Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 12/8 p. 5-9
  • Droga—Mapanganib at Nakamamatay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Droga—Mapanganib at Nakamamatay
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Krimen na Walang Biktima?
  • Droga at Krimen
  • Ang mga Panganib sa mga Gumagamit
  • Kalunus-lunos na Epekto sa mga Kabataan
  • Kung Paanong ang Bawal na Droga ay Nakaaapekto sa Iyong Buhay
    Gumising!—1999
  • Droga—Mayroon Bang Anumang Pag-asa?
    Gumising!—1988
  • Droga—Sumisidhi ang Problema
    Gumising!—1988
  • Mapagtatagumpayan ba ang Pakikipagbaka sa Droga?
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 12/8 p. 5-9

Droga​—Mapanganib at Nakamamatay

DROGA​—mga sustansiyang nakakaapekto sa mga pandamdam​—ay may kasaysayan na bumabalik pa sa pinakamaagang panahon ng sangkatauhan. Di nagtagal ang natural na mga sustansiyang nakakaapekto sa sistema nerbiyosa ay natuklasan: alkohol upang papahingahin ang pagod na isip. Opyo upang paginhawahin ang kirot at pampatulog. Mga dahon ng coca upang maging manhid ang pakiramdam at dagdagan ang pagtitiis.

Ang alkohol ay malaon nang kilala. Tayo ay sinasabihan sa Bibliya, sa Genesis 9:20, 21, na “si Noe ay naging mambubukid at nagtanim ng isang ubasan. At ininom niya ang alak at nalango.” Ang opyo ay waring nakilala sa sinaunang Mesopotamia at naitala na malawakang ginagamit sa sinaunang Gresya. Ang peyote, tabako, coca, soma​—ay pawang gumanap ng bahagi nito sa buong kasaysayan.

Ang droga ay nasumpungan pa nga sa isang nitso sa kathang-isip na literatura. Binanggit ni Homer ang tungkol sa pagkamakalilimutin na nangyari sa ilan sa mga tripulante ni Odysseus sa lupain ng mga mangangain ng lotus. Ang bantog na kathang-isip na tiktik na si Sherlock Holmes ay nagturok ng 7-porsiyentong solusyon ng cocaine, na nasumpungan niyang “labis-labis na nakapagpapasigla at nakapagpapalinaw ng isip”​—isang pangmalas na kahawig niyaong itinaguyod ng intelektuwal na manunulat noong panahon ni Reyna Victoria na si Sigmund Freud.

Kaagad nakilala ang halaga ng droga sa medisina, subalit ang gamit nito ay hindi limitado sa medisina. Ito ay malawakang ginamit sa relihiyosong mga ritwal. Ang mga ito ay ginamit sa pagsisikap na palawakin ang kabatiran, patindihin ang mga damdamin, palakihin ang pagpapahalaga, baguhin ang kalooban, at pag-ibayuhin ang kakayahang umibig. Subalit ang mga ito ay mayroon ding walang katapusang kakayahan sa pagwasak at paglikha ng mga suliraning panlipunan.

Kapuna-puna na ang ipinagbabawal na mga gamot sa ngayon ay hindi laging ipinalalagay na nakapipinsala sa kalusugan at kapakanan ng tao. Halimbawa, sa Estados Unidos noong dakong huli ng ika-19 na siglo, ang cocaine, opyo, at heroin ay legal at madaling makukuha. Ang mga ito ay maaaring bilhin kahit walang reseta sa alinmang botika. Ang iba ay malawakang ginagamit sa patenteng medisina. Ang Coca-Cola ay naglalaman ng cocaine sa loob ng 17 taon hanggang sa ito ay halinhan ng caffeine noong 1903.

Ang mga bansa na ngayo’y nagsisikap sugpuin ang kalakalan ng droga ay dating nakipaglaban upang palawakin ito. Ang mga Digmaang Opyo​—ang dalawang digmaan sa pangangalakal na ipinakipaglaban noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo nang sikaping ihinto ng Tsina ang ilegal na kalakalan ng opyo sa kaniyang bansa​—ay nagwakas sa pagkatalo ng Tsina at ang sapilitang paggawang legal sa pag-aangkat ng opyo roon.

Isang Krimen na Walang Biktima?

