Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 6/22 p. 23-27
  • Pananatiling Malusog—Ang Natural na Paraan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pananatiling Malusog—Ang Natural na Paraan
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Katawan, Pagalingin Mo ang Iyong Sarili!
  • Tubig​—Ano Pa ang Higit na Natural?
  • Isang Paalaala
  • Kailangan ang Pagkakatimbang!
  • Panatilihin ang Maka-Kasulatang Pananaw sa Pangangalaga sa Kalusugan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Ang Iyong Pinipiling Paraan ng Paggamot
    Gumising!—2000
  • Mga Alternatibong Paraan ng Paggamot—Kung Bakit Marami ang Gumagamit sa mga Ito
    Gumising!—2000
  • Manatili sa Iyong Pananampalataya at Espirituwal na Kalusugan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 6/22 p. 23-27

Pananatiling Malusog​—Ang Natural na Paraan

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pederal na Republika ng Alemanya

NANG huminto siya sa paninigarilyo, si Shirley ay nagsimulang tumaba. Ang kaniyang asawa, disididong panatilihin niya ang kaniyang balingkinitang katawan, ay nagpasiya na sila ay dapat mag-jogging upang manatiling malakas. Kaya, kasama ng angaw-angaw na iba pa nitong nakalipas na mga taon, sinimulan nila ang isang programa upang pagbutihin ang kanilang kalusugan.

Gaya ng mga tao sa iba pang mga lupain, ang mga Aleman ngayon ay masyadong palaisip sa kalusugan. Ito ay mababanaag sa humigit-kumulang 4,200 mga samahan sa pagpapalaki at pagpapalakas ng katawan na masusumpungan dito sa Alemanya. Halos kalahati ng mga membro ay mga babae, kaya hindi kataka-taka na ang namamahala sa nangunguna sa daigdig na tagapagpalaki ng katawan ng mga babae, o “bodystyler,” sa sunud-sunod na tatlong taon, ay isang Aleman.

Para sa mga nagnanais manatiling malakas sa pamamagitan ng pagsunod sa kasabihang “ikaw ay kung ano ang kinakain mo,” ang Alemanya ay nagbibigay ng mahigit 2,700 tindahan ng mga pagkaing pangkalusugan at 1,000 pa ng tinatawag na bio-shops, mga tindahan na nagbibili ng biyolohikal na pagkaing ginawa nang hindi ginagamitan ng kemikal o kemikal na mga abono. At, mangyari pa, ang bansa ay mayroon ding mga mamamayan na naniniwalang ang mga pildoras na bitamina ay mahalaga sa kalusugan.

Ang iba’t ibang paraan na ito ng pagpapanatili sa kalusugan ay batay sa natural na paraan ng pag-iwas sa sakit sa halip na gamutin ito. Subalit kumusta naman kung ang natural na paraan sa paghadlang ay mabigo? Kung gayon maraming Aleman ang babaling sa isang kahawig na natural na paraan ng paggamot.

Katawan, Pagalingin Mo ang Iyong Sarili!

Kaagapay ng karaniwan o klasikal na mga anyo ng medisina, ang Europa ay mayroong sarisaring herbalista, naturopaths, at iba pang mga manggagamot na nagmumungkahi ng mapagpipiliang paraan ng paggamot. Ang natural na mga lunas na inirireseta nila, sa halip na patungkol sa pagpapaginhawa sa mga sintomas, ay nilalayong palakasin at tangkilikin ang mga gawain at mga sistema sa depensa ng katawan upang mapagaling ng katawan ang kaniyang sarili.

Isang peryudista ang sumulat kamakailan: “Parami nang paraming pasyente ang bumabaling sa kakayahan ng mga halaman na magpagaling.” Gayunman, kaugnay nito dapat pansinin na maraming natural na lunas, gaya ng digitalis, na galing sa dahon ng foxglove, ay maaari na ngayong gawin sa sintetikong paraan. Sa katunayan, ang sintetikong gamot ay maaaring mas mabisa pa. Hindi lahat ng natural na sustansiya, mangyari pa, ay di-nakasasama. Halimbawa, isaalang-alang ang opyo at hemlock, gayundin ang nakalalasong mga kabuti.

