Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 6/8 p. 14-18
  • Ito’y Nagsimula sa Kathmandu

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ito’y Nagsimula sa Kathmandu
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mula sa Inhinyeriya Tungo sa Sikolohiya
  • Pag-aaral sa Unyong Sobyet
  • Pagsambang Hindu at Methodista
  • Ginambala ng mga Katanungan
  • Pag-aalinlangan at Pagkatapos ay Paniniwala
  • Mula sa Sikologo Tungo sa Pagiging Tsuper ng Bus!
  • Isang Bagong Hamon sa New York
  • Mas Maligaya sa Kakaunti
  • Sila’y Kumbinsido sa Kathmandu
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Young People Ask—How Can I Make Real Friends?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2012
  • “Ang Lungsod na May Tunay na mga Pundasyon”
    Gumising!—1994
  • “Naantig Kami sa Kanilang Pag-ibig”
    Gumising!—2017
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 6/8 p. 14-18

Ito’y Nagsimula sa Kathmandu

Gaya ng inilahad nina Bishnu at Tara Chitrakar

“TARA, nais kong pumarito ka at kilalanin mo ang lalaking inaakala kong magiging isang mabuting asawang lalaki para sa iyo!” Ganiyan ang pagkakabalita sa akin ng aking ama sa isang ospital sa Kathmandu, Nepal. Ako’y 28 anyos at nagtatrabaho roon bilang isang doktor. Taglay ang pagsang-ayon ng aming mga magulang, kami ay ikinasal pagkalipas ng apat na linggo!

Ang pangalan ng lalaki ay Bishnu Chitrakar. Siya ay 34 anyos at nagdalubhasa sa teknolohiya ng inhinyeriya sa pagsasaka. Noong nakalipas na mga taon, paminsan-minsan ay nakikita ko siya sa mga lansangan sa Kathmandu, subalit hindi ko pa siya personal na nakikilala noon. Ito ay maaaring tila kakatuwa sa mga taga-Kanluran, subalit ang mga pag-aasawa na isinaayos ng mga magulang ang naging kaugalian na sa nakalipas na mga dantaon sa aking katutubong bayan ng Nepal​—at napakakaunti ng diborsiyo. Marahil ay kailangan kong magpaliwanag nang kaunti.

Kapag ang isang babae sa Nepal ay nag-asawa, siya ay makikipisan sa mga magulang ng kaniyang asawa. Kung aalis ang anak na lalaki, ito ay kahiya-hiya. Ang lalaki ay inaasahang mananatili sa bahay at patuloy na tatangkilikin ang mga kaayusan ng pamilya. Kaya, kikilatising mabuti ang magiging manugang na babae sa kung paano siya makikibagay sa kanilang anak na lalaki at sa kanila. Sa ganitong paraan ang mga taon ng karanasan ay napakikinabangan sa pagpili ng isang asawang babae at ng isang asawang lalaki.

Gayon man, naroon ako, isang kuwalipikadong doktor, sinanay sa Moscow Medical Institute sa Unyong Sobyet, at asawa ng isang lalaking isasama ako sa Estados Unidos. Subalit mamaya ko na ipaliliwanag iyan. Una muna, hayaan nating si Bishnu ang maglahad ng kaniyang kuwento.

Mula sa Inhinyeriya Tungo sa Sikolohiya

Bishnu: Noong maagang 1960’s, nang ako ay nagtatrabaho sa United States Agency for International Development sa aking katutubong bayan ng Nepal, hindi man lamang ako nababahala kung baga mayroon bang Diyos o kung alin kaya ang tunay na relihiyon. Ako’y pinalaki sa isang Hindu-Budistang kapaligiran kung saan ang regular na pagdalaw sa mga templo ang siyang mahalaga. Dahil sa pagtrabaho ko na kasama ng mga Amerikano, nangarap akong makapunta sa Estados Unidos upang mag-aral pa ng higit. Ang pangarap na iyon ay nagkatotoo nang isang kaibigang inhinyero agrikultura mula sa Kansas ang nagtaguyod sa akin na magtungo sa Estados Unidos noong 1965.

