Pangangalaga sa Bata—Dapat Bang Maging Usapin ang Relihiyon?
SI Karon “ay may pag-ibig sa mga bata at nagsisikap na wastong paglaanan sila. Gayunman, ang kaniyang mga paniwala bilang isang Saksi ni Jehova ay pangunahin sa kaniya, at dahil sa kaniyang mga pagkilos at mga paniwala isinasapanganib niya ang kalusugan, kapakanan at ang pinakamabuting interes ng mga bata.”
Ang pangungusap na ito ng isang hukom sa hukumang pansirkito ay tumama kay Karon na parang kidlat. Ito’y nangangahulugan na naiwala niya ang pangangalaga sa kaniyang dalawang anak—ang isa’y 11-buwang-gulang na sanggol. Ang kaniyang mister, na bago ang kanilang diborsiyo ay nanuya, “Ang mga Saksi ni Jehova o ako!” ang siyang mangangalaga sa mga bata. Makikita lamang ni Karon ang kaniyang mga anak na babae tuwing ikalawang dulo ng sanlinggo.
“Tiniyak sa akin ng aking abugado na ang aking mga anak ay hindi maaaring kunin sa akin dahil sa aking relihiyon subalit kailangan munang mapatunayan na ako ay isang hindi angkop na ina,” sabi ni Karon, isang maybahay sa estado ng Missouri, Estados Unidos. “Sirang-sira ang loob ko.” At hindi kataka-taka, yamang iniharap sa hukuman ang hindi matututulang patotoo na siya ay isang maibiging ina na ‘regular na gumugugol ng mahusay na panahon na kasama ng kaniyang mga anak na babae.’
Upang dalawin ang kaniyang mga anak na babae, si Karon ngayon ay nagbibiyahe patungo sa isang lunsod na isang daan at animnapung kilometro ang layo. “Tuwing uuwi ako mula sa mga pagdalaw, ang mga magulang ng aking dating-asawa, na nag-aalaga sa mga batang babae, ay literal na kailangang hatakin sila sa aking mga paa upang ako ay makaalis,” gunita ni Karon. “Sila ay nagsisisikád at nagsisisigáw, ‘Bakit hindi kami puwedeng sumama sa iyo?’ May mga panahon na kailangan kong tumabi sa daan pauwi dahil sa aking mga luha at ako’y nananalangin kay Jehova na bigyan ako ng lakas.” Si Karon ay umapela sa mas mataas na hukuman.
Sa isang nagkakaisang disisyon, ibinalik ng anim na hukom ng Korte Suprema ng Missouri ang mga batang babae sa kaniya. Ipinahayag ng hukom sa pag-apela na si John Bardgett ang “matibay na paniniwala na ang hukuman sa paglitis ay mali” sa paghihinuha “na ang mga membro ng relihiyon ng mga Saksi ni Jehova, bilang isang pangkat at dahil sa mga doktrina ng relihiyong iyon, ay hindi angkop na mangalaga sa bata.”a
Ipinagkait din ng ilang nakabababang mga hukuman sa Australia, Pederal na Republika ng Alemanya, Hapón, Canada, Timog Aprika, at iba pang mga bansa sa mga magulang ang pangangalaga sa mga bata dahil sa kanilang mga paniwala. Bagaman ang marami sa mga pasiyang ito ay binaligtad ng mas mataas na mga hukuman, ang gayong kawalang-katarungan ay nagpapatuloy.
Ang mga magulang na nawalan ng karapatan sa pangangalaga sa bata ay naging mga biktima rin ng relihiyosong pagkiling. Isang hukom sa nakabababang hukuman sa Massachusetts ang lumabis pa nga sa paghatol na ang isang ama sa panahon ng kaniyang pagdalaw “ay huwag babasahin [ang] Bibliya sa mga bata o dadalhin man kaya sila sa mga serbisyo ng simbahan (o banggitin man sa kanila ang Sampung Utos).”b Isang peryudista ay nagkomento: “Ang buong pangyayari ay maaaring magtinging katawa-tawa sa iyo—malibang ang nasasangkot na paniniwala ay ang iyo mismong paniwala.”
Oo, kumusta naman kung ito ay iyong mga paniwala? Ang mga pahiwatig ng isang paghatol ng hukuman sa relihiyosong kaugnayan ng isang magulang ay masama. “Ang iba na hindi gaanong nababahala sa mga Saksi ni Jehova ay nagtataka pa rin kung baga ang isang hukuman ay may anumang pakialam na magsabi sa isang ama na hindi niya maaaring banggitin ang Sampung Utos o basahin ang Bibliya sa kaniyang mga anak,” sabi ng Los Angeles Times.
