Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 2/22 p. 19-22
  • Kung Paano Magiging Isang Matagumpay na Mámimili

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Magiging Isang Matagumpay na Mámimili
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Alamin ang Halaga ng mga Bagay
  • Alamin kung Kailan Bibili
  • Bilhin Lamang ang Kailangan Mo
  • Paghahambing na Pamimili
  • Labanan ang mga Patibong sa Pamimili
  • Magtitipid o Gagasta?
    Gumising!—2011
  • Paano Ko Matalinong Magagamit ang Aking Salapi?
    Gumising!—1989
  • Kung Paano Makokontrol ang Iyong Paggastos
    Gumising!—2013
  • Kapag Nagsasalita ang Salapi
    Gumising!—1985
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 2/22 p. 19-22

Kung Paano Magiging Isang Matagumpay na Mámimili

ANG sining ng pamimili ay higit na mahalaga ngayon kaysa kailanman sa mga panahong ito ng matataas na halaga at implasyon. Sa bansa at bansa, ang mga presyo ng bilihin ay tumaas nang husto, na may kaunting pag-asa na bumaba pa sa malapit na hinaharap. Sa maraming pamilya ang ama’t ina ay kinailangang magtrabaho upang mapaghusto ang pangangailangan. Gaano kahalaga nga, kung gayon, para sa iyo na malaman kung paano, saan, at kailan mamimili at kung paano gugugulin ang inyong salapi sa pinakamatipid na paraan.

Alamin ang Halaga ng mga Bagay

Isa sa pinakamahalagang elemento sa pagiging mahusay na mámimili ay ang pag-alam sa halaga ng mga bagay. Ang isang baratilyo​—ito man ay sa pananamit, kagamitan, o pagkain​—ay hindi nangangahulugan ng pagtitipid kung ito ay mahinang klase, nangangailangan ng maraming mga pagbabago o mga pagkumpuni, o sa katapusan ay hindi gagamitin.

Halimbawa, kapag bumibili ng pananamit, tanungin ang iyong sarili: Mahusay na klase ba ang materyal? Mahusay ba ang pagkakagawa rito? Kailangan ba itong baguhin? Gaano kadalas ko itong isusuot? Isa ba itong istilo na magtatagal? Madali ba itong panatilihing malinis? Ang isang damit na kinakailangang i-dry-clean ay maaaring maging mas mahal kaysa sa nalalabhang damit na mahal ang presyo sa simula. Kaya ang mantensiyon ay isang salik. Ang tunay na mga baratilyo ay yaong mga damit na mahusay ang lapat, bagay sa iyong mukha at katawan, at maaaring isuot at gamitin sa loob ng mga taon.

Ang gayunding mga simulain ay kapit sa pagbili ng muwebles at mga kasangkapan, bago man o gamít na. Ito ba ay mahusay na klase? Ito ba ay umaandar? Kung kailangang kumpunihin, magagawa mo ba ito? Ano ang magiging pangwakas na halaga nito? Ang pagtatanong sa iyong sarili ng mga katanungang ito, lalo na kapag bumibili sa mga garage o yard sale o flea markets (mga baratilyo), ay maaaring humadlang sa pabugsu-bugsong pagbili at makapagtipid ng maraming pera.

Upang makuha ang pinakamabuting halaga sa mga kagamitan, dapat mong alamin kung magkano ang pagpapatakbo nito. Ang malaking mantensiyon at mga kuwenta sa paglilingkod nito ay makadaragdag ng malaki sa halaga nito. Isipin din kung saan ito gagamitin. Halimbawa, ang isang air conditioner na nasa maaraw na bintana ay kukunsumo ng higit na kuryente upang palamigin ang silid kaysa isa na nasa isang bintana na malayo sa araw. Ang haba ng panahon na nakabukas ang kagamitan gayundin naman ang laki, edad, at kakayahan nito ang siyang titiyak kung gaanong enerhiya ang nakukunsumo nito at, samakatuwid, ang panlahat na halaga.

