Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 2/8 p. 29-30
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbigo ng Simbahan
  • Mas Mahusay na Papel
  • Problema sa Huwad na mga Piyesa
  • Magastos na Kumpas!
  • Gaano Ka Kaeksakto?
  • Mapanganib na Gamit ng Telepono
  • Aksidenteng Nuklear sa Brazil
  • Pagpapaginhawa sa “Migraines”
  • Patubig sa Disyerto
  • Kasalukuyang Krimen
  • Migraine—May Magagawa Ka Ba?
    Gumising!—2011
  • Papel—Ang Maraming-Gamit na Produktong Iyon!
    Gumising!—1986
  • Kahoy na Tumutulong Upang ang mga Tao’y Manatiling Gising!
    Gumising!—1990
  • Ang Imposibleng Ideya na Opisinang Walang Papel
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 2/8 p. 29-30

Pagmamasid sa Daigdig

Pagbigo ng Simbahan

“Kung kailan ang aming mga Obispo at mga lider ng simbahan ay dapat na magbigay sa amin ng patnubay tungkol sa moralidad sa sekso, lubha nila kaming binigo,” panangis ni Peter Thomson, bikaryo ng Cobham, Inglatera. Papaano? Sang-ayon sa isang report sa North Kent Weekly News, sabi ni Thomson: “Ako’y nasindak na mayroong isang espesyalista sa London na gumagamot sa halos 20 klerigo na mayroong AIDS at na iniimbestigahan ng Childwatch ang limang sinasabing mga kaso ng klero na seksuwal na nang-aabuso ng mga bata.” Nagpahayag din siya ng kalungkutan sa pagkakaiba-iba sa pagitan ng kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa kung ano ang itinuturo ngayon. Bilang tugon, “sinabi ng isang tagapagsalita para sa Diyosesis ng Rochester na ang Church of England ay may maraming pari na may nagkakaiba-ibang mga palagay,” ulat ng pahayagan.

Mas Mahusay na Papel

Taun-taon 12 milyong tonelada ng papel na nakukuha sa ubod ng kahoy ang ginagamit para sa paggawa ng diyaryo sa Estados Unidos. Yamang ang mga panustos na kahoy ay umuunti, ang pansin ay ibinaling sa kenaf, isang palumpong na kilala mula pa noong unang panahon na umaabot sa taas na mahigit 5 metro sa loob lamang ng tatlong buwan. Sang-ayon sa pahayagang Pranses na Le Figaro, ang papel na mula sa himaymay ng kenaf ay “mas matibay, mas makinis, at mas maputi” kaysa papel na mula sa ubod ng kahoy, at “mas nagtatagal.” Higit pa riyan, “hindi ito naninilaw.” Isa pang bentaha nito, ang kenaf ay maaaring magbigay ng siyam na ulit na mas maraming ubod sa bawat 0.4 hektarya kaysa isang kagubatan ng mga pino. Sa kabila ng mga bentahang ito, tinataya na sa 1988 ang himaymay ng kenaf ay kakatawan lamang ng “1 porsiyento sa pamilihan ng diyaryo.”

Problema sa Huwad na mga Piyesa

Bakit ba bumabagsak ang mga eruplano at mga helikopter? Marami ang naghihinala na ang maraming aksidente ay marahil dala ng paggamit ng huwad at mahinang klaseng mga piyesa sa mantensiyon ng eruplano. Ang maliit, pangrehiyon na mga airline na nakakaharap ang mahigpit na kompetisyon at na gumagamit ng mas lumang mga eruplano na ang suplay ng mga piyesa mula sa orihinal na pabrikante ay umuunti ang karaniwang lubhang apektado. Yamang ang eruplanong hindi lumilipad ay maaaring magkahalaga sa isang airline ng mga $50,000 isang araw sa nawalang kita, ang independiyenteng mga dealer na nag-aalok ng murang presyo at mabilis na paghahatid ay kung minsan siyang hinahanap. “Bunga nito, ang mga eruplano ay kung minsan maaaring magwakas na may huwad na mga piyesa na hindi matalinong binili mula sa walang konsensiyang mga dealer,” sabi ng magasing Fortune. Ang mga piyesa, na mahusay ang pagkakakopya anupa’t mahirap makilala, ay maaaring gawa sa mas mahinang materyales o may mga depekto at hindi makakapasa sa ilalim ng pagsubok. Ang makina ng isang jet lamang ay maaaring mayroong 3,600 mga piyesa.

