Isang Sulyap sa Natatanging mga Hayop ng Nepal
Ng kabalitaan ng Gumising! sa India
HALOS maghahatinggabi na. Ang kagubatan sa paligid namin ay pusikit na kadiliman. Sa ibabaw ng aming ulo, tinatakpan ng matataas na punungkahoy ang mabituing langit. Upang makita ang aming nilalakaran, pinananatili namin ang aming malamlam na sulo na malapit sa lupa. Hinahanap namin ang isang tigre! Subalit habang sumusuray-suray kami sa dilim, isang nakatatakot na kaisipan ang laging sumasagi sa aking isipan—hinahanap rin kaya kami ng tigre?
Upang makita ang ilan sa natatangi at nanganganib malipol na mga hayop ng Nepal sa kanilang likas na kapaligiran, kami ng misis ko ay nanggaling sa Calcutta, India, tungo sa Tiger Tops, isang tirahan sa kagubatan ng Royal Chitwan National Park ng Nepal. Ito ay isang 932 kilometro-kuwadradong lupa ng mga damuhan at magandang kagubatan sa hilaga ng Terai, sa paanan ng dakilang Himalayas.
Pagpunta sa Tiger Tops
Ang paglalakbay mismo ay isang abentura. Una muna kami ay sumakay ng eruplano mula sa Calcutta hanggang Kathmandu, ang kabisera ng bulubunduking kaharian ng Nepal. Ang paglalakbay sakay ng eruplano ay nagbigay sa amin ng kahanga-hangang tanawin ng nagtataasang mga tuktok ng Himalayas, pati na ang 8,848-metrong Bundok Everest.
Kathmandu—ang pangalan ay nagbabadya ng diwa ng pagiging sinauna at malayo. Kaya nagulat kami na makakita ng mga gusaling istilong-Kanluranin na nakatayo sa kahabaan ng tradisyonal, makitid, paliku-likong daan. Ang matatandang tindahan at ang kanilang mga panindang gawang-kamay at nakikipagpaligsahan sa mga arkadang nagtitinda ng inangkat na mga pabango, de-lata, at mga stereo. Ito a isang nagbabago subalit kabigha-bighaning lunsod pa rin.
Sa paliparan ng Kathmandu, kami ay sumakay sa isang 19-upuang eruplano patungo sa Chitwan Valley. Pagkaraan ng 30-minutong paglipad sa matataas na mga bundok na may bai-baitang na mga dalisdis at matatarik na mga libis, kami’y lumapag sa Meghauli sa isang madamong parang, sa wari ay isa sa pinakamaliit na paliparan sa daigdig. Subalit hindi pa tapos ang paglalakbay.
Sakay ng Land-Rover at bangkang walang katig, dumating kami sa isang maliit na sukat ng lupa na walang mga puno o pananim. Sa aming pagkabigla, anim na pagkalalaking elepante ang lumabas mula sa matataas na talahib upang salubungin kami. Ito ang aming sasakyan para sa natitira pa naming paglalakbay patungo sa tirahan sa kagubatan. Nakaupo sa may saping mga upuan sa ibabaw ng elepante, nasumpungan namin ang marahan, hindi nagbabagong indayog ng banayad na lakad ng elepante ay isang tunay na kabaligtaran ng iba’t ibang paraan ng transportasyon na nasakyan namin upang makarating dito.
Sa wakas nakarating din kami sa Tiger Tops. Ito ay dalawang-palapag na yari sa kawayan na may pawid na bubong, nakatayo sa 3 1/2-metrong mga tayakad. Ang aming mga silid ay may mga muwebles at kagamitan. Nang mapansin namin ang isang karatula sa silid na nagsasabing: “Huwag mag-iwan ng pagkain sa labas para sa inaayawang bisita,” nakarinig kami ng mga yabag sa labas. Ang “mga bisita” ay ilang mga unggoy na nag-uukyabit sa aming beranda, naghahanap ng pagkain.
Pagkatagpo sa mga Elepante
Sa kalapit na kampo ng mga elepante, ipinaliwanag ng aming instruktor sa kalikasan ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga elepante sa pagpapalakad sa mga tirahan. Ang kampo ay nag-aalaga ng isang kawan ng 12 elepante para sa transportasyon. Sampu sa kanila ay mga babae yamang ang mga ito ay mas mahinahon kaysa mga lalaki. Ang bawat elepante ay kumakain ng 230 kilong kumpay at umiinom ng mahigit 200 litrong tubig araw-araw. Ang pag-aalaga ng isang elepante ay nagkakahalaga ng NPRs. 54,750 ($2,500, U.S.) isang taon, at ang isang elepante ay nabubuhay ng 65 taon sa katamtaman. Ito ay nagbibigay ng tunay na kahulugan sa katagang “elepanteng puti.” Yamang ang mga elepanteng puti ay itinuturing na banal, ang mga ito ay hindi maaaring papagtrabahuin kundi magiging isang sagutin. Kaya, madaling maipapahamak ng isang sinaunang hari ang isang ministro na wala siyang pagsang-ayon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng isang elepanteng puti.