Alamin kung Kailan Bibili

Ang pag-alam kung kailan bibili ay kung minsan maaaring mas mahalaga kaysa kung saan bibili. Karaniwan na, ang pinakamabuting baratilyo ng mga damit na pantag-araw ay mabibili sa pagtatapos ng tag-araw. Ang karamihan ng mga tindahan ng mga damit ay may baratilyo upang magkaroon ng lugar ang kanilang mga kagamitan para sa taglagas. Totoo rin ito sa katapusan ng panahon ng taglamig. Ang pinakamalaking pagtitipid ay makukuha sa pagbili ng mga ito sa pagtatapos ng taglamig at bago dumating ang mga paninda sa tagsibol. Totoo, maaaring hindi marami ang mapagpipilian, subalit karaniwan nang ito ay sapat.

Yamang ang karamihan ng mga modelo ng kotse ay hindi gaanong nagbabago sa taun-taon, makapagtitipid ka sa pamamagitan ng pagbili ng isang bagong kotse sa pagtatapos ng taon kapag nililinis ng mga dealer ng kotse ang kanilang lugar para sa mga modelo ng susunod na taon. Huwag matakot na itanong ang tungkol sa mga garantiya at paglilingkod na makukuha sa pagbili ninyo nito. Darating ang panahon na ang mga ito ay mapatutunayang mas mahalaga kaysa ilang tampok ng kotse mismo.

Bilhin Lamang ang Kailangan Mo

Nangangailangan ng maraming disiplina upang mapigil ang pabugsu-bugsong pagbili. At totoong-totoo iyan kapag bumibili ng pagkain. Isa ito sa pinakamagastos na bagay sa badyet ng pamilya.

Kasabay nito, ang binabayaran mo sa pagkain ay karaniwan nang maaaring bawasan nang husto sa pamamagitan ng maingat na pagpaplano. Taglay ito sa isipan, sundin ang pangunahing tuntunin: Huwag na huwag bibili ng pagkain kapag ikaw ay nagugutom. Huwag. Tiyak lamang na bibilhin mo ang mga bagay (karaniwan nang mga matamis) na hindi mo karaniwang binibili. Hindi ba totoo iyan?

Ang paggawa ng isang listahan ng mga bibilhin at pananatili rito ay isa pang mahalagang bagay upang manatili sa loob ng badyet. Malibang gawin mo ito, tuwing papasok ka sa tindahan, lalabas ka na mayroong higit kaysa binalak mong bilhin. Sang-ayon sa mga surbey, ang isang babaing nagpaplanong bumili ng 3 bagay sa isang supermarket, nang walang listahan, ay makabibili ng 8 hanggang 10 bagay; ang isang lalaki naman ay halos 20! Mangyari pa, may kagagawan din dito ang mga tindahan. Paano?

Ang mahalagang mga bagay, gaya ng mga produkto ng gatas, karne, at mga gulay, ay karaniwang nakasalansan na malayo sa mga checkout counter. Kaya, kailangan mong daanan ang maraming produkto upang marating mo ang mga bagay na ito. At bago mo makuha ang ipinunta mo sa tindahan, halos kalahati na ang laman ng iyong basket. Maliwanag, ang isang listahan ay mahalaga upang bawasan ang hindi kinakailangang mga bilihin.

Bago mamili, matalino ring suriin ang mga anunsiyo ng tindahan para sa mga baratilyo. Sa gayon, kung ipahihintulot ng iyong badyet, maaari kang mag-imbak ng mga pangunahing bilihin at iplano alinsunod dito ang menú sa susunod na linggo. Ang pagkaalam sa mga bagay at sa kanilang karaniwang halaga ay tutulong sa iyo upang iwasan ang mga gimik sa pagbibili kung saan ang isang bagay ay ipinalalaganap subalit hindi naman talaga nakatitipid. Ang pamimili sa kalagitnaan ng sanlinggo ay isa pang tulong. Ang tindahan ay hindi gaanong matao, ikaw ay hindi gaanong nag-aapura, gayunma’y makikinabang ka pa rin sa mga baratilyo. At tandaan na samantalahin ang mga prutas at mga gulay na nasa panahon. Ito ay mas mura sa panahong iyon at kadalasa’y maaaring isalata para sa panghinaharap na gamit. Maliwanag, ang maingat na patiunang paghahanda ay mahalaga.

