Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 3/22 p. 29-30
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kakila-kilabot na Pinagmumulan ng Sangkap
  • Ipinagbibiling Bató
  • Ipinagbabawal ng mga Ospital ang Paninigarilyo
  • Hindi Matitirhan
  • Si Kristo at ang Pasko
  • Mga Sugapa sa Trangkilayser
  • Mas Mahusay na Komunikasyon
  • Pinaalis na Klerigo
  • Kung Ano ang Nalalaman ng mga Bata
  • Nabubuhay na Mas Mahaba
  • Mabigat na Kabayaran ng mga Armas
  • Labis na Pananampalataya?
  • Nakasasamang mga Istilo ng Buhay—Gaano Kalaki ang Kabayaran?
    Gumising!—1997
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1985
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1986
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1985
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 3/22 p. 29-30

Pagmamasid sa Daigdig

Kakila-kilabot na Pinagmumulan ng Sangkap

Maaga noong 1988 isang di-gaanong-napabalitang tuklas ang ginawa sa Santa Caterina Pinula, Guatemala. Doon, sang-ayon sa isang resolusyon sa Parlamentong Europeo, nasumpungan ng lokal na mga autoridad ang isang “casa de engorde,” o “sentrong patabaan,” kung saan ang bagong-silang na mga sanggol na binibili na kasingmura ng $20 (U.S.) ay ipinagbibili sa mga pamilyang Amerikano o Israeli sa halagang $75,000. Ang layunin? Upang magamit ng mga pamilyang bumibili sa mga ito ang mga sangkap ng mga sanggol sa kanilang sariling mga anak na nangangailangan ng mga sangkap ng katawan para sa mga transplant, sabi ng resolusyon. Binabanggit din nito na noong 1987 isang kahawig na “sentrong patabaan” ay nasumpungan sa Honduras “na malapit dito’y nasumpungan ang bangkay ng maraming bata, ang ilan sa kanila ay bagong-silang na mga sanggol, na inalisan ng isa o dalawang sangkap ng katawan.” Ang isa pa ay nasumpungan sa Guatemala City “na ang rehistro ay nagpapakita ng pagbibenta sa ibang bansa . . . ng 170 mga sanggol, ang karamihan ay ipinadala sa Estados Unidos upang alisan ng mga sangkap.” Ang resolusyon ng Parlamento ay inilabas sa iba’t ibang ahensiya at mga gobyerno, nananawagan para sa angkop na pagkilos na dapat isagawa laban sa mga may pananagutan sa kakila-kilabot na gawaing ito.

Ipinagbibiling Bató

Ipagbibili mo ba ang isa sa iyong malulusog na bató alang-alang sa salapi? Isang kompaniyang Aleman na nagbibili ng mga sangkap ng tao para sa mga transplant ay magbabayad ng $45,000 (U.S.) sa sinuman na kusang gagawa ng gayong donasyon. Bunga nito, sabi ng isang tagapagsalita ng kompaniya, napakarami nilang tinatanggap na alok. Ang mga taong minamalas ito bilang isang biglang-yaman na pagkakataon ay nagbibigay ng saganang pinagmumulan ng sangkap para sa mga kompaniyang nagbibili ng himaymay ng tao. Di-gaya ng ilegal na pagbibenta ng sangkap ng katawan na isinasagawa sa Third World, “ang magiging mga negosyante ng sangkap ng katawan ay hayagang kumikilos (at legal) sa Kanlurang Alemanya,” sabi ng ulat sa magasing Newsweek. Ang singil ng kompaniya sa gayong mga sangkap: $85,000.

Ipinagbabawal ng mga Ospital ang Paninigarilyo

Noong Disyembre, isang pagbabawal tungkol sa paninigarilyo ang ipinatupad sa lahat ng ospital ng bayan sa Australia. Ang sinumang mahuhuling naninigarilyo sa loob ng gusali ng ospital o sa mga sasakyan na pag-aari ng ospital ay magmumulta ng $5,000. Kasali rin sa pagbabawal ng Kagawaran ng Kalusugan ang base-Komunidad na mga paglilingkod at ang mga health center, ulat ng The Sun-Herald ng Australia. Ipinakikita ng pasiya kamakailan ang pagkabahala sa bagay na halos 16,500 mga Australyano ang namamatay taun-taon sa mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo, “limang beses na mas marami kaysa namamatay sa lansangan,” sabi ng The Sun-Herald. Sang-ayon sa Kagawaran ng Kalusugan, ang paninigarilyo ay nagkakahalaga sa Australia ng 8,450,000 araw ng trabaho at $276 na milyong taun-taon.

