Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 10/22 p. 10-14
  • Pagkilos sa Pinakamabuting Kapakanan ng Inyong Anak

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkilos sa Pinakamabuting Kapakanan ng Inyong Anak
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • May Kaugnayan Pa rin ang mga Bata sa Dalawang Magulang
  • Sikaping Magkasundo
  • Kung Paano Maaabot ang Isang Kasunduan
  • Kung Kailangan Mong Magtungo sa Hukuman
  • Paggawa ng Pinakamainam sa Kalagayan
  • Karapatang Mangalaga sa Bata—Ang Relihiyon at ang Batas
    Gumising!—1997
  • Karapatang Mangalaga sa Bata—Isang Timbang na Pangmalas
    Gumising!—1997
  • Mga Problema sa Pamilya Nalulutas sa Tulong ng Payo ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Mga Nagsosolong Magulang, Maraming Problema
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 10/22 p. 10-14

Pagkilos sa Pinakamabuting Kapakanan ng Inyong Anak

ANUMAN ang kalabasan ng isang pagtatalo sa pangangalaga sa bata, ang mga anak ay nangangailangan pa rin ng pag-ibig at patnubay ng kapuwa mga magulang nila. Pagkatapos igawad ng hukom ang pasiya niya, ang mga magulang ay may atas pa rin na tulungan ang kanilang mga anak na pakitunguhan ang mga kahihinatnan. Bagaman ang hakbang ng hukuman ay mahirap para sa mga magulang, lalo pa itong mahirap para sa mga anak.

Halimbawa, nang si Mary Ann ay anim na taóng gulang, ipinagkaloob ng hukuman sa kaniyang tatay ang pangangalaga sa kaniya. Ngunit sa sumunod na sampung taon, walang tigil na nakipaglaban ang kaniyang ina upang makuha niyang muli ang batang babae. Emosyonal na nasaid pagkatapos ng mahigit na 40 mga pagharap sa hukuman, sinabi ni Mary Ann ang kaniyang solusyon. “Bakit hindi nila ako hatiin,” mungkahi niya. “Maaaring kunin ng nanay ko ang harap ko at maaari namang kunin ng tatay ko ang likod ko.”

Maliwanag, ang mahabang labanan sa hukuman ay hindi laging sa pinakamabuting interes ng isang bata. Ang direktor ng klinika na tumulong kay Mary Ann ay nagsabi: “Ang talamak na pagdidemanda ay magastos kapuwa sa kabuhayan at sa tao.”

May Kaugnayan Pa rin ang mga Bata sa Dalawang Magulang

Bagaman mayroong diborsiyadong mga mag-asawa, walang diborsiyadong mga anak. Ang mga kaugnayan sa dugo ng mga bata ay hindi kailanman maaalis ng isang hukom. Upang maunawaan ang problema ng isang bata, gunigunihin kung ano ang madarama mo bilang isang magulang kung ikaw ay papipiliin sa pagitan ng iyong mga anak. Aling anak ang pipiliin mo? Alin ang hindi mo pipiliin? Hindi dapat makaharap ng mga magulang o ng mga anak ang gayong disisyon. Karaniwan, mahal ng mga bata ang kapuwa mga magulang, kaya ang panggigipit na pumili ay lumilikha ng masakit na labanan ng mga katapatan.

Sa isang pangunahing aklat tungkol sa paksang ito, Beyond the Best Interests of the Child, ipinakita ng mga awtor na ang gayong labanan ng katapatan ay “maaaring magkaroon ng mapangwasak na mga bunga sa pamamagitan ng pagsira sa positibong kaugnayan ng bata sa kapuwa mga magulang.” Halimbawa, si Julie, isang anak mula sa isang wasak na tahanan, ay nagsabi: “Mayroon kang isang magulang sa bahay na talagang mahal mo, at mahal mo rin yaong isa. Napakasakit sa damdamin kapag kami ay sinusundo ni Itay para sa dulo ng sanlinggo. Titingin ako sa kaniya, at pagkatapos ay titingin din ako kay Inay, at alam kong galit si Itay sa kaniya. Takot akong ipakita ang anumang nadarama ko para sa isa sa kanila.”