Gayumpaman, makatuwiran lamang sabihin na ang mga panganib ng maraming modernong medikal na mga terapi ay ngayon lamang lubusang nauunawaan. Kadalasan ang kanilang mga panganib ay mas malala kaysa roon sa natural na mga lunas, isang kilalang halimbawa nito ay ang gamot na thalidomide. Ang mga gamot ay karaniwan nang may masamang epekto, kaya ang panganib ng gayong masamang epekto ay kinakailangang maingat na timbangin laban sa potensiyal na mga pakinabang nito.

Sinasabing sa bawat ikatlong gamot na ipinagbibili ngayon sa Alemanya ay yari sa natural na mga sangkap sa halip na mula sa mga kemikal. Ang kausuhang ito ay itinaguyod ng isang dating unang ginang ng Alemanya. Si Dr. Veronica Carstens, isang internist mismo, ay nagsasabi: “Wala akong tutol sa klasikal na medisina. Subalit nasumpungan ko na ang natural na paraan ng paggamot ay isang ekselenteng suplemento sa klasikal na medisina.”

Maaaring hinihimok ni Dr. Carstens ang mga doktor na maging pamilyar sa dalawang uri ng paggamot at alisin ang mga hadlang na malaon nang umiiral sa pagitan ng dalawa. Maliwanag na ito ay nagkaroon ng mga resulta. Isiniwalat ng isang pag-aaral na ginawa ng University of Freiburg sa pasimula ng dekada na 60 porsiyento ng lahat ng mga manggagamot na Aleman ay paminsan-minsan o regular pa ngang nagrireseta ng natural na mga lunas kung inaakala nilang hindi kinakailangan ang klasikal na paggagamot. Sa katunayan, ang bilang na ito ay dumami pa nga tungo sa halos 100 porsiyento, sa bagay na kinikilala ng karamihan sa mga manggagamot ang kahalagahan ng tinatawag na whirlpool therapy kung saan ang pinsala sa malambot na himaymay, kalamnan, at litid ay nangyayari.

Sa gayon, ang iniuulat sa ngayon na kakayahang magpagaling ng goldenrod, mga kulitis, bawang, balsamo, juniper berries, at mga gaya niyaon ay ipinalalaganap. Ginagamit sa mga tsa o bilang mga pomento o ginagamit sa mga katas o tintura, sinasabing hindi ito magdudulot ng kagyat na ginhawa na gaya ng kung minsan ay ginagawa ng tinatawag na miracle drugs ngunit sa paano man ang isa ay hindi kinakailangang gaanong mag-alala tungkol sa masamang epekto. Ito’y kasuwato ng simulaing pangmedisina na “primo non nocere” (“una muna’y huwag gumawa ng pinsala”).

Tubig​—Ano Pa ang Higit na Natural?

Ang paggamit ng tubig sa pagpapagaling o paghadlang sa terapi, gaya niyaong sa health spas (mga bakasyunan o pahingahang pangkalusugan), ay isa pa ring natural na paraan upang manatiling malusog. Dito, sang-ayon sa lingguhang magasing Aleman na Der Spiegel, ang mga Aleman “ay nauuna kaysa kaninuman, sapagkat saanman ay walang matatagpuang gayong pagkasarisari ng mga spa cures, terapeutiko, pagpapagaling, at panghadlang.” Pansinin na sa Alemanya kung tungkol sa mga spa, ang pagdiriin ay sa kalusugan, hindi sa paglilibang o pagbabakasyon. Iyan ay kasuwato ng pinagmulan nito. Ang pangalang spa ay galing sa Spa, Belgium, isang kilalang bakasyunang pangkalusugan na bantog sa natural na mineral na tubig nito.

Noong 1985 halos isa sa bawat walo kataong nakatira sa Alemanya ay gumugol ng ilang panahon sa isa sa mga bakasyunang pangkalusugan na ito. Ang iba ay tumira doon nang sariling gastos, subalit ang magaang na mga programa sa seguro sa kalusugan na makukuha sa Alemanya ay nagpangyari sa marami pang iba na tamuhin ang paggagamot na ito sa mababang halaga. Mangyari pa, ang pagiging angkop para sa terapi na binabayaran ng seguro sa kalusugan ay limitado, gayundin ang dalas ng pagkuha nito.

