May Kapansanan Ngunit Matagumpay
MAGSISIMULA na ang isang pandaigdig na paligsahan sa alpine ng palikulikong skiing. Sinasabi ng tagapagpahayag sa naghihintay na mga manunood na ang una sa dalawang tagapagpauna ay nagsimula nang bumaba sa dalisdis. Ilang mga kamera ng TV ang sumusubaybay sa kaniya habang siya ay bumababa sa matarik na landas, lumiliko sa mga palatandaan na may bandera sa taas at nagsasaboy ng malalaking ulap ng niyebe. Nang sa wakas ay narating niya ang finish line, siya ay masigabong pinalakpakan.
Ano ang dahilan? Hindi ba’t siya ay isa lamang tagapagpauna, hindi isang kalahok? Oo, subalit iisa lamang ang kaniyang paa! Sa isang ski ay matagumpay na nakuha niya ang totoong mahirap na landas, kung saan nang dakong huli ang ilan sa dalawang-paa, sanáy na sanáy na mga kalahok ay bumagsak.
Gayunman, hindi naman pambihira para sa mga taong may malubhang kapansanan na magawa ang gayong kahanga-hangang gawa. Maraming lalaki at babaing may kapansanan, bata at matanda, ang nagwi-weight lifting, sumasakay sa kabayo, naglalayag, sumasali sa mga paligsahang marathon sakay ng silyang de gulong, at nakikibahagi sa maraming iba pang humahamon na isports.
Ang mga taong may kapansanan ay nakagawa rin ng dakilang mga bagay sa iba pang larangan. Kinatha ni Ludwig van Beethoven ang ilan sa kaniyang pinakamagaling na mga obramaestra nang siya ay ganap na bingi. Si Franklin D. Roosevelt ay presidente ng Estados Unidos mula 1933 hanggang 1945, bagaman siya ay lubhang sinagabal ng polio. Si Helen Keller, bulag, bingi, at pipi mula sa pagkabata, ay naging isang mabungang awtor at edukador. Ang estadistang Griego na si Demosthenes ay tinawag na isa sa pinakamagaling oradór ng lahat ng panahon. Gayunman, bilang isang binatilyo, siya ay isang utal at napakahina ng katawan.
Bagaman ang gayong dakilang mga tagumpay ay maaaring mag-udyok sa maraming taong may kapansanan na gumawa ng isang bagay na ekstra sa kanilang sarili, dapat tandaan na ang bawat may kapansanan ay isang indibiduwal, at ang isang taong may kapansanan ay hindi maaaring ihambing sa iba. Iba-iba ang interes sa buhay. Iba-iba ang likas na kakayahan. At malaking bahagi rin ang ginagampanan ng hilig ng isip.
Ang Pinakamahirap na Panahon
Ang panahon pagkatapos na pagkatapos ng isang nakapipinsalang aksidente o karamdaman ay malamang na siyang pinakamasama para sa isa na napinsala at doon sa mga malapit sa kaniya. Ang unang pagkabigla ay kadalasang sinusundan ng mga damdamin ng kabiguan at kawalang pag-asa. “May mga panahon kung kailan ikaw ay hindi handa para sa anumang masiglang usapan, kung kailan ang nais mong gawin ay gumapang sa iyong paghihirap na parang nasugatang hayop, kung kailan ang pampatibay-loob ay para bang isang pagsalakay,” sabi ng isang ina ng isang may kapansanang bata.
Halu-halong pagdadalamhati, galit, pagkaawa-sa-sarili, at kabiguan ay maaaring ganap na lumupig sa taong may kapansanan sa unang taon na iyon. Kaya, mientras mas maikli ang panahong ito, mas mabuti para sa lahat ng nasasangkot. “Ito ay lumilipas, sapagkat kailangan itong lumipas,” susog pa ng ina.
