Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 2—2369-1943 B.C.E.—Isang Mangangaso, Isang Tore, at Ikaw!
“May isa lamang relihiyon, bagaman may daan-daang bersiyon nito.”—George Bernard Shaw, dramaturgong Irlandes (1856-1950)
NOONG likhain ang tao, gayundin pagkatapos ng Baha noong kaarawan ni Noe, totoo na may isa lamang relihiyon. ‘Kung gayon bakit,’ maitatanong mo, ‘may isang daan—at higit pa—na mga bersiyon nito ngayon?’
Upang malaman, ibaling natin ang ating pansin kay Nimrod, isa sa mga inapo ni Noe. Tungkol sa kaniya ang Bibliya ay nagsasabi: “Siya ang nagpasimulang maging makapangyarihan sa lupa. Siya’y naging isang makapangyarihang mangangaso na salungat kay Jehova. . . . At ang pinagsimulan ng kaniyang kaharian ay ang Babel at ang Erech at ang Accad at ang Calneh, sa lupain ng Shinar. Buhat sa lupaing iyan ay nagpunta siya sa Asiria at kaniyang itinayo ang Nineve at ang Rehoboth-Ir at ang Calah.”—Genesis 10:8-11.
Yamang si Nimrod “ang nagpasimulang maging makapangyarihan sa lupa,” maliwanag na sinimulan niya ang isang bagay na bago. Subalit ano? Ang mga salitang “ang pinagsimulan ng kaniyang kaharian” ay nagbibigay sa atin ng himaton. Kung si Nimrod ay may kaharian, kung gayon siya ay isang hari, isang pinuno. Kaya ang komentaryo sa Bibliyang Aleman ni Dr. August Knobel ay may kawastuang tinatawag siya na “ang unang pinuno pagkatapos ng Baha,” ipinaliliwanag na walang gaya niya ang umiral bago sa kaniya. Kasuwato nito, ganito ang pagkakasalin ng The Bible in Living English sa Genesis 10:8: “Siya ang kauna-unahang naging makapangyarihan sa lupa.”
Inilagay ni Nimrod ang kaniyang sarili na salungat sa Maylikha, na hindi nilayon kailanman na pamunuan ng mga tao ang kanilang sarili. At nang “nagpunta siya sa Asiria,” sinimulan ni Nimrod na palawakin ang kaniyang pulitikal na sakop, malamang sa pamamagitan ng lakas ng sandata. Kung gayon, ito ang gumawa sa kaniya na “isang makapangyarihang mangangaso,” hindi lamang ng mga hayop kundi ng mga tao rin naman.
Nagkaroon nga ba ng Isang Nimrod, ng Isang Tore?
“Sinikap ng mga iskolar, nang walang tunay na tagumpay,” sabi ng Collier’s Encyclopedia, “na kilalanin si Nimrod sa maraming sinaunang mga hari, bayani, o diyos, kabilang na rito si Merodach (Marduk), isang diyos ng Asiria-Babilonya; si Gilgamesh, isang bayaning Babiloniko na kilala bilang isang mangangaso; at si Orion, isang mangangaso sa Klasikal na mitolohiya.” Kaya inaamin ng kathang reperensiyang Aleman na sa katunayan “wala tayong nalalaman tungkol sa kaniya maliban sa kung ano ang ibinigay ng ulat ng Bibliya.”
Gayumpaman, si Nimrod ay umiral. Binabanggit siya ng tradisyong Arabe. Ang kaniyang pangalan, na Nimrud o Nimroud, ay lumilitaw sa pangalan ng mga lugar sa Malapit na Silangan. Iniuulat ng mga tulang Sumeriano-Akkadiano ang kaniyang mga gawang kabayanihan. At binabanggit siya sa pangalan ng Judiong mananalaysay na si Josephus.
Ang pulitikal na sistema ni Nimrod, idinisenyo upang humalili sa matuwid na pamumuno ng Diyos sa sangkatauhan, ay nagkaroon ng relihiyosong kahulugan. Sinimulan ng mga tao ang pagtatayo ng “isang tore na ang taluktok ay abot sa langit” upang “gumawa ng pangalan para [sa kanilang sarili],” hindi para sa Diyos.—Genesis 11:4.
