Ang Takot sa Paglipad—Pinanatili Ka Ba Nito sa Isang Lugar?
“LADIES and gentlemen, flight number 210 is now boarding.” Ilang daang mga pasahero ang gumawa ng huling-minutong pag-ukyabit para sa mga dala-dalahan at sa bagong biling mga pahayagan at mga magasin. Mga kaibigan at mga kamag-anak na halos maiyak dahil sa maibiging pamamaalam at mga pagyapos habang ang mga pasahero ay naghahanda na upang sumakay sa naghihintay na eruplano.
Pagkaraan ng mga ilang minuto ang pag-ugong ng apat na dambuhalang mga makinang jet, bawat isa’y mas mataas kaysa isang tao, ay mararamdaman sa loob ng eruplano. Umiikot at kumikilos, ito ay gumagawa ng mahigit 100,000 malakas na tulak na horsepower. Ang eruplano ay nagdadala ng 141,000 kilo o 141 metrikong tonelada ng gatong—sapat na gatong, 180,000 litro, upang punuin ang isang swimming pool!
Mula sa sakayang rampa, ang tahimik, maayos na pagtakbo nito sa iniatas na daanan ay nagsisimula. Naghihintay para sa kanilang pagkakataon na mag-takeoff clearance mula sa control tower, isinasagawa ng kapitan at ng mga kasama niyang piloto ang mahabang listahan ng mga pagsusuri sa kagamitan. Sa wakas umaandar na ang lahat ng sistema! “Flight number 210, you are cleared for takeoff.” Itinutulak ng piloto ang throttle nang pasulong. “Umaandar na tayo.” Ang mga pasahero ay naitutulak palikod sa kanilang mga upuan habang ang eruplano ay tumatakbong pasulong. Pagkatapos hinihila ng piloto pabalik ang control column, iniaangat ang nguso ng eruplano. Ang lupa ay naglalaho sa paningin, at sa sandaling panahon ay narating na ng eruplano ang patiunang-iniatas na taas nito na 11,300 metro at sa bilis na 885 kph. Sa loob ng ilang oras, ang daan-daang pasahero ay ligtas na makararating sa kanilang patutunguhan—libu-libong kilometro ang layo.
Subalit aba, hindi lahat ay maayos! Mayroon niyaong mga takot na takot kahit na tumingin lamang sa bintana. Nakatitig sila sa unahan, parang nakagato. Mayroon namang namamawis ang palad at namumuti ang mga buko ng daliri, mahigpit ang kapit sa upuan. Ang bilis ng tibok ng kanilang dibdib, sinisikmura sila. Ang iba ay nasusuka. Wala nang interes magbasa o manood ng pelikula. Wala itong maitutulong.
Hindi lahat ng takot sa paglipad ay may iisang ugat na dahilan. Ang nakakaapekto sa isa ay maaaring hindi nakakaapekto sa iba. May takót sa matataas na dako, sa paglipad sa ibabaw ng tubig, sa maraming tao, takot na mapagsarhan, sa kamatayan, at iba pa.
Laganap ang Takot sa Paglipad
Daan-daang tao ay gumugugol ng mga araw sa pagmamaneho ng kotse o sa paglalakbay sakay ng tren sapagkat sila ay natatakot sumakay ng eruplano. Tinatayang sa Estados Unidos lamang, mahigit na 25 milyong tao ang natatakot na sumakay ng eruplano—isa sa bawat anim na adulto. Sa buong daigdig, ang bilang ng natatakot sumakay ng eruplano ay mas marami pa. Ang takot sa paglipad ay tinatayang nagkahalaga sa industriya ng paglalakbay sa himpapawid sa loob ng bansa ng 21.2 milyong isahang biyahe, 6 na milyong personal na paglalakbay, na nagbunga ng isang taunang kalugihan sa buwis na 1.6 bilyong dolyar.
Nang tanungin ng isang dating piloto ng airline ang ilang matatakuting sumasakay sa eruplano kung sila ba ay nag-aalala kapag isang kamag-anak o matalik na kaibigan ay sumasakay ng eruplano, sila halos ay laging nagsasabi ng hindi. Isang tagapayo sa matatakuting mga sumasakay ng eruplano ang nagsabi sa isang seminar: “Kapag tinatanong ko ang aking mga pasyente, ‘Nais ba ninyong sumakay ako sa eruplano sa susunod na linggo?’ lagi nilang sinasabi, ‘Aba, oo.’ At ako’y nagtatanong, ‘Bakit?’ Hindi ba kayo nag-aalala kung mamatay ako?’ Sila ay tatawa sa tuwina at magsasabi, ‘Hindi ka mamamatay.’ ” Isa pang tagapayo ay nagsabi: “Madalas kong tanungin ang aking mga pasyente, ‘Ilang tao na nakikilala ninyo ang namatay bunga ng isang aksidente sa eruplano?’ Karaniwan nang wala. ‘Ilang tao na nakikilala ninyo ang namatay dahil sa isang aksidente sa kotse?’ Karaniwan nang dalawa o tatlo.”
Bakit ang Takot?
Ang mga estadistika at mga eksperto ay sumasang-ayon na ang modernong eruplanong jet ay isang pambihirang ligtas na paraan ng transportasyon. Ang insurance actuaries, na ang trabaho ay kalkulahin ang panganib ng seguro at bayad sa seguro, ay nagsasabi na kung ikaw ay maglalakbay mula sa isang baybayin tungo sa isang baybayin, ito ay halos anim na beses na mas ligtas kung ikaw ay sasakay ng eruplano kaysa kung ikaw ay magmamaneho. Madaling masasabi sa iyo ng mga piloto sa eruplano na ang pinakamapanganib na bahagi ng paglalakbay ay hindi ang paglipad kundi ang paglalakbay patungo at mula sa paliparan.