Magastos na Kumpas!

Mausyosong mirón​—lumayo ka! Malamang na binubulaybulay pa ng isang Britanong inhinyero na nagtungo sa isang subasta dala lamang ng pag-uusyoso ang rekomendasyong iyan. Iniulat ng pahayagang Pranses na Le Monde na “noong panahon ng subasta, di-sinasadyang naigalaw ng inhinyero ang kaniyang kamay, isang kumpas na binigyang-kahulugan naman ng tagasubasta na pagtawad sa pinakamataas na halaga.” Biglang nasumpungan ng inhinyero ang kaniyang sarili na may-ari ng sampung English Regency na mga bahay na obligado niyang bayaran ng halagang $3,000,000! Binanggit ng pahayagan na ang kaniyang mga pagsisikap na kanselahin ang pagbili ay hindi nakatulong.

Gaano Ka Kaeksakto?

Isang orasan na sinasabing adelantado o atrasado lamang ng isang segundo sa isang yugto ng 30 milyong taon ay nagawa na ng isang pangkat ng mga mananaliksik na mga physicist sa University of Western Australia. Sang-ayon sa pahayagang The West Australian, ang orasan ay nakasentro sa isang “ubod-dalisay na sápiróng kristal” at kumuha ng tatlong taon upang gawin. Ito ay idinisenyo para sa eksaktong mga pagbasa sa maikling mga yugto ng panahon. Gayunman, ito ay isa lamang hakbang sa tunguhin ng pangkat na paggawa ng pinakaeksaktong orasan sa daigdig​—isa na mahuhuli lamang ng isang segundo sa sampung bilyong taon!

Mapanganib na Gamit ng Telepono

Bagaman ang isang telepono sa kotse ay ipinalalagay na siyang ultimo sa mabilis na komunikasyon, isang sangay ng Automobile Association of America ay nagbababala tungkol sa posibleng mga panganib. Nagbababala ito na “kailanma’t ginagamit mo ang isang telepono samantalang ikaw ay nagmamaneho, tantuin mo na maaaring isinasapanganib mo ang iyong sarili, ang iyong mga pasahero, at ang ibang motorista,” sang-ayon sa isang report sa The Toronto Star. Ang masalimuot na mga kontrol, asiwang kinalalagyan, at ang pagmamaneho nang isang kamay lamang ay itinala bilang pangunahing mga panganib para sa mga gumagamit. Mahigit na 100,000 mga telepono sa kotse ang ginagamit sa Canada, at tinatayang 200,000 ang gagamit nito sa pagtatapos ng 1991. Bagaman sinasabing sinasang-ayunan ng matataas na opisyal ng pulisya ang paggamit ng telepono sa kotse, tinatawagan nila ang mga gumagamit nito na tumawag lamang sa telepono “kapag ligtas na gawin ito.”

Aksidenteng Nuklear sa Brazil

Kung ano sa wari’y isang tunay na tuklas para sa dalawang lalaking nangungolekta ng lumang mga metal at papel sa Goiânia, Brazil, ay naging isang grabeng aksidenteng nuklear, ulat ng magasing Veja. Sa isang nilisang gusali, natuklasan ng dalawa ang isang lumang radyoteraping makina, na ipinagbili nila sa dealer ng scrap-metal na si Devair Alves Ferreira. Isang maliit na kapsula ang nasumpungan sa loob na kumikinang nang may pambihirang kislap. Nang maglaon, ang kapsula mismo ay binuksan, inilalantad ang pinulbos na bato. Ang hindi nila alam ay na ito ang radyoaktibong cesium 137. “Mangasul-ngasul ang ningning nito sa dilim. Ang ganda nito,” sabi ni Devair. Nahalina, ipinakita ito ng mga lalaki sa kanilang mga pamilya at mga kaibigan, sa wakas ay nahawaan ang mga 244 katao, at malubhang nahawaan ang di-kukulanging 20. Ang asawa ni Devair at ang anim-na-taóng-gulang na pamangkin niyang babae ang unang dalawang biktima na namatay bunga nito. Dahil sa dami ng taong naapektuhan, ang aksidente ay itinuturing na ikalawang pinakagrabeng aksidenteng nuklear sa daigdig, pagkatapos ng Chernobyl.

