Kung Paanong ang Bawal na Droga ay Nakaaapekto sa Iyong Buhay
TULAD ng bukbok na kumakain sa mga kahoy na biga ng isang bahay, maaaring sirain ng droga ang buong kayarian ng lipunan. Upang kumilos nang wasto ang lipunan ng tao, kailangang mayroon itong matatatag na pamilya, malulusog na manggagawa, mapagkakatiwalaang mga pamahalaan, tapat na mga pulis, at masunurin-sa-batas na mga mamamayan. Pinasasamâ ng droga ang bawat isa sa mahahalagang elementong ito.
Ang isang dahilan sa pagbabawal ng mga pamahalaan sa paggamit ng droga na hindi para sa paggagamot ay dahil sa pinsalang nagagawa nito sa kalusugan ng kanilang mga mamamayan. Sa bawat taon, libu-libong sugapa sa droga ang namamatay dahil sa sobrang dosis. Marami pa ang namamatay dahil sa AIDS. Ang totoo, mga 22 porsiyento ng populasyon ng daigdig na positibo sa HIV ay mga gumagamit ng droga na nag-iiniksiyon sa kanilang sarili sa pamamagitan ng mga nahawahang karayom. May mabuting dahilan na sa isang komperensiya kamakailan ng United Nations, si Nasser Bin Hamad Al-Khalifa, mula sa Qatar, ay nagbabala na “ang pangglobong nayon ay malapit nang maging isang panlahat na libingan para sa milyun-milyong tao bilang resulta ng bawal na kalakalan ng droga.”
Subalit apektado nito hindi lamang ang kalusugan ng gumagamit. Mga 10 porsiyento ng lahat ng sanggol na ipinanganak sa Estados Unidos ay nalantad sa ipinagbabawal na droga—sa karamihan ng kaso, sa cocaine—samantalang nasa bahay-bata. Hindi lamang ang mga sintomas ng makirot na hirap na dulot ng paghinto ang tanging problema na nakakaharap nila, sapagkat ang pagkalantad sa droga sa loob ng bahay-bata ay maaaring maging sanhi upang ang mga bagong-silang ay dumanas ng iba pang nakapipinsalang mga epekto—kapuwa sa mental at pisikal na paraan.
Madaling Pera Mula sa Droga—Ang Di-mapaglabanang Tukso
Nadarama mo bang ikaw ay ligtas sa inyong lugar pagkagat ng dilim? Kung hindi, malamang na ito’y dahil sa mga negosyante ng droga. Ang mga pambubugbog at karahasan sa lansangan ay kaakibat ng droga. Kadalasang bumabaling ang mga gumagamit ng droga sa krimen o prostitusyon upang tustusan ang kanilang bisyo, samantalang ang magkaribal na mga gang ay nag-aaway at pumapatay upang mapanatili ang kanilang kontrol sa pamamahagi ng droga. Mauunawaan naman, itinuturing ng pulisya sa maraming lunsod ang droga na isang salik sa karamihan ng mga pagpaslang na kanilang iniimbestiga.
Sa ilang lupain, nakita rin ng mga rebelde ang mga kapakinabangan ng paggamit ng lakas upang makinabang nang malaki sa kalakalan ng narkotiko. Isang malaking pangkat ng mga gerilya sa Timog Amerika ang kumukuha ngayon ng kalahati ng kita nito mula sa pagbibigay ng proteksiyon sa ilegal na mga negosyante ng droga. “Pinopondohan ng mga buwis mula sa bawal na droga ang ilan sa pinakamalulupit na relihiyoso at etnikong alitan,” ang ulat ng United Nations International Drug Control Programme.
Trahedya Samantalang Nasa Ilalim ng Impluwensiya ng Droga
Ginagawang di-ligtas ng mga gumagamit ng droga ang mga lansangan sa iba pang paraan. “Ang pagmamaneho ng kotse sa ilalim ng impluwensiya ng marihuwana o LSD ay kasimpanganib din ng pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alak,” sabi ni Michael Kronenwetter, sa kaniyang aklat na Drugs in America. Hindi kataka-taka, ang mga gumagamit ng droga ay malamang na tatlo o apat na ulit na masangkot sa mga aksidente sa trabaho.
