Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 4/8 p. 21-23
  • Mayroon bang Diperensiya sa Akin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mayroon bang Diperensiya sa Akin?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pinagmulan ng mga “Crush” sa Kasekso
  • Isang Pangangailangan na Manatiling Mapagbantay
  • Pagbawas sa mga Damdamin ng Pagkakasala
  • Paano Ko Maiiwasan ang Homoseksuwalidad?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Homoseksuwalidad—Talaga Nga Bang Napakasama Nito?
    Gumising!—1995
  • Paano Ko Maaalis ang mga Nararamdaman Kong Ito?
    Gumising!—1995
  • Bakit Napakahirap Kong Ihinto ang Pag-iisip sa Hindi Kasekso?
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 4/8 p. 21-23

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Mayroon bang Diperensiya sa Akin?

Ang mabilis na paglaganap ng AIDS ay tumawag sa pansin ng daigdig sa paksang homoseksuwalidad, ginagawang hayagan ang maraming tanong at pangamba sa gitna ng mga kabataan may kaugnayan sa kanilang sariling seksuwalidad. Tatalakayin ng artikulong ito ang ilan sa mga pangambang ito sa isang marangal, kapaki-pakinabang na paraan.

‘AKO po ay isang babae at mayroon po akong nakatutuwang damdamin sa isa sa aking mga guro. Nangangamba po ako na baka ako’y umiibig sa kaniya o baka kung ano itong nadarama ko.’ Gayon ang sulat ng isang 13-anyos na babae. Ang kaniyang mabigat na suliranin ay pangkaraniwan. Binabanggit ng aklat na Adolescence na ang paksa tungkol sa homoseksuwalidad ay “pumupukaw ng pagkabalisa sa gitna ng maraming tin-edyer . . . Karaniwan na sa mga tin-edyer ang magtanong kung sila kaya ay mga homoseksuwal.”

Nagugunita ni Alan, ngayo’y isa nang binata: “Si Mark ang aking unang tunay na kaibigan. Bago nito, ako ang kakatuwang isa sa paaralan, iniiwasan dahil sa aking interes sa sining at sa kakulangan ko ng hilig sa isports. Ang pakikipagkaibigan kay Mark ay pumukaw ng masiglang damdamin ng paghanga. Mahal ko siya sa diwa na nais kong kasama siya at nais kong maging gaya niya. Subalit ako’y nag-aalala kung baga ang biglang matinding damdaming ito ay kapahayagan ng natatagong hilig sa pagiging homoseksuwal.”

Saan ba nanggagaling ang gayong damdamin? Ang mga ito ba ay talagang masama?

Ang Pinagmulan ng mga “Crush” sa Kasekso

Wala namang masama sa pagnanais na maging malapit sa iba. “May kaibigan na mahigit kaysa isang kapatid,” sabi ng Kawikaan 18:24. Maraming malapit na mga kaugnayan, na hindi nagpapahiwatig ng pagiging homoseksuwal, ang itinatampok sa Bibliya; halimbawa, si Jesus at ang apostol na si Juan, si Noemi at si Ruth, at si David at si Jonathan.​—Ruth 1:16, 17; 1 Samuel 18:1; Juan 13:23.

Gayunman, ang mga crush sa kasekso ay naiiba sa maygulang na mga kaugnayang salig sa pagkakaibigan o paggalang sa bagay na ang gayong mga crush ay mga pagkahaling lamang sa pag-ibig na karaniwan nang isang-panig. Ang nagiging crush ay kadalasang isang nakatatandang kabataan o adulto (gaya ng isang guro) na baka talagang iniidolo.

Karamihan ng mga dalubhasa ay naniniwala na ang gayong crush ay wala kundi isang panandaliang bahagi ng paglaki, “isang pahiwatig ng proseso ng paglaki ng kabataan kaysa homoseksuwalidad.” (Coping With Teenage Depression, ni Kathleen McCoy) Ang mga kabataan ay naghahanap ng pagkakakilanlan, pagtanggap. Gaya ng pagkakasabi rito ng manunulat na si Sally Helgesen: “Karaniwang tayo’y bumabaling sa nakatatandang [kabataan] na waring kumakatawan sa kung ano ang gusto natin kalabasan sa hinaharap at sikaping hubugin ang ating sarili sa kanila.”

Ang pagkahaling sa mga kasekso ay maaari ring mangyari dahil sa kalungkutan, kakulangan ng pagpapahalaga-sa-sarili, o isang pangangailangan para sa emosyonal na pagtangkilik. Gunita ni Alan: “Ang pangunahing dahilan ay ang aking di-katatagan sa damdamin at paglayo ko sa aking mga magulang. Palibhasa’y inaakala kong hindi ko kayang makipag-usap sa kanila, higit at higit akong nagtapat kay Mark.”