Mula noong 1965 hanggang 1969, ako ay nag-aral ng inhinyeriya sa pagsasaka sa University of Hawaii at pagkatapos ay sa Oregon State University. Samantalang naroon, ako ay napiling maging isang tagapayong estudyante sa isang dormitoryo. Nagbigay ito sa akin ng pagkakataon na makitungo sa mga tao at sa kanilang mga problema. Saka ko natanto na mas interesado ako sa mga tao kaysa mga kanal at mga makinaryang gamit sa agrikultura. Kaya pagkatapos mag-aral ng halos limang taon, inihinto ko ang pag-aaral sa inhinyeriya at lumipat ako sa pag-aaral ng sikolohiya. Sa paglipas ng panahon ay tinanggap ko ang aking Master’s degree sa clinical psychology sa Wichita State University.

Noong 1971 ako’y umuwi sa Nepal para sa isang maikling pagdalaw. Isip-isipin mo ang pagkagulat ko nang sabihin sa akin ng aking ina na mayroon siyang nakikilalang isang mabait na babae na buhat sa isang mabuting pamilya. Maging interesado kay ako na mapangasawa siya? Naisip ko, ‘Bueno, oo, kapag nakatapos na ako sa aking pag-aaral sa Estados Unidos sa loob ng isang taon.’ Gaya ng nangyari, kami ay ikinasal sa loob ng apat na linggo. Kami ay ikinasal sa tradisyunal na kasalang Nepalese na tumagal ng dalawang araw. Yamang kami kapuwa ay mula sa uring Chitrakar, marami sa aming mga kamag-anak ang naroroon.

Ngayon ay maaaring magtaka ka kung paano kami makakaasang magkaroon ng isang matagumpay na pag-aasawa salig sa napili ng aming mga magulang at kaunting-kaunti lamang ang nalalaman namin tungkol sa isa’t isa? Ang sagot ay sapagkat nagtitiwala kami sa kanilang pagpapasiya​—at napatunayan ng panahon na sila ay tama. Kaya sa halip na sundin ang Kanluraning paraan ng pakikipag-date at pagliligawan, sinunod namin ang aming tradisyunal na paraan na ang aming mga magulang ang siyang nagtutugma ng aming mga katangian, pagpapahalaga, at ugali.

Pagkatapos ng aming kasal si Tara ay patuloy na nagtrabaho bilang isang doktor sa isang lokal na ospital sa Nepal. Gayunman, hindi siya maligaya sa espirituwal na paraan. Siya ay pinalaki na isang Hindu at mayroon siyang aktibong relihiyosong budhi. Marami siyang katanungan tungkol sa relihiyon. Subalit siya na ang magsasabi niyan sa atin.

Pag-aaral sa Unyong Sobyet

Tara: Una muna, hayaan mong ipaliwanag ko sa iyo kung paano ako napunta sa Unyong Sobyet. Ako’y pinagkalooban ng pamahalaang Sobyet ng isang scholarship upang mag-aral ng medisina sa Moscow. Pagkatapos dumating ang unang problema. Kailangan kong matuto ng wikang Ruso. Karaniwan na, ang mga estudyante ay ipinadadala sa Russia para sa isang taóng pag-aaral ng wika. Gayunman, dahil sa isang pagkaantalang administratibo, ako ay dumating sa Moscow na anim na buwang huli. Anim na buwan na lamang ang natitira sa akin upang pag-aralan ang wikang Ruso! Pagkatapos ako’y nagtungo agad sa medical school para sa anim na taóng pagsasanay.

Madalas akong tanungin kung ano ang palagay ko sa Unyong Sobyet. Mangyari pa, ang lahat ng bagay sa buhay ay maitutulad, at ang aking tinutukoy noon ay ang Nepal, isang nagpapaunlad pang bansa. Kaya, hangang-hanga ako sa malilinis na lunsod at sa ekselenteng sistema ng transportasyon, lalo na sa Moscow. Kung tungkol sa mga tao, nasumpungan ko na mayroon silang parehong pangunahing pangangailangan gaya ng mga tao saanman​—sapat na pagkain, pananamit, at trabaho upang masustentuhan nila ang kanilang mga anak. Labis-labis ang paghihirap na dinanas nila sa Digmaang Pandaigdig II anupa’t sila ay palaisip sa pangangailangan ukol sa kapayapaan.

