Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 5/22 p. 10-14
  • Sisirain Kaya ng Kasakiman ang Industriya ng Seguro?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sisirain Kaya ng Kasakiman ang Industriya ng Seguro?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Naging Dahilan ng Krisis?
  • Nagtatalo ang mga Abugado
  • Sino ang Tama?
  • Mayroon bang Lunas?
  • Kailangan Mo ba ng Seguro?
    Gumising!—2001
  • Isang Negosyo na may Malaon Nang Kasaysayan
    Gumising!—2001
  • Ang Seguro na Kailangan ng Lahat
    Gumising!—2001
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 5/22 p. 10-14

Sisirain Kaya ng Kasakiman ang Industriya ng Seguro?

ISANG batang babae, na dalawang taóng gulang lamang, ay biglang inatake. Siya ay isinugod sa ospital. Subalit siya ay tinanggihan ng ospital. Tinanggihan din siya ng isa pang ospital, at ng sumunod pang ospital. Walang mga doktor sa mga emergency room. Sabi nila na basta hindi nila magagawa ang paggamot doon. Sa katunayan, literal na libu-libo ang umalis na kamakailan sa larangan ng medisina. Ang lahat ng uri ng negosyo, rin naman, ay napilitang magsara. Ang mga lupon ng bayan ay nagbitiw sa tungkulin. Sinarhan ng mga lunsod ang kanilang mga parke. Bakit?

Ang sagot: krisis sa seguro. Ang Estados Unidos ay sumusuray-suray pa rin dahil sa tatlong-taóng krisis sa napakataas na halaga ng seguro. Apektado ka ba? Sa paano man, ikaw ay pinansiyal na tinamaan ng krisis. Ikaw ay walang alinlangang nagbayad nang higit para sa medikal na pangangalaga at sa lahat ng uri ng paninda at paglilingkod, pati na ang mas matataas na buwis ng munisipyo.

Bakit ang krisis? Bueno, upang sagutin, ating alaming sandali kung ano nga ba ang seguro. Sa uliran, isa itong paraan upang pangalagaan ang isang indibiduwal mula sa mabigat na pinansiyal na kalugihan sa pamamagitan ng pamamahagi ng kalugihang iyon nang pantay-pantay sa maraming nagbabayad ng hulog sa seguro (premium). Ang isang uri na higit at higit na naging mahalaga ay ang tinatawag na seguro sa pagkakautang (liability insurance). Binibigyan ka nito ng proteksiyon kung ipinalalagay ng batas na ikaw ay may pananagutan sa pinsala sa tao o sa ari-arian. Ang mga doktor, mga abugado, lahat ng klaseng negosyo, at pati na ang mga pagkabayan at mga lunsod ay hindi makakilos kung walang polisa sa pagkakautang.

Gayunman, bagaman ito’y mahalaga, mga ilang taon na ang nakalipas ang seguro sa pagkakautang sa Estados Unidos ay nagsimulang maubusan ng pondo. Biglang itinaas ng mga kompaniya sa seguro ang mga hulog sa seguro sa pagkakautang, karaniwan nang dinodoble, apat na beses na mas mataas, itinataas pa nga ito nang sampung ulit! Kadalasang kinakansela na lamang nila nang lubusan ang mga polisa.

Ang problema ba ay natatakdaan sa Estados Unidos? Hindi; ang seguro, sa wari, ay naging isang maselan ang pagkakatimbang na internasyonal na sistema. Ang mga kompaniya sa seguro sa Amerika ay nakaseguro mismo sa mga kompaniyang muling nagsiseguro, na ang karamihan ay nakabase sa Europa. Ang marami sa mga ito ay bumagsak o binawi ang kanilang seguro dahil sa krisis. Sa katunayan, nalalaman na itinulad ng mga ekonomistang dayuhan ang impluwensiya ng ekonomiya ng E.U. sa mabigat na suliranin na para bang ikaw ay nasa isang bangka na kasama ng isang elepante. Maaaring hindi ka umasa sa elepante ukol sa kaligtasan, subalit tiyak na apektado ka ng bawat kilos niya! Samakatuwid saan ka man nakatira, naaabot ka ng krisis sa seguro.

Ano ang Naging Dahilan ng Krisis?

