari, ipinaaalam sa kaniya na kailangan ko lamang sabihin sa kaniya kung ano ang nasa aking isipan. Nasisiraan din ako ng loob dahil sa lahat ng bagay na nakikita kong nangyayari sa daigdig. Ito ang panahon ng mga hippie, at ang aking mga kaibigan ay nasangkot sa kahit-ano-puwede na sekso at droga. Nakita ko ang malungkot na mga resulta ng di-naiibigang pagbubuntis, aborsiyon, sobrang dosis ng droga—ayaw kong maging bahagi niyan!
Nagsimula ang Paghahanap
Kami ni Becky, isang matalik na kaibigan, ay nagpasiyang umalis ng kolehiyo para maghanap ng isang bagay na mas mabuti. Dapat na may mabuting bagay! Nagpasiya kaming dalawin ang kaniyang nanay sa Estado ng Washington. Sinabi ko sa aking mga magulang na kailangan kong lumayo, upang kalimutan ang mga problema na bumabagabag sa akin. Iyan nga ay noong maglakbay kami na bumabagyo ng yelo sa Oregon. Pagkatapos umalis ng simbahan sa pagkayamot nang Linggong iyon sa Seattle, umuwi ako ng bahay at nakipag-usap sa nanay ni Becky, si Edna, tungkol sa aking mga damdamin. Sinabi niya sa akin na may nakikilala siya na makasasagot sa aking mga katanungan. Tinawagan niya ang mga Saksi ni Jehova sa Kingdom Hall.
Natatandaan ko ang paghihintay sa kanilang pagdating. Tumagal ito ng tatlong araw. Subalit nang dumating sila, naisip ko na sila na ang pinaka-mukhang Kristiyanong mga tao na kailanma’y nakita ko sa aking buhay. Ito’y sina Clarence at Edith Meunier. Si Clarence ay isang nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead at maliwanag na alam na alam niya ang Kasulatan. Agad akong humanga nang ipaliwanag nila na ang Diyos ay may pangalan—Jehova. Para bang may umilaw sa aking ulo. Ang unang pag-aaral ay tumagal ng tatlong oras, at sila’y bumalik pagkaraan ng dalawang araw para sa isa pang pag-aaral.
Tuwang-tuwa ako. Di-nagtagal ay tinawagan ko sa telepono ang aking mga magulang at sinabi ko sa kanila na nasumpungan ko na ang katotohanan. Sinabi ko sa kanila na ang Diyos ay may pangalan, Jehova, at na ang mga Saksi ni Jehova ay nagtuturo ng katotohanan ng Bibliya. Alam kong hindi pa sila kailanman nakarinig tungkol sa mga Saksi ni Jehova at natitiyak kong matutuwa silang matutuhan ang natututuhan ko. Subalit, narinig na nila ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova at lubha silang nabalisa. Dumating sila upang isama ako pabalik sa California.
Pagdating ko ng bahay, alam kong kailangan kong makipagkita agad sa kongregasyon. Hinanap ko ang Kingdom Hall at nagtungo roon nang sumunod na pulong at naupo. Isang sister ang tumingin sa akin at ngumiti, kaya tinanong ko siya kung gusto ba niyang makipag-aral sa akin. Nagulat siya at agad na tinanggap ang alok ko. Tuwang-tuwa ako na makabalik sa kongregasyon sapagkat nadarama kong ako’y nabubukod. Kailangan ko ang pakikisama ng mga kapatid.—Hebreo 10:24, 25.
Nagsimula ang Pag-uusig Mula sa Pamilya
Ang aking mga magulang ay masyadong tutol pa rin sa aking bagong relihiyon kaya’t ako’y ipinadala sa isang saykayatris. Nang hingin ng aking mga magulang ang ulat, sinabi niya sa kanila na ako’y nagrerebelde. Sinabi ko sa kanila na hindi ako nagrerebelde. Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay na ako’y nakasumpong ng isang bagay na nagbigay sa akin ng mga kasagutan, na nagbigay sa akin ng dahilan upang mabuhay.