Kami’y sinabihan na ang elepante ay maaaring sanayin ng mahout, o tagapag-alaga nito, na sumunod sa ilang bibigang utos at iba pang mga hudyat. Halimbawa, upang lumakad na pasulong, susundutin ng daliri sa paa ng mahout na nakaupo sa likod nito ang tainga ng elepante, at upang ang elepante ay umatras, ihahampas niya ang kaniyang sakong sa balikat ng hayop. Nangangailangan ng lima hanggang walong taon upang sanayin nang husto ang isang elepante; ito ay nagiging napakasensitibo sa gayong mga utos at mabilis na tumutugon sa kabila ng apat-na-metrikong-toneladang katawan nito.
Paghahanap sa mga Rhino
Ang malaking Indian na rhinocero na may isang-sungay ay masusumpungan sa isang lugar lamang sa daigdig—ang dako sa pagitan ng Nepal at ng teritoryo ng Assam sa India. Upang masulyapan ang pambihirang hayop na ito, naglakbay kami sakay ng isang pangkat ng mga elepante, na dalawa o tatlo katao ang nakaupo sa bawat hayop. Ang mga elepante ay isa-isang nakapila, bawat isa’y marahang pinakikilos na kaagapay ng hakbang ng nasa unahan.
Sa loob ng mga taon ang tirahan ng mga rhino ay isinasapanganib ng malawakang paglinang sa damuhan ng Terai at ang mga programa na itinataguyod ng gobyerno upang lipulin ang malaria. Nito lamang nakaraang dalawampung taon o mahigit pa na naisagawa ang mga pagsisikap na pangalagaan ang kagubatan upang mapatatag ang kalagayan. Ngayon, halos 300 ng tinatayang 1,000 rhino na may isang-sungay na natira sa subkontinente ng India ang gumagala-gala sa mga latian sa Chitwan Valley.
Hindi nagtagal ang aming elepanteng tagapanguna ay dumiretso sa isang pader ng talahib na mataas pa sa aming mga ulo. Nadama namin ang pananabik sa pagtugis. Sa mga talahib ay naririnig namin ang isang mahout na buong pananabik na tinatawag ang iba pa. Walang anu-ano, ang elepanteng nasa tabi namin ay itinaas ang nguso nito at sumigaw nang ubod-lakas, at ang aming hayop ay kumilos sa pamamagitan ng paglihis sa isang tabi. Sa gitna ng lahat ng kaguluhan, isang rhino ang sumugod mula sa damuhan, mabilis na nilagpasan kami, at naglaho sa damuhan sa unahan. May kabilisan, sumugod kami sa unahan upang mamasdan pa nang higit ang hayop. Samantalang nahahawan ang damo, naroon, sa buong tanawin, ang isang batang rhino na nagkukumamot ng takbo upang makaagapay sa natatarantang ina nito. Sabay silang naglaho sa kaligtasan ng mga punungkahoy.
Natutuwa kami na pinili ng rhino na lumayo sa amin. Sapagkat bagaman karaniwang mapangangasiwaan ng isang elepante ang isang tigre, ito ay napakaingat kung tungkol sa ikatlong-pinakamalaking hayop na ito sa lupa. Kapag ginalit, ang rhino ay makikipaglaban nang husto sa pamamagitan ng sungay nito na tatlumpung-centimetro-ang-haba o sa pamamagitan ng mahaba, matalas na pangil nito, na maaaring hiwain ang tiyan ng elepante na parang isang talim na gamit sa pag-oopera. Sa kabila ng maiiksing paa nito, mapapantayan ng rhino ang bilis ng kabayo sa maiikling distansiya. Ito, pati na ang timbang nito, ay gumagawa sa rhino na isang nakatatakot na kalaban.
Tawag ng Tigre
Lampas na ng ikasampu-at-kalahati ng gabi, at halos lahat ay natutulog na. Walang anu-ano ang katahimikan ng gabi ay binasag ng nagmamadaling mga yabag ng paa at sigawan. Nakita ang isang tigre! Tatlo kami kasama ang dalawa pang bantay na Gurkha ay sumugod sa dilim.