Ang ilan ngayon ay sang-ayon din sa paggawang legal sa droga. Nakikita nila ito bilang isang lunas sa mga problemang nakakaharap sa pakikitungo sa ipinagbabawal na kalakalan ng droga. Inaakala naman ng iba na ang “panlibang” na gamit ng droga ay isang pribado at personal na bagay at itinuturing ang paggamit ng droga na isang hindi mapanganib na libangan. Subalit ang paggamit ba ng ipinagbabawal na droga ay isang “krimeng walang biktima,” gaya ng sabi ng iba? Isaalang-alang ang sumusunod:

● Ang beinte-seis-anyos na si Natasha Ashley, walo at kalahating buwan na nagdadalang-tao, ay nakikipag-usap sa isang kaibigang babae sa bangketa sa isang bahagi ng New York City na tinatawag na Little Italy. Walang anu-ano isang kotse ang sumampa sa gilid ng bangketa, tinamaan ang dalawang babae at inipit ang kaliwang paa ni Ashley sa poste ng ilaw, malubhang dinudurog ito mula sa tuhod pababa. Nabali rin ang paa ng kaibigan. Nasumpungan ng pulis ang tsuper na lango sa droga sa kaniyang kotse, hawak-hawak pa ang hiringgilya sa kaniyang kamay. “Waring siya ay labis sa dosis ng droga samantalang nagmamaneho,” sabi ng paramedic na nag-aasikaso sa mga biktima.

● Si Michael Perkins, 12 anyos lamang, ay patay​—namatay sa isang sunog na tumupok sa apartment na kaniyang tinitirhan. Sinasabi ng pulis na ito ay sadyang sinunog ng mga negosyante ng crack (matapang na cocaine) pagkatapos na ang kaniyang ama ay magreklamo tungkol sa kanilang mga gawain may kaugnayan sa droga sa loob ng bahay.

● Si Rosa Urena ay hindi makapapasok sa kolehiyo sa taglagas na ito o makapag-aasawa man sa susunod na taon gaya ng balak niya. Siya ay napatay habang siya ay natutulog sa kaniyang kama, tinamaan sa ulo ng isang ligaw na bala na tumagos sa kaniyang bintana at sa uluhan ng kaniyang kama. Pinaulanan ng bala ng mga nagbebenta ng droga ang kaniyang gusali sa isang pag-aangkin sa teritoryo.

● Isang 17-anyos na sugapa sa crack ay nagnanakaw upang suportahan ang kaniyang bisyo sa droga. Nang siya ay mahuli pagkalipas ng walong araw, siya ay nakapatay ng lima katao at nakasugat ng anim pa. “Ang lahat ng biktima ay walang malay na mga taong nagtatrabaho,” sabi ng hepe ng mga tiktik.

Ang nabanggit ay ilan lamang sa maraming mga insidente na nauugnay sa droga na naganap sa isa lamang lunsod sa taóng ito. At ito ay dumarami sa nakatatakot na bilis.

Gaano ka kaya kaligtas sa haywey kung nalalaman mo na ilang porsiyento ng ibang mga tsuper ay nakainom ng droga na sumisira sa kanilang pagtantiya at replekso? Mapapanatag kaya ang loob mo kapag sumasakay ka sa isang bus, eruplano, o tren gayong nalalaman mo na yaong may pananagutan sa iyong kaligtasan ay maaaring nasa ilalim ng impluwensiya ng droga? “Marami nang kaso ng sugapang mga piloto, tripulante ng tren, tsuper ng bus at trak, manedyer ng kompaniya, doktor, guro at iba pa na may awtoridad na lumikha ng mapanganib na mga kalagayan sa pamamagitan ng ‘pagtungo sa isang misyon’ [salita ng mga sugapa para sa lango] samantalang nasa tungkulin,” sabi ng Manchester Guardian Weekly.

Sa isang imbestigasyon ng isang nakamamatay na pagbunggo ng commuter na tren kamakailan sa Bundok Vernon, New York, lumabas na lahat ng limang tauhan ng tren na kasangkot ay positibo sa pagsubok sa droga. Sabi ng administrador ng Federal Railroad na si John H. Riley: “Sa nakalipas na 16 na buwan, tayo’y nagkaroon ng katamtamang isang malaking aksidente sa riles sa bawat 10 araw kung saan natuklasan ang paggamit ng alkohol o droga, na mahigit sa 375 mga tao ang namatay o nasaktan sa mga aksidenteng iyon. Nasumpungan namin ang mga resulta ng positibo-sa-droga sa isa sa bawat limang mga aksidente sa perokaril na sinubok namin sa nakalipas na dalawang taon, at 65 porsiyento ng mga kamatayan na naganap sa mga aksidente ay kinasangkutan ng isa o higit pang empleado na nasubok na positibo sa alkohol o droga.”