Bagaman hindi nakilala ng mga arkeologo ang sinaunang kagibaan na siya ngang Tore ng Babel ni Nimrod, nasumpungan nila ang mahigit na dalawang dosenang magkakahawig na gusali sa Mesopotamia. Sa katunayan, ang uring ito ng tore ay katangian ng arkitekto ng templo roon. Ang aklat na Paths of Faith ay nagsasabi na ang mga templong Babiloniko “ay nakasentro sa isang ziggurat, na isang hugis-piramideng gusali na may dambana sa tuktok.” Susog pa nito: “Kahawig ng relihiyosong mga gusali mula sa mga piramide ng Ehipto hanggang sa mga stupa ng India o mga pagoda sa daigdig ng mga Budista, ang ziggurat . . . marahil ang pinakamatandang ninuno ng mataas na tore ng mga simbahan.”
Ang arkeologong Aleman na si Walter Andrae ay gumawa ng malawakang paghuhukay sa dakong ito sa pasimula ng ika-20 siglo. Ang dambana sa tuktok ng ziggurat, sulat niya, ay inaakalang “ang tarangkahan . . . kung saan ang Diyos ng langit ay bumababa sa hagdan ng ziggurat upang marating ang kaniyang makalupang tirahang dako.” Hindi kataka-taka na ang mga maninirahan sa Babel ay nagsasabi na ang pangalan ng kanilang lungsod ay nangangahulugang “Tarangkahan ng Diyos,” mula sa Bab (tarangkahan) at ilu (Diyos).
Subalit mayroon pang karagdagang dahilan upang huwag pagdudahan ang ulat ng Bibliya tungkol kay Nimrod at sa kaniyang tore, gaya ng makikita natin.
Ang mga Resulta na Nakakaapekto sa Iyo
Si Nimrod, ang unang nagsama ng relihiyon sa pulitika, ay nag-iwan ng huwaran para sa lahat ng kahawig na kasunod na mga alyansa. Magkakaroon kaya ito ng pagsang-ayon ng Diyos? Ang simulain na nang dakong huli’y inilagay sa Bibliya na “ang mabuting punungkahoy ay hindi maaaring magbunga ng masama, ni ang masamang punungkahoy ay magbunga ng mabuti” ay malapit nang ikapit.—Mateo 7:18.
Dati, ang lahat ng naninirahan sa lupa ay nagsasalita ng iisang wika.a Subalit nang isagawa ni Nimrod at ng kaniyang mga tagapagtangkilik ang pagtatayo ng toreng ito ng Babel, ipinakita ng Diyos ang Kaniyang hindi pagsang-ayon. Ating mababasa: “Ganito sila pinanabog ni Jehova mula roon tungo sa ibabaw ng buong lupa, at kanilang iniwan ang pagtatayo ng lungsod. Kaya’t ang pangalang itinawag ay Babel [mula sa ba-lalʹ, na nangangahulugang “lituhin”], sapagkat doon ginulo ni Jehova ang wika ng buong lupa.” (Genesis 11:1, 5, 7-9) Anong laking kabiguan marahil iyon para sa mga tagapagtayo nang walang anu-ano’y hindi nila maipakipag-usap kung ano ang nangyari, o kaya’y marating man lamang ang palagay ng karamihan kung bakit nangyari ito! Walang alinlangan na maraming teoriya ang ibinigay, ang kanilang pagkasarisari ay pinalaki ng kawalang-kakayahan ng mga pangkat ng wika na mag-usap.
Nang ang mga pangkat na ito ay mangalat sa iba’t ibang bahagi ng lupa, natural na dinala nila ang kani-kanilang relihiyosong mga teoriya. Paglipas ng panahon, ang mga ideyang ito, bagaman iisa, ay nakulayan ng lokal na tradisyon at mga pangyayari. Mula sa “isang lamang relihiyon” di-nagtagal ay bumangon ang “isang daang bersiyon nito.” Maliwanag, ang unang eksperimentong ito sa relihiyoso-pulitikal na gawain ay masama ang kinalabasan.
Ang mga resulta nito ay sumakop ng mga dantaon at nakakaapekto sa iyo, isang bagay na mapahahalagahan mo kung nasubukan mo nang ipakipag-usap ang relihiyon sa isa na iba ang pananampalataya. Kahit na ang karaniwang relihiyosong mga salita na gaya ng “Diyos,” “kasalanan,” “kaluluwa,” at “kamatayan” ay nangangahulugan ng iba’t ibang bagay sa iba’t ibang tao. Angkop ang mga salita ng iskolar na Ingles na si John Selden, na nagsabi mga 300 taon na ang nakalipas: “Kung ang bagay ay nasuring mainam, bihira kang makasumpong ng tatlong [tao] saanman na kabilang sa iisang relihiyon na nagkakaisa sa lahat ng punto.” Ito ang pamana ng sangkatauhan, dahilan sa makapangyarihang mangangasong iyon noong matagal nang panahon na, walang pagpapala ng Maylikha, ay hindi natapos ang kaniyang tore.
