Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 2/22 p. 23-27
  • Isang Dibuhista sa Komiks ay Naghahanap ng Kaligayahan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Dibuhista sa Komiks ay Naghahanap ng Kaligayahan
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Landas sa Pagiging Isang Dibuhista sa Komiks
  • Pagiging Sikat
  • Ano ba ang Buhay?
  • Pinagmumulan ng Tunay na Kaligayahan
  • Mga Hadlang
  • Isang Malaking Pagbabago
  • Ang Daan ng Kaligayahan
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1988
  • Ang Aking Buhay Bilang Isang Pintor
    Gumising!—2001
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1992
  • Ang Dakilang Pintor—Si Jehova!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 2/22 p. 23-27

Isang Dibuhista sa Komiks ay Naghahanap ng Kaligayahan

NOONG maagang 1970’s, ako ang nangungunang dibuhista sa komiks sa Kodansha, isang kilalang kompaniyang tagapaglathala sa Hapón. Ako noon ay 23 anyos lamang, subalit ang buwanang kita ko ay mula 300,000 hanggang 400,000 yen, tatlo o apat na beses kaysa kinikita ng isang lalaking nagtapos sa kolehiyo na may ilang taon nang karanasan sa isang malaking kompaniya. At, pagkaraan ng dalawang taon ng pagliligawan, ang aking pag-ibig sa isang maaasahang binata ay halos humantong sa pag-aasawa.

Ang nagdala sa akin sa pambansang katanyagan ay ang kuwentong de serye sa komiks na pinamagatang Kaligayahan, na nagsimula noong Pebrero 1972. Ang paksa nito ay “Isang mahirap na babae, si Shima, ay naghahanap ng kaligayahan.” Madamdaming pinuri kong maigi ang kahalagahan ng pag-ibig ng tao. Gayunman, ang layon ko ay hindi upang palakihin ang espirituwal na kapakanan ng mga kabataang mambabasa kundi, bagkus, ay lumikha ng isang matagumpay na kuwentong de serye.

Hindi ko napangarap noon na matututuhan ko pa ang kahulugan ng tunay na kaligayahan at magsimula ng isang bagong buhay nang magwakas ang kuwentong de serye pagkatapos ng 46 na mga linggo. Ano ang bagong pasimula na iyon? Una, hayaan mong sabihin ko muna sa iyo kung paano ako naging isang dibuhista sa komiks.

Ang Landas sa Pagiging Isang Dibuhista sa Komiks

Bagaman mahirap lamang ang aking mga magulang, pinahalagahan nila ang edukasyon at hindi sila nagtitipid ng pera pagdating sa mga aklat. Bukod pa sa mga aklat na ito, nagbabasa rin ako ng buwanang mga magasin para sa mga babae. Ako’y nabighani ng mga komiks na nilalaman nito. Hindi nasisiyahan sa pagbabasa lamang, sinimulan kong gumuhit ng mga tauhan ng komiks.

Nang ako ay bata, tatlo lamang ang buwanang mga komiks para sa mga batang babae. Gayunman, nagbago ang panahon. Kahit na ang mga estudyante sa unibersidad at ang mga adulto ay nagsimulang bumasa nang hayagan ng mga komiks. Ganito ang sabi ng Asahi Evening News kamakailan: “Anong uri ng aklat ang maaaring maging napakaimpluwensiya anupa’t maging ang telebisyon ay nahihirapang makipagkompitensiya? Sa Hapón, ang sagot ay ang komiks. May isang uri ng ‘manga,’ o komiks, para sa lahat sa Hapón.”

Iniulat ng Mainichi Daily News noong 1986: “Halos sangkatlo ng lahat ng aklat at mga magasing inilathala sa Hapón ay Manga​—sa isang 300 bilyong yen na industriya na may taunang sirkulasyong umaabot sa 1.5 bilyon.” At maaga noong nakaraang taon sinabi ng pahayagan: “Hanggang noong Agosto 1986, 21 iba’t ibang komiks para sa adultong mga mambabasang babae ay ipinagbibili, na may pinagsamang buwanang sirkulasyon na 58 milyong kopya.”

