Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Hindi Ako Magkaroon ng Higit na Pribadong Buhay?
Mahal na Samahang Watchtower:
Ako po ay 12 anyos. Bakit po ba hindi ako magkaroon ng aking sariling pribadong buhay? Ang aking mga magulang ay hindi gaanong nagtitiwala sa akin upang pahintulutan akong magkaroon ng sarili kong TV sa aking kuwarto. Alam ko po na sila ay nababahala sa akin, subalit imposible naman ito!
[Lagda] Keith
PRIBADONG buhay (privacy)—kadalasang inaakala ng mga tin-edyer na wala silang pribadong buhay. Kapag ang 15-anyos na si Heather ay tumatanggap ng personal na liham o mga tawag sa telepono buhat sa kaniyang mga kaibigan, ang nanay niya ay may nakayayamot na paraan ng pagkukulit sa kaniya tungkol sa mga nilalaman nito. Kahit na nga kung gusto ni Heather na mapag-isa ng ilang panahon sa kaniyang silid, ang kaniyang nanay ay maaaring maging mausisa sa kung bakit nais niyang gawin iyon.
Ang dose-anyos na si Alison ay may kakaibang problema. “Binibigyan ako ng aking mga magulang ng sapat na pribadong buhay, subalit ang aking kapatid na babae ay pinakikialaman ako. Magkasama kami sa iisang silid. Kung minsan maaga akong umuuwi ng bahay at sinisimulan ko ang aking araling-bahay, at pagdating na pagdating niya, kukuwentuhan na niya ako ng kung ano ang nangyari sa paaralan . . . Pagkatapos sa gabi, kapag ginagawa ko pa ang aking araling-bahay, ang aking kapatid na babae at lalaki . . . ay basta papasok na lamang sa kuwarto. Guguluhin nila ito, at ako ang naglilinis nito.”—Listen to Us!, isinaayos ni Dorriet Kavanaugh.
Ang pribadong buhay ay nangangahulugan ng iba’t ibang bagay sa iba’t ibang tao, at ang mga pangangailangan ng bawat isa ay sarisari. Pinakahahangad ng iba ang pagkakaroon ng kaunting maginhawang panahon na mag-isa. Gusto naman ng iba ang kaunting pagsupil sa kanilang panahon at personal na pag-aari. At nais naman ng iba na sila’y maipagsanggalang mula sa pakialamerong mga kapatid, mga kaklase, at sa kung ano ang itinuturing nila na masyadong mausisang mga magulang.
Kumusta ka naman? Nadarama mo ba kung minsan ang pangangailangan para sa ilang “puwang,” o pribadong buhay? Kung gayon, hindi ka natatangi. Ganito ang sabi ng mga awtor ng The Healthy Adolescent: A Parents’ Manual: “Nais at kailangan ng mga tin-edyer ng pribadong buhay.” Bakit, kung gayon, napakahalaga ng pribadong buhay sa mga kabataan? At bakit kadalasang napakahirap matamo ito?
Pribadong Buhay—Ang Pangangailangan ukol Dito
Ang pangangailangan para sa pribadong buhay ay lalo pang masidhi kung ikaw ay isang tin-edyer. Ikaw ay lumalaki tungo sa pagiging adulto, kaya likas lamang na ikaw ay magnais ng kaunting pagsasarili mula sa iyong mga magulang. Sang-ayon sa mga mananaliksik na sina Jane Norman at Miron W. Harris, ang paghiling ng pribadong buhay ay isang paraan ng mga tin-edyer ‘upang emosyonal na ilayo ang kanilang sarili sa ibang membro ng pamilya.’
Ang pribadong buhay ay nagsisilbi rin sa ilang pangunahing pangangailangan ng tao. Sang-ayon sa siyentipikong panlipunan na si Albert Mehrabian, ang kaunting panahon para sa sarili ng isa ay maaaring magsilbing isang pananggalang laban sa mga panggigipit ng araw-araw na buhay. Sabi ni Mehrabian na “ang napakakaunting pribadong buhay ay pangunahin ng isang maigting na bagay. Madalas kang magkasakit, malapit ka sa aksidente, ikaw ay mayamutin—hindi mo makasundo ang mga tao—at kung magpapatuloy ang kalagayan, ikaw ay manlulumo.”
