Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 12/22 p. 19-23
  • Ang Aking Pamanang Sikh—At ang Paghahanap Ko sa Katotohanan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Aking Pamanang Sikh—At ang Paghahanap Ko sa Katotohanan
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Relihiyong Sikh
  • Ang Huling Guru
  • Isang Personal na Paghahanap
  • Dumalaw ang mga Saksi
  • Nagkainteres ang Aking Pamilya
  • Ang Katotohanan ay Isang Proteksiyon
  • Reaksiyon ni Itay
  • Hinduismo—Paghahanap ng Kalayaan
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Bahagi 7—c 1500 B.C.E. patuloy—Hinduismo—Ang Ngalan Mo’y Pagpaparaya
    Gumising!—1989
  • Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Bakit ang mga Saksi ay Patuloy na Dumadalaw?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 12/22 p. 19-23

Ang Aking Pamanang Sikh​—At ang Paghahanap Ko sa Katotohanan

Isinaysay ni Balbir Singh Deo

KAPAG nakikita ko ang pagkakapootan ng mga tao sa isa’t isa dahil sa kanilang relihiyon, ako’y nalulungkot. Kahit na rito sa India, ang papel ng tinatawag na mga Kristiyano sa pulitika at nasyonalistikong mga digmaan ay kilalang-kilala.

Aba, ang dalawang mga digmaang pandaigdig ay ipinakipagbaka halos nang natatangi ng mga bansang nagsasabing sila’y Kristiyano! At ang mga pagpapahirap at mga pagpatay na itinataguyod ng “mga Kristiyano” noon ay nagpapatuloy ngayon sa mga lugar na gaya ng Hilagang Ireland, kung saan ang mga Katoliko at mga Protestante ay nagpapatayan sa isa’t isa. Ang walang tigil na paglalabanang ito, pati na ang reputasyon sa pagbili ng mga komberte sa pamamagitan ng pagkain, ay hindi nag-iwan ng kaaya-ayang impresyon. Nauunawaan mo ba kung bakit marami sa amin na mga taga-India ay nasusuya sa tinatawag na Kristiyanismo?

Kasabay nito, nalulungkot akong makita ang pagkapoot ng mga taga-India sa isa’t isa sapagkat ang isa ay baka isang Sikh sa halip na isang Hindu o isang Hindu sa halip na isang Muslim. Ang tunay na mga mananamba, sa palagay ko, ay dapat ibigin kahit na yaong may ibang paniniwala. Lalo pang nakasisindak ang terorismo na kinasasangkutan ng mga Hindu at mga Sikh sa nakalipas na mga ilang taon dito sa India.

Sa kabila ng patuloy na mga tagpo ng karahasan, gayunman, ako at ang aking tatlong mas nakatatandang kapatid na lalaki at ang aking hipag ay hindi nakadama ng malaking takot. Ang aking kapatid na babae at ang kaniyang asawa man, ay nakadama na sila’y iniingatan mula sa karahasan. Bakit, yamang kaming pito ay pinalaking mga Sikh? Bago magpaliwanag, hayaan mong sabihin ko sa iyo ang ilang bagay tungkol sa mga Sikh.

Ang Relihiyong Sikh

Ang Sikhismo ay isang monoteistikong relihiyon na may kaniyang sariling mga kasulatan, mga ritwal sa pagtanggap ng bagong mga kasapi, mga seremonya sa kasal at libing, at mga dako ng peregrinasyon at pagsamba. Tinutunton ng 15 milyong mga Sikh ng daigdig ang kanilang paniniwala sa isang guru, o titser, na taga-India noong ika-15 siglo na nagngangalang Nanak. Ang kaniyang mga tagasunod ay tinawag na mga Sikh, mula sa salitang Sanskrit na nangangahulugang “alagad.”

Si Nanak ay ipinanganak sa mga magulang na Hindu sa rehiyon ng Punjab sa gawing hilaga ng India, ang kaniyang dakong sinilangan ay isang bahagi ngayon ng Pakistan. Ang karamihan ng kaniyang mga tagasunod ay mula sa Punjab, bagaman ang mga Sikh ay nanirahan sa buong India at sa ibang bahagi ng daigdig. Ang Britaniya lamang ay mayroong 300,000 mga Sikh.

