Ang Mas Malaking Hamon, ang Mas Malaking Katuwaan!
“HINDI natin kaya ito!” Ang mahinahon, gayunma’y prangkang tugon ng tatay ko ay nag-iwan sa akin na bigo. Nais kong maging isang karerista sa motorsiklo at kasasabi ko lamang sa kaniya na gayon ang nais ko. Mula sa pagkabata ito ang naging tunguhin ko sa buhay. Ngunit ang tatay ko ay makatotohanan, at ako ay 14 anyos lamang, bata at walang karanasan.
Ang interes ko sa mga motorsiklo ay nagmula sa aking ama. Maraming beses, isinama niya ako sa Isle of Man upang masdan ang Karerang TT.a Subalit itong taon na ito, 1950, ay kakaiba. Magkasama kaming nakatayo roon upang saksihan ang tagumpay ni Geoff Duke sa kaniyang unang Senior Event, sakay ng isang motorsiklong Norton, sa isang rekord na tulin sa pag-ikot na 150.20 k.p.h.—at pagkatapos ay naging pangalawang dako siya sa Junior TT!
Ang ambisyon ko ay sumidhi upang sumali sa kapana-panabik na karera sa Isle of Man. Disidido akong makagawa ng marka. Hindi ko akalain na paglipas ng sampung taon ang aking pangarap ay magkakatotoo. Subalit ang hamon ay hindi madali.
Pagdadalubhasa sa Makina
May tatlong pangunahing uri ng karera sa motorsiklo. Ang speedway, sa isang habilog na malawak na lupa, ay nangangailangan ng malaking kasanayan kapag ang mga makina ay ibinabaling sa malapad na panig upang pahintulutang dumulas ang mga gulong sa likuran. Ang motocross, tinatawag pa rin sa Britaniya na scrambling, ay karera naman sa isang baku-bakong lupa, ang mga motorsiklo ay kinabitan ng pantanging makapal at makapit na mga gulong. Sa kabilang dako naman ang road racing sa Isle of Man ay sinusubok ang mga kasanayan at karanasan ng bawat motorsiklista laban sa lahat ng katunggali sa isang regular na daan. Ito ay isang karera ng pabilisan, na ang pinakamatulin na motorsiklista ang panalo.
Nang magsimula ako sa pagkarera, ang isang motorsiklong pangkarera ay nagkakahalaga ng halos £480 ($860, U.S.). Ngayon, ang isang kahawig na makina ay mga £15,000 ($26,800, U.S.). At sarisari ang kapasidad ng makina, mula sa 50 cc hanggang 500 cc. Subalit ang susi sa tagumpay ay hindi gaanong nakasalalay sa halaga ng makina o sa lakas ng makina nito kundi sa kasanayan ng pagsasaayos nito. Madalas ako’y nagpupuyat hanggang alas dos ng umaga sa pag-aayos ng aking makina.
Ang pagsali sa karera ay hindi madali gaya ng tingin dito. Sa tulin na pangkarera mayroong pagkalaki-laking puwersa sa manibela. Upang imaneobra ang isang malakas, mabigat na motorsiklo na naglalakbay sa bilis na mahigit sa 160 k.p.h. ay nangangailangan ng matinding tibay at lakas ng katawan. Karaniwang nababawasan ako ng lima o anim na libra sa timbang sa simula ng bawat panahon ng karera. Nariyan din ang matinding pagkabalisa.
Tagumpay at mga Panganib
Noong 1963, ako ay naging propesyonal, nakamit ko ang dalawang unang gantimpala nang taóng iyon sa Hilagang Ireland, sakay ng motorsiklong Norton. Ako rin ang nanguna sa Internasyonal na Karera sa Zolder, Belgium, kapuwa sa 500 cc at 350 cc na mga paligsahan. Noong 1966 at 1967, tinamasa ko ang nakatutuwang pagka-kasosyo sa mga motorsiklong Paton, maganda ang pagkakayaring gawang-kamay na mga makina. Sa ilalim ng pagtaguyod ni Bill Hannah ng Liverpool, una kong ginamit ang orihinal na makinang 350 cc at nang bandang huli ay isang 500 cc na modelo.