Pagkatapos nito, nang ako’y magtungo sa Kingdom Hall, galit na galit ang aking mga magulang. Sinabi nila sa akin na maaari akong mag-aral sa anumang kolehiyo na gusto ko, kumuha ng anumang kursong gusto ko, at babayaran nila ito, ngunit kailangang itigil ko na ang anumang kaugnayan ko sa mga Saksi ni Jehova. Ito’y lalo nang naging mahirap batahin dahil sa pag-ibig ko sa aking pamilya. Isang totoong napakasamang araw nang sabihin sa akin ng nanay ko na gugustuhin pa niyang makita akong isang patutot kaysa isa sa mga Saksi ni Jehova. Puwede kong gawin ang lahat, huwag lang maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Pinalayas ako ng aking mga magulang. Ang Awit 27:10 ay sumaisip ko: “Bagaman pabayaan ako ng aking ama at ng aking ina, gayunma’y kukupkupin ako ni Jehova.” Isang sister sa kongregasyon ang may bahay na walang nakatira, at ipinagamit niya ito sa akin.
Nakilala ko ang isang sister sa Kingdom Hall na, tulad ko, ay bago pa sa katotohanan. Ang pangalan niya ay Chris Kemp, at kami’y naging matalik na magkaibigan at naging magkasama kami sa bahay. Kami’y nabautismuhan noong Hulyo 18, 1969, sa Dodger Stadium sa Los Angeles.
Sa mga pulong sa kongregasyon, minamasdan namin ang isang sister na buong-panahong payunir, si Dana Wolff. Napakaespirituwal niya. Nalaman namin na kailangan niya ng lugar na matutuluyan, kaya nagkaroon kami ng isang kahanga-hangang kakuwarto.
Natatandaan ko ang aking unang bahagi sa pulong. Mayroon akong pagtatanghal, at paulit-ulit ko itong sinanay. Isa itong pagtatanghal tungkol sa pag-aalok ng isang aklat, at saulado ko ito. Subalit, sa huling minuto, isinulat ko ito at inilagay ito sa aking bulsa. Nagtungo ako sa entablado at nakalimutan ko ang lahat. Sabi ko: “Kumusta . . . Kumusta . . . Kumusta.” Limang ulit kong sinabing kumusta. Wala akong matandaan. Kaya tumingin ako sa mga tagapakinig at nagsabi: “Hindi ko karaniwang ginagawa ito sa mga maybahay.” Saka ko inilabas ang aking gusot na papel at binasa nang salita-por-salita kung ano ang dapat kong sabihin. Nang matapos na ako, ako’y nagtungo sa aking upuan at umiyak.
Ang brother na humiling sa akin na magtanghal ay nagtanong sa mga tagapakinig: “Ano ang natutuhan natin mula sa pagtatanghal?” Ang bulwagan ay tahimik. Pagkatapos ako ay tumayo, humarap ako sa mga tagapakinig, at nagsabi: “Paano sila matututo ng anuman? Nakakahiya ako. Mangyari pa wala silang natutuhan!” at ako’y naupo at muling umiyak. Alam kong ang aking mga bahagi ngayon ay mabuti-buti na—kaysa noon.
Hindi nagtagal pagkatapos niyan, nagsimulang ipakipag-usap ni Dana ang tungkol sa pagnanais niyang makasumpong ng isa na magtutungo kung saan may higit na pangangailangan at magpayunir na kasama niya. Nang gabing iyon kami ni Chris ay pumasok sa aming silid at pinag-usapan namin ang tungkol dito. Bumalik kami kinabukasan at tinanong si Dana: “Puwede ba kami?” Nagulat si Dana. Kami’y mga baguhan; kailan lamang kami nabautismuhan upang maging mga regular payunir! Hindi man lamang niya kami naisip na maging mga kasama. Gayunman siya’y sumulat sa Samahang Watchtower, at kaming tatlo ay inatasan sa Middlesborough, Kentucky.