Kilalanin ang emosyonal na kaugnayan ng bata sa kapuwa mga magulang. Dapat igalang at parangalan ng bawat magulang ang katayuan ng isang magulang sa buhay ng bata para sa malusog na pag-unlad ng personalidad ng bata. Sikaping tingnan ang positibong mga dako kung saan kayo kapuwa ay makatutulong sa kapakanan ng bata. Huwag kang maghinuha na ang lahat ng bagay na ginagawa ng dating asawa ay mali kaagad. “Tungkulin ng bawat isa na pagandahin ang larawan ng isang magulang sa mata at isipan ng bata, o sa paanuman ay iwasan ang pamimintas na maaaring sumira rito,” sabi ng isang hukuman sa Texas. Hinihiling nito sa mga magulang na bawasan ang personal na pag-aaway nila upang bigyang-daan ang mga pangangailangan ng bata.

Sikaping Magkasundo

Bago magtungo sa hukuman, subukin ang lahat ng paraan ng pag-aayos at posibleng pakikipagkasundo. Ang mga pagsasakdal ay parang digmaan; ito ay nag-iiwan ng malalim na mga sugat at emosyonal na mga pilat na maaaring hindi na gumaling. Ang pagdulog sa batas ay dapat lamang kunin kapag nasubok na ang lahat ng paraan ng makatuwirang pag-aayos at tulong subalit bigo. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, si Jesu-Kristo ay nagbigay ng isang mahalagang simulaing legal na may praktikal na halaga: “Makipagkasundo ka agad sa iyong kaalit.”​—Mateo 5:25.

Ang kalalabasan ng paglilitis ay hindi tiyak. Nasumpungan ng mga hukom na sa pagitan ng 80 at 90 porsiyento ng mga kasong hawak nila tungkol sa pangangalaga sa bata ay kinasasangkutan ng dalawang nagmamahal na mga magulang, walang sinuman ang hindi angkop. Ito kadalasan ay gumagawa sa kasiya-siyang resolusyon na imposible. “Hindi kataka-taka na kung minsan ang gayong mahistrado ay nawawalan ng pag-asa na maayos pa ang mga bagay,” sabi ng The Custody Handbook, ni Persia Woolley, “at tinatanong ang mga magulang kung bakit . . . hindi nila lutasin sa pagitan nila ang bagay na iyon.”

Maraming hukuman sa pagdidiborsiyo ang may mga probisyon para sa mag-asawa na ayusin sa pagitan nila ang pangangalaga sa mga bata. Tiyak na pinakamabuting nalalaman ng mga magulang kung ano ang mga pangangailangan at mga kalagayan ng mga bata at maaari nilang pagpasiyahan kung anong mga kaayusan ang ipahihintulot ng bawat magulang na magkaroon pa rin ng makatuwirang impluwensiya sa buhay ng mga bata. Dahil sa ilang legal na tulong, maraming magulang ang magkasamang gumawa ng isang matatanggap na kaayusan sa pangangalaga sa bata, pati na ang magkasamang pangangalaga sa mga pagkakataon kung saan ang pangangalaga ay maaaring pagsaluhan. Sa katunayan, 90 porsiyento ng mga kaso tungkol sa pangangalaga sa bata ay nilulutas bago ang mga magulang ay aktuwal na magtungo sa hukuman.

Maaaring tumulong ang isang sanay na tagapamagitan upang maayos kahit na ang pinakamahirap na mga kalagayan. Halimbawa, isang mag-asawa na matindi ang galit sa isa’t isa ang nagbalak na manirahan na 5,00 kilometro ang layo sa isa’t isa pagkatapos magdiborsiyo. Gayunman, ang bawat isa ay nagnanais ng pangangalaga sa kanilang dalawang anak. Ang tagapamagitan ay nagsabi sa kanila: “Dapat mayroong kaunting pagkikipagtulungan dito. Naibigan ninyo ang isa’t isa noong minsan, kaya tingnan natin kung ano ang magagawa natin upang hindi naman ganap na maiwala ng inyong mga anak ang isa sa inyo.” Isang kaayusan ang nagawa upang ang kapuwa mga magulang ay maaari pa ring magkaroon ng mahalagang bahagi sa buhay ng kanilang mga anak.