Lumakad kami ng halos apat na raang metro. Pagkatapos kami’y sinabihang mag-alis ng aming sapatos, sapagkat ito’y lumilikha ng pagyanig na nararamdaman ng tigre. Hindi sanay sa pagtatapak, ang huling bahagi ng aming lakad ay tahimik na pahirap para sa amin. Hindi rin kami pinayagang magsalita, bumulong, umubo, o humatsing. Talaga bang nasa harap namin ang tigre, o minamasdan kami buhat sa likuran? Ano ba itong pinasok namin?
Ang aming giya ay humudyat sa amin na huminto. Nakinig kami subalit wala kaming narinig sa dilim, sa tahimik na gabi. Sa liwanag ng aming malamlam na sulo, unti-unti kaming sumulong hanggang sa masumpungan namin na kami’y lumalakad sa kahabaan ng dalawang-metro-ang-taas na partisyong pawid. Nang kami’y lumiko sa kanan, kami’y sinabihang huminto at ipuwesto ang aming sarili sa likuran ng mga butas sa partisyon. Tumayo kami nang walang kakilus-kilos at nakinig. Oo, naririnig namin ang tigre na nilalamon ang nasila nito, at para bang kay lapit-lapit nito—napakalapit!
Walang anu-ano sumindi ang maliwanag na mga ilaw, at naroon ito, isang Royal Bengal na tigre! Siya ay halos 40 hakbang lamang mula sa amin. Natural, ninerbiyos ako, hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon ng tigre sa aming panghihimasok. Subalit sa pagtataka ko, walang pagtugon mula sa tigre. Ang mga ilaw ay hindi nakagambala sa kaniya. Gayunman sinabi sa amin na kung maririnig niya ang klik ng aming kamera, aalis ito.
Anong ganda! Naroon siya’t nakahiga sa tabi ng kaniyang nasila, isang bulô. Ang kaniyang malakas na katawan, mahigit na tatlong metro ang haba hanggang sa dulo ng buntot, ay matipuno at bilugan, marahil ay tumitimbang ng mga 200 kilo. Mga marka ng kulay puti, itim, at ginintuang dalandan ay kitang-kita. Ang kaniyang nakikitang lakas ay nagpapatunay sa mga pag-aangkin ng ilan na ang tigre ay mas malakas kaysa leon. Ginagamit ang aming mga largabista, nakita namin nang malapitan ang kaniyang magandang ulo at katawan. Tunay nga na isa ito sa pinakamagandang hayop sa daigdig! Sulit ang lahat ng pagsisikap na makita ang bantog na Royal Bengal na tigre!
Ang impresyon ko sa tuwina ay na ang tigre ay isang likas na agresibong hayop, na sasalakay sa pagkakita nito ng tao. Subalit gaya ng natutuklasan ko, ang kabaligtaran ang totoo. Malibang pagalitin, ito ay karaniwang mahiyain at mahinahon. Kung makasalubong nito ang isang tao, karaniwang ito’y lumalayo pagkaraang tingnang sandali ang kalagayan. Iniuulat ng mga potograpo ng maiilap na hayop na sila ay nakalapit ng mga 3 hanggang 5 metro sa isang tigre na nasa likas na tirahan nito, upang pahintuin lamang ng isang nagbababalang ungal. Ito rin ang hudyat upang umatras at marahang lumayo. Ang tigre ay maaaring sumunod hanggang sa ang nanghimasok ay wala na sa hangganan ng teritoryo nito.
Magandang mga Alaala
Kinabukasan mayroon na naman kaming apurahang tawag: “Humanda na kayo para sa pag-alis!” Agad kong naisip ang pagmamadali at pagsisiksikan patungo sa paliparan sakay ng isang taksi. Kaya lang sa pagkakataong ito ang aming taksi ay isang elepante.
Hindi nagtagal, ang aming magandang tirahan, ang aming maamong mga elepante, ang aming kaibigang tigre, ang aming paliku-likong ilog, ay pawang nasa likuran na namin. Subalit dala-dala namin ang hindi malilimot na mga larawan ng pamumuhay ng kahanga-hangang mga nilikhang ito sa kagubatan.
[Mga larawan sa pahina 25]
Tirahan sa Tiger Tops sa gitna ng kagubatan
[Credit Line]
Ang larawan ay sa kagandahang-loob ng Tiger Tops Jungle Lodge, Nepal
[Larawan]
Ang Chitwan Valley sa paanan ng Himalayas
[Larawan sa pahina 26]
Paghahanap sa mga rhino sa mga talahib
[Credit Line]
Ang larawan ay sa kagandahang-loob ng Tiger Tops Jungle Lodge, Nepal