Habang ako’y lumalaki, nagkaroon ng pangangailangan para sa bagong mga dibuhista sa komiks. Samantalang ako ay nasa huling taon sa high school, isa sa pinakamalaking kompaniyang tagapaglathala sa Hapón ay namahala ng kauna-unahang paligsahan sa paghahanap ng bagong mga karikaturista (cartoonist). Tuwang-tuwa, sumali ako sa paligsahan subalit hindi ako nanalo. Nang sumunod na taon ang aking gawa ay nakasali sa pangwakas na napili. Noong ikatlong taon ako ay tumanggap ng paunawa mula sa kompaniya na naglalathala: “Ikaw ang nagwagi ng 1969 Ikatlong Gantimpalang Kodansha para sa Baguhang Karikaturista sa Komiks ng Bata.” Ang mga salitang ito ay may mahikong epekto sa akin, nagpangyari na ibuhos ko ang aking sarili sa aking trabaho.

Pagiging Sikat

Para sa isang debuhista ang mailathala ang trabaho mo sa isang komersiyal na magasin ay nangangailangan ng mahigpit na pagsasanay. Linggu-linggo kailangang isama ko ang isang kapana-panabik na kasukdulan sa kuwentong de serye, at magwakas din sa isang paraan na hihikayat sa mga mambabasa na bilhin ang susunod na labas. Hindi ito madali. Sinusuri ng mga tauhan sa patnugutan ang trabaho na may mapamunang mata. Sa tulad-negosyanteng tinig na walang habag, sabi nila, “Ito rito, iyan doon​—klaseng hindi magandang ilathala!”

Bilang isang baguhan, hindi ko sila mapasinungalingan. “Babaguhin ko po iyan kaagad,” matamlay kong sasabihin. Pagkatapos ay magmamadali akong umuwi ng bahay at magtatrabaho nang magdamag. Kahit pagkatapos na masunuring baguhin ang trabaho nang apat o limang beses, hindi pa rin nasisiyahan ang mga editor. Madalas akong umiyak na mag-isa, hindi ko malaman kung saan at papaano ko gagawin ang mga pagbabago.

Gayunman, gusto ko ang trabahong ito. Kaya ginawa ko ang pinakamabuting magagawa ko upang makatugon sa mga kagustuhan ng editor. Ang pagsunod sa mga kawani, na lubusang nakababatid sa mga reaksiyon ng mga mambabasa, ay nakatulong sa aking tagumpay. Di-nagtagal ako’y naging popular, na pambihira sa isang baguhan. Nang maglaon, ako ay nakikipagpaligsahan na para sa unang dako sa popularidad sa mga mismong karikaturista na hinangaan ko. Mula sa pasimula, ang kuwentong de serye sa komiks na Kaligayahan, na nagsimula sa ikatlong taon ng pagpapasimula ko, ang naging pinakapopular sa lahat ng komiks.

Ang mga tauhan na iginuhit ko ay naging mga pabalat ng Girls’ Friend, isa sa dalawang nangungunang komiks para sa mga batang babae sa Hapón. Ito ay nangangahulugan na ang aking pangalan ay nagbibenta ng magasin. Subalit, nakalulungkot sabihin, talagang hindi ko natatamo ang kaligayahan na isinusulat ko.

Ano ba ang Buhay?

Habang ako ay nagiging tanyag, nagbago ang aking istilo ng pamumuhay, lalo na nang lumipat ako sa Tokyo at nagsimulang tumira sa isang apartment. Gumawi ako na gaya ng ibang tanyag na mga karikaturista, na pagkatapos ng trabaho ay nagtutungo sa mga bar at mga club hanggang madaling araw, upang matulog lamang sa umaga.