Nabigo ang Pagsalansang ng Aking Pamilya
Iniimpake namin ang aming mga gamit nang tumawag ang aking mga magulang upang sabihin sa akin na hindi ko maaaring ilabas sa estado ng California ang aking kotse. Sila ay mga kasamang lumagda sa pag-utang ko ng aking kotse at sinabi nila sa akin na tatawagan nila ang pulis kung sisikapin kong ilabas ng estado ang kotse. Saka kami nagpasiyang sumakay ng bus. Sa isang salu-salo para sa aming pag-alis, isang brother na nakilala ko noon ang lumapit at nagsabi: “Nabalitaan kong $3,000 pa ang babayaran mo sa iyong kotse.” Sumagot ako ng oo. Sinabi niya na nais niyang bayaran ito. Sinabi ko na hindi ko siya mapapayagang gawin iyon. Gumawa siya ng mga kaayusan na ako’y makipagtipon sa mga kapatid na lalaki sa aming kongregasyon. Sabi nila: “Kung nais niya, hayaan mong gawin niya ito. Huwag mong labanan ang espiritu ni Jehova.” Kaya ang kotse ay nabayaran. Ang mga magulang ko ay galit na galit gayunma’y takang-taka sila na may gagawa niyaon. Kami’y umalis patungong Kentucky kinabukasan.
Pagdating namin sa Middlesborough, kami’y binigyan ng isang apartment na matitirhan na nasa likod ng isang lumang Kingdom Hall. Walang insulasyon. Napakalamig kung taglamig. Malamig na nga kahit sa tag-araw, ngunit natutuwa kami’t mayroon kami nito dahil hindi namin kayang umupa. Mayroon lamang kaming isang maliit na pampainit. Patung-patong ang aming damit kung taglamig, kahit na sa pagtulog. Sa umaga kung minsan ay may sapin ng yelo sa buong sahig, at ang aming mga medyas ay dumidikit dito. Sa banyo kami ay laging may martilyo upang basagin ang nagyelong tubig sa banyo sapagkat ito’y nagyeyelo sa magdamag.
Kami ni Chris ay limang buwan pa lamang sa pagiging buong-panahong mga ministro, ngunit kami ay nagdaraos na ng maraming mahuhusay na pag-aaral sa Bibliya, at talagang nakatutuwang kami’y naroroon. Maligayang-maligaya kami anupat kami’y nakagugugol ng katamtamang mahigit 150 oras sa isang buwan noong mga unang buwan ng aming pagpapayunir. Nais ni Dana na maging isang pansamantalang espesyal payunir sa tag-araw kaya’t nagpasiya siyang magtungo sa punong-tanggapan ng mga Saksi sa New York. Hindi pa kami kailanman nakarating doon, kaya nagpasiya kaming sumama sa kaniya. Samantalang naroroon, si Dana ay nagtungo sa Service Department, at kami’y sumama sa kaniya. Sa pagtataka namin kaming tatlo ay inatasan nilang maging pantanging buong-panahong mga payunir.
Hindi Tumupad sa Kaniyang Salita ang Aking Ama, Maling Ikinapit ang mga Kasulatan
Noon mismong buwang nagsimula ako sa paglilingkod bilang espesyal payunir, puspusan naman ang pagsisikap na ginawa ni Satanas upang pahinain ako. Tumanggap ako ng isa-isang inilistang pagkakautang mula sa bangko na nagsasabing kailangan kong magbayad ng $32.80 isang buwan para sa aking edukasyon sa kolehiyo. Ito’y dumating nang hindi ko inaasahan, sapagkat sinabi sa akin ng aking mga magulang na sila ang magbabayad sa aking pag-aaral sa kolehiyo kung mapananatili ko ang katamtamang marka na A, na ginawa ko naman. Sinulatan ko ang aking ama na huwag akong ituring na isa sa mga Saksi ni Jehova may kinalaman sa bagay na ito kundi ituring ako bilang kaniyang anak. Ipinaalaala ko sa kaniya sa maibiging paraan ang kasunduang ginawa namin tungkol sa aking edukasyon, na kung mapananatili ko ang aking mga marka na hinihiling niya, babayaran niya ang aking edukasyon. Hiniling ko sa kaniya na pakisuyong huwag naman niyang ipapasan sa akin ang pagbabayad nito sapagkat magiging napakahirap para sa akin na mabayaran ito, yamang ako ay mayroon lamang $50 isang buwan, na ikinabubuhay. Ang pagbabayad ng $32.80 isang buwan ay mag-iiwan lamang sa akin ng $17.20 na ikabubuhay.