Hindi kataka-taka, maraming pagkakaiba ng palagay tungkol sa suliraning ito. Mayroong dalawang panig ng palagay. Sa isang panig ay ang mga kompaniya sa seguro at ang marami sa kanilang mga parokyano; sa kabilang panig naman, ay ang mga abugado, mga unyon ng manggagawa, at mga pangkat na nagbibigay-proteksiyon sa mamimili.

Sinasabi ng industriya ng seguro na ito ay naging biktima ng isang Amerika na nahilig sa pagdidemanda. Ang mga hukom at ang mga hurado ay naging bantog sa kasamaan sa pagbibigay ng pagkalaki-laking mga bayad-pinsala sa mga nagdidemanda. Ang malakas na amoy ng salapi sa hangin ay nag-udyok ng sangkaterbang mga asunto, na binabayaran ng mga kompaniya sa seguro. Sa mga membro ng nabanggit na hurado ang ilan sa popular na mga kuwentong kanilang isinasaysay upang ipaghalimbawa.

Inaakala ng mga kritiko sa mga korte na isinisiwalat ng gayong mga kaso ang pangunahing pagkakamali sa sistema. Halimbawa, hindi nakikita ng mga pabrikante kung bakit dapat silang managot sa mga aksidente na nangyayari dahilan sa ang kanilang produkto ay nasira o mali ang pagkakagamit. Ang Europeong mga pabrikante lalo na ay nagkakaroon ng malabong pangmalas sa Amerikanong mga asunto. Sa Europa, ang isang nagsasakdal na natatalo sa kaniyang kaso ay karaniwang napipilitang bayaran ang kaniya mismong mga pagkakagastos sa hukuman at yaong pagkakagastos ng kanilang kalaban. Kaya ang mga Europeo ay nag-aatubiling magdemanda.

Idinaraing lalo na ng mga kompaniya sa seguro ang ideya tungkol sa “sama-sama o kaniya-kaniyang pagkakautang,” o ang teoriya ng “maraming-pera.” Kung ilang mga naghahabla ang kasangkot sa isang asunto, maaaring pilitin ng hukuman ang isa na may pinakamaraming pera na bayaran ang lahat ng mga bayad-pinsala, kahit na pinakamaliit lamang ang pananagutan niya. Ang “maraming-pera” ay karaniwang tumutukoy sa kaniyang kompaniya sa seguro.

Ayon naman sa panig ng kompaniya sa seguro, ang tanging plano sa napakaraming mga pagdidemanda ay ang mga abugado. Ang kanilang kabayaran ay maaaring kumita sa kanila ng hanggang kalahati ng bayad-pinsala ng kanilang kliyente, kaya sila ay nauudyukang magdemanda ng pagkalaki-laking halaga. Inaakala rin ng mga kompaniya sa seguro na ang mga Amerikano ngayon ay di-makatotohanan, umaasa ng isang ganap na walang-panganib na kapaligiran o di kaya’y ng sapát na bayad-pinsala kailanma’t ito’y mapatunayang iba.

Nagtatalo ang mga Abugado

Maraming abugado, mga samahan ng mga abugado, at mga unyon ng manggagawa ang masidhing nagtatalo sa palagay na ito. Sinasabi nilang hindi umiiral ang napakaraming pagdidemanda. Ang labis-labis na mga bayad-pinsala na malawakang iniuulat sa mga pahayagan ay karaniwang binabawasan sa mga hukuman sa pag-aapela. Gayundin, ang ibang mga reklamo na ang mga kompaniya sa seguro ay lubhang umaasa sa mga anekdota na gaya niyaong nasa pahina 11 para sa katibayan o, mas masahol pa, sa pagsasaysay ng mga kuwento sa di-kompletong anyo.

Isaalang-alang, halimbawa, ang huling asunto sa bahaging “Di-gaanong Mahalagang Asunto?” Ang mga pangyayaring binanggit ay totoo, subalit hindi nito sinasabi ang buong kuwento. Kalimitang hindi binabanggit, halimbawa, na ang skylight na bubong ay pinintahan at lubhang di-makilala sa ibang bubong kung gabi, at na kamakailan mayroong namatay sa isang kahawig na aksidente sa kalapit na paaralan. Batid ng akusadong paaralan ang panganib at nagbabalak na palitan ang skylight na bubong. Isa pa, ang magnanakaw ay baka mas angkop na mailalarawan bilang isang may kapilyuhan. Siya ay bago lamang nagtapos sa high school at sinisikap niyang ilipat ang floodlight upang ilawan ang isang basketball court.