Upang mapanatili ang popularidad, kailangang gumuhit ako ng mas kagila-gilalas na mga larawan at kasabay nito ay gumawa nang mas marami. Wala akong sapat na panahon sapagkat hindi ako mabilis na manggagawa at hindi ako nagkukompromiso pagdating sa kalidad. Ang hindi paliligo ng mga ilang araw at hindi paglilinis ng aking silid sa loob ng isang buwan ay pangkaraniwan. Ako’y tuluy-tuloy na nagtatrabaho ng 30 hanggang 40 oras upang matugunan ang mga huling araw. Isinasakrispisyo ko ang lahat ng bagay alang-alang sa aking trabaho.

Ito’y nagbunga ng pagkasiphayo sa pagkakaroon ng pera ngunit wala namang panahon upang gastusin ito. Kaya sinimulan kong maglustay ng salapi, bumibili ng bagong damit buwan-buwan gayunma’y bihirang isuot ito. Sumasakay ako ng taksi kailanma’t umaalis ako at nagsimula akong gumastos ng sampu-sampung libong yen sa isang panahon sa mga plaka. Pinatingkad lamang nito ang kahungkagang nadarama ko.

Sa daigdig na ito kung saan mahalaga ang popularidad, ang mapanirang kompetensiya ay tumitindi habang lumalakas ang popularidad. Ang isa na tumataas ay nangangahulugan na mayroong bumababa. Minsang marating mo ang itaas, ang ibang mga karikaturista ay nagiging kaaway mo na naghahangad na ibagsak ka mula sa puwestong iyon. Ano naman kung humihina ang iyong popularidad? Minsang ang kabayaran para sa iyong trabaho ay tumaas, bihira itong bumaba. Kaya kapag ang iyong popularidad ay humihina at ang iyong kabayaran ay nananatiling mataas, walang dumarating na trabaho. Ikaw ay limót na sa panahong iyon.

Kahit na ang damdamin ko ng tagumpay ay napakalaki, sa daigdig ng matagumpay na mga dibuhista sa komiks, nasumpungan ko ang kahungkagan at kabalisahan, na parang hanging umiihip sa aking puso. Gayunman, ayaw kong tanggapin ito.

Pinagmumulan ng Tunay na Kaligayahan

Noong Oktubre 1971 isang presentableng binata ang kumatok sa aking pinto. Siya ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Pagkaraan ng ilang mga pagdalaw, ipinakilala niya sa akin ang kaniyang ina, na ang sabi, “Ang nanay ko na hahalili ngayon.”

Mayroon akong katanyagan at salapi na ninanais ko, subalit hindi ako mukhang mayaman o maligaya na gaya ni Mrs. Satogami, na tumulong sa akin sa pag-aaral ng Bibliya. Kahit na ang mga damdamin ko sa aking nobyo ay hindi kumikinang na gaya ng kagalakang ipinakikita niya kapag siya’y nagsasalita tungkol sa kaniyang Diyos, si Jehova. Ano ang gumagawa ng pagkakaiba? Nais kong malaman kung ang Bibliya ang susi.

Subalit ang pagkakaroon ng panahon upang mag-aral ay mahirap, lalo na sa rutina ko ng pagtulog sa tanghali, paggising sa alas seis n.h. at pagtatrabaho hanggang tanghali kinabukasan. Madalas akong nagigising sa tunog ng timbre, naghihilamos, at saka pasisimulan ang pag-aaral.

Mga Hadlang

Sa wakas, sinimulan kong ipakipag-usap sa aking mga katulong sa trabaho at sa aking nobyo ang natututuhan ko. ‘Dapat na malaman nilang lahat ito,’ naisip ko. Higit sa lahat, nais kong mag-aral ang aking nobyo. Gayunman, hindi siya nagpakita ng anumang interes, at tuwing napag-uusapan ito, siya ay nagmamaktol. Ako’y nalito at hindi ako mapakali. Ako ba’y nadaya gaya ng sinasabi niya? Mawala kaya siya sa buhay ko balang araw kapag ako ay nagpatuloy? Ang isiping mawala siya ay hindi ko matiis. Matindi ang pagsinta namin sa isa’t isa, gayon ang akala namin, at ayaw ko pa ngang magtrabaho kung hindi niya ako tatawagan sa telepono. Pinakahahangad ko ang maging kabiyak niya.