Ang aking ama ay tumugon sa pamamagitan ng isang kasulatan sa loob ng sulat. Sulat niya: “Yamang lagi mong ginagamit ang Bibliya, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kasulatang ito: ‘Ang sinumang ayaw gumawa, ay huwag din namang kumain.’ Hindi mo ginagamit ang iyong edukasyon sa anumang bagay na kapaki-pakinabang, kaya kailangan mong bayaran ang mga ito sa bangko.”—2 Tesalonica 3:10.
Nang matanggap ko ang maikli at pabigla-biglang mensahe, labis akong nasaktan. Sumakay ako sa aking kotse, nagtungo sa kung saan na mag-isa, at umiyak sapagkat hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Pagkatapos ako’y huminto sa pag-iyak at ako’y nagalit. Natalos ko na hindi ang mga magulang ko ang laban sa akin kundi si Satanas. Sinigawan ko si Satanas na lumayo siya sa akin, na hindi siya mananalo, na hindi siya magtatagumpay na ako’y pahintuin sa pagpapayunir.
Maraming Paghihirap, Maraming Pagpapala
Nakakuha ako ng isang part-time na trabaho na nagtatrabaho ng 20 oras sa isang linggo—11 oras sa isang araw at 9 na oras sa susunod—at ako’y nagpatuloy sa espesyal na pagpapayunir. Madali kong natutuhan kung paano sasamantalahin ang mga baratilyo. Ang aking damit sa taglamig ay apat na palda sa halagang isang dolyar. Ang aking coat sa taglamig ay $1.50. Ako’y naglampaso ng mga sahig upang may maibili akong isang pares ng $20 na bota. Kaming lahat ay kailangang magsumikap. Upang makapag-ipon ng pera, nagbukas ako ng kuwenta sa bangko. Kung minsan ako’y maghuhulog ng 25 cents at saka ko ilalabas ito para pambayad sa gasolina. Sa palagay ko’y naiinis sa akin ang mga teler sa bangko kapag nakikita nila akong pumapasok. Sa wakas ay isinara nila ang aking kuwenta—dahil sa napakaliit na pera nito. Humihinto ako sa gasolinahan at magpapakarga ng halagang 25 cents na gasolina. Nang maglaon inaakala kong nagbubuntunghininga ang mga nagsisilbi sa gasolinahan kapag nagpapakarga ako ng gasolina. May mga panahon na wala kaming kapera-pera para sa gasolina. Maraming beses na kami’y sasakay ng kotse, nalalamang kakaunti na lamang ang aming gasolina ngunit alam din namin na mayroon kaming pag-aaral sa Bibliya na pupuntahan. Kung minsan kapag kami’y nagtutungo sa tanggapan ng koreo, kami’y makasusumpong ng isang dolyar sa loob ng sulat mula sa kung sino—sapat lamang upang kami’y makaraos. Sa lahat ng problemang ito, nakikita namin ang kamay ni Jehova sa aming buhay. Nakaaantig ng damdamin.
Naaalaala ko ang pagkolekta ng itinapong mga bote upang ipagbili para mayroon lamang kaming mailagay na selyo sa aming mga sulat. Ako’y nag-ipon sa loob ng tatlong buwan para sa isang pares ng $8 na sapatos. Pagkatapos isang napakapersonal na bagay ang nangyari sa akin. Mayroon na lamang akong dalawang pares ng kasuutang panloob. Nanalangin ako kay Jehova at sinabi ko sa kaniya na inaakala kong ito’y isang bagay na hindi naman talaga angkop na ipanalangin, subalit hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Pagkaraan ng dalawang linggo, tumanggap ako ng isang balutan na may 17 salawal, isang kamison, isang blusa, at iba pang bagay! Lahat ay buhat sa isa na hindi ko na nabalitaan sa loob ng isang taon.
