Mula sa Aming mga Mambabasa
Pag-ihi sa Higaan
Nais kong imungkahi ang isang paksa para sa Gumising! Nagkaroon ako ng problema na pag-ihi sa higaan hanggang noong ako’y 14 anyos. Higit kaninuman nais ko itong ihinto, gayunman ako ay ipinalagay na tamad, masuwayin, at hindi nag-iintindi. Iba’t ibang anyo ng parusa ang sinubok, pati na ang pagpapasipsip ng basang sapin sa higaan sa akin. Ako’y nakadama ng hiya, sama ng loob, galit sa aking mga magulang, at malayo sa aking pamilya. Inaakala kong ang nakatutulong na impormasyon tungkol sa paksang ito ay lubhang pahahalagahan.
G. T., Estados Unidos
Sa ngayon, tiyak na nabasa na ni G. T. ang artikulo may kaugnayan sa paksang ito sa aming labas noong Pebrero 22, 1988.—ED.
Salamat sa artikulo tungkol sa pag-ihi sa higaan. Nabuhayan ako ng loob na malaman na ang problema ay napakapangkaraniwan sa iba pang pamilya. Ang aking anak na lalaki ay palaihi sa higaan sa gulang na tatlo at kalahati. Bago natalos na ito ay isang tunay na problema at na hindi lamang dahil sa tinatamad siyang bumangon, pinapalo ko ang aking anak (nagmamarka pa nga ang palo ko). Gumamit din ako ng masakit na mga salita at nagawa ko pa ngang tuksuin siya ng aking anak na babae. Sinasabi niya sa akin ngayon na ayaw niyang umihi sa higaan. Nang una kong marinig iyon, halos maiyak ako. Nakadama ako ng pagkakasala dahil sa pisikal at lalong higit sa mental na pagmamalabis ko sa aking anak.
May Kasalanang Ama, Estados Unidos
Anong ligaya marahil ng mga kabataan na ang Gumising! ay nagmamalasakit sa kanilang problema. Isang posibleng dahilan na hindi karaniwang nalalaman ay na kapag ang mahimbing na panaginip ay umabot sa punto na pag-ihi sa panaginip, ang bata ay umiihi sa higaan sapagkat nakakaligtaan niya na siya ay natutulog. Subalit kung mararamdaman niyang siya’y naiihi, maaari siyang bumangon at ihinto ito. Ang hindi pananaginip hanggang sa punto na pag-ihi sa aking panaginip ay tumulong sa akin na ihinto ang pag-ihi sa higaan. Kung nalalaman ito ng mga kabataang may ganitong problema, maaari itong tumulong sa kanila. Maaari ring tulungan ng mga magulang ang anak na isaisip ito.
T. O., Nigeria
Dibuhista sa Komiks
Ang artikulong “Isang Dibuhista sa Komiks ay Naghahanap ng Kaligayahan” sa labas noong Pebrero 22, 1988, ay lubhang napapanahon sa akin. Hanggang sa mabasa ko ang artikulong ito, ako’y nagbabalak na gumawa ng ikabubuhay sa pagiging isang dibuhista sa komiks samantalang naglilingkod sa ministeryo. Bilang isang mahusay na tagaguhit ng cartoon, maaari akong magtrabaho sa oras na gusto ko. At ako’y tumanggap ng mahusay na mga resulta pagkatapos kong isumiti ang isang aplikasyon para sa bagong mga tagaguhit ng cartoon.
Wala akong kamuwang-muwang! Sa halip na magtrabaho lamang sa mga oras na maluwag ako, kukunin ng trabaho ang aking buong panahon. Gayundin, natanto ko na ipinipikit ko ang aking mga mata sa posibilidad ng pagtataguyod ng maling ideya sa mga isipan ng libu-libong mga kabataang babae.
M. S., Hapon
Salamat sa paglalathala ng artikulong ito. Isa ako sa “mapangaraping babae” na tinutukoy ng manunulat. Nang ako ay pumasok sa junior high school, ako’y nasa yugto kung ang interes sa hindi kasekso ay biglang sumisidhi. Samantalang naghahangad ng sariling romantikong pag-ibig, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga komiks maaaring tularan ng isa ang bida at maranasan ang lahat. Bumibili ako ng makakapal na mga komiks at nagumon ako sa pagbabasa nang paulit-ulit sa ‘magagandang kuwento.’ Nagumon ako sa komiks at hindi ko ito maihinto. Ito ang naging paraan ko ng pagtakas. Ang isipan ng mga kabataan ay unti-unting kinakain ng mga komiks. Alam ko sapagkat nangyari iyan sa akin.
Walang lagda, Hapón