Ang ilan sa pinakamahusay kong laro sa alinmang panahon ay noong 1967, sakay ng mga makinang ito. Ako’y nanguna 350 cc at 500 cc na paligsahan sa North West 200 sa Ireland, pangalawa sa 500 cc Austrian Grand Prix, pangatlo sa 500 cc Belgian Grand Prix, at panglima sa 500 cc karerang TT sa Isle of Man.
Sa loob ng siyam na taon ako ay lumahok sa prestihiyosong karera na ito ng TT at ako’y nagkamit ng pangatlong gantimpala sa dalawang pagkakataon. Noong 1907, nang ganapin ang unang paligsahan, ang pinakamabilis na ikot sa karera ay 69.06 k.p.h., subalit noong paligsahan ng 1957, si Bob McIntyre ang kauna-unahang motorsiklista na lumampas sa 160 marka—na 162.73 k.p.h. Mula noon ito ay nahigitan hanggang sa halos 193 k.p.h.
Sa karerahan ng isang daan o higit pang mga motorsiklista, ang Isle of Man TT ay tiyak na isang mapanganib na karera, at ito ang isa sa mga dahilan kung bakit, mula noong paligsahan ng 1977, ito ay hindi na isinama sa talaan ng Grand Prix sa pandaigdig na pagmumotorsiklo. Sa katunayan, sa paligsahang ito noong 1965 ay naranasan ko ang aking pinakagrabeng aksidente. Ang motorsiklista sa likuran ko ay gustong lumampas sa akin, subalit ang aking preno sa hulihan ay may problema at kailangan kong pabagalin ang takbo ko habang ako ay dumarating sa kanan at kaliwang liko. Mangyari pa, hindi niya alam ito kaya hindi niya naisaalang-alang ito. Bunga nito, tinamaan niya ang gulong ko sa likuran at ako’y tumilapon.
Ako’y tumilapon nang malayo sa daan subalit nagkaroon lamang ako ng mga pasâ at gasgas. Kung ako’y tumama sa hangganang pader sa ladrilyo sa bilis, ayaw ko nang isipin kung ano ang maaaring nangyari sa akin. Nalungkot akong malaman nang malaunan na ang aking motorsiklo, na dumausdos sa unahan ko, ay tumama sa isang mariskal na humahawak ng bandera, binali ang dalawang paa niya at naospital siya sa loob ng maraming buwan.
Mga Katuwaan at Kamatayan
Nang panahong ito ako’y kalahok sa karera sa internasyonal na Motorcycle Grand Prix. Kasali rito ang pagdalo ng mga 20 miting tungkol sa karera taun-taon, sumasali sa hanggang 35 paligsahan sa mga bansa na kasinlayo ng Canada at Hapón. Malawakan din akong naglakbay sa Europa—mula sa Sweden at Finland sa hilaga, hanggang sa Espanya at Italya sa timog, at madalas akong dalhin ng aking itineraryo sa mga bansa sa Silangang Europa. Kapana-panabik na lumahok laban sa mga makinang MZ ng Silangang Alemanya, sa iginagalang na Jawas ng Czechoslovakia, at sa Vosticks mula sa U.S.S.R.!
Bagaman ang gantimpalang salapi ay ibinibigay hanggang sa ikasampung gantimpala, ang pangunahing layunin ng Grand Prix ay magkamit ng hangga’t maaari’y pinakamaraming puntos. Pagkatapos, sa katapusan ng bawat 12 buwan ng pagkarera, ang mga natamong puntos mula sa iba’t ibang paligsahang Grand Prix ay tinutuos at isang talaan ang inilalathala na ibinibigay ang nangungunang anim na mga motorsiklista ng daigdig sa taóng iyon. Ang pinakamahusay na laro ko ay noong 1965 nang ako ay makarating sa ikaapat na puwesto sa 500 cc na Kampeonato ng Daigdig.
Sa nakalipas na mga taon marami sa mga kasamahan ko sa paligsahan ay namatay sa mga aksidente. Subalit bahagi ito ng hamon ng isport, at tinanggap namin lahat iyan. Gayunman, may isang malungkot na sakuna na lubhang nakaapekto sa akin. Ako’y nagkakarera sa Finland nang isang malapit na kaibigan ko ang nahulog sa kaniyang motorsiklo at nabasag ang kaniyang bungo. Hindi na siya muling nagkamalay. Ang asawa ko, si Grace, at ako ay nanatili sa piling niya at ng kaniyang asawa hanggang sa siya’y mamatay.