Ang problemang ibinabangon nito ay, Gaano kalayo dapat isangkot ng Estado ang sarili nito sa pribadong mga bagay ng mga mamamayan nito? Sa katunayan, isang komentarista sa batas ay nagbabala na ang gayong gawain ay maaaring “magwakas sa pagpapatibay sa mga pamantayang pagpapasiya para sa karaniwang pagpapalaki ng anak para sa lahat ng pamilya.” Nanaisin mo ba ang isang hukom, marahil isa na may kakaibang relihiyosong paniniwala, ang magpasiya nito para sa iyo?
Ang Hukuman at ang Relihiyon
Kinilala ng mga hukuman mismo ang makitid na sakop na wastong makukuha sa pagtatanong ng hukom sa relihiyosong mga paniwala at mga gawain. Nagkukomento sa isang kaso, ganito ang sabi ni Hukom Jeffers ng Korte Suprema sa Estado ng Washington: “Hindi namin pinag-aalinlanganan ang karapatan ng estado na sugpuin ang relihiyosong gawain na mapanganib sa moral, at malamang niyaong salungat din sa kaligtasan, kalusugan at mabuting kaayusan ng publiko, subalit sa paano man lumilitaw mula sa patotoo sa kasong ito, ang mga turo ng mga Saksi ni Jehova ay hindi maaari, sa aming opinyon, na ituring na alinman sa mga kategoryang ito.”c
Kaya, kapag ang relihiyosong mga gawain ay hindi nakapipinsala sa “kaligtasan, kalusugan at mabuting kaayusan ng publiko” o walang “makatotohanang determinasyon na ang pansamantalang kapakanan ng bata ay kaagad at lubhang maisasapanganib ng relihiyosong gawain,” kung gayon ang hukuman ay nararapat na huwag kumampi sa relihiyon ng alinmang magulang. Ang Hukuman sa Pag-apela ng Ontario, Canada, ay malinaw na nagsasabi: “Hindi para sa Hukuman ang magpasiya sa pagitan ng dalawang relihiyon.” Ang pagkakait ng pangangalaga sa bata dahil sa gayong paboritismo ay “isang mabigat na parusang dapat bayaran [ng isang magulang] dahil sa pagsasagawa ng isang relihiyosong paniwala, na hindi labag sa batas ni imoral man.”d
Kung minsan, ang “mga eksperto” na may pagkiling sa relihiyon ay nagpapakilala ng pagtatangi. Isaalang-alang ang patotoo ng isang sikologo: “Sinasabi kong hindi mabuti sa kalusugan ng batang ito na siya ay palakihin bilang isang Saksi ni Jehova . . . Nabubuhay sa lipunang ito, kinakailangan niyang ibagay ang kaniyang sarili sa pangunahing kultura. Siya ay lumalaki at ito ay hindi isang bansa ng mga Saksi ni Jehova. Kung ang karamihan ng bansa ay mga Saksi ni Jehova, hindi tayo magkakaroon ng anumang problema.”
Kung susundin ang gayong payo, mangangahulugan ito na ang sinumang magulang na kabilang sa isang minoridad na relihiyon ay dapat pagkaitan ng pangangalaga sa kaniyang mga anak! Nakasisindak na ang ilang hukom sa estado ng Florida ay nahikayat ng mismong patotoong iyan upang ipagkait sa ina ang pangangalaga sa kaniyang apat-na-taóng-gulang na anak na babae sa kabila ng hindi matututulang katibayan na ang bata ay “lubhang malapit sa kaniyang ina.”