Droga at Krimen

Ang isa ay hindi kinakailangang umalis ng bahay upang madisgrasya sa tanawin ng droga. Ang mga biktima ay karaniwang yaong nasa kani-kanilang tahanan at nasa mga lansangan. Maraming sugapa sa droga, dala ng pangangailangang tustusan ang kaniyang magastos na bisyo, ang bumabaling sa krimen​—pagnanakaw, pang-uumog, panloloob. “Natuklasan kamakailan ng isang pag-aaral ng Kagawaran ng Hustisya na isang nakagugulat na 79 na porsiyento ng mga nasasakdal na mga salarin sa ilang lunsod ay nasubok na positibo sa paggamit ng droga,” sabi ng U.S.New & World Report.

Nariyan din ang madalas na pagbabarilan sa pagitan ng magkaribal na mga grupo sa droga at ang mga paghihiganti laban sa mga hindi nakakabayad. Ang walang-malay na mga miron ay kalimitang nadadamay sa mga sagupaang ito. “Kung ang target ay nagkataong nasa grupo ng apat o limang ibang mga tao,” sabi ng isang opisyal, “malas lang ng apat o lima kataong iyon.”

Sa kabisera ng E.U., ang Washington, D.C., mayroong 228 pagpatay noong 1987​—57 porsiyento nito ay nauugnay sa narkotiko. Ang New York City ay nagtala ng 1,691 mga pagpatay, isang katamtamang bilang na mahigit 4 sa isang araw. Mahigit na 38 porsiyento nito ay udyok ng droga. “Ipinalalagay ng Kagawaran sa Sunog sa Oakland [California] ang mahigit na 180 mga kaso ng arson sa lunsod noong nakaraang taon ay dahil sa digmaan sa pagitan ng mga pangkat ng droga at paghihiganti laban sa mabagal-magbayad na mga parokyano o mga residente na hayagang nagrireklamo tungkol sa lantarang pangangalakal sa lunsod ng crack, isang matapang na anyo ng cocaine,” sabi ng report ng New York Times.

Nadarama ng lipunan sa kabuuan ang mga epekto ng pag-abuso sa droga​—dumaraming krimen at karahasan, ang mga pabigat ng mababang produksiyon sa ekonomiya at kalunus-lunos na mga aksidente, pagkabulok ng publiko​—pati na ang kanilang mataas na kabayaran. Subalit ang mga nag-aabuso sa droga mismo ang nagbabayad ng pinakamalaking halaga. Bakit gayon?

Ang mga Panganib sa mga Gumagamit

“Ang pag-abuso sa droga ay masama. Maaari nitong sirain ang isip at patayin ang katawan. Sa isang salita, ito ay kamangmangan,” ganiyan ang pagkakasabi rito ni Malcolm Lawrence, dating pantanging katulong ng Kalihim ng Estado ng E.U. sa pagsawata sa internasyonal na narkotiko. Subalit kumusta naman yaong mga nagmamalaki na hindi sila sugapa at nagsasabi na kaya nilang huminto kailanman gustuhin nila? “May nakikilala akong mga tao na gumagamit ng crack ng ilang beses at hindi na ito ginawang muli,” sabi ng isang estudyante sa high school.

“Tiyak na hindi lahat ng kabataan na nagsasaksak ng droga o umuubos ng isang bote ng alak ay nagiging gaya ko,” sabi ng dating sugapa na si Ken Barun, na nagsimula sa marijuana sa edad na 16 at nagtungo sa mga pilduras, hallucinogens, heroin, at cocaine​—hindi inaasahang makikita pa niya ang kaniyang ika-25 kaarawan. Subalit marami ang dumidepende sa droga, at walang makapagsasabi kung sino ang magkakagayon hanggang sa ito ay napakahuli na.

Isang problema ang kaakit-akit na epekto ng droga. Ang cocaine, halimbawa, na kasalukuyang isa sa pinagmamalabisang droga, sa simula’y nagpapalakas sa iyo, ginagawa kang mas alisto at nakatitiyak, higit na nasusupil ang iyong buhay. Gayon na lamang kabuti ang pakiramdam mo anupa’t nanaisin mong subukan ito nang paulit-ulit. Subalit habang ginagawa mo iyon, nadarama mong hindi mabuti ang pakiramdam mo kung walang droga​—ikaw ay hindi mapalagay, nalilito, balisa, nanlulumo. Kailangan mo ng higit pa. Datapuwat dahil sa paulit-ulit na gamit maaaring dumating ang pagkasugapa at ang maraming problema na kinabibilangan ng labis na paghihinala, guniguni, pagkabaliw.

Natuklasan ng mga mananaliksik na ang paggamit ng cocaine ay maaaring permanenteng sumira sa puso at pagmulan ng mga atake sa puso at atake serebral. Si Len Bias, isang 22-anyos na manlalaro ng basketball sa Estados Unidos na namatay dahil sa atake sa puso noong 1986 na udyok ng paggamit ng cocaine, ay sinasabing minsan lamang gumamit ng droga.