Si Dr. Richard E. Kreipe ay nagsasabi na “ang mga kaugnayan sa crush ay hindi dapat ituring na ‘homoseksuwal’ yamang ang mga ito ay bihirang magbunga ng pagtatalik. Gayundin naman, ang gayong paggawi ay hindi nagpapahiwatig ng pagiging homoseksuwal ng isang adulto sa hinaharap.” (Medical Aspects of Human Sexuality) Kaya ang sabi ni Alan: “Ang mga pangamba ko tungkol sa aking mga damdamin kay Mark ay napawi. Natalos ko na wala namang ‘diperensiya’ sa akin!”

Gayumpaman, ang mga crush sa kasekso ay kadalasang pinagmumulan ng panlulumo, paninibugho, pagkamapag-angkin, at talaga namang laging laman ng isip ang isa na iniidolo​—di-mabuting damdamin nga! Paano mo maiiwasan ang gayong damdamin? Simulan mo sa pagkuha ng isang mahinahon, makatuwirang pagtingan sa taong iyong labis na iniidolo. Hindi ba’t totoo na siya ay isa lamang tao, nasa ilalim ng lahat ng uri ng mga kahinaan at mga pagkakamali? (Roma 3:23) Mabuti na lamang, karaniwang nawawala ng mga tin-edyer ang gayong mga crush habang sila’y nagkakaedad at nakadarama ng seguridad sa kanilang sarili.

Isang Pangangailangan na Manatiling Mapagbantay

Gayunman, kumusta naman kung ang crush ay may kasamang erotikong mga kaisipan o mga panaginip tungkol sa isa na kasekso? Tandaan, ikaw ay nasa “kasariwaan ng kabataan”​—ang panahon kung kailan ikaw ay mahigpit na sinasalakay ng bagong mga hangarin at mga damdamin. (1 Corinto 7:36) Hangga’t hindi mo natututuhang supilin ang mga simbuyong ito ng damdamin, baka mapukaw ka sa seksuwal na paraan na hindi mo naiibigan. At bagaman nakapanlulumong madama na ikaw ay naaakit sa isa na kasekso mo, hindi naman nangangahulugan na ikaw ay magiging homoseksuwal. Nawawala ng karamihang kabataan ang gayong damdamin sa paglaki.

Gayunman, may pangangailangang bantayang masilo ng homoseksuwalidad. Ang Bibliya ay nagbababala sa 1 Corinto 6:9, 10: “Ni ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa kapuwa lalaki, (“mga lisyang homoseksuwal,” Today’s English Version) . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”​—Ihambing ang Levitico 18:22; 20:13; Roma 1:26, 27.

Ang isang kabataan na nagbubulaybulay ng imoral na mga kaisipan ay nanganganib na ang guniguni ay magkatotoo. (Santiago 1:14, 15) Ipinakikita ng mga surbey na lalo na sa gitna ng mga hindi pa tin-edyer, nakababahalang pangkaraniwan ang “paglalaro sa sekso” sa gitna ng mga kabataan na magkasekso. Oo, karamihan ng mga dalubhasa ay sumasang-ayon na ito ay bihirang humantong sa homoseksuwalidad. Gayumpaman, ang gayong “paglalaro sa sekso” (bagaman marahil ginagawa na wala namang tunay na kabatiran tungkol sa moral na mga implikasyon nito) ay marumi at maaari pa ngang katumbas ng por·neiʹa​—ang salitang Griego na ginagamit sa Bibliya upang ilarawan ang imoral na paggawi sa sekso sa ibang tao. (Judas 7) Ang gayong paggawi ay hindi lamang di nakalulugod kay Jehova kundi maaari rin nitong akayin ang isang kabataan sa homoseksuwal na mga gawa at mag-iwan ng nagtatagal na mga pilat sa damdamin.

Kaya kung pumasok sa isip ang erotikong mga kaisipan tungkol sa iba na kasekso mo, pagsikapan mong isipin ang mga bagay na ‘matuwid, malinis, at kaibig-ibig.’ (Filipos 4:8) Iwasan ang mga bagay na pumupukaw ng imoral na mga hangarin, gaya ng ilang mga palabas sa TV, pornograpikong mga pelikula, at marahil pati na ang ilan sa mga magasin tungkol sa moda o sa pagpapalaki ng katawan na nagtatampok ng mga modelong bahagyang nadaramtan. Si Dave, na ginambala ng mga pantasiya at panaginip na homoseksuwal nang siya ay isang tin-edyer, ay nagsabi: “Natitiyak ko na kapuwa ang masturbasyon at ang pornograpya ay tuwirang nakatulong sa mga panaginip na ito sapagkat ang mga bagay na nakikita ko sa erotikong mga babasahin at mga pelikula ay kalimitang naguguniguni ko sa gabi.” Tanging sa pamamagitan lamang ng pagpuno sa kaniyang isip ng wastong mga kaisipan na naputol niya ang mahahalay na pantasiya.