Hindi Matitirhan

Ayon sa pahayagang Sobyet na Pravda, ang 800-taóng-gulang na bayang Ukrainiano na Chernobyl ay nakatakdang wasakin dalawa at kalahating taon pagkatapos danasin ang pinakamasamang aksidente ng nuklear na planta ng kuryente sa daigdig. Ang pagkilos ay sinasabing kinakailangan sapagkat ginawa ng radyasyon ang bayan na hindi dapat pamuhayan ng tao sa loob ng mga dekada. Ikinalat ng aksidente sa Chernobyl ang radyasyon sa pambuong-daigdig na lawak at iniulat na sumawi ng 31 tao sa kalapit na lugar.

Si Kristo at ang Pasko

Isiniwalat ng isang surbey na isinagawa para sa Sydney City Mission na, para sa maraming batang Australyano, hindi si Jesus ang pangunahing tauhan kung Pasko. Mahigit na 80% ng mga adultong sinurbey ay naniniwala na para sa mga bata na wala pang 10 taon, ang tunay na “hari ng kapaskuhan” ay si Santa o “Father Christmas,” ulat ng Daily Telegraph ng Sydney. Bagaman itinuturing pa rin ng karamihan sa mga adulto si Jesus bilang ang pangunahing tauhan kung Pasko, hindi kukulangin sa 21 porsiyento niyaong sinurbey ay may palagay na mas mahalaga si Santa.

Mga Sugapa sa Trangkilayser

Noong 1984 ang mga mamamayang Pranses na mahigit 20 anyos ay umiinom sa katamtaman ng 75 trangkilayser sa isang taon, ulat ng International Herald Tribune. Mula noon, sabi ng pahayagan, ang pagkunsumo “ay tumaas sa ‘gakidlat’ na bilis.” Sang-ayon sa artikulo, dalawang salik ang waring may pananagutan sa pagdami. Una, inirireseta ng mga manggagamot ang uring ito ng medisina “kung wala silang makitang espisipikong rikonosi sa malabong mga reklamo mula sa kanilang mga pasyente.” Ikalawa, sinisipi ng Tribune si Dr. Patrice Boyer ng French National Institute of Health and Medical Research na tinutukoy ang “pagbabakasakali ng mga Latin na gaya ng mga Pranses na mahilig humingi ng tulong bago labanan ang paghihirap, lumilikha ng mahusay na papel para sa mga trangkilayser.”

Mas Mahusay na Komunikasyon

Pagkatapos ng anim na buwan na instalasyon sa halagang $362 milyon, ang kauna-unahang fiber-optic na kable ng telepono na tumawid sa Atlantic ay ginamit noong nakaraang Disyembre. Ang tatlong umiiral na mga kableng tanso pati na ang mga satelayt ay makapaghahatid sa pinakamarami ng 20,000 ibayong-dagat na tawag sa telepono nang sabay-sabay. Gayunman, ang kableng fiber-optic ay makapaghahatid ng 40,000 tawag. Samantalang ang kawad na tanso ay makapaghahatid lamang ng 48 tawag, mahigit na 8,000 tawag at computer-data transmissions ang maihahatid ng isang optical fiber sa pamamagitan ng mga pulso ng liwanag ng laser. Bunga ng bagong teknolohiyang ito, ang internasyonal na mga tawag at paghahatid ng impormasyon ay maaari nang gawin ngayon nang mas mabilis at walang ingay.

Pinaalis na Klerigo

Ipinakikita ng isang surbey ng Sunday School Board ng Southern Baptist Church sa Estados Unidos na buwan-buwan 116 na mga simbahan ng denominasyong ito ang “nagpapaalis o sapilitang pinagbibitiw ang kanilang di-maligayang mga pastor,” ulat ng Los Angeles Times. Sang-ayon sa surbey, mahigit na 2,100 mga simbahan ang nawalay sa kanilang mga pastor sa nakalipas na 18-buwan. Ikalawa sa dami ng binanggit na mga dahilan para sa pagpapaalis ay ang “imoralidad​—kasali na ang maling paggawi sa sekso, pagnanakaw, maling pamamahala sa salapi ng simbahan at mga problema tungkol sa personal na katapatan,” sabi ng Times. Binanggit din ang “di-kasiya-siyang pagsasagawa ng tungkulin,” “autoritaryang istilo ng pangunguna,” “mga labanan sa kapangyarihan,” at “pag-aaway dahil sa personalidad.” Sang-ayon sa artikulo, “40% ng mga simbahan ang nagpaalis ng mahigit na isang pastor at halos 25% ng mga pastor ay dumanas na ng pagpapaalis.”