Noong kabataan ni Nanak, ang mga Hindu at mga Muslim ay palaging nag-aaway, at siya’y lubhang naapektuhan ng mga paghihirap noong panahong nagdidigma ang magkabilang panig. Nang tanungin kung aling relihiyon ang susundin niya, sabi niya: ‘Walang Hindu o Muslim, kaya kaninong landas ang aking susundin? Susundin ko ang landas ng Diyos. Ang Diyos ay hindi Hindu o Muslin, at ang landas na aking susundin ay ang sa Diyos.’

Bagaman wala siyang balak na magtatag ng isang bagong relihiyon, si Nanak ay naging lider ng isang relihiyosong kilusan. Gaya ng iba pa noong kaniyang kaarawan, itinuro niya na ang sistema ng pagtatangi sa tao dahil sa kaniyang katayuan sa lipunan (caste system) na umiiral sa India ay masama. Binuod niya ang kaniyang mensahe sa tatlong mahahalagang kautusan: Magtrabaho, sumamba, at magkawanggawa.

Ang Huling Guru

Nauunawaan ng mga naniniwala kay Guru Nanak na inihahayag ng Diyos ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng isang guru, o titser. Ito’y nangangailangan ng mga kahalili, kaya’t sa isang yugto ng mga 200 taon, sampung iba’t ibang mga guru ang nanguna sa dumaraming bilang ng mga Sikh. Sa wakas, ang ikasampung guru, si Gobind Singh, ay nagpahiwatig na ang kaniyang kahalili ay hindi isang tao. Bagkus, ang banal na mga sulat ni Nanak, pagkatapos ay ang mga sulat ng mga gurung Sikh, at ang “mga santong” Hindu at Muslim ang hahalili sa mga gurung tao. Ang mga sulat na ito, na tinipon sa isang aklat na kilala bilang ang Guru Granth Sahib, ay itinuring ng mga Sikh bilang ang salita ng Diyos.

Ang aklat na Guru Granth Sahib ay pinag-uukulan ng karangalan at paggalang na katulad ng tinatanggap ng dating mga gurung tao. Ang aklat ay itinatanghal at binabasa sa isang pantanging silid sa loob ng mga tahanan ng mga Sikh. Sa loob ng mga gurdwaras (mga dako ng pagsamba ng mga Sikh), walang mga idolo o pormal na mga serbisyo, ni mayroon man kayang isang altar o isang pulpito. Ang Guru Granth Sahib ay inilalagay sa mga kutson sa isang nakataas na plataporma at natatakpan ng isang kulandong. Ang mga talata nito ay binabasa at inaawit sa mga tagapakinig.

Si Gobind Singh, ang huling gurung tao, ay nagtatag din ng isang organisasyon na tinatawag na Khalsa (mga dalisay). Ito’y isang pantanging kapatiran ng mga Sikh na handang italaga ang kanilang buhay nang lubusan sa relihiyosong mga simulain. Upang maalis ang anumang pagtatangi sa lipunan na ipinahihiwatig ng kanilang dating mga apelyido, kinuha ng mga membro ng Khalsa ang apelyidong Singh, na ang ibig sabihin ay “Leon.” Ang mga membrong babae ng Khalsa ay tumatanggap ng apelyidong Kaur (Babaing Leon at Prinsesa). Ang gayong mga apelyido ay kung minsan sinusundan ng isang mapagkikilanlang apelyido ng pamilya.

Ang pagsusuot ng limang K ay hinihiling din upang makilala ang lalaking mga membro ng Khalsa sa pamamagitan ng kanilang hitsura. Una, ang kesh, isang hindi ginugupit na balbas at mahabang buhok na maayos na ipinupulupot sa ulo. Ikalawa, ang buhok ay iniingatan sa lugar ng isang kangha, o suklay, at karaniwang binabalot ng isang turban. Ikatlo, nariyan ang mga kachs, o korto, na isinusuot bilang kalsonsilyo, at, pang-apat, ang kara, isang pulseras na bakal. Panghuli, isang kirpan, o tabak, na dinadala para sa pagtatanggol ng relihiyosong mga paniniwala. Ang limang K na ito ay bumubuo ng isang mapagkikilanlang uniporme, nagbubukod sa mga Sikh mula sa iba pang mga pangkat na taga-India. Bagaman kung minsan ay binabago nang bahagya, ipinagpapatuloy ng mga membro ng Khalsa ang gayong mga tradisyon sa ngayon.

