Ang mga Dahon ng Taglagas ay Nalalagas sa Nagniningas na Kaluwalhatian
SI “Jack Frost” ay pinapupurihan dito, subalit wala siyang kinalaman dito. Ginagawa ito ng mga dahon, subalit sila’y napipilitang gawin ito. Sinisimulan ito ng mga punungkahoy mismo, ngunit ginagawa nila ito bilang pagtatanggol-sa-sarili. At sa likuran ng lahat ng mahiwagang mga pangyayaring ito, ang karunungan ng Diyos ang siyang tahimik na nangangasiwa sa pagtatanghal o palabas. Papaano man nangyayari iyon, ang pagtatanghal ay nakasisilaw sa mata at pinupukaw ang puso niyaong nakakikita rito. At kahit na ang pagtatanghal ay dumarating sa tugatog nito, ang pagtatanghal ng susunod na taon ay nagtatago sa likuran.
Maaga sa Oktubre ang telon ay nagbubukas, tahimik at walang tokada. Isang maliit na grupo ng mga selula kung saan ang tangkay ng dahon ay nakakabit sa siít ay nagsisimulang maghiwa-hiwalay at natutuyo. Sa pagitan ng mga selulang ito at ng siít, isang susón ng tulad-tapón na mga selula ang tumutubo. Para itong pilat na nag-aanyo bago pa man malagas ang dahon.
Ang paglitaw nito sa entablado ay tamang-tama sa panahon—isa pa sa kahanga-hangang himala na karaniwang makikita sa paglalang. Ito ang panahon ng maliwanag na mga araw at malamig, preskong mga gabi—mga kahilingan para sa makulay na pagtatanghal na susunod. Ang napakalamig na pagkanaroroon ng maalamat na si “Jack Frost” ay walang papel sa dramang ito. Ang guniguning engkantong iyon na dala ang kaniyang palayok ng pintura ay hindi tauhan sa drama.
Habang tumitigas ang susón ng tulad-tapón na mga selula, ang mumunting mga tubo na nagdadala ng katas sa mga dahon ay nababarahan. Samantala ang iba pang susón ng mga selula ay patuloy na naghihiwa-hiwalay at natutuyo. Ang daloy ng katas tungo sa mga dahon ay napuputol, subalit dalawang linggo pa bago ang mga ito ay mahuhulog. Ito ang mga araw ng nagniningas na kaluwalhatian ng taglagas. Sapagkat walang katas, ang photosynthesis sa mga dahon ay humihinto at ang berdeng chlorophyll sa mga dahon ay sinisira ng mga sinag ng araw.
Sa paglaho ng kulay berde, ang mga kulay na naroroon sa dahon sa buong tag-araw ang siya ngayong natatanghal. Namumukod ang carotene—ang pangalan nito ay hango sa carrots na kinukulayan nito. Ito rin ang kulay na gumagawang dilaw sa mantikilya at kulay dalandan sa pula ng itlog. Ang mga dahon ng sugar-maple ay may kulay dalandan at kromo ng carotene. Ang mga punong birch ay may purong dilaw na carotene.
Kumusta naman ang krimson o pulang magulang ng pulang maple, ang iskarlata ng mga encina (oak), ang matingkad na pula ng mga sassafras, ang kulay plum ng mga punong ash? Ang mga kulay na iyon ay mga bagong dating sa mga dahon. Pagkatapos lamang na maputol ng tulad-tapón na susón ang daloy ng katas sa dahon na inilalabas ng dinamikong mga kulay na ito ang kanilang dramatikong pansarang eksena sa pagtatanghal ng taglagas. Kung ang panahon ay malamig at maliwanag, ang dahon ay patuloy na gagawa ng asukal sa loob ng ilang panahon, na ngayo’y masisilo sa dahon at ginagawang isang kemikal na tinatawag na anthocyanin. Kung ang katas ay asido, ang mga anthocyanin ay nagiging pula; kung alkalino, ang mga ito ay nagiging asul o murado.
Ang palabas ay malapit nang matapos. Si “Jack Frost” ay walang papel sa drama; ni pinangyayari man kaya ng dumarating na lamig ng taglamig na malagas ang mga dahon. Ginagawa ito mismo ng puno upang ingatan ang tubig nito. Sa panahon ng taglamig, kaunting-kaunting tubig ang makukuha sa lupa, at ang malapad na mga dahon ng mga punungkahoy na nalalagasan ng dahon ay naglalabas ng maraming tubig. Kung walang bagong mga suplay ng tubig, hindi magtatagal ay tutuyuin ng mga dahong ito ang punungkahoy. Kaya upang maunahan ito, inilalaglag ng punungkahoy ang mga dahon nito at tinatakpang mabuti ang bukas na sugat ng isang suson ng tulad-tapón na himaymay na animo’y pilat.
Dapat mapanatili ng punungkahoy ang tubig nito, o ang pagtatanghal ay hindi matutuloy sa susunod na taon. Hindi magkakaroon ng luntiang tagsibol, walang lilim sa tag-araw, at walang mga dahon ng taglagas na sisilaw sa mata at pupukaw sa mga puso. Ang mga usbong ng tagsibol na bumubukadkad at naglalabas ng luntiang mga usbong ay hindi mga baguhan. Naroon na sila sa loob ng santaon, naghihintay sa likuran upang tunawin ng mainit na sikat ng araw ang kanilang instalasyon ng mga tubo at simulan ang pagdaloy ng katas. Sila ngayon ay mabilis na lumalaki, kinukuha ang pinakamalaking parte sa makukuhang pagkain.
Subalit kasabay nito ang mumunting mga usbong na kasinlaki halos ng ulo ng aspili ay ginagawa na, binabalot na may kasamang mga dahon, siít, at mga tangkay. Gayunman, sa bandang kalagitnaan lamang ng tag-araw saka nakakakuha ng pagkain ang mumunting mga usbong na ito upang lumaki at lumaki pa. Sa pagtatapos ng tag-araw, ang mga ito ay naglalaman ng mga dahon at mga bulaklak, mga tangkay at mga siít ng susunod na tagsibol, na pawang nakabalot na nang husto sa loob ng di-tinatagusan ng tubig na mga balot. Iniingatan mula sa pagkatuyo at matinding lamig, sila’y naghihintay nang hindi kumikilos sa loob ng pitong buwan, naghihintay sa tagsibol. Sa katayuang ito ng pansamantalang walang pagkilos, ang mga ito ay tinatawag na mga usbong ng punungkahoy sa taglamig.
Kaya habang minamasdan mo sa pagkasindak at pagtataka ang makulay na pagtatanghal ng mga dahon ng taglagas na nalalagas sa nagniningas na kaluwalhatian, alamin mo na ang mga magtatanghal sa susunod na taon ay tahimik na naghihintay sa likuran para sa kanilang palabas upang silawin ang iyong mga mata at pukawin ang iyong puso.
At alamin mo at pasalamatan din ang Prodyuser ng pagtatanghal. Sino ang may katinuang tatangging maniwala na tanging ang Diyos lamang ang makagagawa ng gayong mga punungkahoy?