Maaaring masumpungan mong matalinong huwag isama ang mga bata sa pamimili. Bakit? Sapagkat hindi ka lamang nila guguluhin kundi sila’y nakundisyon nang pilitin kang bilhin kung ano ang nakita nila sa telebisyon. Maraming ina ang namaneobra ng kanilang mga anak sa mga checkout counter na bumili ng di-kinakailangang mga laruan at basurang pagkain na kombinyenteng inilagay kung saan masusunggaban ito ng bata. Inamin ng isang ina sa gitnang-kanluran ng Estados Unidos na bihirang lumipas ang pamimili nang hindi niya “bibilhan” ang kaniyang bunsong anak na lalaki ng isang bagong laruang trak o kotse. Kaya nga, kung mahina ka sa puntong ito, kailangang magsumikap na maging maibigin ngunit matatag sa pakikitungo sa iyong mga anak kung sila ay kasama mo kapag ikaw ay namimili.

Ang tuntunin na bumili lamang ng kailangan mo ay kapit lalo na sa mga damit kapag mahigpit ang iyong badyet. Sa kabutihang palad, ang halagang ginugugol dito ay maaaring kontrolin, bawasan, at alisin pa nga sa loob ng isang panahon. Papaano? Una, sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga damit sa iba pa sa pamilya. Bagaman hindi naiibigan ng mga bata ang minamanang mga damit, kung sila ay pinatitibay-loob na pahalagahan na ang kanilang pakikipagtulungan ay makapagtitipid sa pera ng pamilya, maaaring maglaho ang kanilang hinanakit. Totoo ito lalo na kapag nakikita nila na ang natitipid na pera ay ginagamit sa pagliliwaliw, bakasyon, at iba pang mga proyekto ng pamilya.

Ikalawa, ang pagpapalitan ng mga damit at mga kagamitan ay maaaring isaayos sa gitna ng mga kaibigan at mga kapitbahay. Ang damit na hindi bagay ang kulay sa isang babae ay maaaring bagay na bagay naman sa isa. Ang mga sapatos na napakaliit o napakalaki ay maaari ngayong pakinabangan. Ang mga kagamitan, na hindi ginagamit sa isang tahanan subalit kinakailangan sa ibang tahanan, ay maaaring ipagpalit. Ang pinakamagaling na bahagi ay na ang kinakailangang mga bagay ay tinatanggap nang walang anumang bayad​—isang pangarap ng mámimili.

Paghahambing na Pamimili

Marami ang matitipid sa pamamagitan ng paghahambing ng mga presyo sa mga tindahan. Gayundin, kapag bumibili nang maramihan, tingnan kung aling tindahan ang nagbibigay ng pinakamalaking diskuwento. Ang ilang mga tindahan ng pintura, halimbawa, ay nagbibigay ng 10-porsiyentong diskuwento sa apat o higit pang galon ng iisang kulay. Kadalasan maaari kang makipangkat sa iba at makisalo sa mga produkto gayundin sa diskuwento.

Kapag bumibili ng pagkain, maaari ring sundin ang pamamaraang iyon. Tingnan sa inyong lokal na pahayagan upang malaman kung aling tindahan ang may baratilyo at mamili alinsunod dito. Huwag maging alipin sa kilalang mga marka. Ang kilalang marka ay maaaring nangunguna sa benta ngunit hindi sa nutrisyon. Ang popular na mga marka ay karaniwang mas mahal upang mapagtakpan ang pag-aanunsiyo at pag-iimpake. Ang mga marka ng tindahan ay maaaring gayundin kahusay.

Ang mga bagay na “walang palamuti” hindi pa natatagalan ay malaking tulong sa anumang badyet. Ito ay karaniwang binabalot sa simpleng itim at puting mga sisidlan (kaya gayon ang tawag dito). Subalit huwag mong hatulan ito kung hindi mo pa nasubukan ito. Marami ang nahahawig sa kalidad at lasa ng kilalang mga marka, gayunma’y mas mura. Totoo rin ito sa iniriresetang mga gamot. Ang isang panlahat na gamot ay nakikilala sa pamamagitan ng kemikal na pangalan nito sa halip ng rehistradong pangalan ng marka. Ang sangkap nito ay pareho, subalit ito’y mas mura.

Mangyari pa, kailangang maging maingat kapag gumagawa ng paghahambing na pamimili. Kung ang isa ay susugod sa bayan para lamang sa isa o dalawang bagay na baratilyo, ang halagang natipid ay mabilis na magagamit sa halaga ng pasahe. Kaya maging makatuwiran. Maaari ka ngang makatipid sa pamamagitan ng pamimili nang palagian sa isang tindahan. Malalaman mo kung kailan mayroong baratilyo. Nalalaman mo rin kung saan naroon ang mga produkto, at sa gayo’y nakatitipid ka ng panahon. Para sa mga abalang-abala, iyan ay maaaring kasinghalaga na rin ng pagtitipid ng pera.