Mahalaga pa, si Hukom Baskin ay tumangging pagtibayin ang hindi makatuwirang disisyong ito na ginawa ng dalawa pang hukom sa Pandistritong Hukuman sa Pag-apela ng Florida (Ikatlong Distrito). Ganito ang sabi ni Hukom Baskin: “Ang lumalabas na rekord ay isang demonstrasyon ng personal na pagkiling ng mga eksperto laban sa relihiyon ng ina. Ang kanilang paghamak sa relihiyon ng ina ay nag-udyok sa kanila na mag-isip-isip tungkol sa posibleng pinsala sa bata sa hinaharap kahit na wala namang umiiral na katibayan ng pinsala. Ang hukuman sa paglitis ay maliwanag na nahikayat ng kanilang walang-tunguhing mga konsiderasyon . . . at ang hatol nito ay hindi dapat itaguyod.”e
Ang ginawa ng hukumang ito sa Estados Unidos ay katulad ng ginawa sa isang bansang diktadura noong panahon ng rehimen ni Hitler. Noong 1937 kinuha ng isang hukumang pandistrito sa Alemanyang Nazi ang mga bata sa isang pamilya na kabilang sa isang minoridad na relihiyon. Paano ito binibigyang-matuwid? Ganito ang sabi ng hukuman: “Kung tuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng kanila mismong halimbawa ng isang pilosopya ng buhay na maglalagay sa kanila na lubhang salungat sa mga ideya na pinaniniwalaan niyaong nakararaming Aleman, kung gayon ito ay bumubuo ng isang pag-abuso sa karapatan ng pagkamagulang . . . [kaya] ang masamang impluwensiya ng edukasyon ng mga magulang [ay dapat] na alisin at sirain.”f
Ang mga Bata ay Nagtatagumpay
Ang mga anak ba ay sikolohikal na napipinsala dahil sa pakikisama sa isang pangkat ng minoridad? Sa kaso ni Karon, na nabanggit kanina, inaasahan ng hukom na lumilitis na ang “pag-unlad ng kaniyang mga anak na babae bilang mabungang mga mamamayan” at ang ‘pakikibagay nila sa paaralan at sa pamayanan’ ay mahahadlangan ng pagpapalaki sa kanila sa relihiyon ng kanilang ina na kabilang sa minoridad. Tama ba siya? Isaalang-alang ang kalagayan ngayon pagkalipas ng sampung taon.
Ang report card sa paaralan ng mga batang babae, ngayo’y aktibong mga Saksi, ay nagsasalita nang malakas at malinaw. Ang card ng onse-anyos na si Monica, na naglalaman ng mataas na akademikong mga grado, ay nag-uulat na ang kaniyang “Personal/Sosyal na Paglaki” ay “kasiya-siya.” Ang kaniyang guro ay sumulat sa card: “Si Monica ay isang kalugud-lugod na bata at lubhang maaasahan. Ako’y nagagalak na siya ay nasa klase ko.” Ang isa pang anak na babae ni Karon, isang 13-anyos na si Shelly, ay tumanggap ng isang gantimpala mula sa pangulo ng Estados Unidos dahil sa “Natatanging Akademikong Tagumpay.” Siya rin ay napiling “Mamamayan ng Buwan” dahil sa kaniyang mabuting “personal na kaugnayan sa mga guro at sa mga estudyante, at dahil sa mabuting pag-uugali sa pag-aaral.” Ito ba ay larawan ng mga batang mahirap-makibagay?
Ang paninindigan sa paniniwala ng isa ay gumagawa ng mabuting pagkatao at malakas na kaisipan. Ang Punong Hukom Struckmeyer ng Korte Suprema ng Arizona, sa isa pang kaso tungkol sa pangangalaga sa anak na kinasasangkutan ng isang Saksi, ay nagkomento: “Wala tayong kabatiran na ang paglihis sa normal ay kadalasang nagdadala ng pagtuya at pagpunà. . . . Ang pagpunà ay isang matinding pagsubok na sumusubok sa pagkatao. Sinusugpo ng pagsang-ayon ang talino na pinagmumulan ng pagbaba.”g
Oo, ang mga bata na sinanay mula sa murang gulang upang mangatuwiran sa kanilang pinaniniwalaan ay natututong gamitin ang kanilang isipan. Sa halip na ‘sugpuin ang kanilang talino,’ ang pagsasanay na ito ay totoong kapaki-pakinabang, gaya ng ipinakikita ng kamangha-manghang mga resulta ng isang pag-aaral ng 394 na mga 12-anyos. “Isang di-kasukat na malaking bilang ng lubhang mapanlikhang mga mata ay mga Saksi ni Jehova,” isiniwalat ng mga mananaliksik na Australyano. “Ang batang babae na nakakuha ng pinakamataas na kabuuang puntos sa [creative potential] na mga pagsubok, at ang batang babae na bugtong na anak, lalaki o babae, na isasali sa nangungunang 20 porsiyento ng lahat ng limang pagsubok, ay kapuwa mga Saksi ni Jehova.”—Journal of Personality, Marso 1973.
