Lokal na mga Kultura at mga Simulaing Kristiyano—Nagkakasuwato ba ang mga Ito?
SI Stephen, isang Saksi mula sa Hilagang Europa, ay inatasan bilang misyonero sa isang bansa sa Aprika. Habang naglalakad-lakad sa bayan kasama ng isang kapatid na lalaking tagaroon, nagulat siya nang biglang hawakan ng kapatid ang kaniyang kamay.
Nakagigitla para kay Stephen na isiping siya’y naglalakad sa isang mataong kalye habang hawak ng kapuwa lalaki ang kaniyang kamay. Ang gayong kaugalian sa kanilang kultura ay para lamang sa mga homoseksuwal. (Roma 1:27) Gayunman, para sa kapatid na lalaking Aprikano, ang paghawak sa kamay ay isa lamang tanda ng pagkakaibigan. Kapag tumanggi kang magpahawak, nangangahulugang ayaw mong makipagkaibigan.
Bakit natin dapat ikabahala ang pagkakaiba ng mga kultura? Una sa lahat ay sapagkat sinisikap ng bayan ni Jehova na tupdin ang atas sa kanila ng Diyos na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19) Upang maisakatuparan ang gawaing ito, ang ilan ay lumipat upang maglingkod kung saan may higit na pangangailangan para sa mga ministro. Upang magtagumpay sa kanilang bagong kapaligiran, dapat nilang maunawaan at mapakibagayan ang naiibang kultura na kanilang nakakaharap. Sa gayon ay mapakikisamahan nila ang kanilang mga kapatid, habang nagiging epektibo rin naman sila sa pagmiministeryo sa madla.
Isa pa, marami ang umalis sa kanilang magulong tinubuang-bayan dahil sa mga suliranin sa pulitika at kabuhayan at nanirahan sa ibang mga bansa. Kaya nga makaaasa tayo na habang nangangaral sa mga bagong kakilalang ito, tayo’y napapaharap sa mga bagong kaugalian. (Mateo 22:39) Ang ating unang pagkakahantad sa iba’t ibang pamamaraan ay maaaring magbunga ng pagkalito kung tungkol sa mga bagong kaugalian.
Maliliwanag na Bahagi
Ang kultura ay bahagi na ng balangkas ng lipunan ng tao. Kung gayon, sayang lamang na maging “labis na matuwid” at mapagsiyasat sa bawat kaliit-liitang kaugalian upang pagpasiyahan kung ito’y kasuwato ng mga simulain ng Bibliya!—Eclesiastes 7:16.
Sa kabilang banda naman, kailangan ding matiyak kung alin ang lokal na mga kaugalian na maliwanag na lumalabag sa mga simulain. Sa pangkalahatan, hindi naman mahirap gawin ito, yamang taglay natin ang Salita ng Diyos para “sa pagtutuwid ng mga bagay.” (2 Timoteo 3:16) Halimbawa, ang pagkakaroon ng maraming asawa ay isang kaugalian sa ilang lupain, ngunit ang maka-Kasulatang pamantayan para sa mga tunay na Kristiyano ay na ang isang lalaki ay dapat na may isang nabubuhay na asawa lamang.—Genesis 2:24; 1 Timoteo 3:2.
Gayundin, may ilang kaugalian sa patay na ginagawa upang itaboy ang masasamang espiritu, o batay sa paniniwala sa isang imortal na kaluluwa. Ang mga ito’y hindi dapat sundin ng isang tunay na Kristiyano. Ang ilang tao ay naghahandog ng insenso o mga panalangin sa namatay upang itaboy ang masasamang espiritu. Ang iba naman ay naglalamay o makalawang ulit na inililibing sa layuning matulungan ang namatay na makapaghanda sa buhay ‘sa susunod na daigdig.’ Gayunman, itinuturo ng Bibliya na kapag ang isang tao’y namatay, siya’y ‘walang nalalamang anuman,’ kung kaya wala siyang magagawang mabuti o masama sa kaninuman.—Eclesiastes 9:5; Awit 146:4.
Mangyari pa, marami rin namang kaugalian na kasuwato ng Salita ng Diyos. Nakagiginhawa ng damdamin kapag nakakakita tayo ng mga kultura na doo’y namamayani pa rin ang pagiging mapagpatuloy, na doo’y idinidikta ng kaugalian na maging ang isang estranghero ay dapat na malugod na batiin at, kung hinihingi ng pagkakataon, dapat na buksan ang tahanan para sa kaniya! Kapag ikaw mismo ang nakaranas ng ganitong pakikitungo, hindi ba’t nauudyukan ka na tularan ang halimbawang ito? Kung oo, tiyak na mapasusulong nito ang iyong Kristiyanong personalidad.—Hebreo 13:1, 2.