Ang mga kritiko ay nagparatang na ang industriya ng seguro ang nagdala ng krisis sa kaniyang sarili. Papaano? Lubha nilang ibinaba ang kanilang mga halaga at tinanggap pa nga ang posibleng kalugihan noong dakong huli ng 1970’s, upang akitin lamang ang higit na mga dolyar ng inihuhulog sa seguro upang ipuhunan na may matataas na interes na nakukuha noon. Subalit nang bumagsak ang halaga ng interes, nasumpungan ng mga kompaniya sa seguro ang kanilang mga sarili na nasa problema. Tumugon sila sa pamamagitan ng pagtataas sa babayarang halaga ng seguro.

Binabanggit pa ng mga abugado ang $6.5 milyong kampaniya sa pag-aanunsiyo na inilagay ng mga kompaniya sa seguro upang batikusin ang napakaraming pagdidemanda, ipinaparatang na ito ay isa lamang pakana, una, upang alisin ang sisi ng mataas na halaga sa mga kompaniya ng seguro at, ikalawa, upang udyukan ang kampaniya sa maling reporma, ang paggawa ng mga pagbabago sa mga hukumang sibil. Sinasabi ng mga kritiko na itinataguyod ng industriya ang gayong mga reporma upang hindi nito kailangang bayaran ng malaking salapi ang napinsalang tao.

Sa maikli, pinararatangan ng mga abugado ang mga kompaniya sa seguro ng kasakiman.

Sino ang Tama?

Walang alinlangan na mayroong ilang katotohanan sa magkabilang panig. Inaamin ng mga kompaniya sa seguro na ang kanilang mga polisa sa pamumuhunan noong nakalipas na dekada ay siya ngang naging dahilan ng ilan sa krisis sa kasalukuyan. Gayunman, iginigiit nila na ang mga pagtaas sa halaga ang kanilang tanging paraan upang makaligtas sa kasalukuyang mahilig magdemandang kapaligiran.

Kumusta naman ang tungkol sa napakaraming pagdidemandang ito? Umiiral ba ito o hindi? Samantalang may kadalubhasaang naghahagisan ng mga estadistika sa isa’t isa upang ipakita ang kanilang punto, ang katotohanan ay wari bang nasa pagitan nilang dalawa. Wari ngang hindi maikakaila na ang mga Amerikano ang pinakamahilig magdemandang tao sa daigdig. Noong 1984, isa sa bawat 17 Amerikano ay nagsampa ng isang demanda! Ang mga Amerikano ay nagdidemanda ng mga 20 beses na mahigit kaysa mga Haponés. Sa katunayan, kung paanong sa Hapón ay mayroong isang abugado sa bawat 15,000 katao, ang Estados Unidos ay mayroong isa sa bawat 375. Isa pa, kung minsan pinalalaki pa ng mga kompaniya sa seguro ang larawan. Halimbawa, iniuulat nila ang bayad-pinsala ng hurado sa mga termino ng karaniwang bayad-pinsala. Ang isa lamang napakalaking bayad-pinsala ng isang membro ng hurado ay pipilipit sa gayong bilang.

Ang tanging punto na maaaring sang-ayunan ng magkabilang panig ay waring yaong bagay na ang kasakiman ng tao ang nasa ugat ng problema. Subalit gaya ng itinatanong ng magasing Time, “Ah, subalit kaninong kasakiman?” Binabatikos ng mga abugado ang kasakiman ng industriya ng seguro. Binabatikos naman ng mga kompaniya sa seguro ang kasakiman ng mga abugado at ang lipunan na ginagamit ang sistema ng hukuman bilang isang loterya. Sa ilang punto, sila kapuwa ay wari ngang may mabuting kaso. Hindi naman kataka-taka; sa paanuman, ang ating modernong lipunan ay natigmak ng kasakiman. Naging angkop dito ang kilalang paglalarawan ng Bibliya tungkol sa ating panahon.​—2 Timoteo 3:1-5.

