Gaano Kaligtas ang mga Eroplano?
SA LOOB ng isang taon, mga kalahating milyon katao ang namamatay sa mga lansangan sa daigdig. Kung ihahambing, ang namatay sa mga aksidente sa eroplano noong 1996 ay 1,945. Para sa 1997, ang kabuuan ay bumaba sa 1,226. Ayon sa estadistikang iniingatan ng tagagawa ng Boeing, “ang mga komersiyal na eroplanong jet ay bumabagsak nang wala pang 2 beses sa bawat 1 milyong paglipad.”
Gayunman, bawat pagbagsak ng eroplano ay malawakang ibinabalita, samantalang ang mga aksidente sa daan sa araw-araw ay hindi gaanong pinapansin. Sa Estados Unidos, tanging ang paglalakbay lamang sakay ng bus ang itinuturing na bahagyang mas ligtas kaysa sa pagsakay sa eroplano.
Bakit karaniwan nang mas ligtas ang eroplano kaysa sa kotse? Ang isang maliwanag na dahilan ay na di-gaya ng mga sasakyan sa daan, ang mga eroplano ay hindi karaniwang lumilipad nang malapit sa isa’t isa. Ang isa pang dahilan ay na karamihan sa mga tauhan sa eroplano ay lubhang sinanay at talagang propesyonal sa pagganap sa kanilang mga tungkulin. Ang kapitan ng isang Boeing 747 ay karaniwan nang mahigit sa 50 anyos at may 30 taóng karanasan sa paglipad. Kaligtasan ang pangunahing nasa isip ng lahat ng tauhan. Tutal, buhay rin nila ang nakataya.
Kaligtasan sa Kinalalagyan ng Piloto
Kung bibigyang-pansin mo ang loob ng kinalalagyan ng piloto sa isang pampasaherong eroplano, mapapansin mo na lahat ng pangunahing instrumento at kontrol ay doble—ang isang set ay nasa kaliwa para sa kapitan at ang isa naman ay nasa kanan para sa kasamang piloto.a Sa gayon, ayon sa The Air Traveler’s Handbook, “sakaling mawalan ng malay ang isa sa mga piloto, na bihira namang mangyari, nasa isa pa ang lahat ng kontrol na kailangan upang ligtas na mapalipad ang eroplano. Habang lumilipad, nasusubaybayan ng bawat piloto ang mga instrumento ng isa’t isa, at natitiyak na pareho ang ibinibigay na pahiwatig ng dalawang panel.”
Isa pang salik sa kaligtasan sa kinalalagyan ng piloto ang bagay na bilang pag-iingat, karaniwan nang hindi pareho ang pagkain ng kapitan at ng kasama niyang piloto. Bakit gayon? Upang kung sakaling may lason ang pagkain, na bihira namang mangyari, isa lamang sa kanila ang maaapektuhan.
Upang matiyak ang kontrol ng gumagalaw na mga bagay tulad ng payagpag, mekanismo sa paglapag, at preno, “karaniwan nang may dalawa o higit pang hydraulic system ang mga eroplano sakaling hindi gumana ang isa.” Ang doble o triple pa ngang sistema ay isang pamantayang kahilingan para sa kaligtasan sa karamihan ng modernong mga eroplano.
Ano ang Maaari Mong Gawin?
Narito ang ilang simpleng pag-iingat na maaaring gawin ng lahat ng pasahero: Basahin ang kard ng tagubilin para sa mga gipit na kalagayan, at pakinggan ang mga flight attendant kapag ipinaliliwanag nila ang mga pamamaraan sa kaligtasan sa simula ng bawat paglipad. Pagkaupo mo, tingnan kung nasaan ang pinakamalapit na pintong labasan. At kung sakaling may biglaang kagipitan, sundin ang tagubilin ng mga flight attendant. Sila’y sinanay nang husto upang harapin ang mahihirap na situwasyon, sakaling bumangon ito. Kapag nagbigay ng mga tagubilin, mahalagang kumilos kaagad ang mga pasahero at kalimutan ang kanilang mga dala-dalahan. Higit na mahalaga ang buhay kaysa sa mga ari-arian.
Ang mga modernong eroplano ay karaniwan nang nakalilipad o nakalilibot sa ibabaw ng masungit na panahon, kaya maayos naman ang karamihan sa malayuang mga paglalakbay sa himpapawid. Bunga nito, iilang tao lamang ang nakararanas ng pagkaliyo. Kung inaasahang magiging maalog ang biyahe dahil sa lagay ng atmospera, karaniwan nang pinapayuhan ng kapitan ang mga pasahero na tiyaking nakakabit ang kanilang sinturong pangkaligtasan bilang pag-iingat.