Sino sa atin ang may gustong maghintay? Ito’y bihirang mangyari sa ilang lupain sapagkat ang pagiging nasa oras ay itinuturing na mahalaga. Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Jehova ay isang Diyos ng kaayusan. (1 Corinto 14:33) Dahil dito, itinakda niya ang “araw at oras” upang wakasan ang kabalakyutan, at tinitiyak niya sa atin na ang kaganapan nito ay “hindi na magtatagal.” (Mateo 24:36; Habacuc 2:3) Ang mga kulturang nagtataguyod ng pagiging nasa oras sa makatuwirang paraan ay tumutulong sa atin na maging maayos at makapagpakita ng angkop na paggalang sa ibang tao at sa kanilang panahon, na walang-alinlangang kasuwato ng mga simulain sa Kasulatan.—1 Corinto 14:40; Filipos 2:4.
Kumusta Naman ang mga Di-nakasasamang Kaugalian?
Bagaman ang ilang kaugalian ay maliwanag na kasuwato ng Kristiyanong paraan ng pamumuhay, ang iba naman ay hindi. Ngunit paano naman yaong mga kaugaliang hindi natin masabi kung mabuti o masama? Marami sa mga kaugalian ang hindi naman nakasasama, o hindi nakapipinsala, at ang ating saloobin tungkol dito ang magpapakita ng ating espirituwal na pagkatimbang.
Halimbawa, maraming paraan ng pagbati—ang pakikipagkamay, pagyuko, paghalik, o pagyakap pa nga. Gayundin, napakaraming iba’t ibang kaugalian na may kinalaman sa mga paggawi sa harap ng mesang kainan. Sa ilang lupain ang mga tao ay kumakain sa iisang pinggan o plato. Ang pagdighay ay isang tinatanggap—nakatutuwa pa nga—na pagpapahayag ng pasasalamat sa ilang bansa, samantalang sa iba naman ito’y hindi matanggap at itinuturing na labis na kagaspangan ng ugali.
Sa halip na pagpasiyahan kung alin sa neutral na mga kaugaliang ito ang personal mong gusto o hindi, ang pagtuunan mo ng pansin ay kung paano ka magkakaroon ng angkop na saloobin sa mga ito. Ang laging napapanahong payo mula sa Bibliya ay nagmumungkahi na tayo’y huwag gumawa ‘ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi taglay ang kababaan ng pag-iisip, ituring natin na ang iba ay nakatataas sa atin.’ (Filipos 2:3) Gayundin, sinabi ni Eleanor Boykin sa kaniyang aklat na This Way, Please—A Book of Manners: “Kailangan mo munang magkaroon ng pusong mabait.”
Ang mapagpakumbabang pamamaraang ito ay hahadlang sa atin na hamakin ang mga kaugalian ng iba. Mauudyukan tayong magkusa na pag-aralan kung paano namumuhay ang ibang tao, pakibagayan ang kanilang mga kaugalian at tikman ang kanilang pagkain sa halip na iwasan o paghinalaan ang bawat bagay na wari’y naiiba. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bukás na isipan at pagnanais na sumubok ng mga bagong pamamaraan, napaluluguran natin ang nag-anyaya sa atin o ang ating mga kasamang dayuhan. Nakikinabang din tayo habang ‘pinalalawak’ natin ang ating puso at mga karanasan.—2 Corinto 6:13.
Kapag Nahahadlangan ng Kaugalian ang Espirituwal na Pagsulong
Kumusta naman kung tayo’y napapaharap sa mga kaugaliang hindi nga masasabing di-makakasulatan, ngunit hindi naman nakatutulong sa espirituwal na pagsulong? Halimbawa, sa ilang lupain, ang mga tao’y napakahihilig na magpaliban. Ang mapagwalang-bahalang pagharap na ito sa buhay ay makababawas ng igting, ngunit malamang na lalong mahihirapan tayong ‘lubusang’ maisagawa ang ating ministeryo dahil dito.—2 Timoteo 4:5.
Paano natin mapasisigla ang iba na iwasang “ipagpabukas” ang mahahalagang bagay? Tandaan na “kailangan mo munang magkaroon ng pusong mabait.” Taglay ang pag-ibig, makapagpapakita tayo ng halimbawa at pagkatapos ay ipaliwanag natin nang may kabaitan ang mga pakinabang kung hindi ipagpapabukas ang dapat gawin ngayon. (Eclesiastes 11:4) Kasabay nito, dapat tayong mag-ingat na huwag isakripisyo ang pananalig at pagtitiwala sa isa’t isa para lamang sa mga pakinabang na iyon. Kung ang ating mga mungkahi ay hindi agad matanggap ng iba, huwag tayong mamanginoon sa kanila o di kaya’y ibulalas natin ang ating pagkasiphayo sa kanila. Palaging pag-ibig muna bago ang kahusayan.—1 Pedro 4:8; 5:3.