Aba, kahit na ang Anak ng Diyos ay minsang nagsabi sa kaniyang mga alagad: “ ‘Magsiparito kayo, nang bukod sa isang dakong ilang at magpahinga kayo nang kaunti.’ Sapagkat marami ang nagpaparoo’t parito, at sila’y hindi man lamang magkapanahon na kumain.” (Marcos 6:31) Nang okasyong iyon, kailangan nila ang pribadong buhay o makapagsarili! Mangyari pa, silay mga adulto. Gayunman, maaaring madama rin ng maraming kabataan ang gayunding pangangailangan. Isaalang-alang ang batang si Erika. Kapag siya’y nababalisa, minamabuti niyang iwasan na makisalimuha sa mga tao. “Nayayamot ako sa kanila,” sabi niya. “Natural lamang na naisin mong mapag-isa kung minsan. Kailangan mong magkaroon ng kaunting pribadong buhay o kung hindi ikaw ay magiging maigting o ikaw ay manlulumo.”
Ipinakikita ng pananaliksik na ang katamtamang panahon ng pag-iisa ay kapaki-pakinabang. Sabi ng aklat na Being Adolescent: “Kailangan ng mga tao na mapag-isa upang malinang ang kanilang indibiduwalidad.” Sabi pa ito na “sa kondisyong ang pag-iisa ay nasa lugar—ang kawalan ng ibang tao ay gumagawa ritong posible na ayusin natin ang ating mga kaisipan, upang higit na magtuon ng isip.” Ang pag-aaral ng mga awtor sa 75 mga kabataang tin-edyer ay nagpapakita na pagkaraan ng kaunting pag-iisa, ang ‘sikolohikal na katayuan’ ng mga kabataan ay bumuti. “Karagdagan pa sa pagiging mas alisto, iniuulat na ang mga tin-edyer ay mas masayahin at malakas pagkatapos ng pag-iisa.”
Kapuna-puna, mababasa natin sa Bibliya na ang patriarkang si Isaac ay “lumabas sa parang upang magmunimuni sa dakong hapon.” (Genesis 24:63) Di-nagtagal ay binigyan siya ng mabigat na mga pananagutan. Ang gayong pribadong mga sandali ay walang alinlangang nakatulong kay Isaac upang ayusin ang kaniyang mga pag-iisip at magrelaks.
Pribadong Buhay—Kung Bakit Napakahirap Matamo
Ang magasing American Health: Fitness of Body and Mind ay nag-uulat tungkol sa mga tuklas ni Dr. Lawrence Fisher, isang propesor ng saykayatri sa University of California, na nagsasabi: “Ang mga tin-edyer ay mas malusog, sa emosyonal at pisikal na paraan, kung sila ay mayroong sapat na pribadong buhay.” Bakit, kung gayon, napakahirap matamo ito kapag ikaw ay nasa kabataan?
Maaaring sumang-ayon ka sa mga awtor ng The Healthy Adolescent: A Parents’ Manual, na nagsasabing: “Mahalaga para sa [mga tin-edyer] na magkaroon ng kanilang sariling . . . pribadong mga kaisipan, ng kanilang sulat, mga tawag sa telepono at mga talaarawan na hindi pinakikialaman ng iba.” Gayunman, maaaring iba naman ang palagay ng iyong mga magulang, inaakalang dapat nilang malaman ang lahat ng nangyayari sa iyong buhay.
Nababahala, o nagsususpetsa kapag napansin nila na lagi ka na lamang nagkukulong sa iyong silid, baka panghimasukan pa nga ng iyong mga magulang ang panahon na ginugugol mo sa pag-iisa. O gaya ng mga magulang ni Keith, na binanggit sa simula, baka naisin nilang subaybayan kung ano ang pinanonood mo sa telebisyon o kung anong mga pelikula ang pinanonood mo. Kung minsan, ang panghihimasok ng mga magulang ay para bang labis-labis sa ibang kabataan. “Kapag mayroon akong bisitang lalaki,” reklamo ng isang 16-anyos na babae sa isang kolumnista sa pahayagan, “inaakala ng nanay ko na nakapangingilabot kung isasara namin ang pinto samantalang kami’y nasa loob ng aking silid. Lagi siyang sumisigaw, ‘Iwan mong bukas ang pintong iyan!’ Nakakahiya . . . Wala naman kaming ginagawa.” Gayunman, tama si Inay, ang pag-iiwan sa pinto na nakabukas ay wasto at isang mabuting proteksiyon laban sa tukso na gumawa ng masama.