Dahil sa kanilang paniniwalang relihiyoso kung kaya seryosong isinasaalang-alang ng mga magulang na mga Saksi ni Jehova ang pangangailangan na “ibigin ang kanilang mga anak” at himukin ang mataas na mga pamantayang moral. (Tito 2:4, 5) Napansin ng maraming hukuman ang gayong mataas na uring pangangalaga. Halimbawa, sa isang kaso sa pangangalaga sa bata noong 1986 sa Muscatine, Iowa, E.U.A., ang ama at ang sinasabing eksperto na tinawag upang tumestigo ay siniraang-puri ang relihiyon ng ina na Saksi. Si Hukom Briles ay nanatiling walang pinapanigan, na ang sabi: “Ang Hukuman ay hindi maaaring kumampi.”
Bagaman si Hukom Briles ay nagbigay sa ama ng karapatang dumalaw nang madalas, ibinigay niya ang pangangalaga sa bata sa ina sapagkat, gaya ng sabi niya: “Ang Hukuman ay kumbinsido na ang mga batang ito ay magsisilaking maligaya kung sila ay maiiwan sa pangangalaga [ng ina], kahit na kung ang kaniyang relihiyon ay waring hindi kasuwato ng pangunahing relihiyong Amerikano. Ang Hukuman ay kumbinsido rin na kung ang mga batang ito’y aalisin sa pag-ibig, katiwasayan at pagiging walang pagbabago ng gayong mataas na uring pangangalaga ay hindi makabubuti sa kapakanan ng bata.” Ang disisyong ito ay pinagtibay ng Hukuman sa Pag-apela ng Iowa.”h
Nakalilito ba sa mga Bata ang Relihiyosong Pagkakaiba?
Sa isa pang pagtatalo tungkol sa pangangalaga sa bata, ang karanasan ni Julie ay nagpapatunay sa karunungan ng nabanggit na disisyon. Napanatili ni Julie ang paglapit sa kapuwa mga magulang, na nagdiborsiyo nang siya ay anim na taon. Ngayon sa gulang 20 ganito ang sabi niya: “Inaakala ko na ito ay isang tiyak na bentaha. Nakita ko sa aking sarili ang kaibhan sa pagitan ng Katolisismo at ng mga Saksi. Kami ng kapatid kong lalaki ay nagpupunta sa Kingdom Hall na kasama ni Inay, subalit kung Linggo kami ay nagsisimba na kasama ni Itay sapagkat ginugugol namin ang mga dulo ng sanlinggo na kasama niya.”
Bagaman nakalantad sa magkasalungat na relihiyosong mga palagay, ang gayong mga bata ay nasumpungang nakaranas ng ilan, kung mayroon man, masamang mga epekto. Isang pag-aaral ng mananaliksik na taga-Canada na si James Frideres ay naghinuha: “Kaunting pagkakaiba lamang ang nakikita sa pagitan ng mga anak ng mga mag-asawang may magkaibang [relihiyon] at ng mag-asawang may iisang relihiyon. Ang datus na kaugnay ng puntong ito ay hindi nagpapatunay sa dating pananaliksik na nagpapakita na ang mga anak ng mga mag-asawang magkaiba ang relihiyon ay magiging mas ‘hindi matatag’ sa sikolohikal na paraan.”—Jewish Social Studies, 1973.
Ang bata ay may karapatang unawain ang relihiyosong mga opinyon ng kapuwa mga magulang. Kapag siya ay nasa hustong gulang na, maaari siyang pumili. Sa kaso ni Julie, pinanatili ng hukuman ang wastong neutral na katayuan nito tungkol sa relihiyon at itinuon ang pansin sa pinakamabuting kapakanan ng bata. Ang katarungan ay natutugunan kung hinahayaan ng mga hukuman ang mga bata na magkaroon ng impormasyon mula sa kapuwa mga magulang at sa dakong huli ay magpasiya sa sarili sa mga bagay tungkol sa relihiyon. Anong inam nga kung pananatilihin ng mga hukuman ang katayuang ito!
[Mga talababa]
a Waites v. Waites, 567 S.W.2d 326 (Mo. 1978).
b Felton v. Felton, 383 Mass. 232, 418 N.E.2d 606 (1981).
c Stone v. Stone, 16 Wash. 2d 315, 133 P.2d 526 (1943).
d Osier v. Osier, 410 A.2d 1027 (Me. 1980); In re Custody of Infants Bennett, (1952) 3 D.L.R. 699 (Ont. Ct. App.); Quiner v. Quiner, 59 Cal. Rptr. 503 (Ct. App. 1967).
e Mendez v. Mendez, 85-2807 (Fla. Dist. Ct. App. Abril 28, 1987).
f Hukumang Pandistrito, Waldenburg, Silesia, Setyembre 2, 1937. (VIII, 195) Kinuha mula sa Deutsche Justiz (Opisyal na Babasahin ng Administrasyon sa Batas ng Aleman) Nobyembre 26, 1937.
g Smith v. Smith, 90 Ariz. 190, 367 P.2d 230 (1961).
h In re Deierling No. 36651, (Scott County Dist. Ct. Nov. 12, 1986), affirmed, 421 N.W.2d 168 (Iowa Ct. App. 1988).
