Mga Biták sa Gusali
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pransiya
NANG araw na iyon ang malaki at matibay na mga tore sa katedral ng Notre Dame sa Paris ay waring kumakatawan sa katatagan ng tradisyunal na Iglesya Katolika Romana. Sa malaking plasa sa harap ng ika-12 siglong gusali, ginugunita ng isang opisyal na prusisyon ng simbahan ang maluwalhating pag-akyat sa langit ni Maria.
Kakatuwang sabihin, gayunman, na noon ding Agosto 15, 1986, mga ilang daang metro ang layo sa ibayo ng Ilog Seine, isang karibal na prusisyon ang nag-anyo sa harap ng simbahang Katoliko na Saint-Nicolas-du-Chardonnet. Habang ang prusisyon ay lumiligid sa mga lansangan ng Latin Quarter, ito’y sinusundan ng ilang libong mga Katoliko, iniuulat na mas marami kaysa naroon sa opisyal na seremonyang ginanap sa Notre Dame. Gayunman, ang kapuwa mga prusisyon ay inorganisa ng mga pari ng Iglesya Katolika Romana, at kapuwa bilang pagpaparangal kay Maria. Bakit ang dalawang magkaribal na mga prusisyon upang ipagdiwang ang iisang kapistahang Katoliko?
Inilalarawang mainam ng pangyayaring ito ang mga biták na ngayo’y humahati sa Iglesya Katolika. Ang mga ito ay kumakalat sa lahat ng direksiyon, dinaraanan at hinahati ito mula sa kaliwa pakanan at mula sa itaas pababa.
Mga Katolikong Progresibo Laban sa Tradisyunal
Sa kaliwa ay ang mga Katolikong progresibo, o liberal. Marami rito ay natutukso ng tinatawag na teolohiya sa pagpapalaya, na nagmula sa Latin Amerika. Para sa mga ito, ang ekumenismo, sosyalismo, at pati na ang komunismo ay mga salitang hindi nakatatakot. Subalit kahit na sa Latin Amerika, hindi lahat ng mga Katoliko ay sang-ayon sa teolohiya sa pagpapalaya. Sa Brazil, halimbawa, ang klerong Katoliko mismo ay nahahati sa pagitan ng mga progresibo at mga tradisyunalista.
Ang mga Katolikong tradisyunalista ay karaniwan nang mga konserbatibo na may palagay na ang Ikalawang Konsilyong Vaticano ay nagbukas ng pinto sa mga reporma na nagtatalusira sa tradisyunal na Katolisismo. Iginigiit nila na ang Misa ay bigkasin sa wikang Latin at tumatanggi silang makipagkapatiran sa mga Protestante o sa mga radikal sa pulitika.
Nasa gitna ang karaniwang mga Katoliko, walang alinlangang ang pinakamaraming bilang subalit hindi naman masasabing ang pinakamasigasig. Inaakala ng mga progresibo at ng mga tradisyunalista na ang nasa-gitna-ng-daang Katolisismo ay nawawalan ng kaluluwa nito bunga ng napakakaunti o napakaraming mga reporma. Inaakala ng maraming mga progresibo na ang mga reporma ay hindi sapat at na ang pagkasangkot ng simbahan sa pulitika na pabor sa mahihirap ay totoong kimì. Ang mga tradisyunalista ay kumbinsido na ang Katolisismo pagkatapos ng Vatican II ay binabago ang sarili nito mula sa pag-iral.
Kahawig na mga hilig ay nagdaragdag pa ng mga biták, sa lahat ng mga antas. Ang mga Katoliko ay nahahati sa mga bagay na may kaugnayan sa pananampalataya at moral. Sa mga suliranin ng pananampalataya, o mga paniniwala, ang opisyal na mga doktrinang Katoliko na gaya ng impiernong apoy, purgatoryo, orihinal na kasalanan, at pati na ang Trinidad ay pinagdududahan na sa loob ng Iglesya Katolika. Isang surbey kamakailan sa Pransiya, sinasabing “ang pinakamatandang anak na babae ng simbahan,” ay nagpapakita na 71 porsiyento ng mga Katolikong Pranses na kinapanayam ay nagpahayag ng pagdududa sa kabilang buhay, 58 porsiyento ang tumangging maniwala sa pag-iral ng impierno, 54 porsiyento ang nagpahayag ng hindi paniniwala sa purgatoryo, at 34 porsiyento ang hindi naniniwala sa Trinidad.
Sabihin na natin, maraming mga membro ng Iglesya Katolika sa buong daigdig ang taimtim na naniniwala pa sa mga doktrinang ito. Subalit pinatutunayan lamang niyan na ang mga Katoliko ay nahahati sa mga bagay na may kaugnayan sa pananampalataya.
“Ang Mahalagang Isyu . . . Ay ang Pagsunod sa Roma”
Kung tungkol sa moral, ang mga Katoliko ay lubhang nahahati sa mga bagay na gaya baga ng sekso bago ang pag-aasawa, pangangalunya, at homoseksuwalidad. Maraming taimtim na mga Katoliko ang lubhang nasisindak sa maluwag sa disiplinang saloobin ng mga membro ng kanilang relihiyon, pati ng ilang mga klero at maging ng ilang mga teologo. Ang mga Katolikong may mabuting moral ay maaaring maaliw ng bagay na ang papa ay mahigpit na tumututol laban sa imoralidad sa sekso. Subalit hindi ba nito basta binibigyang-diin ang nakababalisang katotohanan na parami nang paraming mga Katoliko ang humahamon sa awtoridad ng papa sa gayong mga bagay?
Ang Observer ng London ay sumulat kamakailan: “Ang kaigtingan sa pagitan ng Papa at ng marami sa kaniyang kawan ay ipinahayag sa nailathalang-mainam na mga pagtatalo tungkol sa aborsiyon, artipisyal na birth control, ang pagtanggap sa mga babae sa pagka-pari at ang pakikibahagi sa komunyon ng mga Katolikong diborsiyado. Ang mahalagang isyu na pinagbabatayan nito ay ang pagsunod sa Roma.”
Si Obispo James Malone, dating presidente ng Pambansang (Amerikanong) Konsilyo ng mga Obispong Katoliko, ay nagbabala tungkol sa “isang lumalago at mapanganib na paghiwalay ng mga elemento ng simbahan sa Estados Unidos mula sa Santa Sede.” Binanggit niya ang tungkol sa “pagtutol,” “pagkakahati,” at “paghiwalay.”
Sa kabilang panig naman, ang mga Katolikong tradisyunalista ay lantarang naghihimagsik laban sa papa sapagkat inaakala nila na hindi siya gaanong istrikto. Ang pangunahing tao sa paghihimagsik na ito ay isang Pranses na arsobispong Katoliko. Nagtatag siya ng isang kilusan na lalo pang humati sa Iglesya Katolika Romana, gaya ng ipaliliwanag ng susunod na artikulo.