Gayunman, sa tahanan marahil ang pinakamalaking pinsala na nagagawa ng droga. “May malapit na kaugnayan ang paggamit ng droga sa buhay pampamilya na may diperensiya,” ang sabi ng World Drug Report. Ang mga magulang na gulung-gulo sa matinding paghahangad nila sa droga ay bihira nang makapaglaan sa kanilang mga anak ng isang matatag na buhay pampamilya. Ang buklod sa pagitan ng sanggol at magulang—na napakahalaga sa mga unang linggo ng buhay ng bata—ay maaari pa ngang mahadlangan. Isa pa, madalas na nababaon sa utang ang sugapang mga magulang at maaari silang magnakaw sa kanilang mga kaibigan at pamilya o mawalan pa nga ng kanilang trabaho. Maraming bata na lumaki sa ganitong kapaligiran ay lumalayas at naninirahan sa mga lansangan o nasasangkot pa nga mismo sa droga.
Ang pag-abuso sa droga ay maaari ring humantong sa pisikal na pag-abuso—sa asawa o sa mga bata. Ang cocaine, lalo na kapag sinamahan pa ng alak, ay maaaring pumukaw ng marahas na paggawi sa isang taong dapat sana’y mahinahon. Ayon sa isang surbey sa Canada hinggil sa mga gumagamit ng cocaine, 17 porsiyento ng mga tinanong ang umamin na nagiging agresibo sila pagkatapos gumamit ng droga. Sa katulad na paraan, tinatantiya ng isang ulat tungkol sa pag-abuso sa bata sa New York City na 73 porsiyento ng mga batang binugbog hanggang mamatay ay may mga magulang na nag-abuso sa droga.
Katiwalian at ang Pagkahawa
Kung ang tahanan ay maaaring pahinain ng droga, gayundin ang masasabi sa mga pamahalaan. Sa kasong ito, ang pera mula sa droga, sa halip na ang droga mismo, ang siyang lumalason sa sistema. “Ginawang tiwali ng droga ang mga opisyal ng pamahalaan, ang pulisya at ang hukbo,” panangis ng isang embahador mula sa isang bansa sa Timog Amerika. Sinabi pa niya na ang dami ng perang madaling makuha ay “napakalaking tukso” para sa mga kumikita nang halos sapat lamang upang mabuhay.
Sa iba’t ibang bansa, ang mga hukom, alkalde, pulis, at opisyal pa nga na laban sa ilegal na kalakalan ng droga, ay nahuli sa silo ng katiwalian. Kapag sila’y hinihilingang higpitan ang ilegal na kalakalan ng droga, nagbibingi-bingihan ang mga pulitikong ang pagkahalal ay maaaring tinustusan ng mga negosyante ng droga. Maraming tapat na mga opisyal na buong tapang na nangampanya laban sa droga ang pataksil na pinatay.
Kahit na ang ating lupa, ang ating kagubatan, at ang mga uri ng buhay na nakatira rito ay nagdurusa dahil sa pangglobong salot ng droga. Malaking porsiyento ng produksiyon ng opyo at cocaine ang nakasentro sa dalawang rehiyon na lalo nang nanganganib na mapinsala ang kapaligiran: ang maulang gubat ng kanlurang bahagi ng Amazon at yaong sa Timog-silangang Asia. Malaki ang pagkawasak sa mga dakong ito. Kahit na ang kapuri-puring mga pagsisikap upang alisin ang ilegal na mga aning droga ay lubhang nakapipinsala dahil sa ginagamit na nakalalasong mga pamatay-halaman.
Sino ang Nagbabayad?