[Kahon sa pahina 7]
Nakapipinsala ba ang mga Paniwala ng mga Saksi ni Jehova?—Ang Batas ay Nagsasalita
◼ “Walang katibayang maghinuha na ang relihiyosong pagpapalaki ng dalawang anak sa [relihiyon] ng mga Saksi ni Jehova ay napatunayang nakapipinsala sa kanilang kalusugan o damdamin.”—Koerner v. Koerner, No. 002793 (Conn. Superior Court, Oktubre 2, 1979).
◼ “Wala akong masumpungan na sila ay maghihirap kung sila ay sasama sa kanilang ministeryo sa larangan. . . . Wala akong nakitang katibayan sa kasong ito na kumukumbinsi sa akin na ang isang Saksi ni Jehova, sa pagsasagawa ng kaniyang relihiyon, ay may hilig na sirain ang ating kaayusan sa lipunan.”—Evers v. Evers, 19 F.L.R. 296 (Korte Suprema ng New South Wales, Australia, 1972).
◼ “Ang ipagkait kay Mrs. Ayers ang pangangalaga sa bata . . . ay katumbas na rin ng pagkasumpong na ang istilo ng buhay ng hindi mga Saksi ni Jehova ay mas mabuti kaysa mga Saksi ni Jehova; na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi angkop na mga magulang. Ang gayong mungkahi ay maliwanag na salungat sa katuwiran at magiging isang hindi matitiis na pagbabawal sa relihiyosong kalayaan.”—Ayers v. Ayers, (Hukumang Panlalawigan ng British Columbia, Canada, Family Division, Abril 8, 1986).
[Kahon sa pahina 9]
Ang mga Bata ba ay Pinagkakaitan?
Sa Quebec, Canada, isang ama ang nagsasabi na ang kaniyang mga anak ay pinagkakaitan at emosyonal na inaabuso ng mga paniwala ng kaniyang dating asawa, na isang Saksi. Hiniling niya ang hukuman na mamagitan. Ang mga bata ay kailangang tumestigo. Pansinin ang mga sagot ng kaniyang 16-anyos na anak na babae:
Q.: Anong uri ng buhay mayroon ka bilang isang Saksi?
A.: Inaakala kong ako’y namumuhay na gaya ng lahat ng mga tin-edyer. Walang ipinagkakait sa akin. Hindi ko itinuturing ang aking sarili na kakaiba sa kaninuman.
Q.: Ano naman ang napapala mo mula sa mga miting na iyon sa Kingdom Hall?
A.: Una sa lahat, ito’y nagbibigay sa akin ng isang tunguhin sa buhay. Alam ko kung ano ang pagsasaligan ko ng aking kinabukasan ayon sa aking mga paniwala. Ikalawa, marami akong kaibigan doon, na maaari kong makasama.
Q.: Nakatutulong ba sa paaralan ang inyong mga pulong?
A.: Opo, sapagkat sa aming mga pulong kami ay nagbibigay ng limang-minutong mga pahayag sa harap ng mga tao. Sa paaralan kapag mayroon kaming ihaharap na presentasyon, marami sa mga estudyante ang nininerbiyos. Subalit dahilan sa ako ay nakapagpahayag na, ako’y nasanay na.
“Ano ang epekto ng gayong relihiyosong pagsasanay?” tanong ng hukom sa kaniyang disisyon. “Nasumpungan ng hukuman ang positibong mga bagay sa halip ng katibayan na nais iharap [ng ama] sa kaniyang mga pagpapaliwanag.” Pagkatapos igawad ang pasiya na pabor sa ina na Saksi, pribadong sinabi ng hukom sa dalawang abugado, “Sana’y mayroon akong mga anak na gaya niyan!”
[Larawan sa pahina 8]
Dahil sa kaniyang relihiyon, si Karon noong una’y pinagkaitan ng pangangalaga sa kaniyang dalawang anak na babae