Makabagong mga Paniwala Mula sa Babel
“Wala sa mga relihiyong nakikilala natin ang makatutulad sa napakaraming diyos na gaya ng mga Sumeriano-Asiriano-Babiloniko,” sabi ng may-akdang si Petra Eisele. Binabanggit niya ang 500 mga diyos, sinasabing ang ilan sa mas malawak na listahan ay naglalaman ng hanggang 2,500 pangalan. Sa wakas, sa paglakad ng panahon, “ang opisyal na mga teologo sa Babilonya ay nagtakda ng herarkiya ng mga diyos humigit-kumulang nang tiyakan, hinahati ang mga ito sa tatluhan,” sabi ng New Larousse Encyclopedia of Mythology. Isang kilalang tatluhang diyos ay binubuo nina Anu, Enlil, at Ea. Ang isa pa ay binubuo ng mga diyos ng bituin na sina Sin, Shamash, at Ishtar, na kilala rin bilang Astarte, ang inang-diyosa, konsorte ni Tammuz.
Si Marduk, ang pinakaprominenteng diyos ng Babilonya, na nang maglao’y tinawag na Enlil o Bel, ang diyos ng digmaan. Ang Paths of Faith ay nagsasabi na ito “ay binubuo ng isang relihiyosong pagkilala sa makasaysayang bagay na ang digmaan ang higit at higit na pinagkakaabalahan ng mga naglilingkod sa mga diyos ng Babilonya.” Isang makapangyarihang mangangaso na gaya ni Nimrod, na sinisilâ ang mga tao at mga hayop, ay makatuwiran lamang na sumamba sa isang diyos ng digmaan, hindi sa “Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan” na binabanggit ng Bibliya.—2 Corinto 13:11.
Ang mga diyos ng Babilonya at Asiria ay kataka-takang “mga tao,” may katulad na mga pangangailangan at mga pagnanasa na gaya ng mga mortal na tao. Ito ay humantong sa pagkakaroon ng relihiyosong mga ritwal at mga gawain, gaya ng prostitusyon sa templo, na hinding-hindi masasabing nagmula sa Diyos.
Ang pangkukulam, eksorsismo, at astrolohiya ay bahagi rin ng relihiyon ng Babilonya. Si Petra Eisele ay nagsasabi na “posibleng ang obsesyon ng mga Kanluranin sa mangkukulam . . . ay mula sa Caldeo.” At ang mga Babiloniko ay gumawa ng kahanga-hangang pagsulong sa pag-aaral ng astronomiya samantalang sinisikap na pag-aralan ang hinaharap sa mga bituin.
Ang mga taga-Mesopotamia ay naniniwala rin sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao. Ipinakikita nila ito sa paglilibing ng mga bagay na kasama ng mga patay para sa kanilang gamit sa kabilang buhay.
Ngayon, isaalang-alang sumandali ang ilan sa pangunahing mga relihiyon sa ngayon. May nalalaman ka ba na nagtuturo na ang kaluluwa ng tao ay walang-kamatayan, na nagtuturo na ang Diyos ay isang trinidad ng tatlong diyos sa iisa, na nagpapahintulot ng imoralidad sa gitna ng mga membro nito na hindi tinututulan, na nanghihimasok sa pulitika, o may mga membro na handang ihandog ang kanilang buhay sa isang diyos ng digmaan kaysa Diyos ng kapayapaan? Kung gayon, nakikilala mo ang makabagong tulad-anak na babae na mga organisasyon ng Babel, ikinakalat pa rin ang relihiyosong mga paniwala mula noong kaarawan ng tore ni Nimrod. Angkop kung gayon, ang pangalang “Babilonya” ay ginagamit sa Bibliya upang tawagin ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.—Tingnan ang Apocalipsis, kabanata 17 at 18.
Mangyari pa, hindi lahat ng mga tao pagkatapos ng Baha ay nahulog sa maka-Babilonyang kalituhan sa relihiyon. Halimbawa, si Abraham, na ipinanganak sampung salinlahi mula kay Noe, ay nanindigan sa tunay na pagsamba. Ang Diyos ay nakipagtipan sa inapong ito ni Shem, nangako sa kaniya sa Genesis 22:15-18 na kaugnay ng iisang tunay na relihiyon, ang lahat ng mga sambahayan sa lupa ay pagpapalain. Ang tipang ito ay maliwanag na nagkabisa noong 1943 B.C.E., na nangangahulugan na ang mga pagkakaiba sa pagitan ng “isa lamang [tunay] na relihiyon” at ng “daan-daang bersiyon” ng huwad na relihiyon ay higit na makikilala ngayon. Ang napakahalagang paghaharap ng dalawang ito ay malapit nang maganap. Basahin ang tungkol dito sa ikatlong bahagi sa susunod na labas ng Gumising!: “Ehipto—Larangan ng Digmaan ng mga Diyos.”