Isa sa pangunahing problema sa lugar ay ang pagkokontrabando ng alak. Dahil sa ilegal na mga gawain nila, ang mga tao sa ilang teritoryo ay masyadong malakas ang ugnayan ng angkan at mapaghinala sa mga estranghero. Gayunpaman, nagkaroon ako ng maraming pinagdarausan ng pag-aaral, at ako sa wakas ay naglilingkod sa larangan humigit-kumulang 25 oras sa isang linggo na mag-isa ako. Kailanman ay hindi pa ako nakadama na mas malapit kay Jehova kaysa noon sapagkat kailangan kong lubusang magtiwala sa kaniya. Natututuhan mo na hindi ang mga bagay na taglay mo ang mahalaga kundi ang iyong kaugnayan kay Jehova. Natututuhan mo na ang materyal na mga bagay ay hindi nagpapaligaya sa iyo; si Jehova ang nagpapaligaya sa iyo.—Lucas 12:15.
Nagtamo Ako ng Isang Bagong Maibiging Pamilya
Noon mismong buwang natapos kong bayaran ang aking pagkakautang para sa aking edukasyon sa kolehiyo ay nakilala ko ang aking mapapangasawa at matalik na kaibigan, si Jeff Malone. Siya’y nasa Bethel, at pagkalipas ng isang taon kami’y nagpakasal. Nang pakasalan ko si Jeff, hindi ko lamang siya napangasawa kundi natamo ko rin ang kaniyang inay, kapatid na babae, at tiyo, na mahal na mahal ko. Ang aming pag-ibig kay Jehova ang nagbubuklod sa amin nang higit sa anupamang panali. Kami’y nabigyan ng atas sa Union City, Tennessee, bilang mga espesyal payunir. Kami’y apat na buwan pa lamang na naroroon nang kami’y mag-aplay para sa Bethel at kami’y tinanggap.
Umalis kami ng Bethel noong 1980, at ang aming anak na babae, si Megan, ay isinilang nang dakong huli ng taóng iyon. Ang aming anak na lalaki, si J. T., ay isinilang noong 1983. Kami ni Jeff ngayon ay kapuwa naglilingkod bilang mga regular payunir kasama ng Forest Hill Congregation sa Fort Worth, Texas.
Nagpasiya kaming gagawin namin ang lahat ng aming magagawa upang mapalaki ang aming mga anak na ibigin si Jehova. Kahit na si Jeff ay naglilingkod bilang isang matanda, lagi niyang inuuna ang espirituwal na mga kapakanan ng aming pamilya. Sinunod namin ang mungkahi ng Samahan tungkol sa regular na pagdalo sa mga pulong, pagbabasa sa mga bata, pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan, pagtalakay ng teksto araw-araw, at pagtungo sa mga proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall. Kami kapuwa ay madalas na gumugugol ng mahigit na isang oras sa pagpapatulog sa mga bata—umaawit sa kanila, nagbabasa ng mga kuwento sa Bibliya sa kanila, nananalangin para sa bawat isa sa kanila. Ang tunguhin ng aming pamilya ay na kaming lahat ay magkakasamang naglilingkod nang buong-panahon. Isang bagay ang laging matinding nadarama namin sa nakalipas na mga taon—ang pagiging magkasama bilang isang pamilya, ginagawa ang mga bagay bilang isang pamilya, kapuwa sa gawain at sa laro.
Ginugunita ang nakaraan, mapatutunayan ko na tama si David nang sabihin niya: “Ano ang aking ibabayad kay Jehova dahil sa lahat niyang kabutihan sa akin?” (Awit 116:12) Walang anumang bagay na nagawa si Satanas na hindi maaaring pawalang-bisa ni Jehova. Mayroon akong isang malapít at maibiging pamilya na kasama si Jeff at Megan at J. T., pawang nagkakaisa sa paglilingkod kay Jehova; at bukod pa riyan, nagkaroon ako ng isang kahanga-hangang pambuong-daigdig na pamilya dahil sa pagiging bahagi ng organisasyon ni Jehova. Isang bagay ito na pasasalamatan ko magpakailanman.—Gaya ng inilahad ni Karen Malone.
[Larawan sa pahina 23]
Si Karen kasama ang kaniyang asawa at dalawang anak