Ang crack, na mula sa cocaine, ay mas masahol pa. “Ang pantanging mga panganib ng crack ay dahilan sa napakatapang na bisa ng droga na magpasugapa at ang kakayahan nito na magpangyari ng grabeng mga suliraning pangmedisina at pangkaisipan,” sabi ng babasahing Medical Aspects of Human Sexuality. Sapagkat ito ay mura at madaling makuha, ito ay lalong nakakaakit sa mga kabataan. Nalalaman na pinapatay ng mga gumagamit ng crack ang kanilang mga magulang at pagkatapos ay nagpapakamatay.

“Ang iniulat na mga kamatayan at mga emergency sa ospital na nauugnay sa cocaine ay lubhang dumami mula noong 1983 hanggang 1986,” sabi ng isang pantanging report mula sa Comptroller General ng Estados Unidos. Ang mga estadistikang natipon ng DAWN (Drug Abuse Warning Network) mula sa kalahok na mga ospital at mga medical examiner ay nagpapakita ng 167-porsiyentong pagsulong sa mga emergency sa ospital at 124-porsiyentong pagsulong sa mga kamatayan dahil sa paggamit ng droga sa panahong iyon.

Kalunus-lunos na Epekto sa mga Kabataan

Isa sa totoong kalunus-lunos na resulta ng pag-abuso sa droga ay ang epekto nito sa mga bata. “Ang kuwento tungkol sa pag-abuso at pagpapabaya sa mga bata sa New York City noong 1987 ay isang kuwento tungkol sa pagputok ng pag-abuso sa droga,” sabi ng isang ulat ng Internal Fatality Review Panel of the Human Resources Administration. Mayroong 46,713 mga ulat ng pag-abuso at pagpapabaya sa mga bata, at 103 ng mga bata ang namatay. Isa pa, noong 1987 taóng panuusan (fiscal year) ng lunsod, mahigit na 2,500 mga sanggol ang ipinanganak na may mga sintomas ng pagkasugapa sa droga. Dahil sa cocaine, maraming sanggol ang isinisilang din nang kulang sa buwan at napakababa ng timbang, yamang tinatakdaan ng droga ang daloy ng dugo tungo sa inunan at binabawasan ang panustos ng oksiheno at mga nutriyente na dumarating sa ipinagbubuntis na sanggol.

Ang mga sanggol ay isinisilang din na may nakatatakot na virus ng AIDS, dala ng pag-abuso sa droga na isinasaksak sa ugat at ipinapasa ng ina sa kaniyang ipinagbubuntis na sanggol. Sa pagtatapos ng taóng ito, halos isang libong mga sanggol na nahawaan ng virus ng AIDS ang ipanganganak sa New York City lamang. “Nakikita pa lamang natin ang pagkawasak,” sabi ni Dr. Leonard Glass, direktor ng mga paglilingkod para sa mga bagong silang sa Kings County Hospital Center. Tatlo sa apat na mga sanggol ang namamatay buwan-buwan dahil sa AIDS sa ospital na ito sa Brooklyn.

Taglay ang gayong mapanganib at nakamamatay na mga resulta ng droga, maiisip mo na ang daigdig ay nakikipagbaka laban sa kalakalan ng droga, at na masasawata ito. Bakit, kung gayon, lumalago ito? Mayroon bang anumang pag-asa sa hinaharap?

[Kahon sa pahina 7]

Ilang Karaniwang Pinagmamalabisang Droga

Droga Posibleng Epekto Panganib ng Pag-abuso

Opyo Masigla, pag-aantok, Mababaw na paghinga,

Heroin kawalang-damdamin, kombulsiyon, koma,

pagkalula kamatayan

Barbiturates Malabong salita, Mahina at mabilis

Quaaludes disoryentasyon, na pulso, mababaw

Valium pabagu-bagong damdamin, na paghinga, koma,

mabagal na pagkilos kamatayan

Cocaine Mas alisto at Paghihinala,

Crack tiwala, masigla, kakatuwang gawi,

Amphetamines walang gana, balisa guniguni,

kombulsiyon, kamatayan

LSD Ilusyon, guniguni, Mas matagal at mas

PCP pagbabago sa kabatiran matinding mga

ng panahon at layo karanasan, kakatuwa at

mapanganib na gawi,

pagkabaliw,kamatayan

Hashish Masigla,tahimik na Pagod, magulong gawi,

Marijuana pagpipigil, magana labis na paghihinala,

posibleng pagkabaliw

[Larawan sa pahina 9]

Ang hindi pa isinisilang ang walang kayang mga biktima ng pag-abuso sa droga ng mga magulang

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share