Pagmamasid sa Daigdig
Tapat na Pagsuway
Sang-ayon sa isang surbey na isinagawa ng National Catholic Reporter, maraming Katoliko ang naniniwala na hindi kinakailangang sumang-ayon sa opisyal na mga turo ng simbahan upang maging isang mabuting Katoliko. Halimbawa, 70 porsiyento niyaong mga sinurbey ay naniniwalang sila’y maaaring maging mabuting Katoliko nang hindi nagsisimba kung Linggo. At 66 na porsiyento ang nag-aakalang ang pagiging isang mabuting Katoliko ay hindi pumipilit sa kanila na sundin ang turo ng simbahan tungkol sa birth control, samantalang 57 porsiyento ang may palagay na ang pagsunod sa bagay na may kinalaman sa diborsiyo at muling pag-aasawa ay hindi kinakailangan. Bagaman 55 porsiyento ang nagsasabing hinding-hindi nila iiwan ang simbahan, 13 porsiyento lamang ang nagsabi na ito ang pinakamahalagang bahagi ng kanilang buhay.
Dagat ng Pagkabalisa
Iniulat ng mga siyentipikong Sobyet na ang dagat Aral, na dati’y ikaapat sa pinakamalaking lawa sa daigdig, ay lumiliit sa nakatatakot na bilis dahil sa paglihis ng tubig mula sa mga sangang-ilog para sa patubig. Sang-ayon sa kasalukuyang impormasyon, ang lawa ay bumaba ng 13 metro sa loob ng nakalipas na 28 taon. Halos kalahati ng 70,400-kilometro-kuwadrado na lawak ng tubig ang naglaho. Bunga nito, ito ngayon ay pumapang-anim na lamang sa mga lawa ng daigdig. Ayon sa National Geographic, “dalawampung uri ng isda . . . ay nalipol” dahil sa sobrang alat ng tubig, sinisira ang industriya ng pangingisda na dating nag-eempleo ng hanggang 60,000 katao. Bagaman isinasaalang-alang ang mga paraan upang baligtarin ang pagbaba ng dagat, ang kalagayan ay inaasahang lulubha pa sa susunod na dantaon.
“Musician’s Syndrome”
Ang pag-aaral sa walong malalaking orkestra sa tatlong kontinente ay nagsisiwalat na mahigit na 50 porsiyento ng mga musikero ay dumaranas ng tinatawag na “musician’s syndrome.” Ang karamdaman ay binubuo ng matinding kirot sa mga kalamnan at mga kasúkasuan sa mga kamay ng mga tumutugtog ng instrumentong de-kuwerdas at sa mga kalamnan sa lalamunan niyaong mga tumutugtog ng instrumentong hinihipan. Ang pangunahing sintomas ay kirot na maaaring maging napakatindi upang gisingin ang musikero sa gabi. Ang iba pang sintomas ay kinabibilangan ng pamimigat, paninigas, panghihina o animo’y tinutusok-ng-aspili ang mga kamay. Ang sintomas ay nagpapangyari ng malaking kawalan ng liksi, bilis, at katiyakan, na umaakay sa isang antas ng panlulumo sa isipan. Sang-ayon sa Italyanong babasahin sa medisina na Doctor, ang lunas ay nasasalalay sa pagbabawas ng pagsisikap na kinakailangan upang gamitin ang instrumento sa pamamagitan ng isang mahusay-ang-koordinasyong paraan ng pagtugtog.
