Angaw-angaw na mga Sari
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa India
MAHIGIT na 300 milyong mga babae ang nagsusuot nito. Ang mga tao sa buong daigdig ay humahanga rito. At, isip-isipin lamang, kasiya ito sa lahat! Oo, ito ang magandang sari ng India. “Ang sari ang pinakapambabaing damit na nakita ko,” sabi ni Eva buhat sa Alemanya sa kaniyang unang pagdalaw sa India. Nasumpungan niya ang simpleng dingal ng sari na isang nakagiginhawang pagbabago mula sa pamantayang mga damit ng babae sa Kanluraning lupain. Gayunman, kapansin-pansin, ang isang sari ay isa lamang 5.5 metrong piraso ng tela na walang tahi, siper, butones, kawit, o kutsetes!
Isang Damit para sa Lahat ng Okasyon
Ang magandang sari ay hindi lamang para sa pormal na mga okasyon. Minamalas ito ng mga babae rito bilang damit para sa lahat ng layunin, maraming-gamit at praktikal. Kailangan lamang masdan ng isa ang babaing Indian sa kaniyang araw-araw na rutina upang pahalagahan ang puntong ito.
Sinisimulan niya ang kaniyang mga gawain sa umaga sa kaniyang mas lumang ‘saring pambahay.’ Siya’y mag-iigib ng tubig, magluluto, magwawalis ng bahay, maglalaba, maghahalaman, mag-aalaga ng bata at ng mga hayop, at gagawin niya ang lahat ng iba pa niyang gawain sa mahabang kasuotang ito. Subalit hindi ba siya naasiwa sa paggawa ng lahat ng gawaing iyon sa gayong kasuotan?
“Hindi ito problema,” sabi ni Rani, isang ina na may dalawang anak. “Madali kong maitaas ng mga ilang pulgada ang nakatuping bahagi ng aking sari at isukbit ito sa baywang. At kung may dumating na bisita, madali ko itong mailaladlad at maging presentable upang buksan ang pinto. Ito ay napakapraktikal.”
Hindi rin dapat kaligtaan ang pallav, o pallu, na siyang dulo ng sari, karaniwang magandang nakasampay sa balikat. Maaari itong ibalabal sa mga balikat upang magbigay-init at kahinhinan o gamitin bilang isang lambong. At sa isang dampot, ang pallav, na laging kombinyente sapagkat ito ay bahagi ng damit, ay nagagamit na panghawak sa takip ng kaldero o isang punasan ng kamay, bagaman dapat kilalanin ng isa ang potensiyal na panganib ng paggamit nito na malapit sa kalan.
Pag-alis niya ng kaniyang bahay, ang isang babaing Indian ay karaniwang nagbibihis ng isang bago, malinis na sari. Ang relihiyon, kultura, at kagustuhang pangrehiyon ay mga salik na nakakaapekto sa uri ng pananamit na kanilang isinusuot. Si Rani, halimbawa, ay ginugol ang kaniyang maagang mga taon sa pagsusuot ng mga damit at mga palda na gaya ng karaniwang mag-aaral na babae at nagsuot lamang ng sari nang siya ay maygulang na. “Minsang sinimulan kong magsuot ng mga sari, inaasahan na patuloy na magsusuot ako nito sa lahat ng panahon,” sabi niya. “Hindi na ako nagsuot ng isang damit o palda mula noon.” Nakukuha pa nga niyang maglaro ng badminton kasama ng kaniyang anak na lalaki, sa pamamagitan lamang ng pagtataas nang kaunti sa kaniyang saya para sa mas madaling pagkilos.
Walang Katapusang Pagkasarisari
Ang mga sari ay may iba’t ibang tela, kulay, at istilo. Ang mga ito ay maaaring yari sa simpleng hinabi ng kamay na cotton, sa malambot at makintab na poliyester, o seda na may dibuho. Ito ay maaaring bulaklakin, guhitan, dama-rama, tartan, geometriko—lahat ng maguguniguning dibuho. Samantalang ang iba ay maaaring walang dibuho at konserbatibo, ang mga sari na pangkasal, kadalasan nang matingkad na pula at burdado ng gintong sinulid, ay lalo nang maganda.
Ang mga babaing Indian na kayang bumili nito ay nasisiyahan sa pagbili at pagkolekta ng iba’t ibang makulay na mga sari. ‘Mayroong akong 65,’ sabi ng asawa ng isang matagumpay na soni (mag-aalahas) na Indian. Kabaligtaran niya, gayunman, ay daan-daang libong mahihirap na babae na para sa kanila ang damit ay isang luho. Ang mga ito ay baka mayroon lamang isang sari, o sa pinakamarami ay dalawa, na isinusuot hanggang sa ito ay gula-gulanit at sira na. Ang pagpapalit nito ay isang pabigat sa kabuhayan ng kani-kanilang pamilya.
