Mula sa Aming mga Mambabasa
Sakit sa Isip
Sapol nang ako ay 16 (ako ngayon ay 48), nagpatingin na ako sa maraming doktor, kahit isa sa kanila ay walang nagawa sa akin kundi resetahan lamang ako ng mga gamot na pampakalma. Ang aking kalagayan ay lumubha, at naranasan ko ang mga guniguni, kahawig niyaong kay Irene sa “Pag-asa sa mga Maysakit sa Isip.” (Setyembre 8, 1986) Nagkamali rin ako sa pagbatay ko ng aking pagpapahalaga sa sarili sa kung ano ang palagay sa akin ng iba. Tanging sa tulong lamang ng artikulong ito, at ng iba pang artikulo tungkol sa panlulumo, talagang natanto ko nang wasto ang karamdaman. (Oktubre 22, 1987, at Nobyembre 8, 1987) Mas mabuti na ang pakiramdam ko ngayon. Ang malaman mo na ang iba ay dumaranas din ng gayon ay isang pampatibay-loob upang ipagpatuloy ang pakikipagbaka laban sa panlulumo.
A. P., Austria
Paghihiwalay ng Aking mga Magulang
Ako po ay isang 16-anyos na walang pinalalampas ni isa mang artikulo sa serye na “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” Pagkatapos basahin ang artikulong pinamagatang “Sisirain Kaya ng Diborsiyo ng Aking mga Magulang ang Aking Buhay?” (Disyembre 22, 1987), nakadama ako ng ginhawa sa pagtanggap ng mga kasagutan at nauukol na payo. Madalas kong naitatanong sa aking sarili ang mga katanungan ding iyon nang magdiborsiyo ang aking mga magulang. Ang mga serye para sa mga kabataan ay talagang nakatutulong.
S. E. O., Italya
Ang Pagpapahintulot ng Diyos sa Masama
Sinasabi ng “Kung Paano Ipinaliliwanag ng Ilan ang Pagpapahintulot ng Diyos sa Kasamaan” (Oktubre 8, 1987) sa mga mambabasa na ang mga Christian Scientist ay naniniwala na ang kasamaan ay hindi totoo. Ito’y nagbibigay ng impresyon na basta hindi nila iniintindi ang kasamaan. Tamang mga salita. Maling impresyon. Ang talagang itinuturo ng Christian Science ay na ang kasamaan ay hindi nagmumula sa Diyos—ang Tagapagkaloob ng tunay na katotohanan. Ang kasamaan ay walang bigay-Diyos na awtoridad, pananatili, o kapangyarihan. Inaakala ng mga Christian Scientist na ang kasamaan ay kinakatawan sa Kasulatan na Satanas o ang Diyablo, subalit ito ay pinakamabuting mapaglalabanan sa pamamagitan ng pag-unawa sa pinakadiwa nito na gaya ng pagsisinungaling (Juan 8:44) o isang pandaraya sa sanlibutan (Apocalipsis 12:9) tungo sa pagtanggap dito bilang totoo. Salig sa pagbibigay ng Diyos ng walang-hanggang kabutihan na nadarama natin ang kapangyarihan ng Kristo ay nagbubunyag at sinusugpo ang kasamaan na hindi makatuwiran.
N. A. T., The First Church of Christ, Siyentipiko, Estados Unidos
Binanggit ng aming artikulo na sinikap ni Mary Baker Eddy na lutasin ang problema tungkol sa kasamaan sa pamamagitan ng pagtatatuwa na ang kasamaan ay umiiral, at sinipi namin ang “Science and Health With Key to the Scriptures” na gaya ng sumusunod: “Hindi kailanman ginawa . . . ng diyos ang tao na may kakayahang magkasala . . . Sa gayon, ang kasamaan ay isa lamang ilusyon, at walang tunay na batayan.” Hindi namin nanaising maghatid ng maling impresyon, subalit nauunawaan namin ang mambabasa na si N. A. T. na nagpapahayag ng gayunding kaisipan na may kakaibang pananalita.—ED.
Kaligayahan sa Pagbibigay
Maraming salamat sa inyong mga artikulong “Ang Kaligayahan sa Pagbibigay—Nararanasan Mo ba Ito?” (Nobyembre 22, 1987) Yamang ako mismo ay nasisiyahan sa pagbibigay ng mga regalo, alam ko kung gaano kaligaya ang madarama mo kapag ang taong binigyan mo ng isang bagay ay nagpahayag ng kaniyang kagalakan at pasasalamat. Natutuhan ko ngayon na magpakita ng higit na pagpapahalaga, kahit na sa maliliit na bagay, natatanto na ito ay mula sa puso.
T. W., Pederal na Republika ng Alemanya