Matulog para sa Kalusugan
Totoo ba na ang pagkakaroon ng maraming pahinga ay tumutulong sa katawan upang labanan ang sakit? Ang mga siyentipiko ay sumasagot ng oo! Natuklasan nila ang isang tiyak na kaugnayan sa pagitan ng pagtugon ng imyunidad ng katawan at ng mahimbing na tulog. Sang-ayon sa American Health, nasumpungan nila na ang pagkaliliit na mga proteina na kilala bilang muramyl peptides ay nag-uudyok ng pinakamaginhawang uri ng mahimbing, walang-panaginip na tulog at “nagpapangyari ng produksiyon ng interleukin 1, isang mahalagang sangkap ng pananggalang na sistema ng katawan.” Ang mananaliksik na si Dr. James M. Krueger ay naniniwala na “ang tulog ay maaaring gumaganap ng isang papel sa paraan ng paggaling, ito man ay paggaling mula sa gawain sa maghapon o sa isang sakit.”
Mga Kamatayan sa Biyahe sa Eruplano
Bagaman karaniwang ibinibigay ang mga bilang ng mga biktima ng pagbagsak ng eruplano, kaunti lamang ang sinasabi tungkol sa mga kamatayan na nangyayari sa panahon ng paglipad. Gayunman, ipinakikita ng isang report na inilathala sa JAMA (Journal of the American Medical Association) na sa loob ng walong-taong yugto, 42 internasyonal na mga kompaniya ng airline ang nagtala ng 577 mga pasaherong namatay samantalang naglalakbay sakay ng eruplano. Ito ay humigit-kumulang 72 porsiyento sa bawat taon, isang katamtamang bilang na isang kamatayan sa bawat tatlong milyong pasahero. Ang karaniwang sanhi ng kamatayan ay waring ang atake sa puso. Sa naitalang mga kamatayan, 66 na porsiyento ay mga lalaki. Sa karamihan ng mga kaso (77 porsiyento), yaong mga namatay sa panahon ng paglalakbay ay iniulat na walang mga suliranin sa kalusugan bago ang paglalakbay. “Dahilan sa daan-daang angaw na mga pasahero na sumasakay ng eruplano taun-taon, ang katamtamang bilang ng 72 mga kamatayan sa bawat taon,” sabi ng JAMA, “ay napakaliit.”
Nakamamatay na Trabaho
Nitong nakalipas na mga taon, ang pagsasaka ay nakahihigit sa konstruksiyon at pagmimina bilang ang pinakanakamamatay na trabaho sa Estados Unidos, ulat ng The New York Times. Ipinakikita ng impormasyon na ibinigay ng National Safety Council na halos 1,600 mga adulto ang namatay noong 1987 nang sila ay mahagip ng mga engranahe ng makinarya sa pagsasaka, mapisa ng mga rollover ng traktora, o masangkot sa iba pang kahawig na mga aksidente. Sinabi ng konseho na kahawig na mga aksidente ay nag-iwan ng kasindami ng 160,000 mga magsasaka na may kapansanan. Gayunman, sang-ayon sa Times, hindi kasali sa bilang na iyon “ang 300 mga bata na wala pang 16 anyos na namatay sa mga aksidenteng nauugnay sa pagsasaka o ang 23,000 na nasugatan sa paggamit o paglalaro na malapit sa kagamitan sa pagsasaka.”
Namatay sa Dagat
Noong 1988 ang mga katawan ng kasindami ng 7,000 patay na mga seal ay ipinadpad sa mga pampang ng North Sea. Ang sanhi ng kamatayan ay isang virus na gumagawa ng tulad-pulmunyang mga sintomas. Ang tao ba ang may pananagutan? Ang tanong na iyan ay ibinangon ng ilang siyentipiko na nagsasabing itinatapon ng tao ang milyun-milyong tonelada ng mga basura na galing sa industriya, mga pestisidyo, langis, at mga dumi sa imburnal sa North Sea taun-taon. Bunga nito, “pinahihina ng mga kemikal na mula sa industriya na nasisilo sa saganang taba ng mga seal ang kanilang sistema sa imyunidad, iniiwan silang walang-kaya laban sa sumasalakay na virus,” ulat ng The Economist. Bagaman ipinagbawal sa mahigit na sampung taon, ang mga PCB (polychlorinated biphenyls) ay nasumpungan sa tubig at sa taba ng mga seal. Gayunman, hanggang sa matiyak ng mga siyentipiko ang tuwirang ugnayan sa pagitan ng kamatayan ng seal at ng libu-libong kemikal na nagpaparumi sa dagat, ang katotohanan ay nananatiling “namatay sa dagat,” sabi ng The Economist.