Ang pamamagitan, mangyari pa, ay isa lamang sa maraming paraan upang lutasin ang mga pagtatalo tungkol sa pangangalaga sa bata na mas maigi kaysa isang kaso sa hukuman. Ang pagtutuon ay dapat sa paglutas sa kasalukuyan sa halip na paghukay sa nakalipas. Ang pangunahing tunguhin ng pamamagitan ay tulungan ang mag-asawa na matamo ang isang mabuting kasunduan sa pagitan nilang dalawa (sinuman sa kanila ay hindi nakadarama na siya ang panalo o ang talunan) na kapaki-pakinabang sa mga bata. Bagaman ito ay hindi isang panlahat na lunas sa lahat ng kaso, isa itong paraan na tayo ay makapagtitipid ng malaking halaga​—sa pananalapi at damdamin​—kaysa isang kaso sa hukuman. Mahahadlangan ng tunay na pagsisikap upang magkasundo ang masasakit na pagtatalo at hinahayaang panatilihin ng mga bata ang kanilang pagiging malapit sa kapuwa mga magulang.

Kung Paano Maaabot ang Isang Kasunduan

Maliwanag, kung ang isang pamilya ay nasira at ang mag-asawa ay naghiwalay, sinuman sa kanila ay walang pantanging pamamahala sa bata. Ang ama’t ina ay dapat na maging makatuwiran at handang gumawa ng mga pagpapahinuhod. Ang pamamagitan ay nangangailangan ng pag-aayos. Ang pag-aayos ay nangangahulugan na hindi nakukuha ng alinmang magulang ang lahat ng bagay na nais niya.

Huwag kaligtaan na ang bata ay may karapatan na tumanggap ng impormasyon mula sa kapuwa mga magulang. Kaya, hindi katalinuhan sa isang magulang na hingin bilang karapatan ang mga pagbabawal sa pagdalo o pakikibahagi ng bata sa relihiyoso, kultural, o sosyal na gawain ng isang magulang kung ang bata ay kasama ng isang iyon. Gayundin, hindi rin angkop para sa isang magulang na magkaroon ng walang takdang katayuan sa mga gawain sa paaralan at ekstrakurikular, pakikisama, paglilibang, o sa mataas na edukasyon ng bata nang hindi isinasaalang-alang ang impormasyon ng isa pang magulang at ang indibiduwal na naiibigan ng bata.

Halimbawa, sa maraming pagtatalo tungkol sa pangangalaga sa bata kung saan ang isang magulang ay isa sa mga Saksi ni Jehova at ang isa ay hindi, narating ng mag-asawa ang mahinahong kasunduan sa pamamagitan ng pagsang-ayon na ang magulang na hindi Saksi ay magkakaroon ng maraming panahon na kasama ng mga bata sa buong taon, pati na sa bakasyon at iba pang panahon na mahalaga sa hindi Saksi. Ang mga magulang ay sumang-ayon na pahintulutan ang bawat isa na magkaroon ng isang aktibong pagbibigay ng impormasyon sa pang-edukasyon, panlipunan, at pangmedisinang mga usapin na nakakaapekto sa mga bata. Tutal, ang kapuwa mga magulang ang nagdala sa bata sa daigdig at sa gayo’y mayroon silang natural na karapatan sa pagpapalaki sa kaniya.

Dapat himukin ng magulang na Saksi ang bata na igalang ang karapatan ng magulang na hindi Saksi na magkaroon ng kaniyang sariling palagay tungkol sa relihiyon at magpahayag ng pagpapahalaga sa mga kabaitan at kaloob ng isang iyon. Kung isinasaalang-alang ng kapuwa mga magulang ang pinakamabuti para sa mga bata, ang pagpipigil at ang pagkamakatuwiran ay mangibabaw sa damdamin at nasaktang damdamin ng pagmamataas.

