Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 8/22 p. 16-20
  • Maaari Bang Alisin ang Agwat sa Kultura?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maaari Bang Alisin ang Agwat sa Kultura?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kapag Nagtagpo ang Silangan at Kanluran sa Pag-aasawa
  • Mga Pinagmumulan ng Galit
  • Iwasan ang Maging Pampagalit
  • Pag-alis ng Agwat sa Kultura
  • Mahalaga ang Tamang Saloobin
  • Pag-aasawa—Isang Regalo Galing sa Diyos
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Pag-aasawa—Kaloob ng Isang Maibiging Ama
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Pagkatapos ng Araw ng Kasal
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Lokal na mga Kultura at mga Simulaing Kristiyano—Nagkakasuwato ba ang mga Ito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 8/22 p. 16-20

Maaari Bang Alisin ang Agwat sa Kultura?

“Nabigyan na kami ng aming visa. Mandarayuhan kami sa Canada sa susunod na buwan.”

“Nabalitaan mo ba? Ang aking mister ay nailipat sa Persian Gulf States. Hindi magtatagal at lilipat na kami.”

“Ito ang aking nobyo. Oo, siya ay mula sa Gitnang Silangan. Binabalak naming tumira sa kaniyang bansa pagkatapos naming makasal.”

NAPANSIN mo ba kung ano ang pagkakatulad sa tatlong pares na ito? Makakaharap nilang tatlo ang isang agwat sa kultura na marahil ay mas malaki kaysa paglalakbay na kanilang gagawin.

Noong panahon ng ating mga ninuno, hindi umiral ang problemang ito, yamang isang maliit na bahagi lamang ng populasyon ng daigdig ang naglakbay nang malayo sa kanilang dakong sinilangan. Subalit ngayon, marami ang regular na tumatawid ng mga kontinente at mga karagatan at sa loob lamang ng mga ilang oras. Parami nang parami ang nandarayuhan.

Ang mga dahilan ay marami. Ipinadala ng maraming kompaniya sa kanluran ang may kasanayang mga empleado upang magtrabaho sa nagpapaunlad na mga bansa, kasama ang buong pamilya sa paglipat dahil sa mahabang-panahong mga kontrata. Ang mga estudyante sa nagpapaunlad na mga bansa ay naghangad ng pantanging pagsasanay sa mga pamantasan sa Europa at Amerika. At kamakailan ang mga giyera sibil, labanang pambansa, at pag-uusig dahil sa lahi o relihiyon ay nagpangyari sa marami na tumakas sa mga bansa na gaya Australia, Canada, at Estados Unidos.

Anuman ang dahilan ng paglipat, kailangang pagsikapan ng mga bagong dating na alisin ang agwat sa pagitan ng kanilang sariling kultura at yaong sa kanilang aariing sariling tahanan.

Kapag Nagtagpo ang Silangan at Kanluran sa Pag-aasawa

Nakilala ng marami ang kanilang kabiyak samantalang tinatapos ang kanilang edukasyon sa labas ng kanilang sariling bansa at isinasama ang kabiyak pauwi pagkatapos makasal. Ang pagharap sa mga hamon ng pag-aasawa ay nangangailangan ng unawa, tiyaga, sakripisyo-sa-sarili, at pagsisikap, kahit na sa ilalim ng pinakamabuting kalagayan. Kaya kapag ang mga mag-asawa ay buhat sa magkaibang kultura, ang mga katangiang iyon ay dapat na linangin nang higit pa upang tumagal ang pag-aasawa. Gayunman, maraming haluang pag-aasawa ng magkaibang kultura ay nanganganib na mawasak sa simula pa lamang. Bakit? Kumuha tayo ng isang tipikal na halimbawa:

Ang romantikong kolehiyalang Amerikana ay hindi nahirapang ibigin si Sami. Si Sami ay mapagbigay at tinatrato siya na parang prinsesa. Walang lalaki sa lugar nila ang naging gayon kagalang. At ang maitim na mga matang iyon​—gayon na lamang ang pagpukaw nito sa kaniyang damdamin! Ang pagtanggap sa kaniyang alok na pagpapakasal at pamumuhay na kasama niya sa mistikong Silangan ay para bang kaakit-akit.

Anong mga tsansa upang ang gayong pag-aasawa ay magtagumpay? Bagaman maaaring inilarawan sa kaniya ng lalaki ang tungkol sa kaniyang bansa, ang asawang babae ay maaaring walang kaalam-alam tungkol sa aktuwal na kalagayan sa lupang sinilangan ng kaniyang asawa. Kailanman ay hindi niya nakita ito sa kaniyang sariling kapaligiran o kasama ng kaniyang pamilya. Bagaman ang babae ay maaaring nakapaglakbay nang minsan o makalawa sa ibang bansa, ang pamumuhay araw-araw sa isang banyagang bansa ay lubhang kakaibang bagay.