Ang pribadong buhay ay maaari ring takdaan ng iyong mga kalagayan. Sa maraming bansa, ang tirahan ay napakamahal, at ang mga pamilya ay nagsisiksikan sa isang silid. Kahit na sa mayayamang bansa, maraming pamilya ay hindi kayang maglaan sa bawat anak ng kaniyang sariling silid. Ito ay maaaring pagmulan ng di-mabilang na away dahil sa lugar. “Ngayon ay wala na nga akong sariling silid,” sabi ng isang batang babae na nasumpungan ang kaniyang sarili sa isang pamilya na may apat na anak pagkatapos na mag-asawang muli ang kaniyang ina. “Kailangan kong ibahagi ang lahat ng bagay.”
Karapatan Laban sa Tungkulin
Ang mausisang mga magulang, pakialamerong mga kapatid, mapanghimasok na mga kinakapatid, limitadong lugar—ang mga ito ay maaaring tunay na makayamot sa isang tin-edyer na nais lamang magkaroon ng kaunting pribadong buhay. Gayunman, mas mahalaga kaysa personal na “mga karapatan” ang bigay-Diyos na mga tungkulin at mga pananagutan.
Halimbawa, ang mga magulang ay pinag-utusan na “sanayin” ang kanilang mga anak. (Kawikaan 22:6) Kung minsan kabilang dito ang pagtatakda nila ng iyong pribadong buhay. Batid nila buhat sa karanasan na ang labis na pagbubukod ng sarili ay hindi mabuti, ang kabataan ay nananamlay, nanlulumo, o makasarili. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 18:1 “Ang humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang nasâ.” Alam din nila na “ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng batang lalaki”—o babae. Ang isang kabataang “pinalaki sa layaw” nang walang mga tuntunin o pagsaway ay maaaring madaling mapinsala ang kaniyang sarili sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan. (Kawikaan 22:15; 29:15) Hindi kataka-taka, kung gayon, na ipinalalagay ng mga magulang na isang tungkulin na subaybayan ang iyong pribadong buhay.
Ikaw man ay may seryosong tungkulin. “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.” (Efeso 6:2) Iyan ay nangangahulugan na hindi ka magrirebelde o lalaban sa mga kagustuhan ng iyong mga magulang kundi makikipagtulungan sa kanila sa abot ng iyong makakaya. Subalit ano naman kung ilagay nila ang inaakala mong hindi makatuwirang mga pagbabawal sa iyo? Ang iyong pagiging prangka, tapat, at lubusang pagtitiwala ay malamang na magbunga ng pagbabawas ng masyadong mahigpit na pagsubaybay. Gayundin kung tungkol sa mga problema na bunga ng pakikisama o pakikibahagi sa mga kapatid—ang makatuwirang mga hakbang ay kadalasang maaaring kunin upang mapabuti ang kalagayan. Tatalakayin ng artikulo sa hinaharap ang ilan sa mga bagay na ito.
Samantala, gawin mo ang lahat ng magagawa mo tungkol sa iyong kalagayan. Ang limitadong pribadong buhay ang nararanasan ng angaw-angaw na mga kabataan. Sikaping pangasiwaan ang iyong kalagayan na taglay ang ugaling mapagpatawa, at iwasan ang magalit o mayamot. Palulubhain lamang niyan ang kalagayan. At isaisip na ang wastong pangangasiwa ng maibigin at nagmamalasakit na mga magulang sa iyong pagsasarili ay isang proteksiyon at pagpapala. Maging mapagpasalamat dahil dito.
[Larawan sa pahina 26]
Ang pribadong buhay ay kalimitang mahirap masumpungan kung ikaw ay may kasamang kapatid sa isang silid