Sa karamihan ng mga kaso ang mga pag-aayos na ito ay nakasasaid ng damdamin. Kaya, baka makabubuting magkaroon ng legal o iba pang mga kinatawan upang isagawa ang mga pag-uusap tungkol sa kasunduan. Kadalasang maaaring alisin ng tulong na ito ang karamihan ng mga di-pagkakaunawaan tungkol sa mga partikular sa kasunduan.

Pinaghambing ng Divorce Mediation Center sa Charlotte, North Carolina, ang mga mag-asawa na piniling lutasin ang kanilang problema sa tulong ng isang tagapamagitan doon sa mga nagtungo sa hukuman bilang mga magkalaban. Ganap na 93 porsiyento ng pangkat na gumamit ng tagapamagitan ang nagpahayag ng kasiyahan sa mga resulta, kung ihahambing sa 56 porsiyento lamang niyaong naglalaban sa korte!

Subalit ano ba ang magagawa kung ang iyong dating asawa ay tumangging makipag-ayos taglay ang pagtitiwala o humihiling ng mga pagbabawal sa relihiyon na hindi maaaring ayusin? Kung gayon baka kailanganing maghanda upang magtungo sa hukuman.

Kung Kailangan Mong Magtungo sa Hukuman

Sa karamihan ng mga kaso, ang pagkakaroon ng isang may kakayahang abugado na sanay sa mga kaso tungkol sa pangangalaga sa bata ay mahalaga sa isang matagumpay na wakas.a Sapagkat naranasan na niya ang legal na payo sa simula pa’y karaniwang naiiwasan ang magastos na pagkakamali. Gayundin, ang isang may kakayahang abugado ay maaari pa ngang maging maimpluwensiya sa pagkakaroon ng kasunduan bago pa ang paglilitis. Kahit na kung panahon ng paglilitis, ang isang kabiyak ay maaaring mapakilos na makipag-ayos ng isang kasunduan. Ang isang makatarungang kasunduan sa anumang yugto ng pag-aayos ay mas mabuti kaysa matagal na labanan.

Ang pagkaalam kung ano ang hinaharap ng karamihang mga hukom sa paggawa ng kanilang disisyon ay nakatutulong. Nasumpungan sa isang surbey noong 1982 ng 80 mga mahistrado na nangunguna sa talaan ang (1) mental na katatagan ng bawat magulang at (2) ang pagkadama ng pananagutan ng bawat magulang sa bata. Upang tulungan ang mga hukuman sa pagtiyak sa mga katotohanan, maaaring kapanayamin ng isang propesyonal sa kalusugang pangkaisipan ang mga magulang at ang mga bata. Ang pagtatasa niya sa kanilang kaisipan ay kadalasang umuugit sa pasiya ng hukuman.

Ang gayong mga pagtatasa ay hindi dapat ikatakot. Kahit na kung ang mga paniwala ng Kristiyano ay masusing siyasatin, walang dahilan upang maging depensibo o hindi matulungin. “Makilala nawa ang inyong pagkamakatuwiran ng lahat ng tao,” ang payo ng Bibliya.​—Filipos 4:5.

Tandaan, sa panahon ng gayong mga pagtatasa hindi ito ang panahon upang magbigay ng isang sermon sa Bibliya. Panahon ito upang ilarawan ang buong lawak ng iyong mga gawain na kasama ang iyong anak, pati na ang paglilibang, sekular na edukasyon, panahon ng bakasyon, mga kaayusan upang makasama ang isa pang magulang, at ang sosyal na mga gawain na kasama ng mga kaibigan at mga kamag-anak. Sagutin ang mga tanong nang tapat at malinaw. Isiping mabuti ang bagay upang maipaliwanag mo sa positibo at payak na mga pananalita kung paano mo pinangangalagaan ang emosyonal at pisikal na kapakanan ng iyong anak.