Pagpapaginhawa sa “Migraines”

Isang balangkát (splint) na acrylic na lapat na lapat sa mga ngipin ng ibabang panga ay maaaring magpaginhawa sa isang matinding sakit ng ulo dala ng migraine, ulat ng The Medical Post ng Canada. Sinasabing itinutuwid ng balangkát ang hindi pantay na pagkakalapat ng mga ngipin, na “ipinalalagay na nagpapangyari ng mga migraine sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pulikat at kirot sa mga kalamnan ng palipisan,” sabi ng Post. Ginamot na ni Dr. Phillip Lamey ng Glasgow Dental Hospital ang 19 na mga pasyente nang may kapuna-punang tagumpay. Bagaman hindi lahat ng mga may migraine ay maaaring gamutin sa ganitong paraan, si Dr. Lamey ay nagpapaliwanag na yaong may migraine na dala ng diperensiya sa ngipin ay maaaring mabigyan ng pag-asa. Ang mga taong may gayong tipikal na mga sintomas ng migraine na gaya ng matinding sakit ng ulo na may kasamang pagduduwal at pagsusuka ay malamang na makinabang mula sa paggamot na ito. Ang gayong mga sintomas ay karaniwang nangyayari paggising ng isa o mga ilang sandali pagkagising.

Patubig sa Disyerto

Nakilala ng isang radar na nasa kalawakan ang sinaunang mga bambang ng ilog ng Ehipto sa ilalim ng buhanginan ng Sahara Desert. Ang ilan sa mga agos ng tubig na ito ay kasinlawak ng ilog Nilo mismo, sabi ng ulat sa The Times ng London. Pitong balon ang eksperimental na binutas sa Selima Sand Sheet, bahagi ng isang halos walang naninirahang disyerto na malapit sa hangganang Sudanese, ang sinasabing nagbigay ng saganang panustos na tubig. Bunga nito, ang dating matabang lupa na sumasaklaw ng 121,500 hektarya, kung saan ang eksperimental na bukid ay gumaganang mainam, ay maaaring sakahin at panirahang muli sa malapit na hinaharap.

Kasalukuyang Krimen

Ang kriminal na mga pakanâ na kumuha ng kuryente ay dumadaya sa mga asosasyon ng kuryente ng Britaniya ng tinatayang £50 milyon isang taon, ulat ng The Sunday Times ng London. Ang ilegal na mga pagkakabit ay napakalaganap anupa’t ito’y sinasabing kumukunsumo ng 5 porsiyento sa kinikita ng mga kompaniya ng kuryente. Ngunit ang mga magnanakaw na nagdurugtong sa mga linya ng kuryente upang magnakaw ng kuryente ay lubhang nanganganib. Isang kompaniya ng kuryente ang nagbababala sa isang komersiyal sa TV na “ang pagnanakaw ng kuryente ay magdadala ng parusang kamatayan.” Gayunman, ang pagnanakaw ng kuryente ay hindi natatakdaan sa mga indibiduwal. Sa isang kaso, ang panustos ng kuryente sa isang lokal na istasyon ng tren ay sinasabing kinabitan upang magtustos ng kuryente at patakbuhin ang buong peryahan. Sino ang nagbabayad ng kuwenta? “Ang 18 m[ilyon] na mga kumukunsumo ng kuryente sa Britaniya,” sabi ng Times.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share