Kung Ano ang Nalalaman ng mga Bata

Ipinakikita ng isang surbey sa Estados Unidos ng 180 mga batang lalaki at babae na hanggang 12 taóng gulang na mas marami silang mababanggit na tatak ng inuming nakalalasing kaysa mga presidente ng Estados Unidos. Sa katamtaman, ang mga bata ay bumanggit ng 5.2 mga inuming nakalalasing ngunit 4.8 lamang na mga presidente. “Ipinakikita ng surbey na ito ang lawak kung saan ang nakalalasing na inumin ay bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga bata na hindi pa legal na makaiinom ng alak sa susunod na 10 taon,” sabi ni Michael Jacobson, hepe ng Center for Science in the Public Interest, na siyang nagtaguyod sa surbey. Isang batang babae na sampung-taóng-gulang ang makababanggit ng 14 na mga inuming nakalalasing subalit nakabanggit lamang ng apat na presidente, samantalang isang pitong-taóng-gulang na batang lalaki ang bumanggit ng “Ragon” at “Aprilham Linchon” bilang mga presidente, gayunman ay nakabanggit ng 10 tatak ng beer at alak.

Nabubuhay na Mas Mahaba

Ipinakikita ng mga estadistika na mas maraming tao ang nakaaabot ng isang daan kaysa noon. Iniuulat ng The Vancouver Sun na 2,850 mga taga-Canada ang mahigit na 100 taon noong 1986​—mataas ng 775 sa ulat noong 1981. Gayundin naman sa Estados Unidos, may 25,000 mga sentinaryo noong 1985​—mataas ng 10,000 sa ulat noong 1980. Ang direktor ng gerontolohiya sa Simon Fraser University ang may palagay na mas maraming tao ang makaaabot ng 100 at sabi pa niya, “Ang napakatanda ay waring nakaliligtas.” Kabilang sa mga dahilan na binanggit niya: “Mas mabuting pagkain, mas mahusay na pangangalaga sa kalusugan at mas mabuting kalagayan sa pamumuhay.” Isang dalubhasa sa geriatric psychiatry sa Vancouver General Hospital ang sumasang-ayon, na ang sabi: “Upang mabuhay nang mahaba, kinakailangang ikaw ay maging malakas sa pisikal. Kailangan mo rin ang panloob na lakas. Marami sa mga taong ito ang nakaranas ng matitinding kaigtingan, subalit buhay pa sila.”

Mabigat na Kabayaran ng mga Armas

Sang-ayon sa isang report na inilathala sa JAMA (The Journal of the American Medical Association), ang gastos sa pagpapaospital dahil sa mga pinsalang dala ng mga armas ay tinatayang maaaring umabot ng $429 milyon taun-taon. Sa halagang iyon, sinasabing tinatanggap ng mga nagbabayad ng buwis ang halos 86 na porsiyento. Gayunman, sinasabi ng mga mananaliksik na ang taunang halaga ay malamang na tumaas tungo sa mahigit na $1 bilyon kung isasama pa ang bayad sa mga manggagamot, pisikal terapi, ambulansiya, mga serbisyo sa pagpapanibagong buhay, at iba pang kasunod na pangangalaga. “Ang mga tuklas na ito ay may mahalagang pahiwatig sa mga mambabatas na isaalang-alang ang panukalang batas na higpitan ang madaling pagkuha ng mga armas,” sabi ng JAMA.

Labis na Pananampalataya?

Isang sesyon sa pagpapagaling sa South Carolina, E.U.A., na tinatawag na “healing explosion” ang nauwi sa isang demanda laban sa dalawang faith healer na taga-Texas. Sinasabi ng isang babaing taga-North Carolina na sila ang may pananagutan sa maraming balì sa kaniyang leeg at likod. Bakit? Sang-ayon sa The Greenville News, ang kaniyang demanda “ay naglalarawan sa paraan kung saan ipinapatong ng ministro ang kaniyang kamay sa isang tao na pagkatapos ay ‘pinapatay sa espiritu’ at bumabagsak sa kamay ng isang ‘tagasalo.’” Ang problema sa kasong ito, paratang ng babae, ay walang tagasalo​—kaya siya nagtamo ng mga pinsala.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share