Mga Dahon ng Taglagas—Bakit Napakaganda?
SA maaliwalas, bughaw na kalangitan sa taglagas, ang mga tabing bundok ay nagniningas sa maningning na mga kulay—pula, biyoleta, ginto, dilaw, dalandan, at kayumanggi. Oo, ang kagila-gilalas na taunang pagtatanghal ng mga dahon sa taglagas sa mga lugar na gaya ng hilagang-silangan ng Estados Unidos at gawing silangan ng Canada ay isang obramaestra na primera klase.
Ano ang gumagawa sa mga dahon na magkaroon ng napakaraming kulay? Bagaman ang ilang pangunahing salik ay nananatili pa ring isang hiwaga, nalalaman ng mga siyentipiko na ang pamamaraan ay hindi isang malaking pagbabago yamang ito ay naglalaho.
Ang chlorophyll—ang bagay na nagbibigay sa mga dahon ng kulay berde nito—ay karaniwang nauugnay sa isang proteina. Subalit ang malamig, tuyong hangin ng taglagas ang nagpapasimula sa isang sunud-sunod na pagbabago sa punungkahoy, pinangyayari ang paghihiwa-hiwalay ng mga proteina tungo sa amino acid. At katulad ng isang matipid na magsasaka na naghahanda para sa taglamig, sinisipsip at iniimbak ng punungkahoy ang mga amino acid sa katawan o sa mga ugat bago malagas ang mga dahon. Dahil sa naalis na ang proteina, ang chlorophyll ay nadudurog, at ang kulay berde ay naglalaho, sa gayo’y inilalabas ang natural na kulay ng mga himaymay ng dahon—dilaw, dalandan, at kayumanggi—na malaon nang naroroon.
Subalit kumusta naman ang mga nag-aapoy na pula at iskarlata ng sugar maple, sumac, at iba pang mga halaman? Iyan, sang-ayon sa mga mananaliksik, ay nagsasangkot ng isa pang salik. Ang malamig na mga gabi ay nagpapabagal sa daloy ng dagta sa punungkahoy, sa gayo’y hinahadlangan ang pag-alis ng asukal sa mga dahon. Binabago ng maningning na araw sa taglagas ang natitirang asukal tungo sa kulay na tinatawag na anthocyanin, na nagbibigay sa mga dahon ng kanilang maningning na kulay pula.
Kaya, sa isang paraan, ang makapigil-hiningang pagtatanghal na ito, na nauugnay sa maningning na araw at malamig na mga gabi ng taglagas, ay tunay na ang taunang paglilinis ng mga punungkahoy upang maging handa para sa pagtatapos ng isa pang panahon ng paglaki. Naroroon itong lahat para sa ating kasiyahan—at upang ipaalaala sa atin ang tungkol sa dakilang Artista at Disenyador na nasa likod nitong lahat.