Labanan ang mga Patibong sa Pamimili

Sinisikap ng karamihan ng mga supermarket na itaguyod ang pabugsu-bugsong pamimili. Yamang ang kanilang mga pamamaraan ay kadalasang gumagana nang wala kang kamalayan, kailangan mong labanan ang kanilang mga pagkilos sa pamamagitan ng kaalaman, kasipagan, at disiplina.

Ang tusong pag-iimpake ay isa sa ginagamit na paraan. Napansin mo ba kung gaano karaming produkto ang may makulay na mga larawan ng pagkain? Marami ay kulay pula o may kulay pula na mga titik. Iyan ang dahilan kung bakit ang “walang palamuti” na mga bagay ay tila hindi kaakit-akit kung ihahambing​—ang gana ay hindi napukaw!

Maging alisto sa paraan ng pagkakapresyo sa mga produkto. Tandaan, ang pagpipresyo sa mga bagay na 99¢, $1.99, $2.99, at iba pa, ay isang sikolohikal na panlilinlang na dumadaya sa marami. Gayundin, huwag mong akalain na dapat mong bilhin ang mga bagay na baka hindi mo naman kailangan dahil lamang sa ang mga ito ay nakaanunsiyo na tatlo sa halagang 99 sentimos.

Ang isa pang paraan kung saan baka maimpluwensiyahan ang mga mamimili na bumili ay sa pamamagitan ng kung saan nakapuwesto sa tindahan ang pagkain. Ang dulo-ng-pasilyo na mga displey, kung saan ang mga mamimili ay nagmamabagal, ay kadalasang punô ng malaking-kita na mga bagay o mga basurang pagkain. Ang pinakamamahaling bagay ay karaniwang nakapuwesto na kapantay ng paningin. Ihambing ang mga ito sa mga presyo ng mga bagay na nasa itaas o nasa ibaba ng mga istante.

Ang mga kupon ay nakapagtitipid ng salapi, at nagpapalakas din ng benta. Sa Estados Unidos, mahigit na 90 bilyon ang inilabas noong 1980 lamang. Maraming tao ang bumibili ng mga produkto dahil lamang sa mayroon silang mga kupon. Kaya tandaan: Ang mga kupon ay magiging isang pagtitipid tanging kung ipagpapalit mo ang mga ito sa mga produktong kailangan mo at regular na ginagamit. Walang bagay​—anuman ang halaga​—ay baratilyo kung talagang hindi mo ito kailangan.

Panatilihin ang pagiging alisto habang ikaw ay papalapit sa checkout counter. Maaaring naiwasan mo ang maraming patibong, subalit ngayon ikaw ay bihag​—kailangan mong pumila. At ano ba ang naroon upang akitin ka? Aba, mga kendi, magasin, at mga laruan na masusunggaban ng mga bata at mailalagay sa iyong kariton. Kapag nakita mo ang mga ito, kadalasang huli na. Alin sa nabayaran mo na ito, o kailangan mong harapin ang iyong determinadong anak. Ang tindahan ay nagtagumpay!

Subalit ikaw ay maaaring magtagumpay. Ang bihasang mga mámimili ay hindi lamang nakapananatili sa kanilang mga badyet kundi nakapagtitipid din naman ng salapi samantalang namimili. Mapasusulong mo ba ang iyong mga kasanayan sa pamimili? Bakit hindi tiyakin linggu-linggo na humanap ng mga bagong paraan upang mamili at magtipid. Makikinabang ang iyong pamilya at pati na ikaw.

[Kahon/Larawan sa pahina 21]

Alam Mo Ba

Kung bakit ang kailangang mga bagay ay karaniwang malayo sa mga checkout counters?

Kung paano tinutulungan ng mga tindahan ang mga bata na maneobrahin ang kanilang mga magulang na bumili ng mga bagay?

Kung paano ka makapagtitipid sa iniriresetang gamot?

[Larawan sa pahina 22]

Ang pinakamahal na mga bagay ay kadalasang masusumpungang kapantay ng paningin, kaya ihambing ang mga bagay sa itaas at sa ibaba

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share