Isang partikular na popular na paggamot na nagdiriin sa gamit ng tubig ay ang teraping Kneipp. Ito ay ginawa ni Sebastian Kneipp mahigit isang daang taon na ang nakalipas sa isang maliit na siyudad sa timog-kanluran ng Munich. Ang teraping Kneipp ay iniaalok ngayon ng maraming spa sa buong Europa, at maging ang Hapón ay malapit nang magkaroon ng kauna-unahang Kneipp na bakasyunang pangkalusugan. Hindi ito kataka-taka dahil sa pagdiriin ng Hapón sa kalakasan ng katawan, gaya ng binanggit sa Pebrero 22, 1987 na labas ng magasing Gumising!a

Ang hydrotherapy, kung saan nakasalig ang teraping Kneipp, ay “ang paggamot sa karamdaman o kawalan-lakas sa pamamagitan ng panlabas na paggamit ng tubig,” at ito ay maraming anyo: alimpuyo ng tubig, paligo sa dutsa, paligo mga ehersisyo sa ilalim ng tubig, mga masahe, mainit at malamig na pomento, upang banggitin lamang ang ilan. Ang teraping Kneipp ay batay sa teoriya na ang tubig ay mabisa sa (1) pagtunaw o pagsira sa nakalalasong mga deposito na humahadlang sa wastong daloy ng dugo, (2) pag-alis sa mga lason na ito, (3) pagpapatibay sa organismo.

Kaya, binanggit ng Australian Family Physician sa labas nito noong Disyembre 1984 na ang ‘‘hydrotherapy, o ehersisyo sa mainit na tubig, ay isang pamamaraan na ginagamit sa paggamot at pangangasiwa sa mga kalagayang may kaugnayan sa rayuma, sa sistema nerbiyosa at sa ortopedik.’ At ang Rusong babasahing pangmedisina na Akush Ginekol, 1982, ay nag-ulat tungkol sa ‘pagiging normal ng pag-aanak ng babae pagkatapos ng paggagamot sa isang bakasyunang pangkalusugan.’

Ang teraping Kneipp ay sinasabing mabisa lalo na sa paggamot sa mga sakit sa puso at sa mga daluyan ng dugo at sa sistema nerbiyosa. Mabisa rin ito sa paggamot sa mga sakit sa likod sa pamamagitan ng kagamitan sa alimpuyo ng tubig o basta pag-eehersisyo sa isang banyera ng mainit o malamig na tubig. Sa katunayan, masasabing si Kneipp ay maraming dekadang adelantado sa kaniyang panahon, yamang kinikilala ng modernong medisina ang halaga ng hydrotherapy, gaya ng ipakikita ng anumang labas ng Indexus Medicus.

Ang Die Kneipp Kur (Ang Kneipp na Lunas), ni Lothar Burghardt, ay nagsasabi na “pagkatapos ng paggagamot sa isang bakasyunang pangkalusugan, ang bilang ng mga araw ng pagliban dahil sa karamdaman ay bumaba ng mahigit na 60%. Ito’y nangangahulugan ng katipiran sa mga ibinabayad na benepisyo sa pagkakasakit . . . at dumaraming produksiyon. Kasunod ng paggamot sa isang bakasyunang pangkalusugan, ang pagkunsumo ng medisina ay lubhang bumaba (ng halos ay dalawang-katlo). . . . Natuklasan ng mga siyentipikong pangkabuhayan at panlipunan sa iba’t ibang bansa, nang magkakahiwalay, na sa bawat Mark na makabuluhang ipinuhunan sa pagpapagamot sa bakasyunang pangkalusugan, tatlong Marks ang natitipid sa potensiyal na pagkakasakit.”