Di-gaya ng mga Hindu, na mayroong maraming diyos, ang mga Sikh ay naniniwala sa isang diyos. Tinatanggihan din ng mga Sikh ang asetisismo, pag-aayuno, at pagkain lamang ng mga gulay. Subalit katulad ng mga Hindu, karaniwang ipinalalagay ng mga Sikh na ang tao ay sakop ng isang siklo ng mga muling pagsilang hanggang sa palayain dito sa pamamagitan ng kaliwanagan. Ang salita ng Diyos, na ibinigay ng guru, ay pinaniniwalaan na siyang tanging paraan sa gayong paglaya. Ipinalalagay na ang pangwakas na layunin ng tao ay ang makasama ng Diyos, malaya mula sa pisikal na katawan.

Isang Personal na Paghahanap

Bagaman ako’y pinalaki bilang isang Sikh, ang mga pangyayari sa aking buhay ay nagbangon ng mga katanungan. Kasabay nito, ang pagpapalaki ng aking ama ay nagpahintulot sa akin na magkaroon ng isang bukás na isip habang nakakatagpo ko ang mga ideya na kakaiba roon sa ideya ng aming pamilya.

Ang aking ina ay namatay nang ako ay pitong taóng gulang. Nakadama ako ng kawalang-kaya at nalilito. Sinikap aliwin ng aming mga kamag-anak ang aming pamilya, na sinasabi, ‘Tandaan ninyo na ang mabubuti ay namamatay nang maaga’ at, ‘Siya ay namamayapa sa langit.’ Sumusulat ako kay inay ng mga liham at saka ko sinusunog ang mga ito, sa pag-asa ko na sa pamamagitan nito malalaman niya kung gaano ako nangungulila sa kaniya. Gayumpaman nakadarama pa rin ako ng kahungkagan, yamang wala akong pag-asa na makita pa siyang muli.

Habang ako ay nagkakaedad, mas seryosong sinuri ko ang Sikhismo, regular na binabasa ang Guru Granth Sahib at taimtim na nananalangin kay Guru Nanak. Bagaman naniniwala kami sa isang diyos, karaniwan na sa amin na magdasal din kay Nanak, na itinuturing namin na isa na makatutulong sa amin na maging mas malapit sa Diyos. Gayunman, nalilito pa rin ako kung bakit ginagawa ng mga tao ang masasamang bagay.

Ninanais na kami ay magkaroon ng pinakamagaling na edukasyon na makukuha, pinag-aral kami ni tatay sa isang paaralang “Kristiyano.” Bagaman ang ilan sa nag-aangking mga Kristiyano ay tila taimtim, madaling makita ang pagpapaimbabaw sa gitna ng karamihan sa kanila. Kami at ang iba pang mga hindi Kristiyano sa paaralan ay sinabihan na ang halaga ng aming edukasyon ay babayaran ng isang banyagang tagatangkilik o isponsor kung kami ay dadalo sa simbahan at makikibahagi sa mga gawain nito. Sa akin ang gayong mga alok ay para bang isang suhol.

Subalit nang ako’y 17 anyos, may nangyari na pumukaw ng aking interes sa Bibliya. Sinabi sa akin ng isang kaibigan na ang mga digmaan at maraming iba pang mga suliranin sa modernong-panahon ay inihula sa Bibliya. Hindi ako naniniwala na iyon ay totoo, kaya nang ipakita sa akin ang Mateo kabanata 24, namangha ako sa mga bagay na inihula roon. Tiyak, nasabi ko sa aking sarili, ang Bibliya ay naglalaman ng maraming katotohanan.

Dumalaw ang mga Saksi

Isang araw noong 1976 isang binatilyo, isa sa mga Saksi ni Jehova, ay dumalaw sa aming tahanan sa Calcutta. Iniwanan niya ako ng isang kopya ng publikasyong Ang Iyong Kabataan​—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito, na tinapos kong basahin sa loob ng isang araw. Siya’y nagbalik at inanyayahan niya ako sa isang pulong sa Kingdom Hall. Ako’y dumalo, at kaagad akong humanga.

Bagaman ako ay nakasuot lamang ng T-shirt at maong, maliwanag na walang pagtatanging ginagawa roon sa mga naroroon kung tungkol sa pananamit, kalagayan sa buhay, edad, lahi, o pinagmulan ng pamilya. At mayroong kasiglahan sa gitna ng mga tao. Ako’y inanyayahang maupo sa unang hanay, kung saan ako ay nakinig sa isang makahulugang pahayag tungkol sa katanungang, “Ang Bibliya ba ay Nagkakasalungatan sa Ganang Sarili?” Nagsimula akong mag-aral ng Bibliya sa tulong ng isang Saksi na nakilala ko sa Kingdom Hall, at hindi nagtagal, regular na akong dumadalo sa lahat ng mga pulong.