Isang Naglalakbay na Pamilya
Kami ni Grace ay nagpakasal noong 1960. Mahilig din siya sa motorsiklo at gustung-gusto niyang umangkas sa akin, sumasama sa akin sa mga miting sa karera hanggang sa isilang ang aming unang anak noong 1961. Pagkatapos ako na lamang ang naglalakbay sa mga paligsahan. Ginugunita ang nakaraan, waring isang mapag-imbot na buhay ang tinahak ko pagkasilang ni Robert. Madalas ko silang iwan sa loob ng mga ilang buwan hanggang sa wakas si Grace ay lubhang nalungkot anupa’t iginiit ko na siya ay sumama sa akin. Bumili kami ng isang van at pagkatapos niyan kami ay naglakbay sa lahat ng dako bilang isang pamilya. Kahit na pagkasilang ng dalawa pang anak, hindi rin nagbago ang aming paraan ng pamumuhay.
Isang Pagbabago ng Kaisipan
Sa katapusan ng 1967, ako’y nagpasiyang umalis sa karera ng motorsiklo at ako’y bumili ng isang garahe sa Southport. Pagkatapos, ako’y naakit ng karera ng kotse sa isahang-upuang Lotus Formula Ford. Ngunit agad kong natanto na ang karera sa motorsiklo at ang pagmamaneho ng isang kotseng pangkarera ay nangangailangan ng pagkakaroon ng lubhang kakaibang pamamaraan.
Lahat ng ito ay nagharap sa akin ng isang nakapagpapasigla, bagong hamon. Gayunman, si Grace ay hindi maligaya sa aking bagong pakikipagsapalaran at wala siyang anumang interes dito. Kaya sa wakas, dahil sa kawalan ng pagkakaisa ng pamilya na tinamasa namin sa loob ng mahabang panahon samantalang ako’y nagkakarera, naipasiya kong itigil na lamang ang isport.
Pambihirang bagay ito, ngunit nitong dakong huli lamang na naunawaan ko na mayroon ding saligang dahilan. Isang bagong interes ang nagbibigay sa amin ng bagong mga pagpapahalaga. Ang kaisipan ni Grace, at ang sa akin—ay nagbabago, higit kaysa nababatid namin.
Ang Aming Bagong Interes
Kami ni Grace ay palagiang mga membro ng Church of England, subalit dahil sa aming kalalakbay, ang relihiyon ay isang pangangailangan lamang na naisasaisang-tabi. Kaya nang maging interesado si Grace sa pangangaral ng mga Saksi ni Jehova maaga noon pa mang 1960, dahil sa aming palipat-lipat na paraan ng pamumuhay hindi rin ito nagkabisa. Lumipas ang sampung taon bago kami nagkaroon ng anumang makabuluhang pag-uusap tungkol sa Bibliya at sa mensahe nito para sa ating kaarawan.
Nang kami’y pumirme sa isang lugar, muling nakatagpo ni Grace ang mga Saksi ni Jehova at isinaayos na ako’y maupong kasama niya sa isang pag-uusap sa Bibliya tungkol sa ‘tanda ng panahon.’ Ang lahat ng ito ay bahagi ng isang pantanging kampaniya—isang anim-na-buwang kurso ng libreng pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ang isang munting asul na aklat na pinamagatang Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan.
Ang isang bagay na natatandaan ko sa aking isipan mula sa unang engkuwentrong iyon sa mga Saksi ni Jehova ay ang maka-Kasulatang ulat ng 2 Timoteo 3:1-5. Nagugunita ko pa ang aking pagtataka sa pagkatanto na hindi ko nalalaman na ang gayong eksaktong larawan ng ‘tanda ng panahon’ ay naitala halos dalawang libong taon na ang nakalipas. Kami ni Grace ay may iisang kaisipan, sabik na matuto, at sa loob lamang ng isang taon kami kapuwa ay nabautismuhan.