Bilang isang estudyante sa medisina, nsumpungan ko na mahal ng mga doktor at ng mga propesor ang kanilang trabaho, kahit na hindi malaki ang suweldo nila. Sa katunayan bilang isang estudyanteng nasa scholarship, ako ay tumatanggap ng mas maraming pera (90 ruble sa isang buwan) kaysa aking kapuwa mga estudyanteng Ruso. Marami sa mga doktor at mga seruhano, gayundin ang ilang hepe ng mga departamento sa ospital, ay mga babae.

Pagsambang Hindu at Methodista

Nang matapos ko ang aking pag-aaral sa Moscow, ako ay nagbalik sa Nepal at, gaya ng nalalaman mo na, ako’y nag-asawa. Pagkalipas ng ilang buwan, nagtungo rin ako sa Estados Unidos upang makasama ng aking asawa. Hinahanap-hanap ko ang ilang bahagi ng aking buhay sa Nepal. Bilang isang Hindu, nasanay akong dumalaw sa mga templo sa Kathmandu. Bagaman ang aking relihiyon ay hindi gaano o hindi nagbibigay-pansin sa doktrina, hinahanap-hanap ko ang panlabas na mga katunayan ng espirituwalidad. Kailangan ko ng isang “templo.”

Sa kabila lamang ng kalye mula sa tanggapan ng koreo sa Winfield, Kansas, kung saan kinukuha namin ang aming sulat araw-araw, ay naroon ang isang simbahang Methodista. Kaya isang araw si Bishnu ay nakipag-usap sa pastor, at mula noon kami ay nagsimulang dumalo sa simbahang iyon.

Ngayon ang pastor at ang kaniyang kahalili ay nakakaalam na ako ay isang Hindu at na ako ay may mga diyus-diyosan sa bahay; ngunit, wala silang tutol diyan. Masasabi ko na ang aking apat na taon ay hindi nagdulot sa akin ng kasiyahan sa espirituwal. Wala kaming kaalam-alam tungkol sa Bibliya.

Ginambala ng mga Katanungan

Bilang isang doktor, nakikita ko ang maraming paghihirap. Halimbawa, noong minsan sa Kathmandu, nakita ko ang isang babae na nasindak sapagkat siya ay sinalinan ng di katugmang dugo. Ang gawain sa laboratoryo ay hindi laging maingat, at nangyayari ang nakamamatay na mga aksidente.

Ako’y ginambala ng mga katanungan na hindi masagot ng Hinduismo o ng Methodismo. Halimbawa, Bakit tayo kailangang mamatay? Bakit napakaraming paghihirap sa daigdig? Sino ang may pananagutan sa paghihirap ng tao? ‘Paano ako makasusumpong ng kasagutan,’ naitanong ko.

Isang araw dumalaw sa amin ng mga Saksi ni Jehova. Sinabi ko sa kanila na kami ay dumadalo sa simbahang Methodista. Subalit nang tanungin ng Saksi kung nais naming maunawaan ang Bibliya, nagustuhan ni Bishnu ang ideyang ito. Hindi nagtagal ang aking mga katanungan ay sinasagot ng Bibliya at sa makatuwirang paraan. Ngayon ang Bibliya ang aklat na nais kong maunawaan nang higit kaysa anupamang bagay. Natalos ko na walang pananagutan ang isang Diyos ng pag-ibig sa lahat ng paghihirap sa daigdig. Buhat sa Bibliya, naunawaan ko na ito ay tunay na ang pinagsamang impluwensiya ni Satanas at ang pagiging masuwail mismo ng tao na siyang umaakay sa paghihirap at kamatayan.​—Deuteronomio 32:4, 5; 1 Juan 5:19; Apocalipsis 12:9-12.

Natanto ko rin na kung ang mga pangalan ng mga diyos ng Hindu ay mahalaga upang makilala ang kaibhan nila sa isa’t isa, gaano pa ngang napakahalaga ng pangalan ng tunay na Diyos, si Jehova, upang makilala ang kaibhan niya sa lahat ng huwad na mga diyos na umiiral sa daigdig. (Awit 83:18) Labis kong ikinatuwa ang pag-asa tungkol sa isang bagong sanlibutan ng kapayapaan at pagkakaisa. (Apocalipsis 21:3, 4) Subalit samantalang ako’y nasasapatan sa espirituwal, hindi madaling matanggap ni Bishnu ang mga kasagutan.