Ngayong ang paglalakbay sa himpapawid ay nasa pinakatugatog nito higit kailanman, ano ang nagpapangyari sa ibang tao na matakot sa paglipad? (Kahit na tinatanggihan ito ng maraming lalaki, tinatayang halos kalahati, ng mga lalaki at babae, ang natatakot sumakay ng eruplano.) Sinasabi nilang ang kanilang takot sa paglipad ay dahilan sa labis-labis na pagsaklaw ng media sa mga aksidente ng eruplano, ng mga ilang araw na kasunod na mga istorya, at ang maraming skyjacking na nagaganap. Gayundin, mga report ng muntik-muntikang mga bungguan sa himpapawid, siksikang langit, at kaunting air-traffic controllers, ang nagpangyari sa kanila na sumakay sa eruplano na may takot. Gayumpaman, ang mga katotohanan at bilang ay patuloy na sumasang-ayon sa paglalakbay sa himpapawid bilang isang ligtas na paraan ng transportasyon.
Kung Ano ang Maaaring Gawin sa Isang Natatakot Sumakay ng Eruplano
Upang simulan ito, nito lamang nakalipas na mga taon maraming malalaking airline ang sumubok turuan ang matatakuting mga sumasakay sa eruplano tungkol sa kaligtasan ng paglalakbay sa himpapawid. Mga seminar ay idinaos ng mga piloto, kasamang piloto, at klinikal na mga sikologo ng airline sa maraming pangunahing mga lunsod sa daigdig. Ang halaga sa bawat estudyante ay mga $200, U.S., pati na ang halaga ng tiket para sa pagtatapos na paglipad. Ang mga sesyon ay binubuo ng tanong-sagot na mga programa, pagdalaw sa paliparan upang maging pamilyar at huwag nerbiyusin, at sa wakas ang pagtatapos na paglipad mismo.
Sabi ng isang instruktor sa seminar: “Nubenta porsiyento ng mga taong tinutulungan namin ay nakasakay na sa eruplano. Sa mga ito, kalahati ang humintong sumakay ng eruplano dahil sa kanilang takot, at kalahati ay patuloy na sumasakay sa eruplano, subalit sila ay miserable sa paggawa nito. Mga 10% lamang ng mga tao sa aming seminar ang hindi pa nakasakay sa eruplano.” Sang-ayon sa mga report, ang mga seminar na ito ay matagumpay na nakatulong sa libu-libong matatakuting sumasakay ng eruplano, o matatakuting hindi sumasakay ng eruplano, na maging komportable sa paglipad.
Yamang ang pagdalo ng isang seminar ay hindi posible para sa lahat na sasakay sa isang eruplano, marahil para sa isang biglang pangangailangang paglipad, narito ang ilang mungkahing ibinibigay ng mga tagapayo sa seminar. Maaga kang magtungo sa airport. Ang pagdating sa huling-minuto at pagmamadali na sumakay sa eruplano ay makadaragdag sa iyong pagkabalisa. “Karaniwang sinasabi ko sa kanila na huwag maupo sa hulihan,” sabi isang tagapayo. “Mas hindi komportable rito at ang eruplano ay mas magalaw sa dakong huli.” Ang unahan ng eruplano ay suwabe at tahimik. Gayunman, yamang ang mga upuang ito ay primera klase, at marami ang ayaw magbayad ng karagdagang salapi, ang ikalawang pinakamagaling na pagpili ay sa may pakpak. Kung ang pagtingin sa bintana ay nakaaabala sa iyo, pumili ka ng upuan na malayo sa bintana. “Pagkatapos maupo, gawin . . . ang ehersisyong paghinga nang malalim,” payo ng The Air Traveler’s Handbook. “Ang isang pamamaraang ito ay naging mabisa kahit na sa pinakamapagduda. Gawin mo ito na nakapikit ang mata. Gamitin mo ang lakas na naghihintay na gamitin. . . . Hangga’t maaari tumayo at mag-inat-inat. Maglakad-lakad ka sa cabin.”
“Mahalagang sabihin sa mga taong natatakot na ang alak ay hindi nakatutulong,” babala ng isang tagapayo sa seminar. “Sa 1,500-metrong presyon atmosperiko, ang inuming iyon ay katumbas ng isa at kalahating inumin. Isa pa, tinutuyo ng alak ang sistema nerbiyosa, tinutuyo ang mucous membranes, ginagawa itong hindi komportable, maaari pa ngang gawin itong mas sensitibo sa kilos, maaaring mahilo sila, at maaaring magwakas sila na may trauma.”
“Ang mahigpit na pangungunyapit sa upuan,” sabi pa ng isa, “ang isa sa pinakamasamang bagay na maaaring gawin.” Sa halip, maglagay ng isang unan sa iyong likod. Tutulong ito upang ikaw ay marelaks.
“Ladies and gentlemen, this is your captain speaking. We’re beginning our descend and will be landing shortly. Thank you for flying our airline.” Pagkaraan ng ilang minuto ang tunog ng pagbaba ng gulong sa paglapag ay maririnig. Ang piloto ay tumanggap na ng clearance para sa paglapag. Ang daanan ng eruplano ay diretso sa unahan. Kami ay bumababa, at bahagyang inaangat ng piloto ang nguso ng eruplano. Ang kongkretong daanan ng eruplano ay lumilitaw sa aming bintana—at kami’y lumapag! Ang mga makina ay umugong habang binabaligtad ng piloto ang tulak upang pabagalin ang eruplano, at sa wakas ang dambuhalang eruplano ay huminto sa terminal. Isa pang matagumpay na paglipad!
[Picture Credit Line sa pahina 23]
Kuha ng Trans World Airlines