Habang ako’y sumusulong sa aking pag-aaral, ang ibang mga bagay ay nakabagabag sa akin. Ang aking buhay at ang aking pangmalas sa buhay ay malayung-malayo sa mga pamantayan ng Bibliya. Kung iisipin mo na ang mga komiks ay nagpapabanaag ng mga opinyon ng may-akda at na iniimpluwensiyahan nito ang sampu-sampung libong sensitibong mga bata, ako’y natakot sa kaselangan ng aking pananagutan. Naglaho ang aking pagtitiwala habang natatanto ko na sa pamamagitan ng mga usapan ng aking mga tauhan sa komiks, malamang na itinataguyod ko ang mga bagay na masama. Sa pagbabasa lamang ng mga sulat ng mga tagahanga na dumarating sa bawat linggo, talos ko kung ano ang reaksiyon ng murang mga kaisipan sa maiikling usapang iyon.

Gayunman, bilang isang propesyonal kailangan kong sumulat ng mga komiks na mabibenta. Ang mabenta ay makikita sa imoral at marahas na mga komiks na nananagana ngayon. Bilang isang nangungunang dibuhista sa komiks, inaasahang pagbibigyan ko ang kahilingan ng gayong mga mambabasa. Magaling ako sa pagpukuw sa pangarap na mga damdamin ng mga batang babae sapagkat inilalarawan ko sa kaaya-ayang paraan ang pag-iibigan at pagkakaroon ng mga kaugnayan ng mga tin-edyer. Sa katunayan, iyan ang pangunahing dahilan sa aking maagang tagumpay.

Nakaharap ko ang isang problema. Ang natutuhan ko sa Bibliya ay nagpangyari sa akin na magnais na magbago, subalit kulang ako ng malakas na puwersang pangganyak. Naniniwala ako sa ebolusyon at hindi ko kinikilala ang pag-iral ng isang Maylikha. Sa kabilang dako, hindi ko maikaila na ang natututuhan ko ay lohikal at makatuwiran.

Oh, sana’y pag-aralan din ito ng aking nobyo na kasama ko! Subalit hindi siya sumang-ayon na gawin iyon. Sa wakas, sinabi niya isang araw, “Ako’y natatakot na suriin ito.” Anong laking kaduwagan! Nagsimula akong magduda kung baga iniibig nga niya ako. At ako naman? Maaari kayang ako’y umiibig sa pag-ibig mismo?

Isang Malaking Pagbabago

Noong Mayo 1972, nang daluhan ko ang isang pahayag pangmadla ng mga Saksi ni Jehova sa ikalawang pagkakataon, ako’y ipinakilala sa isa pang kabataang estudyante sa Bibliya ni Mrs. Satogami. Naging palagay kami sa isa’t isa, at nangako ako sa kabataang babae na ito na dadalawin ko siya sa kaniyang apartment nang dakong huli ng araw na iyon. Sa daan, nadulas ako at napilay ang aking bukung-bukong. Napilitan akong makituloy sa kaniya nang magdamag.

Nang gabing iyon kinuha ko ang isang aklat sa kaniyang istante ng mga aklat. Ito’y pinamagatang Did Man Get Here by Evolution or by Creation? Nais kong malaman kung ano ang nasa aklat na iyon. Bagaman nakasara ang kurtina, tumatagos sa loob ang liwanag mula sa ilaw sa kalye. Nagkubli ako sa likuran ng kurtina, at sinisikap na huwag tamaan ng liwanag ang aking natutulog na kaibigan, sinimulan kong basahin ang aklat.

Anong kahanga-hangang aklat nga iyon! Maraming beses na ginambala ng mga luha ang aking pagbasa. Nang madaling araw na, halos nabasa ko na ang buong aklat. Hindi ko mapigil ang aking mga luha. Ang teoriya ng ebolusyon ay mali! Umiiral ang isang dakilang Maylikha ng sansinukob at ng sangkatauhan! Iyon ang pinakamakabagbag-damdaming gabi na naranasan ko sa buong buhay ko. Mayroong Diyos! Ang makatuwirang mga katibayan ay naririto. Papaano pa ako makaiiwas na paglingkuran ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat?