Magastos na mga Tawag
Pinupuri bilang isang paraan upang “paglapitin ang mga tao na isang lunas para sa pamamanglaw o isang paanyaya para sa blind dates,” sinisilo ng party line ng telepono ang mga parokyano, at ang pag-uusap ay hindi mura. Bawat araw libu-libong mga tao sa buong Estados Unidos ay tumatawag sa pantanging mga bilang sa telepono na nagkakabit sa kanila sa ibang tao na basta gustong makipag-usap. Sulit ba ito? “Isang lalaki ang nagkagasta ng hanggang $95,000 sa kuwenta sa telepono,” ulat ng Daily News. Gayunman, higit pa riyan, isang 18-anyos na kabataang taga-Brooklyn ang nakaipon ng kuwenta sa telepono na nagkakahalagang $152,000! Ang mga taong gumagamit ng party line ay iniulat na gumugugol ng mahigit na 23 oras sa bawat pag-upo, nakikipag-usap sa ibang telebabad na gumagamit ng party line.
Epekto ng Malakas na Musika
Samantalang ang mga magulang ay kadalasang nababahala tungkol sa pakikinig ng kanilang mga anak sa malakas na musika, ang mga kabataan ngayon ay nakaririnig ng mga babala mula sa isa pang pinagmumulan—sa mga musikero mismo. Ang dahilan? “Parami nang paraming tagapagtanghal ay nakatutuklas na ang kanilang pandinig ay permanenteng napinsala,” ulat ng magasing Time. Ang problema ay nagsisimula kapag ang mga buhok na nagdadala-ng-tunog na nasa panloob na tainga ay regular na nalalantad sa ingay na mahigit na 100 decibels—ang mga konsiyertong rock ay karaniwang mahigit 120 decibels. Kaya, “ang paulit-ulit na pagsalakay ng mataas-decibel na rock,” paliwanag ng Time, ay nagpapangyari na ang mga buhok na ito ay mapipi at “permanenteng mawalan ng pleksibilidad nito.” Isang audiologo ang nagsabi na ang mga ilang oras ng malalakas na musika sa pamamagitan ng mga earphone na stereo ay parang “nozzle ng hose na pamatay-sunog na itinutok sa kanal ng tainga.”
Ang Canada ay Humihingi ng Tawad
Isang kahiya-hiyang pahina sa kasaysayan ng Canada ay kinilala ng pamahalaan ng Canada. Sa kainitan ng Digmaang Pandaigdig II, 21,000 mga Canadianong Hapones ang maling pinaratangan ng pagiging mga traidor at ipiniit sa mga kampo ng trabaho, hindi nakauwi ng bahay sa loob ng anim o pitong taon. Sinasabi ng isang editoryal sa The Toronto Star na ang kanilang “mga tahanan, mga bukid, muwebles, bangkang gamit sa pangingisda, mga kotse at iba ng pag-aari ay kinumpiska at ipinagbili sa mababang halaga, at ang mga pinagbilhan ay ginamit upang bayaran ang kanilang pagkabilanggo.” Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang kawalang-katarungan ay nagpatuloy. Noong 1946 halos 2,000 Canadiano ay ipinatapon dahil lamang sa sila ay may Hapones na pinagmulan. Ipinahayag ng Punong Ministro na si Mulroney na “upang ituwid ang mga bagay-bagay,” ang Parlamento ng Canada ay hayagang humihingi ng tawad sa mga kawalang-katarungang ito at babayaran ang bawat nabubuhay pang mamamayan ng $21,000 bilang bayad-pinsala.