Isang dating chief medical officer, si Fritz Allies, ay nagsabi: “Ang halaga ng pagtira sa isang bakasyunang pangkalusugan ay karaniwang binabayaran ng kompaniya ng seguro sa kalusugan ng pasyente o ng pondo ng pensiyon ng Aleman, at maaaring umabot ng libu-libong DM [deutsche mark] sa bawat pasyente. Ang pagkakagastos mismo ay inaasahang mababayaran sa paglipas ng panahon. Inaasahan na ang pasyente ay magkakaroon ng higit na kakayahang magtrabaho bunga ng paggamot at sa gayo’y maaari niyang bayaran ang mga kontribusyon sa seguro sa kalusugan, sa halip na tumanggap ng mga benepisyo sa pagkakasakit o ng isang maagang pensiyon.”

Ang mga kompaniya sa seguro ay hindi maaaring sabihing mapaniwalain o may maling opinyon pagdating sa mga terapi na nangangako ng mga pakinabang sa kalusugan. Kaya, ang DAK Magazin, inilathala ng isang kilalang kompaniya sa seguro na Aleman, ay nagsabi sa labas nito noong Marso 1987: “Ang apat na linggo ng aktibong pagsasanay sa kalusugan ng paggagamot sa bakasyunang pangkalusugan na isinaayos ng DAK ay nagdadala ng halos ay hindi kapani-paniwalang pagbuti ng kalusugan.”

Gayunding patotoo ang ibinibigay ng Alemang babasahing pangmedisina na Münchener Medizinische Wochenschrift, na nag-uulat: “Dalawang taon na ang nakalipas sinuri namin nang ala-suwerte ang 100 discharge reports na nakompleto pagkatapos ng paggamot sa bakasyunang pangkalusugan. Sa 88% ng mga kasong ito, pinatunayan ng mga doktor sa bakasyunang pangkalusugan ang positibong resulta.”

Isang Paalaala

Ang pagkain nang wasto at nang katamtaman, sapat na pamamahinga at ehersisyo, at paglanghap ng maraming sariwang hangin, ay malaking tulong sa pananatiling malakas. Ang mga bakasyunang pangkalusugan, na naglalaan ng isang kapaligiran na malaya sa kaigtingan at pagod, ay karaniwang nagbibigay ng gayong mga pakinabang at higit pa. Kung minsan ang pagtira sa gayong bakasyunang pangkalusugan ay nakatutulong pa nga sa pagbabago ng mga huwaran sa buhay, gaya ng pagtatagumpay sa bisyo ng tabako. “Isang lunas,” sabi ni Rita Süssmuth, ministro ng kalusugan ng Pederal na Republika ng Alemanya, “para sa maraming tao ang malaking pagbabago sa pakikitungo nila sa kanilang sarili at maaaring umakay sa isang mas mabuti, mas nahihilig-sa-kalusugang istilo ng buhay.”

Gayunman, dapat aminin, ang bawat paraan ng pagsisikap na manatiling malakas ay mayroong potensiyal na mga panganib. Ang ibang medisina, ito man ay kemikal o natural, ay maaaring pagmulan ng di-kanais-nais na masamang epekto, kahit na ipinainom nang wasto. Ang mali-ang-payo na mga diyeta ay maaaring humantong sa di-timbang na pagkain. At ang labis na ehersisyo, o ang maling uri ng ehersisyo, ay maaaring pagmulan ng tinatawag na tennis elbow, jogger’s ankles, o aerobic back​—huwag nang banggitin pa ang nasayang na panahon.

Ang pagdalaw sa isang bakasyunang pangkalusugan, upang magpagamot ay nagdadala ng panganib tungkol sa masasamang kasama. Dahil sa malayo sa tahanan at sa pamilya at taglay ang mas maraming ekstrang panahon kaysa karaniwan, ang isang tao ay maaaring madaling matuksong gugulin ito nang di-matalino. Ito’y ipinaghalimbawa ng kung ano ang sinabi ng isang babae tungkol sa kaniyang pagtira sa isang bakasyunang pangkalusugan: “Kung ang tatlong linggong walang trabaho​—at wala ang iyong mister​—ay hindi isang bakasyon, ano ba ito? Ang kaunting romansa ay bahagi ng paggamot.”