Bata pa ang apat kong mga anak na pangangalagaan, subalit kami ni Grace ay disididong unahin ang unang mga bagay. Kaya, sa paghimok ni Grace, ipinagbili ko ang aking negosyo, nagtrabaho ako ng part-time na trabaho at nagsimula akong mangaral nang buong-panahon bilang isang ministrong payunir. (Mateo 6:33) Ang mga taóng ginugol ko sa pagmumotorsiklo ay nagbigay sa akin ng mga katuwaan na higit pa sa aking inaasahan. Subalit ngayon, taglay ang mas malinaw na pangmalas tungkol sa kabanalan ng buhay, nasumpungan ko ang aking sarili na nakakaharap ang isang mas malaking hamon. Wala akong kaalam-alam na ito ay aakay sa akin sa mas malaking katuwaan.
Isang Kapana-panabik na Hamon
Hindi nagluwat natuklasan namin ni Grace na may kakaibang hamon sa tuwing may nakakatagpo kami sa aming ministeryong Kristiyano. Una ay kailangang malaman namin ang kaniyang espirituwal na mga pangangailangang iyon sa pamamagitan ng may kasanayang paggamit ng Bibliya. Maguguniguni mo ba ang katuwaan na makita ang isang matapat na ateista na nagbago ng kaniyang kaisipan upang maging isang nag-alay na lingkod ng Diyos? Naranasan namin ni Grace ang gayong karanasan. Nangailangan ito ng mga ilang oras ng matiyagang pangangatuwiran at sistematikong pag-aaral ng Bibliya na kasama niya at ng kaniyang asawa, subalit anong laking kagalakang makita silang dalawa na mabautismuhan!
Kapag nagkakarera, napakalaki ng pananagutang nakasalalay sa akin, ang karanasan ko, at ang kasanayan ko. Datapuwat kailangan kong matutuhan na ang pag-asa sa aking sariling likas na mga kakayahan sa aking ministeryo ay hindi sapat. Mahalaga ang may pananalanging pagtitiwala sa espiritu ni Jehova para sa patnubay.—2 Corinto 4:7.
Sa nakalipas na mga taon tinamasa ng aking pamilya ang maraming mahuhusay na pribilehiyo ng paglilingkuran na magkasama at kami’y nakatulong sa maraming kaibigan, mga kamag-anak, at mga kapitbahay na tanggapin ang katotohanan ng Bibliya. Sa nakalipas na apat na taon tinanggap namin ang humahamong atas na gugulin ang aming taunang bakasyon sa paglalakbay sa malayong hilagang-silangan ng Scotland. Kami’y nakapag-iwan ng maraming mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya sa mapagpatuloy na mga tao roon at kami’y nakapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.
Ginugunita ang nakaraan, maliwanag na sa pagkuha sa panimulang hakbang na iyon ng pagpapayunir naipakita ko ang pinakamabuting halimbawa sa aming apat na anak. Pinili nilang lahat ang buong-panahong paglilingkod nang sila’y matapos ng pag-aaral at nagpatuloy rito mula noon. Ang tatlo na ngayo’y may-asawa na ay may mga kapareha na may gayunding bokasyon.
Dalawang taon na ang nakalipas, nang ang aming bunsong anak na babae ay matapos ng kaniyang pag-aaral, si Grace ay sumama sa akin bilang aking kasamang payunir. Pagkatapos ako ay tumanggap ng isa pang pribilehiyo, isang atas na maglingkod bilang isang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito. Kaya ngayon, naglalakbay mula sa aming tahanan, madalas naming dalawin ang kalapit na mga kongregasyon upang tulungan at palakasin sila.
Mayroon kaming lipos na buhay, sapagkat si Grace ay hindi lamang nagtataguyod sa akin at nagmamasid, gaya noong ako’y nagkakarera. Ngayon, magkasama, kami ay nakikibahagi sa gawaing paggawa-ng-alagad, at ang aming kaligayahan bilang isang pamilya ay ganap. Araw-araw, pinasasalamatan namin si Jehova sa hamon at sa kapana-panabik na pribilehiyo na maging aktibo bilang kaniyang mga Saksi.—Gaya ng isinaysay ni Fred Stevens.
[Talababa]
a Ang “TT” ay kumakatawan sa “Tourist Trophy.” Ang mga Karerang TT sa Isle of Man ay nagsimula noong 1907 at naging isang taunang paligsahan (maliban kung panahon ng giyera) mula noon. Nanatili itong kabilang sa pangunahing karera sa motorsiklo sa daigdig.
[Larawan sa pahina 18]
Si Fred at Grace Stevens