Sino ang nagbabayad sa lahat ng pinsalang nagawa ng droga? Tayong lahat. Oo, tayong lahat ang nagbabayad sa nawalang produksiyon, halaga ng pagpapagamot, ang ninakaw o nasirang ari-arian, at ang halaga ng pagpapatupad ng batas. Tinataya ng isang ulat ng U.S. Department of Labor na “ang paggamit ng droga sa dako ng trabaho ay maaaring nakapinsala sa negosyo at industriya ng Amerika sa pagitan ng $75 bilyon at $100 bilyon taun-taon . . . dahil sa nasayang na panahon sa pagtatrabaho, mga aksidente at mas mataas na pangangalagang-pangkalusugan at sa bayad-pinsala sa mga manggagawa.”
Kung tutuusin, ang lahat ng salaping ito ay nanggagaling sa bulsa ng mga nagbabayad ng buwis at ng mga mamimili. Tinataya ng isang pag-aaral na isinagawa sa Alemanya noong 1995 na ang panlahat na taunang halaga ng pag-abuso sa droga sa bansang iyon ay $120 sa bawat mamamayan. Sa Estados Unidos, mas mataas pa ang tinayang bilang—$300 bawat tao.
Gayunman, mas malaking halaga ang pinsalang panlipunan na ginagawa ng droga sa pamayanan. Sino ang makapaglalagay ng halaga sa pagkasira ng maraming pamilya, sa pag-abuso sa napakaraming bata, sa pagiging tiwali ng napakaraming opisyal, at sa di-napapanahong kamatayan ng napakaraming tao? Ano ang kahulugan ng lahat ng ito sa pamamaraan ng tao? Susuriin ng aming susunod na artikulo ang epekto ng droga sa buhay niyaong mga gumamit nito.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
DROGA AT KRIMEN
ANG DROGA AY NAUUGNAY SA KRIMEN SA DI-KUKULANGING APAT NA PARAAN:
1. Ang di-awtorisadong pagtataglay ng droga at ang ilegal na pangangalakal ng droga ay kriminal na mga paglabag sa lahat halos ng bansa sa daigdig. Sa Estados Unidos lamang, halos isang milyong tao ang naaaresto ng pulisya sa bawat taon dahil sa mga paratang na nauugnay sa droga. Sa ilang bansa ang sistema ng hustisya para sa krimen ay natatambakan sa dami ng mga paglabag dahil sa droga anupat hindi na ito kayang pangasiwaan ng pulisya at ng mga hukuman.
2. Yamang napakamahal ng droga, malimit na bumabaling sa krimen ang mga sugapa upang matustusan ang kanilang bisyo. Ang isang sugapa sa cocaine ay maaaring mangailangan ng mga $1,000 isang linggo upang tustusan ang kaniyang pagkasugapa! Hindi kataka-taka, dumarami ang panloloob, pambubugbog, at prostitusyon kapag nag-ugat na ang droga sa isang pamayanan.
3. Ibang krimen pa ang ginagawa upang mapadali ang ilegal na kalakalan ng droga, isa sa pinakamalaki ang kita na negosyo sa mundo. “Ang operasyon ng bawal na droga at ang organisadong krimen ay halos nag-aasahan sa isa’t isa,” ang paliwanag ng World Drug Report. Upang mapanatiling walang sagabal ang daloy ng droga mula sa isang dako tungo sa ibang dako, sinisikap ng mga negosyante ng droga na pasamain o takutin ang mga opisyal. Ang ilan ay nagpapatakbo pa nga ng kanilang sariling pribadong mga hukbo. Ang napakalaking kita ng malalaking negosyante ng droga ay lumilikha rin ng mga problema. Madali silang mahuhuli kung ang napakaraming perang pumapasok ay hindi palilitawing nakuha sa legal na paraan, kung kaya’t gumagamit sila ng mga bangko at mga abogado upang ikubli ang paglipat ng pera mula sa droga.
4. Ang epekto ng droga mismo ay maaaring humantong sa kriminal na gawain. Maaaring maabuso ng mga talamak na gumagamit ng droga ang mga miyembro ng pamilya. Sa ilang bansa sa Aprika na sinasalot ng gera sibil, kakila-kilabot na mga krimen ang ginagawa ng mga sundalong tin-edyer na lango sa droga.
[Larawan sa pahina 6]
Ang isang sanggol ay maaaring maapektuhan ng paggamit ng droga ng ina nito
[Credit Line]
SuperStock