Pag-aalinlangan at Pagkatapos ay Paniniwala

Bishnu: Samantalang tinatanggap ni Tara ang katotohanan ng Bibliya, akin namang tinatanggihan ang ideya na mayroon lamang iisang kalipunan ng katotohanan. Kaya’t nakipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi, ngunit upang makasumpong lamang ng kamalian. Gayunman, matiyagang sinagot ng mga Saksi ang lahat ng mga katanungan ko mula sa Bibliya. Unti-unti ako’y naging kumbinsido.

Sa wakas, kami ay lumipat sa Arlington, Virginia, at noong Disyembre 1979 kami’y nabautismuhan bilang nag-alay na mga Saksi. Naipasiya namin ngayon na dapat naming gamitin nang higit ang aming buhay sa kapurihan ni Jehova. Kaya tiniyak namin na sa anumang panahon, isa lamang sa amin ang magtatrabaho nang buong-panahon habang ang isa ay gugugol ng higit na panahon sa pangangaral at pagtuturo ng katotohanan. Sa loob ng ilang panahon ako ay nagtrabaho nang buong-panahon sa isang psychiatric treatment center para sa mga takas na mga Vietnamese.

Mula sa Sikologo Tungo sa Pagiging Tsuper ng Bus!

Noong Nobyembre 1980 lumipat kami sa Winchester, Virginia, kung saan si Tara ay nakakuha ng trabaho bilang isang clinician sa Kagawaran ng Kalusugang Bayan. Ngayon kailangan kong humanap ng trabaho. Sa loob halos ng siyam na buwan, ako ay walang makuhang trabaho may kaugnayan sa aking propesyon. Kaya, si Tara ay nagtatrabaho subalit ako ay hindi. Ang nais ko lamang ay isang part-time na trabaho, upang makagawa ako ng higit sa ministeryo.

Iyan ay isang panahon ng pagsubok para sa akin. Nasisiraan na ako ng loob at naisip kong magtrabaho nang buong-panahon. Datapuwat hindi ako sinubok nang higit sa makakaya ko. Sa wakas ako ay inalok ng isang part-time na trabaho sa isang drug rehabilitation center, nagpapayo sa mga tao na may suliranin sa droga at alak. Tamang-tama naman ito sa akin​—mapipili ko ang aking sariling iskedyul. Pagkatapos ay nagbago ang kalagayan. Ako’y pinapili​—buong-panahong trabaho o walang trabaho. Kaya minsan pa ako ay wala na namang trabaho, at ngayon ako ay may nakukuhang pakinabang mula sa gobyerno para sa mga walang trabaho. Iyan ay isang dagok sa aking dangal, subalit pagkatapos ay nakaharap namin ang isang nakapagtatakang hamon.

Ang magasing Awake! ng Hulyo 22, 1984, ay naglathala ng isang artikulo tungkol sa kawalan ng trabaho at nagbigay ng mga mungkahing mapagpipilian. Samantalang tinitingnan namin ang talaan ng posibleng mga trabaho sa labas ng bahay, itinuro ni Tara ang isa na nakaakit sa akin​—tsuper ng school-bus! Ito ang pinakaangkop na trabaho kung ang pag-uusapan ay ang iskedyul.

Mula sa sikologo tungo sa pagiging tsuper ng bus ay isang malaking pagbabago. Gayunman, gusto kong magmaneho. Kahit na ito ay nangahulugan na kailangan kong magpakababa, iniharap ko ang aking sarili sa mga awtoridad sa paaralan. Ibinigay nila sa akin ang trabaho​—at ibinigay nila sa akin ang isa sa pinakamahirap na ruta na kasama ang ilan sa pinakarebeldeng mga bata. Diyan talagang nakatulong ang kaalaman ko tungkol sa sikolohiya.