Ang mga simulain ding iyon ay kapit kung ikaw ay tinatanong sa hukuman. Sa pamamagitan ng lubusang paghahanda mailalarawan mo, nang hindi nangangaral o nagbibigay ng isang sermon, ang maraming paraan na “ang magaling na turo” ng Salita ng Diyos ay nagpapangyaring ikaw ay maging isang responsableng magulang.​—2 Timoteo 4:3.

Paggawa ng Pinakamainam sa Kalagayan

Kung minsan, sa kabila ng iyong pinakamabuting pagsisikap, ang hukom ay maaaring magpasiya laban sa iyo. Ang mga Kristiyano ay hinihimok na “maging masunurin sa mga pamahalaan at sa mga awtoridad bilang mga pinuno” at “huwag makipagtalo, [kundi] maging makatuwiran.” (Tito 3:1, 2) Kaya, hindi winawalang-bahala ng isang Kristiyano ang mga utos ng hukuman.

Kung hindi ka nasisiyahan sa utos ng hukuman, maaari mong repasuhin ang iyong karapatan sa pagpili ng abugado. Baka gusto mong iapela ang pasiya sa mas mataas na hukuman. Sa ilang mga kalagayan, maaari kang humingi ng kaunting pagsasaayos sa utos mula sa hukuman pagkatapos ng isang yugto ng panahon kung magbago ang mga kalagayan. Subalit kailangan mong pamuhayan ang utos habang ito ay may bisa.

Kahit na ang isang masamang hatol ay hindi nangangahulugan na wala nang pag-asa. Ang buhay ng kapuwa mga magulang at ng mga anak ay nagbabago. Maaaring magkaroon ng paborable, bagaman di inaasahang, mga pangyayari. Ang iyong pagtitiis ay maaaring saganang gantimpalaan.

Bagaman ang iyong panahon na kasama ng iyong anak bilang isang dumadalaw na magulang ay limitado, maaari ka pa rin maging isang mahalagang impluwensiya sa buhay ng iyong anak. Ang mga anak ay patuloy na nagkakaroon ng malapit at regular na pakikipagkita sa kapuwa mga magulang ay hindi lamang nagdurusa nang bahagya mula diborsiyo o kundi malamang na sila ay lumaking maygulang at timbang na mga adulto. Kaya palakihin ang kaugnayan mo sa inyong anak.

Maaari mong impluwensiyahan ang relihiyoso at mental na pagpapahalaga ng iyong anak sa pamamagitan ng iyo mismong mahusay na halimbawa. “Ang matuwid ay lumalakad sa kaniyang pagtatapat. Maligaya ang kaniyang mga anak na susunod sa kaniya.” (Kawikaan 20:7) Kahit na walang salita, malaki ang magagawa mo upang hubugin ang puso at isipan ng iyong anak. Mapapansin niya ang pakikitungo mo sa iba, ang iyong pangunahing mga tunguhin sa buhay, at ang iyong damdamin tungkol sa Diyos.

Oo, ang pagkilos alang-alang sa pinakamabuting kapakanan ng iyong anak ay nangangailangan ng tunay na pag-ibig. Ang pag-ibig “ay hindi hinahanap ang sariling kapakanan,” sabi ng Bibliya. “Hindi inaalumana ang masama . . . [kundi] lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis. Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman.” (1 Corinto 13:4-8) Ang gayong walang pag-iimbot na pag-ibig ay maaaring maging kapaki-pakinabang. Isang 11-anyos na batang babae na ang diborsiyadong mga magulang ay natutong unahin ang kaniyang kapakanan ay nagsabi: “Salamat na lamang at mahal na mahal ako ng aking mga magulang na hinahayaan nilang mahalin ko sila kapuwa!”

[Talababa]

a Kung hindi ka sanay sa pagpili ng isang abugado, tingnan ang “Kailangan Ko ang Isang Abugado,” sa Awake! ng Marso 8, 1979. Kung nakataya ang relihiyosong kalayaan, marami sa tanggapang sangay ng Samahang Tower ay maaaring magbigay ng kapaki-pakinabang na impormasyon. Ang mga indibiduwal na nakakaharap ng mga pagsasakdal sa diborsiyo na nakatira sa Estados Unidos o sa iba pang bansa na pinamamahalaan ng Karaniwang Batas ay maaaring kumuha ng karagdagang materyal mula sa mga tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa E.U. at Canada.