[Talababa]
a Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang pinakamaagang rekord ng nasusulat na wika, ang tanging labíng palawikaan na makukuha ng tao, ay bumabalik ng mahigit halos na 4,000 o 5,000 taon.” Ang haba ng panahong ito ay tamang-tama sa ipinahihintulot ng kronolohiya ng Bibliya.
[Kahon sa pahina 21]
Mga Alamat na Nagpapatunay sa Ulat ng Bibliya
Ang mga tao sa gawing hilaga ng Burma ay naniniwala na ang lahat ay dating “nakatira sa isang malaking nayon at nagsasalita ng iisang wika.” Pagkatapos sila ay nagtayo ng isang tore patungo sa buwan, na nangangailangan na sila’y magtrabaho sa magkahiwalay na mga antas ng tore, sa gayo’y hindi na sila nagkabalitaan. Sila ay “unti-unting nagkaroon ng iba’t ibang gawi, ugali, at paraan ng pagsasalita.” Sinasabi ng mga Yenisei-Ostyaks ng hilagang Siberia na iniligtas ng mga tao ang kanilang sarili noong baha sa pamamagitan ng pagpapalutang sa mga troso at sa mga balsa. Subalit isang malakas na hanging hilaga ang nagpangalat sa kanila anupa’t “pagkatapos ng baha, sila’y nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika at nagtatag ng iba’t ibang bayan.”—“The Mythology of All Races.”
Itinuro ng sinaunang mga Aztec na “pagkatapos ng Baha isang higante ang nagtayo ng isang artipisyal na burol na umabot hanggang sa ulap, sa gayo’y nagalit ang mga diyos, na nagpaulan ng apoy o bato mula sa langit.” Sang-ayon sa mga Maya, si Votan, ang unang tao, ay tumulong sa pagtatayo ng isang pagkalaki-laking bahay na umabot sa langit, na siyang “dako kung saan ibinibigay ng Diyos sa bawat tribo ang partikular na wika nito.” At ang mga Maidu Indyan ng California ay nagsasabi na “sa panahon ng seremonya ng libing, [ang lahat ng mga tao] ay biglang-biglang nagsalita ng iba’t ibang wika.”—“Der Turmbau von Babel” (Ang Pagtatayo ng Tore ng Babel).
Ang mga alamat na gaya nito ay magpapatunay sa paninindigan ng autor na si Dr. Ernst Böklen na “ang pinakamalaking pagkakatulad na umiiral sa Genesis 11 at ang kaugnay na mga kuwento mula sa ibang tao ay salig sa aktuwal na makasaysayang mga alaala.”
[Kahon sa pahina 22]
Ang Krus ba ay Nagmula sa Babilonya?
Ang “Babilonya,” “Caldea,” at “Mesopotamia” ay pawang tumutukoy sa iisang panlahat na dako ng ngayo’y Iraq. Si Julien Ries ng Université Catholique de Louvain-la-Neuve sa Belgium ay sumusulat: ‘Ang krus ay matatagpuan sa sinaunang mga kultura ng Asia, Europa, Hilagang Aprika, at Amerika [pati na] sa Mesopotamia [kung saan] ang krus na may apat na magkakapantay na kamay ang sagisag ng langit at ng diyos na si Anu.’ Ang “Expository Dictionary of New Testament Words” ay mas espisipiko, na nagsasabing ang krus “ay nagmula sa sinaunang Caldeo, at ginagamit bilang sagisag ng diyos na si Tammuz (sa hugis ng mistikong Tau, ang simula ng kaniyang pangalan).” Kaya ang krus ay maliwanag na nagmula bago pa ang panahong Kristiyano. Sinasabi ng ilan na si Tammuz, tinatawag ding Dumuzi, ay dating isang hari at ginawang diyos pagkamatay niya. Halimbawa, si O. R. Gurney ay sumusulat sa “Journal of Semitic Studies”: “Si Dumuzi ay dating isang tao, isang hari sa Erech.” Posible kayang ito ay tumutukoy kay Nimrod, na sinasabi ng Bibliya, “Ang pinagsimulan ng kaniyang kaharian ay ang Babel at ang Erech”? (Genesis 10:10) Sa kasalukuyan, walang paraan ng pagtiyak sa bagay na ito.
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga labí ng mga ziggurat sa Mesopotamia ay sumusuporta sa ulat ng Bibliya tungkol sa Tore ng Babel