Ang natutuhan ko ay ibang-iba sa narinig ko sa paaralang “Kristiyano” na dinaluhan ko. Hindi sinasamba ng mga Saksi ni Jehova si Jesus. Bagkus, sinasamba nila ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang Isa na sinamba mismo ni Jesus. Gayundin, natutuhan ko na ang pangalan ng Diyos, gaya ng binabanggit sa Bibliya, ay Jehova.​—Awit 83:18.

Sa mga pulong sa Kingdom Hall, talagang pinag-aaralan namin ang Bibliya, isang bagay na hindi namin ginagawa sa paaralang “Kristiyano.” Nakalugod sa akin nang malaman ko na may malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga relihiyong Katoliko at Protestante, na nag-aangking Kristiyano, at sa aktuwal na itinuturo ng Bibliya. Ipinakita sa akin ng mga Saksi ni Jehova mula sa Bibliya na hinahatulan ng Diyos na Jehova ang suporta na ibinibigay ng mga relihiyong “Kristiyano” sa mga digmaan na itinataguyod ng kanilang pulitikal na mga lider.​—Juan 17:14; 18:36; Mateo 26:52; Isaias 2:4.

Mauunawaan kung gayon, sinimulan akong malasin ng aking mga kasama sa ibang liwanag. ‘Isa lamang itong emosyonal na karanasan na nararanasan mo,’ sabi ng aking mga kaibigan. Takang-taka ang aking mga kamag-anak at inusisa nila ang aking paninindigan. Gayunman, ang pagkaalam ng katotohanan ng Bibliya ay hindi isang lumilipas na emosyonal na karanasan lamang para sa akin. Bagkus, pinayaman nito ang aking buhay at binigyan ako ng tunay na kasiyahan. Saan pa makakasumpong ang isa ng isang pambuong-daigdig na kapatiran kung saan ang bawat membro ay tunay na nagpapakita ng pag-ibig​—hindi lamang sa salita kundi gayundin naman sa mga gawa?

Nagkainteres ang Aking Pamilya

Ang aking pamilya man ay nag-akala na ang pag-aaral sa Bibliya ay isa lamang kausuhan at inaasahan nilang ito’y lilipas sa lalong madaling panahon. Sa wakas, ang aking kuya na si Rajinder ay nagpasiyang samahan ako sa isa sa mga pulong na ito. Siya ay masiglang tinanggap at humanga rin sa kaniyang nakita. Nagsimula siyang dumalo na kasama ko. Subalit yamang ang aming interes sa Bibliya ay lubhang kakaiba sa kinalakhan naming relihiyon, sinuman sa amin ay hindi hayagang nagsasalita tungkol dito sa bahay. Ito ay pinagmulan ng ilang problema para kay Rajinder, na bagong kasal.

Ang kaniyang asawa, si Sunita, ay nagsimulang mag-alala kapag ang kaniyang asawa ay sumasama sa akin patungo sa Kingdom Hall ilang beses sa bawat linggo, iniiwan siya sa bahay. ‘Ano bang talaga ang nangyayari?’ tanong niya. Pagkaraan ng ilang pag-uusap, nalinawan ang mga di-pagkakaunawaan, at inanyayahan ni Rajinder ang kaniyang asawa na sumama sa amin. Bagaman sa simula ay wala siyang nauunawaan sa kung ano ang tinatalakay roon, si Sunita ay nagsimulang dumalo sa mga pulong na kasama namin at natututuhan ang Bibliya.

Isa pang kapatid na lalaki, si Bhupinder, ay nagkaroon ng interes sa aming mga gawain at nakikita niya ang halaga ng aming natututuhan at ang pagkakapit nito sa aming mga buhay. Siya man ay nagsimulang mag-aral. Hindi naibigan ng natitira pa naming kapatid na lalaki, si Jaspal, ang pakikisama namin sa mga Saksi ni Jehova at mahilig na tuyain ako. Subalit pagkalipas ng ilang panahon, siya man ay nagpahalaga sa karunungan ng payo ng Bibliya at nagsimulang mag-aral. Bunga ng mga pag-aaral na ito, ako’y nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova noong 1978. Sina Rajinder, Sunita, Bhupinder, at Jaspal ay nabautismuhan noong 1979.