Sa kalagitnaan nito ay ang karaniwang babae na kailangang maingat na badyetin ang napakalimitadong kita ng pamilya. Ang karamihan ng kaniyang damit ay binubuo ng mga sari na ibinigay sa kaniya noong kaniyang kasal. Ang mas magagarang sari ay karaniwang maayos na nakatupi sa isang aparador o nakasusi sa isang baol na kasama ng iba pang mahahalagang bagay ng pamilya, nakareserba para sa mga pantanging okasyon.
Nag-iisip Ka bang Magsuot ng Isa?
“Talagang gusto kong makita ang aking asawa na nakasuot ng sari,” sabi ng isang lalaki sa isang Kanluraning bansa. Iniisip niya ang palagay ng maraming lalaki na nagpapahalaga sa pambabaing katangian ng damit. At ito’y isang kapana-panabik na pagbabago para sa isang babae na humahanga rito sa mga larawan lamang na magsuot ng isa nito sa ganang sarili. Bakit hindi magsuot ng isang sari sa ilang pantanging okasyon?
Ang mga sari ay madaling mabibili sa mga pamayanang Indian sa maraming malalaking lunsod. Subalit kung walang mga tindahan ng sari sa lugar na iyong tinitirhan, ang magagaang na tela na binili mula sa isang karaniwang tindahan ng tela ay maaaring gamitin. Ang tela ay dapat hindi kukulangin sa 5.5 metro ang haba at 1.1 metro ang lapad. Ang karagdagang isa o dalawang pulgadang lapad ay mabuti kung ikaw ay matangkad, yamang ito ay magbibigay sa iyo ng higit upang isukbit mo sa paligid ng baywang kapag gumagawa ng saya. Anumang kulay o disenyo na gusto mo ay maaari, subalit ang may tsanepa sa bandang laylayan ay lalo pang kaakit-akit.
Dalawang bagay lamang ang kailangan: isang mahabang nagwas o petikot na may tali sa baywang, at isang choli, o maiksi, hustung-hustong blusa. Ang kulay nito ay dapat na katugma ng sari. Yamang inilalabas ng choli ang bahagi ng tiyan, ang kahinhinan ay magdidikta na ang blusa ay hindi dapat maging napakaiksi o kaya’y napakalalim naman ng uka ng leeg. Maaaring subukin mong gumawa ng iyong sariling choli. O kaya, gamitin mo ang alinmang blusa o pang-itaas na bilog ang uka ng leeg at may manggas na hindi naman napakaluwag.
Pagka mayroon ka nang choli at nagwas (higpitan ang tali sa baywang subalit huwag naman napakahigpit), handa ka nang pag-aralan ang sining ng pagbabalot ng isang sari. Ang isang kaibigang babaing Indian ay malaki ang maitutulong, subalit maaari mong hilingin ang tulong ng sinumang kaibigang babae. Huwag matakot sa laki ng tela. Sa tulong ng isang mahabang salamin, ng kaunting tiyaga, at ng maraming panahon, hindi magtatagal at matututuhan mong gawin ito. Sundin ang mga ilustrasyong ibinibigay rito bilang isang giya. At kung hindi ka nasisiyahan sa unang pagsubok, umpisahan mo uli sa simula. Para sa pangkatapusang retoke, maglagay ng nababagay na alahas, gaya ginagawa ng mga babaing Indian.
Pagkatapos tumingin sa salamin upang lubusang mong makita ang iyong ganap na pagbabago. Gumugol ng ilang panahon sa iyong bagong kasuotan upang hindi maasiwa. At huwag kang magtaka kung ikaw ay papurihan. Tutal, binalot mo ang iyong sarili sa isa sa pinakapambabaing kasuotan sa daigdig—ang maganda at maraming-gamit na sari.
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
Ang Sining ng Pagbabalot ng Sari
1. Mula sa iyong kanan, isukbit ang sari sa baywang ng nagwas at ipaikot sa baywang mula sa harap palikod. Tiyakin na ang tela ay tuwid at ang laylayan ay pantay.
2. Kunin ang dulo ng sari ay ipaikot sa iyo at dalhin ang sobrang tela sa harap.
3. Ginagamit ang dulo ng sari, gumawa ng ilang pantay-pantay na tupi pahaba upang gawing pallav.
4. Ibalabal ang pallav sa iyong kaliwang balikat, pababa hanggang sa binti o mas mababa pa. Ikabit mo ang pallav sa iyong choli sa pamamagitan ng imperdible.
5. Higpitan mo ang sari hanggang sa ito’y maging hapit sa likod at ang natitirang tela ay nasa harap.
6. Inaayos mula kanan pakaliwa, gumawa ng pantay-pantay na mga tupi hanggang sa ang tela ay maubos. Tiyakin na ang mga tupi ay pantay.
7. Itiklop ang buong bahagi ng tupi sa kaliwa. Isukbit sa baywang, lampas ng kaunti sa gitna pakaliwa. Ikabit ang mga tupi sa nagwas sa pamamagitan ng imperdible.
8. Ang mga resulta ay sulit sa pagsasanay na isinagawa.