Bagong mga Karagdagan Para sa Pagpapalawak ng Paglilimbag
MATATAGPUAN sa pagitan ng mga daan patungo sa mga tulay ng Brooklyn at Manhattan ay ang pangunahing palimbagan ng pambuong-daigdig na organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. Makikita mo ang anim-na-gusaling kompleks na ito sa mga larawan sa itaas at sa kanan. Isang 49 metro ang haba na tulay ang nag-uugnay sa dalawang bagong mga nadagdag, na nasa 175 Pearl Street at 160 Jay Street (Numero 1), at ang mas naunang apat-na-bloke-ng-lunsod na pasilidad sa kabila ng mga lansangan (Numero 2).
Ang 4.3 metro ang lapad at 4.9 metro ang taas na nag-uugnay na tulay na ito, 16 metro sa ibabaw ng mga lansangan, ay nayari noong tag-araw nang 1986. Ito’y naglalaan ng daanan mula sa mga palapag ng palimbagan tungo sa ikaanim na palapag ng 175 Pearl Street.
Ang gusali sa Pearl Street, orihinal na itinayo noong 1917 at dinagdagan noong 1947, ay binili ng mga Saksi ni Jehova noong Enero 7, 1983. Noong Hulyo 1985 ang kahuli-hulihan sa dating nangungupahan ay umalis na. Subalit kahit na bago pa silang lahat ay nakaalis, sinimulan nang baguhin ng isang pangkat ng mga manggagawa sa konstruksiyon ng mga Saksi ang gusali.
Una, isang bagong bubong ang inilagay, at ininstala ang isang 114,000 litrong tangke ng tubig. Upang makayanan ang pagkilos ng mga materyales sa loob ng gusali, isang bagong 5,400 kilo ang kapasidad na elebeytor ng kargamento ang idinagdag, at pinalitan naman ang elebeytor na para sa tao. Ang karamihan ng sahig ay pinatungan ng makapal na pahid ng epoxy. Ang dating panlabas na dingding na hindi na nakatutugon sa mga kahilingan ng Building Code ng lunsod ay pinalitan ng may insulasyong mga ladrilyong dingding. Ininstala rin ang aluminyo na mga balangkas ng bintana at may insulasyong thermopane na mga salamin. At ang buong gusali ay pinintahan sa loob at sa labas.
Samantala, noong Disyembre 11, 1986, ang gusali sa 160 Jay Street, karatig ng 175 Pearl Street, ay binili rin. Halos sangkatlo ng gusali, na itinayo noong 1928, ay okupado pa ng mga nangungupahan. Kapag umalis ang mga ito, ang paglilinis at pagbabago sa gusaling ito ay sisimulan. Sa wakas, kung maaari, mga daanan sa pagitan ng dalawang gusaling ito ay gagawin, sa gayon, ang gusali sa 160 Jay Street ay iuugnay sa limang iba pang gusali ng pagawaan.
Ang dalawang bagong karagdagang pagawaan (Numero 1), na halos magkasinlaki, ay naglalaan ng karagdagang 33,000 metro kuwadrado o higit pa na espasyo ng palapag (floor space). Ang apat pang mga gusali ay may pinagsamang 61,500 metro kuwadrado na espasyo ng palapag. Kaya ang bagong mga karagdagan ay nagdaragdag ng halos 55 porsiyentong higit na espasyo—isang kabuuang 94,900 metro kuwadrado! Iyan ay mahigit na 9 ektarya!
Subalit kumusta naman kung kahit na ang bagong idinagdag na mga pasilidad na ito ay mapatunayang hindi sapat upang pangalagaan ang patuloy na lumalagong pangangailagan para sa higit pang mga literatura sa Bibliya? Bueno, mapapansin mo sa larawan sa pahina 16 ang bahagi na may numero 3. Ang lawak na iyan ng lupa na mahigit 5,600 metro kuwadrado ay nabili na ng mga Saksi ni Jehova. Kung kinakailangan, ito ay maaaring gamitin sa higit pang pagpapalawak ng paglilimbag.
Nasa daungang dako ng New York, ang mga pasilidad sa paglilimbag ay tamang-tamang para sa paglululan ng mga literatura sa Bibliya sa buong daigdig. Gaya ng makikita mo, napakakombinyente rin nito sa mga opisina sa punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, na makikita sa kalakip na larawan. (Numero 4) Karagdagan pa, ang gusali na tinitirhan ng mahigit 2,500 boluntaryong mga manggagawa ng mga kawani sa punung-tanggapan ay pawang malapit sa mga gusali ng opisina, pagawaan, at sa paglululan.—Tingnan ang Gumising! ng Agosto 22, 1987, para sa mga litrato at mga paglalarawan sa mga pasilidad para sa paglululan.
Sa nakalipas na mga buwan, maraming mga gawain sa pagawaan ang inilipat sa gusali sa 175 Pearl Street. Ito ay nagbigay ng espasyo sa palimbagan para sa pagtitinggal ng papel na malapit sa mga imprentahan, kung saan ito kinakailangan. Tingnan natin ang ilan sa mga gawain sa pagawaan na inilipat sa 175 Pearl Street.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 18]
Mga Gawain sa Gusali sa Pearl Street
Ang mga kard na ito, na yari sa makakapal na karton, ay ginagamit na mga pabalat ng aklat. Ang mga ito ay pinuputol ayon sa laki sa isang pantanging makina. Isang katamtamang 6.5 toneladang metriko ng mga kard, na pinuputol sa limang pamantayang mga sukat, ay ipinadadala sa tahian ng aklat araw-araw.
Sa Talyer ng mga Makina ay mayroon 19 na mga makinang panturno, 17 mga makinang pangkorte ng bakal, 6 na mga makinang pambarena, at 11 mga makinang panghasa. Ang gawaing ginagawa ng mga makinang ito ay kinakailangan upang panatilihing tumatakbo ang mga kagamitan sa imprentahan at sa tahian ng aklat. Bukod pa sa napakalaking halagang natitipid kaysa kung ipagagawa ito sa isang komersiyal na talyer, ang ating talyer ay nagbibigay ng malibis na serbisyo para sa mga gusali sa pag-iimprenta, sa tanggapan, at sa tirahan.
Ang 49-metro-ang-haba, 159-toneladang metrikong tulay ay naglalaan ng tuluy-tuloy na daloy ng dalawang-daanang trapiko sa kabibili lamang na mga gusali. Dinadala rin ng tulay ang mga linya ng mga tubong dinaraanan ng singaw para sa pagpapainit sa gusali sa 175 Pearl Street, gayundin ang mga linya ng impormasyon at komunikasyon para kapuwa sa mga gusali sa 175 Pearl Street at 160 Jay Street.
Nang simulan ang Departamento sa Paggawa-ng-karton noong Hunyo 1982, mahigit na isang milyong mga karton ang nagagawa taun-taon sa mahigit na isang daang iba’t ibang laki. Ang paggawa natin ng ating sariling mga karton ay tumitiyak ng mas mahusay ang kalidad na produkto, nakatitipid ng salapi, at mas mahusay na natutugunan ang pangangailangan sa mga karton.
Ang slitter/rewinder na kasalukuyang ginagamit ay nagsimula noong 1980. Mula noon, sampu-sampung libong dolyar ang natitipid taun-taon sa pagkakaroon natin ng sariling makina na pumipilas ng mga ginagamit na pabalat sa aklat sa pagtatahi ng mga aklat.