Mayroon bang Lunas?

Pagdating sa paglutas sa krisis, ang mga debate ay tumitindi. Itinaguyod ng mga kompaniya sa seguro ang reporma sa mga hukuman. Ang panig ng mga abugado ay nanawagan ng higit na mga regulasyon sa gobyerno tungkol sa industriya ng seguro. Ginipit ng magkabilang panig ang mga gobyerno ng estado na itaguyod ang kanilang mga palagay.

Hanggang ngayon, isinabatas na ng maraming estado ang mga reporma, tinatakdaan ang mga bayad-pinsala ng hurado at ang kabayaran ng mga abugado at tinatakdaan ang teoriya ng “maraming-salapi.” Sinikap pa nga ng ibang estado na ipatupad ang mas mahigpit na mga regulasyon tungkol sa halaga ng seguro subalit nang walang gaanong tagumpay. Sinasabi ng mga abugado na isinara lamang ng mga reporma ang mga hukuman sa mahihirap at napinsala, samantalang iniingatan ang industriya ng seguro.

Nakatulong ba ang mga hakbang na ito? Noong Pebrero 9, 1987, iniulat ng The New York Times na ang krisis sa pagkakautang ay nabawasan sa wakas. Gayunman, maraming eksperto ay nagdududa sa “pagkabawi” na ito. “Kalokohan!” sabi ng isang broker sa Lloyd’s. Isang Suisong muling-tagaseguro ay nagsabi: “Ang krisis sa pagkakautang ay hindi pa nagagamot, sapagkat sinisikap ng mga Amerikano na lunasan ito. Ang suliranin ay mas malalim. Ito’y hindi lamang pinansiyal . . . kundi sosyal.”

Totoo. Gayunman, gaanong sosyal na pagbabago ang maaasahan nating pangyayarihin ng mga ahensiya ng tao? Sinisisi ng tagapangulo mismo ng Lloyd’s ng London ang mga kompaniya sa seguro sa “pagligaw sa mga tao na maniwala na maibibigay ng seguro, ang ibig sabihin, ang lunas sa lahat ng suliranin ng tao.” Maliwanag, kailangang bigyang-pansin ng tunay na lunas sa krisis sa seguro ang ilan sa napakalaking mga suliranin ng tao​—ang pangingibabaw ng kasakiman ng tao, ang patuloy na banta ng mga kalamidad, at ang pangangailangan para sa isang maaasahang sistema ng hustisya, upang banggitin lamang ang ilan. Anong laking trabaho! Ang mga sistema ng hukuman, mga abugado, at seguro ay pawang mahahalagang pangangailangan sa daigdig ngayon, subalit tiyak na hindi ito ang magbibigay ng lunas na iyon.

Kumusta naman, kung gayon, ang Maylikha ng tao? Ipahihintulot niya kaya sa tuwina ang kasakiman ng tao na mamahala sa mga bagay sa daigdig? Layon ba niya magpakailanman na mabuhay tayo sa ilalim ng banta ng kalamidad sa tuwina? Ipinakikita ng katuwiran na ang kasagutan sa kapuwa mga katanungang iyon ay hindi. Higit pa riyan, tinitiyak sa atin ng Bibliya, isang aklat na may sakdal na rekord ng pagkamaaasahan, na hindi na magtatagal ang Diyos ay magtatatag ng isang pandaigdig na pamahalaan na nasasalig sa katarungan. Gagamitin niya ito upang alisin sa lupa kapuwa ang kasakiman at kalamidad magpakailanman!​—Isaias 32:1; Kawikaan 1:33; 1 Corinto 6:10.

[Kahon sa pahina 11]

Di-gaanong Mahalagang Asunto?

◼ Nakasagupa ng tatlong lalaki sa Estados Unidos na nanghuhuli ng ulang ang isang malakas na bagyo at nawala sa dagat. Inihabla ng kanilang mga pamilya ang National Weather Service dahil sa maling pagsasabi ng lagay ng panahon at tumanggap ng $1.25 milyon.