Gayunman, nasumpungan ng mga taong nagnanais panatilihin ang mga pamantayang Kristiyano tungkol sa moralidad at asal na ang hayagang pagsasalita sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos ay tila nagsasanggalang sa kanila roon sa mga may kahina-hinalang pangmalas o motibo. Sa katunayan, mula’t sapol ang Kristiyanong mga saksi ni Jehova na tumatanggap ng paggamot sa isang spa ay nagkaroong tagumpay sa pagpapatotoo at sa pagpapasakamay ng mga Bibliya at mga literatura sa Bibliya. Ang karunungan buhat sa itaas ay nagpapahiwatig na ang mga may-asawang tao ay hindi pupunta sa isang spa malibang kasama ng kani-kanilang kabiyak.

Gayunman, nakaratay man sa banig ng karamdaman sa bahay o sa isang ospital o sa isang spa, tiyak na mas mabuting pagtuunan ng isip ang mga kagalakan ng kalusugan sa hinaharap kaysa magmukmok sa mga kahirapan ng kasalukuyang mga karamdaman. “Ang maligayang salita ay parang pulot-pukyutan,” sabi ng isang kawikaan sa Bibliya, “matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.”​—Kawikaan 16:24.

Kailangan ang Pagkakatimbang!

“Ang problema tungkol sa pagsisikap na laging panatilihing malusog ang katawan ay na napakahirap na gawin ito nang hindi sinisira ang kalusugan ng isipan.” Gayon ang sulat ng awtor na Ingles na si G. K. Chesterton kalahating siglo na ang nakalipas. Ang mga salitang iyon ay maaaring pakahulugan sa ibang pangungusap na ang pagbibigay ng isa ng labis-labis na atensiyon sa pisikal na kalusugan ay magkakaroon ng masamang epekto sa kaniyang espirituwalidad.

Oo, napakadaling magpakalabis. Karamihan ng mga tao ay hindi nagbibigay-pansin sa kanilang kalusugan, at doon naman sa nagbibigay-pansin sa kanilang kalusugan, nariyan naman yaong mga nagpapakalabis. Ang susi ay manatiling timbang. Iyan ay nangangahulugan ng pagiging makatotohanan. Tandaan din, na ang gumagana sa isang tao ay maaaring hindi gumana sa isa, sa kadahilanang iyan sinasabing ‘ang karne ng isang tao ay maaaring lason naman ng isang tao.’ Dapat ding tandaan ng isa na, sa kasalukuyan, imposible ang sakdal na kalusugan. Huwag maging di-timbang, isang uri ng ‘apostol ng kalusugan,’ ipinangangaral ang iyong paraan ng pananatiling malusog bilang ang pangwakas na salita sa pananatiling malakas o sa paggawa ritong ang pinakamahalagang bagay sa buhay.

Ang Maylikha ng tao, ang Diyos na Jehova, ay tumitiyak sa atin na sa kaniyang dumarating na bagong sanlibutan “walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y maysakit.’ ” (Isaias 33:24) Subalit upang magkamit ng buhay sa bagong sistemang iyon, dapat tayong manampalataya sa Diyos at lumapit sa kaniya sa pamamagitan ng haing pantubos ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Gawa 4:12; Hebreo 7:25; 11:6) Anong ligaya niyaong mabubuhay upang masaksihan ang panahong iyon, kung kailan ang pananatiling malusog ang pinakanatural na bagay sa daigdig!

[Talababa]

a Hindi iminumungkahi ng Gumising! ang anumang partikular na terapeutikong paraan.

[Blurb sa pahina 26]

“Ang halaga ng pagtira sa isang bakasyunang pangkalusugan ay karaniwang binabayaran ng kompaniya ng seguro sa kalusugan ng pasyente o ng pondo ng pensiyon ng Aleman”

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

Terapi sa Alemang mga spa sa kalusugan

[Credit Line]

Kurverwaltung Bad Salzschlirf

[Credit Line]

Kurverwaltung Bad Camberg

[Credit Line]

Kurverwaltung Bad Camberg

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share