Mga Pinagmumulan ng Galit

Isa sa pinakamalaking pinagmumulan ng pagkagalit sa bagong kasal na babae ay malamang na ang kakulangan ng pribadong buhay na maaaring lubhang iginagalang sa kaniyang bayan. Masusumpungan niya na ang pagkakaroon ng isang kabiyak na taga-Gitnang Silangan ay nangangahulugan ng pagkuha ng isang buong pamilya ng lubhang interesadong mga kamag-anak ng lalaki​—kasali na ang mga tiya, tiyo, at mga pinsang buo, pangalawa at pangatlo. Ang mga ito at ang mga kapitbahay ay maaaring magtanong ng tuwiran at personal na mga katanungan na maaaring ipalagay na walang galang sa ibang lupain. Gayunman, hindi ikinagagalit ng mga mamamayan sa mga bansa sa Mediteraneo ang gayong pagtatanong at maaari pa ngang masaktan ang kanilang damdamin kung hindi sila tatanungin ng personal na katanungan. Yamang inaasahan nilang maging mabunga ang pag-aasawa, maaasahan mo ang malimit na pagsisiyasat para sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng anak sa hinaharap.

Sinasabing ang tahanan ng isang lalaking Ingles ay ang kaniyang kastilyo, subalit ang tahanan ng isang lalaking taga-Gitnang Silangan ay kung minsan parang isang otel. Ang mga kaibigan at mga kamag-anak ay dumarating anumang oras nang walang patiunang abiso at sa maraming pagkakataon ay nagpapalipas ng gabi. Kung ang paminggalan ay walang sapat na laman, nangangailangan ng talino upang pagkasiyahin ang pagkain.

Sa Silangan ang dako ng babae ay sa loob ng tahanan. Totoo, sa ibang mga bansa sa Silangan ang mga babae ay maaaring nagtatrabaho sa labas ng bahay, subalit inaasahan pa rin na gagawin nila ang lahat ng gawain sa bahay. Ang lalaki ay tiyak na siyang ulo ng pamilya, at ang kaniyang salita ay batas. Sa ilang Estado ng Persian Gulf, ang mga babae ay hindi pinapayagang lumabas ng bahay na mag-isa. Kung sila’y lalabas, dapat na sila’y natatakpan mula ulo hanggang paa, pati na ang kanilang mukha.

Isang pinagmumulan ng kabiguan sa isang taong hindi pamilyar sa mga kaugalian sa Silangan ay maaaring ang kakulangan ng kaayusan at ang saloobing para-sa-lahat na nararanasan sa mga linya sa bus, sa mga bayaran sa supermarket, samantalang nagmamaneho sa siksikang trapik, at sa pakikitungo sa mga nasa tanggapan ng gobyerno. Ang isang taong sanay sa simulaing “first come, first served” ay lubhang masisiraan ng loob sa isang sistema kung saan pinaiiral ang palakasan.

Ang iba pang maaaring pagmulan ng galit ay nagsasangkot sa iba’t ibang ugaling pagkamapagpatawa, ang madaling pagpapakita ng damdamin​—ito man ay galit o awa​—at ang pangkaraniwang malalakas na tinig na ginagamit sa pang-araw-araw na pag-uusap.

Iwasan ang Maging Pampagalit

Sa kabilang dako, ang asawang babae ay maaaring maging isang pinagmumulan ng galit niyaong nasa kaniyang bagong lupain kung hindi niya susundin ang mga kaugalian doon. Ang mga babae sa mga lupain sa Silangan ay inaasahang manamit nang mahinhin. Ang pagdadamit nang bukas ang likod ay hindi sinasang-ayunan. Ang mga inuming alkoholiko ay ipinagbabawal sa mga bansa o mga pamayanang Muslim.

Kapag ang isang bisita ay pumapasok sa isang silid, ang lahat ng naroroon ay tumatayo upang batiin siya at makipagkamay sa kaniya. Ang basta pagtango sa kaniyang direksiyon ay parang isang sampal sa mukha. Gayundin, laging nag-aalok ng pampalamig, kahit na sa di-inaasahang bisita. Kaya kawalang-galang na tanungin muna ang bisita kung nais niya ng isang tasang kape; siya ay laging sasagot ng hindi, gusto man niyang tanggapin ito. Kahit na kung ang pampalamig ay kusang inialok, ang bisita ay maaaring tumanggi at kailangan pang pilitin na tanggapin ito, yamang ayaw naman niyang magtinging matakaw. Kung hindi mo pipilitin ang bisita, ang may bisita ay ipalalagay na maramot.