Pagkatapos, makalipas ang limang taon sa Inglantera, ang aking kapatid na babae na si Bavi at ang kaniyang asawang si Kartar ay nagbalik sa India. Inaakala ni Bavi na buo na ang aming pasiya na maging Saksi ni Jehova subalit personal na ayaw niya ang anumang bagay tungkol sa mga Saksi. Iginalang namin ang kaniyang mga palagay at hindi namin ipinilit ang aming paniniwala sa kaniya. Gayunman hindi nagtagal si Bavi at si Kartar ay nagsimulang magtanong sa amin ng maraming mga katanungan. Sa wakas, ito ay humantong sa isang pag-aaral sa Bibliya. Ang kanilang pananampalataya kay Jehova at ang kanilang pag-ibig sa kaniya ay lumago, at ito’y nagsilbing isang proteksiyon sa panahon ng relihiyosong karahasan sa India.

Ang Katotohanan ay Isang Proteksiyon

Noong gabi ng Oktubre 31, 1984, ang araw ng pataksil na pagpatay kay Mrs. Gandhi, sina Bavi at Kartar ay halos hindi nakatulog. Noong panahong iyon sila ay nakatira sa gawing hilaga ng India na malayo sa iba pa sa aming pamilya. Doon, maraming Sikh ang pinatay ng mga mang-uumog. Itinuro ng ilang mga maninirahan ang tahanan ng mga Sikh​—para bang hinatulan nila ng kamatayan ang kanilang mga kapitbahay na Sikh.

Kinaumagahan sina Bavi at Kartar ay nagising sa isang masamang panaginip ng kamatayan at pagkawasak. Sa kabila ng nangyayari sa paligid nila, at bagaman sila ay nagtataglay ng apelyidong Singh, sila ay hindi sinaktan. Bagaman sila ay nag-aaral pa lamang, alam ng kanilang mga kapitbahay na sila ay mga Saksi ni Jehova, at ang kanilang tahanan ay hindi sinalakay. Gayundin naman sa Calcutta, ang aking mga kapatid na lalaki ay kilala sa pamayanan bilang mga ministro ng mga Saksi ni Jehova, at ito ay naging isang proteksiyon sa kanila.

Reaksiyon ni Itay

Totoo na hindi nakita ng aming ama na Sikh ang resultang inaasahan niya sa kaniyang apat na mga anak na lalaki at isang anak na babae. Ang aking tatlong kapatid na lalaki, bagaman tumutulong sa negosyo ng pamilya, ay walang pagnanais na pangkaraniwan sa gitna ng mga negosyanteng taga-India, na paramihin ang pansamantalang materyal na mga kayamanan. Ang kanilang mga isipan at puso ay nakatutok sa walang-hanggang espirituwal na mga kayamanan, ang mapayapang bagong lupa na ipinangako ng Diyos na Jehova sa sangkatauhan. Isa sa aking mga kapatid na lalaki ay naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyong Kristiyano. Dalawa sa amin ay mga ministeryal na lingkod. Ang aking butihing maybahay, si Lavinia, at ako ay may pribilehiyo na maglingkod bilang buong-panahong mga ministro sa India. At ang aking kapatid na babae at ang kaniyang asawa, na ngayo’y nakatira sa Aprika, ay naging bautismadong mga Saksi noong 1986.

Nakita ng aming ama ang mabuting mga epekto ng matuwid na mga pamantayan ng Bibliya sa amin. Ang mga bagay na ito ang nakapagpapaligaya sa kaniya. Kapag ipinakikipag-usap niya sa iba ang tungkol sa kaniyang mga anak, ipinagmamalaki niya kami. ‘Sabihin ninyo sa akin kung ano ang mali sa ginagawa ng aking mga anak bilang mga Saksi ni Jehova, at palalayasin ko sila sa aking bahay,’ ang hamon niya.

Kinilala ng aming ama na ang aming mga pagsisikap ay sa mga bagay na higit na mahalaga at nagtatagal kaysa pagtatamo ng kayamanan at prestihiyo. At personal na nasaksihan niya ang proteksiyon na tinanggap namin noong panahon ng karahasan kamakailan. Marubdob naming hangarin na balang araw siya man, kasama ng iba pang taimtim na mga naghahanap ng katotohanan, ay makikisama sa amin sa pagsamba sa tunay na Diyos sa isang tunay na kapatiran sa buong lupa.

[Blurb sa pahina 21]

Isang aklat na nakilala bilang Guru Granth Sahib ay itinuring ng mga Sikh bilang ang salita ng Diyos

[Mga larawan ni Balbir Singh Deo sa pahina 19]

[Larawan sa pahina 23]

Kasama ng aking asawa sa tanggapang sangay sa India

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share