Magiging mas ligtas ba ang paglalakbay sakay ng eroplano? Ang sagot ay oo. Ngunit karamihan sa mga pasahero ay tatanggi sa kinakailangang pagbabago. Ano naman iyon? Na ang mga pasahero ay nakatalikod sa halip na nakaharap! Ano naman ang magiging kabutihan nito? Sa biglang pagbaba ng eroplano, ang mga pasahero ay susuhayan ng sandalan sa upuan sa halip na basta sinturong pangkaligtasan lamang na nakakabit sa tiyan, na di-sapat na proteksiyon kung ihahambing sa karamihan ng mga seat belt sa kotse na may karagdagang nakakabit sa dibdib. Gayunman, mas gusto ng mga tao na makita ang unahan kaysa ang likuran!
Natatakot Lumipad?
Tinatayang 1 sa 6 na adultong populasyon sa Estados Unidos ang natatakot sa paglipad. Sa ilan ay hindi lamang takot—iyon ay isang phobia, isang labis-labis na pagkatakot na maaaring humantong sa pagkataranta. Ano ang makatutulong?
Ang pagiging isang pasaherong may kabatiran ay may malaking magagawa upang pawiin ang pagkabalisa. Taun-taon sa buong daigdig, mga 15,000 eroplano na nagseserbisyo sa halos 10,000 paliparan ang naghahatid ng mahigit sa 1.2 bilyon katao nang may iilan lamang na mga aksidente o insidente. “Ayon sa Lloyd’s of London [kompanya sa seguro], 25 beses na mas ligtas ang sumakay sa eroplano kaysa sa kotse.”
Kung ninenerbiyos kang sumakay sa eroplano, magbasa ka ng mga aklat tungkol sa paglipad, mga eroplano, at pagsasanay sa piloto. Basahin mo ang tungkol sa matataas na pamantayan ng pagsasanay na kahilingan sa mga piloto at ang mga alituntunin na sinusunod nila hinggil sa mga oras ng pagtulog, limitasyon sa pag-inom ng alak bago lumipad, at biglaang pagsusuri sa droga. Nariyan din ang mga check-up sa isang flight simulator nang makalawa sa isang taon na doo’y dapat makapasa ang mga piloto upang subukin ang kanilang reaksiyon sa gipit na mga kalagayan. Ang mga paggayang ito ay katulad na katulad sa totoong buhay anupat ang ilang piloto ay “nanginginig at pawis na pawis” paglabas sa simulator. Kung hindi makapasa ang piloto sa pagsubok sa simulator, maaari siyang mawalan ng lisensiyang magpalipad ng komersiyal na eroplano.
Ang mga pamantayang ito ay lubhang nakatataas kaysa sa anumang ipinaiiral sa mga nagmamaneho ng sasakyan. Samakatuwid, habang mas marami ang natututuhan mo tungkol sa mga eroplano at mga piloto, lalong lálakí ang iyong tiwala.
Makatutulong din ang pagbisita sa isang paliparan. Pansinin ang mga pamamaraan para sa mga pasahero, at tingnan kung ano ang reaksiyon ng mga tao. Mapapansin mo na karamihan sa mga tao ay bumababa sa eroplano na para bang sila’y bumababa lamang sa bus. Para sa kanila ay pangkaraniwan na ang paglalakbay sa himpapawid. Masdan mo ang paglipad at paglapag ng mga eroplano. Unawain at hangaan ang siyentipikong mga simulain ng aerodynamics na nagpapangyaring maging posible at ligtas ang paglipad.
Kapag sa wakas ay sumakay ka na sa eroplano sa kauna-unahang pagkakataon, sabihin mo sa flight attendant na iyon ang una mong pagsakay sa eroplano at na medyo kinakabahan ka. Alam ng mga propesyonal na ito kung paano ka tutulungang magrelaks at magtiwala sa sistema. Sikaping magrelaks. Kapag sinabi ng kapitan na OK nang lumakad sa loob ng eroplano, tumayo ka at maglakad-lakad sa cabin. Baka malapit mo nang madaig ang iyong takot sa paglipad!
[Talababa]
a Sa karamihan ng mga eroplano, papayagan ka ng kapitan na tingnan ang loob ng kinalalagyan ng piloto samantalang nakaparada ang eroplano. Sasagutin din niya ang mga tanong mo.
[Blurb sa pahina 11]
“Ayon sa Lloyd’s of London [kompanya sa seguro], 25 beses na mas ligtas ang sumakay sa eroplano kaysa sa kotse”
[Mga larawan sa pahina 12]
Nagiging kasiya-siya ang paglipad kapag natutuhang magrelaks
[Picture Credit Line sa pahina 10]
Photograph courtesy of Boeing Aircraft Company