[Kahon sa pahina 13]

Mga Pakinabang ng Paglutas ng mga Magulang, Kaysa ng mga Hukuman

◼ Walang higit na nakakakilala sa mga pangangailangan ng mga bata kaysa mga magulang; kaya, sila ang nasa pinakamagaling na posisyon na magpasiya kung ano ang pinakamabuti sa kapakanan ng mga bata.

◼ Ang mga bata ay hindi gaanong nakadarama na kailangan nilang “kumampi” at, sa gayo’y, mamili sa pagitan ng mga magulang.

◼ Ang pamamagitan ay karaniwang nagbibigay ng mas mabuting pagkakataon para sa komunikasyon, sa gayo’y ginagawa nitong posible na lubusang marinig ang mga pagkabahala at mga pangangailangan kapuwa ng mga bata at ng mga magulang.

◼ Nahahadlangan ng pag-abot ng isang kasunduan na sinasang-ayunan nilang dalawa ang maraming sama ng loob na dumarating kapag ipinapataw ng hukuman ang isang di-makatuwirang pasiya na dapat sundin ng kapuwa mga magulang.

◼ Mas mababang legal na pagkakagastos.

[Kahon sa pahina 14]

Talagang Nakikinabang ang mga Anak!

Gaya ng ipinakikita ng sumusunod na dalawang karanasan, ang mga anak ay talagang nakikinabang kapag nalutas ng kanilang nagdiborsiyong mga magulang ang kani-kanilang di-pagkakaunawaan at isinasaalang-alang ang pinakamabuting kapakanan ng kanilang mga anak.

“Lagi akong masaya kapag nakikita ko ang aking itay,” sabi ng isang dalaga na nasa kaniyang maagang 20’s. “Hindi naman dahil sa ginagawa namin, lumalabas lamang kami upang makita siya. . . . Inaasam-asam ko ang mga dulo ng sanlinggo kapag siya ay dumarating, sapagkat alam ko na maaari naming pag-usapan ang anumang bagay na sumasamâ sa paaralan, at tinutulungan niya ako. At, ito ay mas madaling ipakipag-usap sa kaniya kaysa kay inay. Ang ilang mga bagay ay mas madaling ipakipag-usap kay inay​—palagay ko alam mo na kung ano ito​—subalit may ibang bagay na nais kong ipakipag-usap kay itay. Halimbawa, ang tungkol sa ikalawang asawa ni inay. Talagang hindi kami magkasundo. Binigyan ako ni itay ng ilang mabuting payo sa kung paano ako dapat maging mataktika, at kailangan ko iyon. . . . Malaki ang utang na loob ko kay itay, sapagkat dahil sa kaniya ay lagi akong may dalawang magulang, kahit na sila ay hiwalay.”

Isang binatang nagngangalang Donald ay nagsabi: “Sa palagay ko ang pagkakita ko sa aking itay minsan lamang sa isang linggo ay nagpatindi ng pananabik ko na makapiling siya. Kaya kailanma’t nakikita ko siya, ako’y maingat na nakikinig at nagbibigay-pansin. Sa tuwina’y nais kong tularan ang aking tatay. Napansin ko na mahal niya ang Diyos na Jehova, at sa tuwina’y nais kong gawin kung ano ang ginagawa niya. Gayunman, nakinabang din ako sa mabubuting katangian ng aking inay. Siya ay totoong palakaibigan, at ginagawa niya ang lahat ng magagawa niya upang makipagkapuwa, upang makipag-usap sa mga tao. Siya’y palabati at prangka. Ito ay nakatulong sa akin upang madaig ko ang aking pagkamahiyain.”

[Mga larawan sa pahina 10]

Isang bata ang nagsabi: “Mayroon kang isang magulang sa bahay na talagang mahal mo, at mahal mo rin yaong isa”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share