Nang sinimulan kong makisama sa iba pa na may gayunding hangarin na maglingkod sa Diyos, kung ano ang sa wari’y lubhang katuwa-tuwa noon​—paglabas upang makipag-inuman at makisali sa walang saysay na usapan​—ngayon ay parang walang kabuluhan. Nasusuya na ako sa maruming mga salita ng mga kaibigan ko at ang kanilang pagmamalaki tungkol sa kanilang malaswang mga kalokohan.

Bilang mga indibiduwal, ang mga kawani ng patnugutan at mga kapuwa karikaturista ay kalugud-lugod na mga tao. Subalit ang mga daluyong ng maluwag sa disiplinang espiritu ni Satanas ay nakapasok sa aming daigdig ng mga komiks at inagnas ito. Ang mga tao ay nagsasalita sa kasaganaan ng kanilang mga puso. (Mateo 12:34) Ipinababanaag ng imoral na mga komiks ang mga pagpapahalaga niyaong nagbibigay nito. Sino ang makapagkakaila na tusong ginamit ni Satanas ang ilang mga komiks bilang isang malakas na sandata upang hikayatin ang imoral at marahas na paggawi? Inaamin ko mismo na, sa linggu-linggo, itinaguyod ko ang imoral na pag-iisip sa pamamagitan ng aking mga komiks.

Pagkatapos isaalang-alang ang uri ng aking pagkatao, ipinasiya ko na imposibleng unahin ang Diyos sa aking buhay at patuloy na magtrabaho bilang isang popular na dibuhista sa komiks. Sinabi ko sa kawani ng patnugutan na magbibitiw na ako sa trabaho. Winakasan ko na rin ang kaugnayan ko sa aking nobyo.

Ang Daan ng Kaligayahan

Ang kuwentong de serye sa komiks na pinamagatang Kaligayahan ay nagwakas noong Disyembre 1972, na si Shima ay nagsimula ng isang bagong buhay na punô ng pag-asa. Ako man ay nagsimula ng isang bagong buhay isang linggo pagkatapos ng kuwentong de serye. Ako’y nabautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos na Jehova.

Noong Hunyo 1973, nang matapos na ang aking kontrata, ako’y nagbitiw sa aking trabaho bilang isang dibuhista sa komiks, at noong Setyembre ako’y naging isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Samantala, nagkaroon ako ng kagalakan ng pagtulong sa dalawa kong mga katulong sa trabaho na matutuhan ang daan tungo sa tunay na kaligayahan. Mula noong 1975 ako’y gumugugol ng mahigit na 140 mga oras buwan-buwan sa ministeryong Kristiyano.

Ito ba ay naging daan ng kaligayahan? Wala na akong malaking kita, subalit mayroon akong kasiyahan na hindi ko tinamasa bilang isang dibuhista sa komiks. Tinutulungan ko ang iba na masumpungan ang daan tungo sa walang-hanggang kaligayahan. At ang trabahong ito ay higit na mapanlikha kaysa roon sa dibuhista sa komiks. Gayundin, ako’y napaliligiran ng mga kapuwa kapananampalataya, na nagpapakita ng tunay na pag-ibig kapatid. Higit sa lahat, mayroon akong kahanga-hangang pribilehiyo na makilala at paglingkuran ang Dakilang Maylikha ng sansinukob at may pag-asa na purihin siya magpakailanman sa isang lupang paraiso.​—Gaya ng isinaysay ni Yumiko Fujii.

[Larawan sa pahina 23]

Ang mga tauhang iginuhit ko ay naging mga pabalat ng pangunahing mga komiks

[Mga larawan sa pahina 24]

Nagwagi ng isang gantimpala para sa baguhang mga karikaturista, ako’y pumasok sa daigdig ng mga dibuhista sa komiks

[Larawan sa pahina 26]

Ngayon ako’y nakikibahagi sa pangmadlang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share