Si Jimmy, isang makisig na binatang taga-Sweden na dinapuan ng isang karamdaman na gumawa sa kaniyang manigas mula ulo hanggang paa, ay nagsabi tungkol sa unang pagkabigla at ang nakatatakot na panahong sumunod dito. “Ngunit,” sabi niya, “nang matanggap ko ang aking kapansanan at nang huminto ako ng pagkaawa sa aking sarili, kinalimutan kong lahat ang tungkol dito. Saka ako ay muling nabuhay. Ngayon sinasanay ko ang aking sarili na isipin hindi kung ano ang wala ako kundi kung anong mga kakayahan ang mayroon pa ako, at sinisikap kong gawin ang pinakamabuti mula rito.”
Ginagamit sa Sukdulan ang mga Posibilidad ng Isa
Sa pamamagitan ng pagkilos ng isang malakas na kalooban na mag-ensayo at magsanay, nagawa ng ilang may kapansanan ang higit pa kaysa kanilang naguguniguni. Isang halimbawa si Maj, isang babae mula sa Lapland sa gawing hilaga ng Sweden. Nang siya ay 22 anyos lamang at bagong kasal, naiwala niya ang gamit ng kaniyang mga paa.
“Noong unang ilagay nila ako sa isang silyang de gulong sa ospital, ako ay humagulgol,” aniya. “Nakita ko sa unahan ko ang isang buhay na walang gawa, hindi maunlad, at ganap na umaasa sa aking asawa at sa iba. Subalit unti-unting natalos ko na ang aking kapansanan ay nagbibigay pa rin sa akin ng ilang posibilidad. Kaya naipasiya kong gamitin sa sukdulan ang mga ito.
“Una, pinag-aralan kong gumapang sa sahig na parang sanggol. Natuwa ako at ako’y nakakilos sa ganang sarili. Pagkatapos ay nagsanay akong tumayo nang tuwid, sumasandal sa dingding. Sa palagay ko isang malaking pagsulong na magawa iyon. Pagkatapos ay nag-aral akong lumakad sa tulong ng mga saklay. Hindi nagtagal nagagawa ko na ang ilang gawaing-bahay.
“Naipasiya ko na tuwing umaga sisikapin kong dagdagan ng bagong bagay ang aking nagagawa. Nagagawa kong maghanda ng agahan, ayusin ang kama, mag-vacuum, maglinis ng mga bintana, mamalengke, at iba pa. Tinutulungan ako ng aking asawa kapag ako’y humingi ng tulong, subalit nakikipagtulungan din siya sa pamamagitan ng hindi pagpupumilit na tumulong. Sa halip, hinahayaan niya akong sumubok. Dahan-dahan, ako ay hindi na umaasa sa iba, na nagbigay sa akin ng paggalang-sa-sarili at nagpaligaya sa akin.
“Kaming mag-asawa ay mga Saksi ni Jehova, at ang mister ko ay nagpasiyang magboluntaryo sa pagtatayo ng bagong tanggapang sangay at palimbagan para sa mga Saksi ni Jehova sa Sweden. Ang aming kahilingan na maging mga boluntaryo ay tinanggap, at kami’y gumugol ng mahigit na apat na taon doon. Nagawa kong magtrabaho nang halos buong-panahon sa laundri, pinaglilingkuran ang mga 200 manggagawa. Itinuturing ako ng aking matitipunong-katawan na mga kasamahan sa trabaho na isang kapantay na manggagawa. Oo, kung minsan ay mahirap, at paulit-ulit na humingi ako ng tulong sa Diyos sa panalangin. Datapuwat ito ay isang maligayang panahon din naman.”
“Mangyari Pa Magagawa Mo Iyan!”
Upang maging matagumpay ang isang taong may kapansanan, mahalaga na ang mga membro ng pamilyang iyon at ang iba pa ay makipagtulungan sa tamang paraan. Iyan ay hindi nangangahulugan sa tuwina ng pagsaklolo. Maaari itong mangahulugan ng hindi pagtulong. Ang pagsasabi sa isang taong may kapansanan na nakaharap sa isang atas, “Mangyari pa magagawa mo iyan!” at saka hayaan siyang subukan ito, ay karaniwan nang mas malaking tulong at pampatibay-loob kaysa pagsasabing, “Sa palagay ko’y hindi mo kaya. Hayaan mong gawin ko ito para sa iyo.”