Ilan lamang ito sa bagong mga kaugalian na haharapin ng isang asawang babae na lilipat sa Gitnang Silangan. Ang ibang mga bansa ay mayroon ding kakaibang ugali.

Pag-alis ng Agwat sa Kultura

Isang mabuting mungkahi para sa mga nagbabalak lumipat sa ibang bansa dahil sa pag-aasawa ay patiunang alamin ang kalagayan na makakaharap. Una muna ay bumasa nang hangga’t maaari lahat ng mababasa ninyo tungkol sa bansa, sa kasaysayan nito, at sa mga kaugalian nito. Dumalaw ka roon, at pagmasdan mo ang iyong nobyo na kasama ng kaniyang pamilya. Ang isang tao na nakilala ng isa sa pamilyar na dako ay baka ibang-iba sa kaniyang sariling pamayanan. Ang magalang, mapagbigay na manliligaw na iyon ay mapagbigay at magalang din kaya sa lahat ng membro ng kaniyang pamilya?

Ang ganap na pagkaprangka ay mahalaga. Ang mga pinagmumulan ng galit ay dapat sabihin bago pa ito lumaki. Tingnan kung ano ang maaaring gawin. Maaaring masumpungan ng iba, pagkatapos gawin ang lahat ng pagsisikap, na ang mga istilo-sa-buhay ay lubhang di-magkatulad at na hindi na nila magagawa ang kinakailangang pagbabago. Kung gayon, mas mabuting alamin ito bago pumasok sa isang panghabang-buhay na kaayusan na pagmumulan ng kalungkutan ninyong dalawa.

Para roon sa mga nagpapasiyang mag-asawa, ang sumusunod na mga mungkahi ay makatutulong: Gumawa ng pagsisikap na matutuhan ang wika ng iyong magiging mga kamag-anak sa asawa. Ang patuloy na pagsasalita ng iyong wika sa harap niyaong mga hindi nakakaintindi nito ay maaaring gumawa sa kanila na maghinala na sila ang pinag-uusapan. Hindi kailangang maghintay hanggang sa malaman mo nang husto ang balarila bago sila kausapin. Gamitin mo ang nalalaman mo, at makikita mo na ang mga tao ay matutuwang tutulong sa iyo.

Huwag laging gumawa ng mga paghahambing sa iyong bagong kalagayan doon sa buhay na iyong iniwan. Tanggapin ang katotohanan na ang iyong dating paraan ng paggawa ng mga bagay ay hindi siyang tanging paraan. Maaaring mas pamilyar at komportable ito sa iyo, subalit ang lahat sa paligid mo ay sanay sa ibang paraan. Halimbawa, ang pinakaimportanteng pagkain sa Gitnang Silangan ay sa tanghali, samantalang “sa inyo” ito ay maaaring sa gabi. Kaya sa halip na hayaan ang kaniyang asawa na sumunggab ng isang sandwich sa tanghali, ang asawang babae ay inaasahang maghahanda ng isang mainit na pagkain, at karaniwang inaasahan ng lalaki na ang babae ay sasabay sa kaniya. Upang manatiling maayos ang buhay kailangan lamang ang kakayahang makibagay, na ikinakapit ng mag-asawa.

Samantalang nasa paksa tungkol sa mga pagkain, ang pagkakaroon ng panlasa sa lokal na mga pagkain ay nakatutulong din. Ang pagsubok ng isang bagong putahe “minsan” upang palugdan ang kabiyak ay maaaring maging kaaya-ayang sorpresa. Ang pagiging eksperto rito at pagdaragdag nito sa mga pagkaing regular na inihahanda ay lalo pang magpapatibay sa pagsasama ng mag-asawa. Gayundin ang masasabi sa pagkakaroon ng hilig sa musika ng Oryente.

Isa pa, maglaan ng panahon na matutuhan ang lokal na mga kaugaliang panlipunan. Ang ilan ay madaling matutuhan sa pamamagitan lamang ng pagmamasid. Sa Gitnang Silangan ito’y kinabibilangan ng: magalang na pag-uusap, kahit na sa mga taong nagrarasyon; pag-aalok ng isang tasang kape o malamig na inumin kahit na sa isang di-inaasahang bisita; at ang pagtayo upang batiin ang mga bisita ng isang mahigpit na pakikipagkamay at ang mga kamag-anak ay ng isang halik sa magkabilang pisngi.