Isaalang-alang ang Lokal na Kagustuhan
Kailangang tiyakin natin na anumang imungkahi natin ay makatuwiran at hindi lamang basta para maigiit natin ang ating personal na kagustuhan. Halimbawa, napakalaki ng pagkakaiba ng mga istilo ng pananamit. Sa maraming lugar, maaaring angkop para sa isang lalaking nangangaral ng mabuting balita na magsuot ng kurbata, ngunit sa ilang tropikal na mga bansa, maaaring ituring ito na napakapormal. Karaniwan nang makatutulong bilang giya ang pagsasaalang-alang sa lokal na kagustuhan sa kung ano ang angkop na bihis ng isang taong may propesyon na nakikitungo sa publiko. Ang “katinuan ng pag-iisip” ay napakahalaga kapag pinag-uusapan natin ang sensitibong isyu hinggil sa pananamit.—1 Timoteo 2:9, 10.
Kumusta naman kung hindi natin gusto ang isang kaugalian? Basta na lamang ba natin ito aayawan? Hindi naman. Ang kaugalian ng mga lalaking magkahawak ang kamay, na binanggit kanina, ay tanggap na tanggap sa partikular na komunidad na iyon sa Aprika. Nang mapansin ng misyonero na magkahawak-kamay rin ang ibang lalaking naglalakad doon, medyo naging komportable na siya.
Ang apostol na si Pablo, sa panahon ng kaniyang malawakang paglalakbay bilang misyonero, ay dumalaw sa mga kongregasyon na may mga miyembro na iba’t iba ang pinagmulan. Walang-alinlangan, madalas na nagkakaroon ng hidwaan sa mga kaugalian. Kaya naman, nagsikap si Pablo na makibagay sa anumang kaugalian habang matatag na sumusunod sa mga simulain ng Bibliya. “Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao,” sabi niya, “upang sa anumang paraan ay mailigtas ko ang ilan.”—1 Corinto 9:22, 23; Gawa 16:3.
Ang ilang kaugnay na mga tanong ay maaaring makatulong sa atin na magpasiya kung paano natin haharapin ang mga bagong kaugalian. Kung susundin natin ang isang kaugalian—o tatanggihan natin iyon—anong impresyon ang ibinibigay natin sa mga nakakakita? Maaakit ba sila sa mensahe ng Kaharian dahil sa nakikita nilang nagsisikap tayong makibagay sa kanilang kultura? Sa kabilang dako naman, kung pakikibagayan natin ang isang lokal na kaugalian, ‘ang atin [bang] ministeryo ay kakikitaan ng pagkakamali?’—2 Corinto 6:3.
Kung hangad nating maging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao,” baka kailangan nating baguhin ang ilang malalim-ang-pagkakaugat na mga pangmalas sa kung ano ang angkop at di-angkop. Kadalasan nang ang “tama” at ang “mali[ng]” paraan ng paggawa ng isang bagay ay depende lamang sa kung saan tayo nakatira. Samakatuwid, ang paghahawakan ng kamay ng mga lalaki sa isang bansa ay pagpapamalas ng pagkakaibigan, samantalang sa maraming iba ito’y tiyak na makasisira sa reputasyon ng mensahe ng Kaharian.
Gayunman, may ibang mga kaugalian na tinatanggap sa iba’t ibang lugar at maaaring angkop pa nga para sa mga Kristiyano; ngunit dapat pa rin tayong mag-ingat.
Mag-ingat na Huwag Lumampas sa Hangganan!
Sinabi ni Jesu-Kristo na bagaman ang kaniyang mga alagad ay hindi maaaring alisin sa sanlibutan, sila’y kailangang manatiling “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:15, 16) Ngunit kung minsan, hindi madaling makita ang hangganan ng kung alin ang kabahagi ng sanlibutan ni Satanas at kung alin ang basta kultura lamang. Halimbawa, ang musika at sayaw ay bahagi na ng halos lahat ng kultura, bagaman sa ilang lupain ang mga ito’y higit na pinahahalagahan.
Maaaring agad tayong makapagpasiya—batay sa ating pinagmulan kaysa sa tumpak na pangangatuwiran mula sa Kasulatan. Si Alex, isang kapatid na Aleman, ay tumanggap ng atas sa Espanya. Sa dati niyang pinagmulan, hindi gaanong popular ang pagsasayaw, ngunit ito’y bahagi na ng kultura sa Espanya. Nang makita niya sa unang pagkakataon ang isang kapatid na lalaki at isang kapatid na babae na masiglang sumasayaw roon, nalito siya. Mali kaya ang pagsasayaw na ito o marahil ay makasanlibutan? Hindi kaya pabababain niya ang kaniyang pamantayan kung tatanggapin niya ang kaugaliang ito? Nabatid ni Alex na bagaman naiiba ang musika at sayaw, walang dahilan upang isipin na pinabababa ng kaniyang mga kapatid na Kastila ang mga pamantayang Kristiyano. Ang kaniyang pagkalito ay dahil sa pagkakaiba ng mga kultura.