Ang mga taong may kapansanan ay dapat pakitunguhan nang natural at seryoso na gaya ng sinumang tao. Ayaw nilang maliitin ng iba ang kanilang kakayahan na pangasiwaan ang pang-araw-araw na mga kalagayan sa pagiging masyadong matulungin. Maaaring ito ay isa lamang maliit na bagay na maaaring makasagabal kaysa makatulong, gaya ng paglalagay ng mantikilya sa tinapay para sa isa na humihiling lamang na ipasa sa kaniya ang mantikilya.
“Ang pinakamasakit sa lahat,” sabi ni Jimmy, “ay kapag tinatrato ako ng matitipunong-katawan na mga tao na para bang mahina ang isip ko. Ikinalulungkot kong sabihin, ang ibang tao ay nakikipag-usap at kumikilos na para bang inaakala nilang ang lahat ng tao na nasa silyang de gulong ay mahina ang isip.”
Ang mga pagsisikap ng pagpapanibagong-buhay ay dapat magbigay sa indibiduwal ng pagtitiwala sa sarili at inspirasyon na pangasiwaan ang kaniyang kalagayan at matutong pamuhayan ang kaniyang kapansanan nang hindi umaasa sa iba hangga’t maaari. Ang karamihan ng mga taong may kapansanan ay nagtatagumpay kung sila ay makapagpapasiya para sa kanilang sarili kung kailan at paano dapat gawin ang mga paglilingkod. Ang labis-labis na proteksiyon mula sa iba ay maaaring magdulot ng kawalang-interes at pagkayamot.
Si Ann-Mari, isang babaing taga-Sweden na may malubhang kapansanan na gumagamit ng silyang de gulong, ay nagsabi: “Ako’y may kapansanan kung tungkol sa kakayahang kumilos subalit hindi kung tungkol sa kakayahang mag-isip. Iyan ang dahilan kung bakit nais kong gamitin ang kakayahang iyan upang gawin ang pinakamabuti sa aking kalagayan sa ganang akin.”
Pagbabago sa Kapaligiran
Upang tulungan ang mga taong may kapansanan na gamitin sa sukdulan ang kanilang mga posibilidad, mahalagang mga pagbabago ay maaaring gawin sa kanilang mga tahanan, sa kanilang kapaligiran sa labas ng bahay, at sa kanilang paraan ng transportasyon. Mga 500 milyong tao sa daigdig ay tinatayang apektado ng pagkainutil sa pagkilos, paningin, o pandinig. Upang gawing mas maginhawa ang buhay para sa kanila, ang mga awtoridad sa social-welfare sa maraming bansa ay nagbibigay ng disenyong mga panuntunan sa mga arkitekto at mga tagadisenyo. Ito ay humantong sa kapaki-pakinabang na mga pagbabago na pinakinabangan ng mga taong may kapansanan.
Ang marami na may kapansanan ay gumawa ng mga paraan upang gawing mas madali ang buhay para sa kanilang sarili. Halimbawa, tiniyak ng mga gumagamit ng silyang de gulong na ang kanilang mga tahanan ay mas maginhawa sa kanila sa pag-aalis ng mga pintuan at mga pasukan, o sa paglilipat ng mga bisagra ng pinto sa kabilang panig. Ang iba naman ay ikinabit sa dingding ang mga kabinet na kapantay ng baywang, ang mga suwits ng kuryente ay pinalitan ng malalaking rocker type, at ang mga saksakan ng kuryente ay ipinuwesto ng mas mataas sa dingding.
Ang isang taong may kapansanan kung minsan ang pinakamagaling na imbentor ng kaniya mismong mga pantulong. Si Bo, isang binata sa Sweden na ang mga paa ay nalumpo dahil sa isang aksidente sa kotse, ay gumawa ng paraan kung paano niya gagawing mas komportable at mas madaling imaneobra ang kaniyang silyang de gulong na nagpapangyari pa nga sa kaniya na umakyat sa mga hagdan! Ngayon siya ay nagtatrabaho bilang isang tagapagdisenyo ng silyang de gulong sa isang pabrika roon.