Tanungin ang iyong kabiyak kung ano ang inaasahan sa iyo sa anumang bagong kalagayan. Halimbawa, isang asawang babae ay sinabihan ng kaniyang asawa na isang kaugalian kahit na sa adultong mga anak na humalik sa kamay ng kanilang mga magulang at sa mga kamag-anak sa asawa kapag binati sila. Ito ay isang tanda ng paggalang doon. Sa unang mga pagkakataon na sinunod niya ang kaugalian, asiwa siya. Subalit nang maglaon ay naging kaugalian na, at bukod pa sa pagiging kalugud-lugod sa kaniyang mga kamag-anak sa asawa, nakatulong din ito sa pagkakaroon ng mahusay na kaugnayan sa pamilya.

Mahalaga ang Tamang Saloobin

Ang bagay na ang iyong mga kapitbahay ay maaaring magpakita ng higit na interes sa iyong personal na pamumuhay kaysa kinakailangan ay maaaring timbangin ng kanilang laging pagkamaaasahan sa mga panahon ng kagipitan. Halimbawa, isang Amerikana ang napangasawa ng isang lalaking taga-Lebanon ang isang araw ay umuwi ng bahay mula sa pamimili at nasumpungan niya ang kaniyang ay punô ng mga kapitbahay. Iyon naman pala ang kaniyang asawa ay nagkasakit sa trabaho at halos hindi makarating sa kaniyang tarangkahan nang mapansin ng isang kapitbahay ang kaniyang nanghihinang kalagayan at tinulungan siyang makapasok sa bahay at inihiga siya sa kama. Saka ipinagbigay-alam ng kapitbahay sa lahat ng magkakalapit-bahay, at habang ang iba ay nagtungo upang sunduin ang doktor, ang iba naman ay ginawang komportable ang lalaki at saka nagtungo upang bilhin ang iniresetang gamot. Gayon na lamang ang tuwa ng babae sa kaniyang maalalahaning mga kapitbahay!

Kaya kilalanin mo ang karapatan ng iba na magkaroon ng ibang paraan ng paggawa ng mga bagay. At tandaan, ang kaibhan sa ganang sarili ay hindi gumagawa sa gayong paraan na mabuti o masama, tama o mali.

Ang pamumuhay ayon sa payo ng Bibliya ay napatunayang isang malaking tulong sa pag-aalis ng agwat sa kultura. Ang asawang babae na gumagalang sa kaniyang asawa bilang kaniyang ulo at ang asawang lalaki na umiibig sa kaniyang asawa na gaya ng kaniyang sariling katawan ay magtatagumpay sa kanilang pagsasama. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:21-33) Lalo silang magiging alisto sa pagpapakita ng tiyaga at unawa sa panahon ng pakikibagay sa bagong paraan ng pamumuhay.

Oo, may mga panahon na babangon ang pagkakaiba ng opinyon kung tungkol sa kung kaninong kaugalian ang dapat sundin sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan. Datapuwat ang mag-asawa na gumagalang sa Salita ng Diyos ay titingin sa pagkakapit ng simulain sa Bibliya at hahangaring sundin ito. Kahit na kung ang bagay ay isa na personal na naiibigan, ang simulain ng Bibliya sa 1 Corinto 13:4, 5 ay maaaring ikapit: “Ang pag-ibig . . . ay hindi hinahanap ang sariling kapakanan.”​—Tingnan din ang 1 Corinto 10:23, 24.

Gayunman, laging isaisip na kung ikaw ay lumipat sa ibang bansa, ikaw ay isang dayuhan, at ang karamihan ng pakikibagay ay nasa iyo. Hindi mo maaasahan ang lahat na makiayon sa iyong mga pamantayan o paraan ng pamumuhay. Kasabay nito, maaari mong ibahagi ang mga bagay mula sa iyong kultura sa iyong bagong mga kaibigan.

Kaya maaari bang alisin ang agwat sa kultura? Ang halimbawa ng marami na nagawa ang gayon at pinagyaman ang kanilang buhay sa pagsasama ng pinakamagaling sa dalawang kultura ay sumasagot ng oo.

[Kahon sa pahina 19]

Kung Paano Makikibagay

✔ Gamitin ang katutubong wika

✔ Pag-aralan ang lokal na mga kaugalian

✔ Subukan ang bagong mga pagkain

✔ Iwasan ang mga paghahambing sa dating paraan ng pamumuhay

✔ Baguhin ang mental na saloobin, at mag-isip ng positibo

✔ Ikapit ang mga simulain sa Bibliya

[Larawan sa pahina 17]

Kailangan ang pantanging pagsisikap upang gawing matagumpay ang pag-aasawa kapag ang magkabiyak ay buhat sa magkaibang kultura

[Larawan sa pahina 18]

Sa mga bansa sa Silangan, ang pampalamig ay laging iniaalok kahit na sa di-inaasahang bisita

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share