Gayunman, nakikita ni Emilio, isang kapatid na nasisiyahan sa tradisyonal na sayaw ng Kastila, ang panganib. “Napapansin ko na sa maraming anyo ng pagsasayaw ay kailangang maging magkadikit na magkadikit ang magkapareha,” paliwanag niya. “Bilang binata, alam kong ito’y makaaapekto sa damdamin ng kahit isa man lamang sa magkapareha. Kung minsan, ginagawang dahilan ang pagsasayaw upang ipadama ang damdamin sa isa na nagugustuhan mo. Kung matitiyak na ang musika ay malinis at na ang pagdadaiti ng katawan ay limitado, ito’y magsisilbing proteksiyon. Gayunman, inaamin ko na kapag ang isang grupo ng mga walang-asawang kabataang kapatid na lalaki’t babae ay sama-samang pumupunta sa sayawan, napakahirap mapanatili ang isang teokratikong kapaligiran.”
Tiyak, hindi natin nanaising gamitin ang ating kultura na isang dahilan upang magpakalabis sa makasanlibutang paggawi. Ang pag-awit at pagsasayaw ay nagkaroon ng dako sa kultura ng Israel, at nang makalaya ang mga Israelita mula sa Ehipto sa Dagat na Pula, kasali sa kanilang pagdiriwang ang awitan at sayawan. (Exodo 15:1, 20) Gayunman, ang kanilang sariling anyo ng musika at sayaw ay naiiba sa paganong sanlibutan na nakapaligid sa kanila.
Nakalulungkot sabihin, habang hinihintay ang pagbabalik ni Moises mula sa Bundok Sinai, nainip ang mga Israelita, gumawa ng isang guyang yari sa ginto, at matapos kumain at uminom ay “tumindig upang magkatuwaan.” (Exodo 32:1-6) Nang marinig nina Moises at Josue ang awitan ng mga ito, agad silang nabahala. (Exodo 32:17, 18) Lumampas ang mga Israelita sa “hangganan,” at naaninag ngayon sa anyo ng kanilang pag-awit at pagsasayaw ang paganong sanlibutang nakapaligid sa kanila.
Gayundin naman sa ngayon, ang musika at sayaw ay baka karaniwan nang tinatanggap sa ating kinaroroonan at baka naman hindi nakababahala sa budhi ng iba. Subalit kapag ang ilaw ay lumamlam, dinagdagan ng pakislap-kislap na mga ilaw, o nagpatugtog ng musikang naiiba ang tiyempo, ang dating tinatanggap ay baka kakikitaan na ngayon ng espiritu ng sanlibutan. “Ganiyan lang talaga ang aming kultura,” baka ikatuwiran natin. Ginamit ni Aaron ang katulad na dahilan nang siya’y mapasang-ayon sa mga paganong anyo ng paglilibang at pagsamba, anupat buong-kamaliang inilarawan ang mga ito bilang “isang kapistahan para kay Jehova.” Walang bisa ang mababaw na dahilang ito. Aba, ang kanilang paggawi ay itinuring pa ngang “isang kadustaan sa gitna ng mga sumasalansang sa kanila.”—Exodo 32:5, 25.
May Sariling Dako ang Kultura
Maaaring sa pasimula ay makabigla sa atin ang kakaibang kultura, subalit hindi naman nangangahulugang lahat ng ito’y hindi katanggap-tanggap. Kapag ‘nasanay ang ating mga kakayahan sa pang-unawa,’ makikilala natin kung aling kaugalian ang kasuwato ng mga simulaing Kristiyano at kung alin ang hindi. (Hebreo 5:14) Kung nagpapamalas tayo ng kabaitan na lipos ng pagmamahal sa ating kapuwa, makakakilos tayo nang tama kapag napaharap sa di-nakasasamang mga kaugalian.
Habang ipinangangaral natin ang mabuting balita ng Kaharian sa mga tao sa ating sariling lugar o sa malayong dako, ang isang timbang na pangmalas sa iba’t ibang kultura ay tutulong sa atin na maging ‘lahat ng bagay sa lahat ng tao.’ At walang-alinlangang masusumpungan natin na habang tinatanggap natin ang iba’t ibang kultura, ito’y tutulong sa atin na magkaroon ng isang makabuluhan, makulay, at kapana-panabik na buhay.
[Larawan sa pahina 20]
Ang Kristiyanong pagbati ay angkop na maihahayag sa maraming paraan
[Larawan sa pahina 23]
Ang isang timbang na pangmalas sa iba’t ibang kultura ay aakay sa isang makabuluhan at makulay na buhay