Gayunman, karaniwan nang matalino na ang pangangailangan para sa pisikal na pagsisikap ay huwag alisin. Kung hindi ang kakulangan ng ehersisyo ng taong may kapansanan ay maaaring humantong sa mga problema na gaya ng naninigas na mga tuhod, namamagang paa, at mahinang mga kalamnan. Kaya, bagaman ang paggamit ng silya de gulong na elektrical na pinaaandar ay maaaring maging isang ekselenteng tulong kung minsan, ang paggamit ng sariling bisig upang itulak ang isang silyang de gulong ay maaaring magbigay sa mga kalamnan, puso, at bagà, ng mabuting ehersisyo.
Ang silyang de gulong ay dapat na indibiduwal na idinisenyo hangga’t maaari. Ang isang taong eksperto sa pagkukumpuni ay maaaring tumulong sa pag-ayos sa upuan, taas, timbang, bigat, at gawain nito na angkop na angkop sa gumagamit. “Natuklasan ko na ang isang silyang de gulong ay dapat na makitid hangga’t maaari upang maging praktikal,” sabi ng isang binata pagkatapos maglakbay sa buong daigdig sa ganang sarili. Siya ay nagbiyahe sakay ng eruplano, tren, bus, at bapor sa isang silyang de gulong na itinutulak ng kamay.
Karaniwan nang problema ng mga may kapansanan ang pagsusuot at paghuhubad ng damit. Ang etso-diretsong pananamit ay karaniwang hindi idinisenyo para sa kanila. Si Siw, isang nasa kalagitnaang-gulang na babaing taga-Stockholm, Sweden, na may kapansanan ay nagsabi na nasusumpungan niyang mas madaling magsuot ng isang walang manggas na kapa kaysa isang karaniwang amerikana. Gayundin, pinapalitan niya ang mga butones at mga siper sa palda ng garter. Sa katunayan, ang pangangailangan para sa maginhawang pananamit na magagawa niya ang gumawa kay Siw na maging isang bihasang tagaistilo at modista.
Ang ilang simpleng mga pagbabago ay maaaring tumulong sa mga taong may isang-kamay o sa mga taong may mahinang braso at kamay sa gawain sa kusina. Halimbawa, ang pagkakabit ng abrelata at pambukas sa may dingding ay gagawa sa mga ito na mahigpit at madaling gamitin. Ang pagpapasok ng hindi kinakalawang na mga pako sa isang sangkalan ay tutulong sa isang taong may kapansanan na ingatan sa lugar ang mga bagay na gaya ng pan habang hinihiwa ito. At pinananatili sa lugar ng isang double suction disk ang mga kaldero at pinggan na patag ang ilalim samantalang ang may kapansanan ay nagbabati at naghahalo rito ng mga panangkap.
Ang Pag-asa ay Tumutulong sa Tagumpay
Ang pag-asa ay isang bagay na kailangan ng lahat, lalo na ng mga may kapansanan. Mangyari pa, ang isa sa pinakamabuting pag-asa na maaari nilang taglayin ay yaong tungkol sa paggaling. Gayunman ang karamihan ng mga taong bulag, bingi, at lumpo ay hindi nabibigyan ng pag-asang gumaling ng kuwalipikadong na mga tao sa medisina ng daigdig na ito. Gayunman, ang kanilang kalagayan ay hindi walang pag-asa.
Samantalang nasa lupa pinagaling ni Jesu-Kristo ang mga karamdaman na hindi magamot ng mga doktor sa medisina. Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, isasagawa niya ang kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan upang pagalingin ang lahat na sa anumang paraan ay may karamdaman o may kapansanan. Inilalarawan ng Bibliya ang kalagayan na iiral sa panahong iyon, na ang sabi: “Kung magkagayo’y madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. Kung magkagayo’y lulukso ang pilay na parang usa, at ang pipi at aawit sa kagalakan.”—Isaias 35:5, 6.
Udyok ng pag-asang ito, maraming taong may kapansanan ang naging malaking kaaliwan at pampatibay-loob sa iba. Taglay ang positibong saloobin, ginagamit sa pinakamabuti ang kanilang mga kakayahan, sila’y nakadarama ng tagumpay sa buhay kahit na ngayon.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Pantanging mga aparato na gaya nito ay malaking tulong sa mga taong may kapansanan