Sa isang bus na minamaneho ko, may isang maliit na grupo ng magugulong kabataan na ayaw tumahimik. Inihinto ko ang bus at ipinaliwanag ko sa kanilang lahat na alang-alang sa kanilang kaligtasan dapat ay huwag silang magulo samantalang ako ay nagmamaneho. Kung magulo sila, itatabi at ihihinto ko ang bus hanggang tumahimik sila. Pagkatapos huminto nang ilang beses, hindi nagtagal ay tiniyak ng karamihan na ang mga rebelde ay mapanatiling tahimik.

Gayunman, ang aking pinakamahalagang mga karanasan ay sa ministeryo. Ako ay nangangaral nang palagian at tumatanggap ng pagsasanay buhat kay Lansing Anderson, isang mahusay na ministrong payunir at hinirang din na matanda sa Kongregasyon ng Winchester West. Noong 1985 may mga karanasan si Tara na muling bumago sa aming buhay.

Isang Bagong Hamon sa New York

Tara: Noong 1984 at 1985, ako ay nagkaroon ng pagkakataon na maglingkod sa tatlong okasyon bilang isang dumadalaw na manggagamot sa pandaigdig na punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Ito ay isang pamayanan ng 2,700 mga Saksi mula sa buong daigdig. Doon sila kumakain, natutulog, at nagtatrabaho​—nang walang suweldo, kundi isang maliit na halaga para sa mga pagkakagastos! Lahat sila ay boluntaryong mga ministro, nakatalagang ipangaral ang “mabuting balita” ng pamahalaan ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig. (Marcos 13:10) Marami sa kanila ay nagtatrabaho sa malawak na gusali ng palimbagan upang gumawa ng mga Bibliya at mga literatura sa Bibliya sa maraming wika. Ang iba ay nagtatrabaho sa tanggapan, sa gawaing pampangasiwaan at sa pagpapatakbo ng tahanan. Kaya ang munting “bayan” na ito sa Brooklyn Heights ay nangangailangan ng mga tauhan nito sa medisina.

Tuwang-tuwa ako sa mga pagkakataong ito na magtrabaho sa gayong pamayanang Kristiyano. Kasiya-siyang magtrabaho na kasama ng mga taong malilinis sa katawan at isipan at may katulad na pananampalataya na gaya ng sa akin. Saka dumating ang malaking sorpresa. Kami’y inanyayahan ng Samahang Watchtower upang maglingkod nang buong-panahon sa pandaigdig na punung-tanggapan. Kaya ngayon ako ay isa na sa apat na mga doktor, dalawang lalaki at dalawang babae, na nangangalaga sa mga pangangailangan ng pamayanang ito. Ang aming mga pasyente ay mula sa maliliit na bata (halimbawa, ang isa sa aming mga doktor ay may apat na anak) hanggang sa may edad nang mga Saksi na mahigit nang 90 anyos​—at nagtatrabaho pa rin! At ano naman ang trabaho ni Bishnu?

Mas Maligaya sa Kakaunti

Bishnu: Ako ngayon ay naglilingkod bilang isang tagapangasiwa ng tahanan sa pamayanang ito, pinangangasiwaan ang ilang pamamahalang pantahanan. Dito, hindi ako nakikitungo sa alkoholismo o pagkasugapa sa droga. Ang lahat ay namumuhay at ikinakapit ang mga simulain ng Bibliya, at kawili-wiling makita na ang gayong mga simulain ay kadalasang kung ano ang tinatawag sa ngayong applied psychology.

Oo, wala na kaming tahanan o malaking suweldo. Subalit natutuhan naming maging mas maligaya sa kakaunti. Nasumpungan namin ang kaalaman tungkol sa tunay na Diyos at Soberanong Panginoon ng sansinukob, si Jehova. At galing pa kami sa Kathmandu, Nepal, upang masumpungan ito!

[Mapa/​Mga Larawan sa pahina 15]

Lunsod at libis ng Kathmandu, Nepal, kung saan kami ay isinilang

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

NEPAL

Kathmandu

TSINA

INDIA

[Larawan sa pahina 16]

Karaka-raka pagkatapos ng aming kasal sa Nepal

[Larawan sa pahina 17]

Si Tara ay nag-aral ng medisina sa Unyong Sobyet

[Credit Line]

Misyon ng USSR sa UN

[Larawan sa pahina 18]

Si Tara (kaliwa) na tumutulong sa paghahanda ng pagkain sa kusina ng kaniyang biyenang-babae

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share