Si Jason, ngayo’y isang Kristiyanong matanda, ay nakadama rin ng seksuwal na atraksiyon sa kaniyang mga kasekso nang siya ay bata-bata pa. Sabi niya: “Sa palagay ko ang masturbasyon ang nagpatindi sa problema ko na mga pantasiya sa kasekso. Nagawa nitong pag-isipan ko araw-araw ang lubhang imoral na mga linya. Ito ay nagpangyari ng malakas na hilig para sa lalo pang maruming mga hangarin.” Kailangan mong ‘patayin ang iyong mga sangkap ng katawan kung tungkol sa pakikiapid.’ (Colosas 3:5) Ang masturbasyon ay nagpapasok ng masamang mga hangarin.a

Nakatutulong din ang pagtatapat sa iyong mga magulang o sa isang maygulang na Kristiyano. Maaaring sila ay may praktikal na payong maibibigay at maaari rin nilang subaybayan ang iyong pagsulong sa pagtatagumpay sa mga damdaming ito. Si Jason ay nagtapat sa isang maygulang na Kristiyano at nang dakong huli sa ilang matatanda sa kongregasyon. (Kawikaan 11:14) Gunita niya: “Sinabi sa akin [ng kaibigan ko] na lakihan ko ang aking grupo ng mga kaibigan, kapuwa mga lalaki at babae, huwag laging gugulin ang aking panahon na iyon at iyundin ang kasama.”

Hanggang noong masupil ni Jason ang kaniyang mga damdamin sa sekso, higit pang mga pag-iingat ay waring kailangan. Gunita niya: “Kailangan ko ring matutuhang maging maingat na huwag maging magiliw sa mga tao na kasekso ko na nasusumpungan kong nakapupukaw sa akin sa seksuwal na paraan. Sa pagiging magiliw, ang ibig kong tukuyin ay bahagyang kalokohan at pagyapos.” Ang gayong disiplina-sa-sarili ay kasuwato ng payo ni apostol Pablo na ‘parusahan mo ang iyong katawan, pahirapan ito, sanayin ito na gawin kung ano ang dapat nitong gawin, hindi kung ano ang nais nitong gawin.’​—1 Corinto 9:27, The Living Bible.

Pagbawas sa mga Damdamin ng Pagkakasala

Ang ibang kabataan ay pinahihirapan ng mga damdamin ng pagkakasala at taglay ang mga pag-aalinlangan nang mahabang panahon pagkatapos na ang kanilang pagkahaling ay humupa. Ang iba ay pinahihirapan din ng mga alaala, na bilang mga bata, sila ay walang kamalay-malay na naglaro sa sekso sa homoseksuwal na paraan.

Walang gaanong magagawa sa pagkabahala sa nakaraan, lalo na kung matagal nang nawala ng isa ang anumang pagkaakit sa kasekso.b Tutal, si Jehova ay ‘saganang nagpapatawad’ at isinasaalang-alang niya kung gaano kalimitado ang pagkaunawa ng isa sa mga bagay na may kaugnayan sa sekso kapag siya ay bata. (Isaias 55:7) Sa gayon ay ‘mapapanatag natin ang ating mga puso sa harapan ng Diyos kailanma’t hinahatulan tayo ng ating puso, sapagkat ang Diyos ay lalong dakila kaysa ating puso at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay.’ (1 Juan 3:19, 20) Isa pa, ang pakikipag-usap ng bagay na ito sa mga magulang ng isa o sa Kristiyanong mga matatanda ay maaaring maging kapaki-pakinabang.

Ang pagkakaroon ng crush sa isa na kasekso ay maaaring maging isang nakahihiya at nakapanlulumong karanasan. Subalit hindi naman kailangang mag-iwan ito ng habang-buhay na pilat. Isa lamang itong pagsubok sa kabataan na mapagtatagumpayan sa pamamagitan ng disiplina-sa-sarili at ng tulong ng Diyos na Jehova.

[Mga talababa]

a Tingnan ang mga artikulo tungkol sa masturbasyon sa Setyembre 8, 1987; Nobyembre 8, 1987; at Marso 8, 1988, na mga labas ng Gumising!

b Kung ang mga damdamin ng pagkaakit sa kasekso ay nagpapatuloy, o kung ang mga gawain ng maling gawi sa sekso ay nangyari pagkatapos na ang isa ay mabautismuhan, mahalaga na hingin ng kabataan ang tulong ng mga magulang na Kristiyano at ng mga matatanda sa kongregasyon.​—Santiago 5:14, 15.

[Larawan sa pahina 23]

Ang pagsasabi ng iyong mga damdamin sa isang magulang o sa isang maygulang na Kristiyano ay makatutulong sa iyo na iwasto ang bagay-bagay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share