◼ Tinamaan ng kotse ng isang babae ang isang nakakawalang kabayo, at ang kabayo ay sumalpok sa bubong, pinapatay ang babae. Idinemanda ng namamahala sa asyenda ng babae ang pabrikante ng awto, na ang mga pagtutol na walang kotse ang makatatagal sa gayong kalakas na pagkakasalpok ay hindi pinakinggan. Ang pabrikante ay dapat na magbayad ng $1,500,000.

◼ Isang lalaki ang nagtangkang magpatiwakal sa pamamagitan ng paglukso sa harap ng isang subwey tren. Siya ay tinamaan at nasaktan. Siya ay nagdemanda, sinasabing dapat sana’y inihinto agad ng tsuper ang tren. Ang kaso ay inayos sa halagang $650,000.

◼ Ginamit ng isang marino ang isang 50-taóng gulang na winch na walang safety guards at siya ay napinsala. Idinemanda niya ang pabrikante, nanalo, at binangkarote ang kompaniya.

◼ Isang lalaki ang sumisid sa alon sa dalampasigan at malubhang napinsala ang kaniyang sarili. Inihabla niya ang lokal na bayan at nanalo ng $6,000,000.

◼ Isang lalaki ang hindi pinapasok sa isang magarang disco sa New York. Siya ay nagsakdal sa salang mental na pagdurusa at binigyan ng bayad-pinsala na $50,000.

◼ Isang Amerikanong manggagawa sa konstruksiyon ang nagpaputok ng isang staple gun; isang staple ang tumalbog sa dingding at tumama sa kaniya. Idinemanda niya ang pabrikante, iginigiit ng isang kompaniya sa Kanlurang Alemanya na hindi tama ang paggamit ng lalaki sa kagamitan. Ang lalaki ay nanalo sa usapin at binigyan ng bayad-pinsala na $1.7 milyon.

◼ Isang 19-anyos na magnanakaw ang nagsikap na nakawin ang isang floodlight mula sa bubungan ng isang high-school, bumagsak siya sa isang skylight na bubong, at malubhang napinsala. Idinemanda, binayaran ng paaralan ang kabataan ng $260,000, at $1,500 buwan-buwan.

[Kahon sa pahina 13]

Apektado ng Krisis ang Buhay

◼ Isang malawak ang pagkakalathalang martsa ukol sa kapayapaan ang tumigil, dahilan sa hindi makuha ang hinihiling na seguro.

◼ Isang nagsosolong ina, nagpupunyaging suportahan ang kaniyang sarili at ang kaniyang anak na lalaki, ang hindi man lamang makabili ng kagamitang kailangan niya para sa kaniyang maliit na negosyo sa paglilinis. Bakit? Ang kaniyang seguro sa pagkakautang ay tumaas ng mahigit na 52 porsiyento sa nakalipas na dalawang taon.

◼ Ang mga obstetrician ay lalo nang apektado ng mga demanda tungkol sa maling pagsasagawa ng kanilang propesyon at pagkatataas na halaga ng seguro. Napakarami nilang nagsialis sa larangang ito. Halimbawa, 27 porsiyento ng mga obstetrician sa California ang hindi na nangangasiwa sa pagpapaanak.

◼ Sa Sweden isang tagasuplay ng mga ball bearing ang kinailangang magsara. Sinisisi ng isang eksperto ang krisis sa seguro. Isip-isipin ang nawalang trabaho!

◼ Sa Pransiya kinansela ng isang tagagawa ng mga kagamitan sa kusina ang polisa nito. Ang tanging bagong polisa na makukuha nito ay 12 ulit ang halaga!

◼ Nakakaharap ang pagkalaki-laking pagtaas ng seguro, binoykoteo ng mga doktor ang mga emergency room bilang pagprotesta, samantalang ang iba pa ay basta nagbitiw na. Para bang ito’y ang “pagpapraktis na may baril sa iyong ulo,” sabi ng isang nagbitiw.

[Larawan sa pahina 10]

Kung paano nakikita ng mga ekonomista ng daigdig ang impluwensiya ng ekonomiya ng E.U.

“Pakisuyong huwag kang magpakulo!”

[Larawan sa pahina 12]

Sinasabi ng mga abugado na ang mga kompaniya sa seguro ay masasakim

[Larawan sa pahina 13]

Sinasabi naman ng mga kompaniya sa seguro na ang mga abugado at kliyente ay masakim

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share