Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Maaalis ang mga Nararamdaman Kong Ito?
“Kung paano ko kinamumuhian ang homoseksuwalidad sa ngayon, kung minsan nasusumpungan ko ang aking sarili na nahahalina rito. Ang damdaming ito’y nakaliligalig sa akin, kung minsan araw at gabi pa nga. Patuloy akong nananalangin kay Jehova, ‘Alisin mo ang nakasusuklam na mga damdaming ito!’ Maaalis nga ba ang mga damdaming ito?”—Dennis.a
ANG napakaraming Kristiyanong kabataan—lalaki at babae—ay lubusang nagsumamo sa paghingi ng gayunding tulong. Sila’y nakadarama ng pagkahilig sa homoseksuwalidad subalit hindi nagnanais na makibahagi sa pagkagahaman sa sekso, sakit, at kabulukan sa moral na siyang pagkakakilanlan ng istilo ng buhay na iyan. Higit na mahalaga, ibig nilang paluguran ang Diyos, at tahasang hinahatulan ng kaniyang Salita ang homoseksuwalidad.—Roma 1:26, 27; Colosas 1:10.
Malimit na sinasabi na ang mga homoseksuwal ay hindi maaaring magbago. Gayunman, hindi ito totoo. Ang ilang sinaunang Kristiyano ay dating mga homoseksuwal, subalit sila’y nagbago. (1 Corinto 6:9-11) Oo, kabaligtaran sa karaniwang sabi-sabi, ang mga tao ay maaari at magagawang magbago. Gayunman, bagaman maaaring matagumpay na maiwasan ng isang kabataan ang mga gawang homoseksuwal, baka mahirapan pa rin siyang lubusang maalis ang homoseksuwal na pagnanasa. Ganito ang pagtatapat ng isang kabataang lalaki: “Sinikap kong baguhin ang aking nadarama. Humingi ako ng tulong kay Jehova sa panalangin. Binasa ko ang Bibliya. Nakarinig ako ng mga pahayag tungkol sa paksang ito. Pero hindi ko alam kung saan ako babaling para humingi ng tulong.”
Wala namang makahimala o biglang lunas. Ang gunita ni Dennis: “Pinukaw ko nang husto ang aking sarili sa masakim na heteroseksuwal na gawain sa pagsisikap na maging isang ‘lalaki.’ Ang lahat ng ito’y walang-kabuluhan at lumikha lamang ng kahapisan sa isip.” Gayunman, sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya, mapagpupunyagian ng isa ang gayong damdamin.
Pagkilala sa Maling Paraan ng Pag-iisip
Una sa lahat, kilalanin na ang mga pagkilos ay kasunod ng mga iniisip. (Isaias 55:6, 7; Santiago 1:14, 15) Kaya naman, ganito ang sabi ni Dr. Wayne W. Dyer: “Hindi ka magkakaroon ng damdamin (emosyon) nang hindi mo muna naiisip ito.” Kaya ang ugat ng homoseksuwal na mga pagnanasa ay maaaring isang pilipit na paraan ng pag-iisip ng isa tungkol sa sarili, sa di-kasekso, pag-ibig, at iba pa. Bago magawa ng isa na ‘mabago ang kaniyang pag-iisip’ at mabago ang gayong mga kaisipan, kailangang makilala muna ng isa ang mga ito. (Roma 12:2) Ang paggawa ng gayon ay makapagbibigay sa isa ng kapaki-pakinabang na matalinong-unawa sa kung bakit nga ang isa ay nabibighani sa mga kasekso.
Paano magagawa ito ng isang tao? Ang isang paraan ay ang panalangin, gaya ng ginawa ng salmista: “Siyasatin mo ako, Oh Diyos, at alamin mo ang aking puso. Subukin mo ako, at alamin mo ang lumiligalig sa akin na mga pag-iisip, at tingnan mo kung may anumang masaklap na paraan sa akin.” (Awit 139:23, 24) Makatutulong din na ipakipag-usap ang nadarama ng isa sa maingat at maygulang na Kristiyano. Gaya ng sabi ng Kawikaan 27:17, “ang bakal ay nagpapatalas sa bakal.” Kaya naman nagtapat ang isang kabataang lalaki sa isang Kristiyanong matanda na kilala sa pagiging maunawain at madamayin. Tiyak na hindi naging madali para sa kaniya na magtiwala sa isang tao tungkol sa kaniyang lihim, subalit sila’y nagkaroon ng isang kapaki-pakinabang na ugnayan. “Naipakikipag-usap ko sa kaniya ang tungkol sa anumang bagay,” aniya. Ang matanda ay hindi lamang nakikinig kundi, sa pamamagitan ng may kasanayang pagtatanong, ay tinutulungan ang kabataang lalaki na makapagsabi ng kaniyang nadarama at mga iniisip.—Ihambing ang Kawikaan 20:5.
Kung ang isang lalaki ay may amang di-handang tumulong o mapang-abuso, maaaring masumpungan niya na ang kaniyang pagkaakit sa kasekso ay totoong isang walang-kabuluhang pagtatangka na punan ang pangangailangan ng pagmamahal ng isang ama. Dahil sa wala kailanman nakikitang isang lalaking huwaran, maaari rin niyang madama ang tinatawag ni Dr. Joseph Nicolosi na “isang damdamin ng kahinaan at kawalang-kaya kung tungkol sa mga katangian na may kaugnayan sa pagkalalaki, iyon ay, kapangyarihan, paggiit, at lakas.” Kung isasaalang-alang ng isang tao ang espesipikong mga katangiang ito kung saan siya’y nagkukulang, baka magulat siya na matuklasan na ang mga ito mismo ang mga katangiang kinahuhumalingan niya sa ibang lalaki.
Nakalulungkot na “mga Aral” sa Nakalipas
Natatanto ng ibang kabataan na ang kanilang problema ay may kaugnayan sa nakalipas na masamang mga karanasan. Ganito ang gunita ng isang kabataang babae: “Ako’y nahantad sa pornograpikong bagay na may homoseksuwal na paksa. Nagsimula akong magkaroon ng di-likas na mga pagnanasa.” Ganito naman ang sabi ng isang kabataang lalaki: “Ako’y biktima ng insesto ng aking ama. Kaya ang resulta, ang pakikipagtalik sa lalaki ay parang normal lang sa akin.” Ang gayong masaklap na mga karanasan ay maaaring magturo sa mga biktima na mamuhi o matakot pa nga sa di-kasekso o itumbas ang pag-ibig sa pagiging malapit sa pisikal. Kaya inilarawan ng isang biktima ang kaniyang pagnanasa sa sekso bilang “emosyonal, hindi pisikal, na pangangailangan—isang pangangailangan para sa pagmamahal at pag-unawa.”
Kaya totoo naman na ang mga sanhi ng homoseksuwalidad ay masalimuot, at maraming kaso ang napakahirap ipaliwanag.b Gayunman, anuman ang naging sanhi ng maling pag-iisip, malaki ang magagawa ng isa upang maituwid ito.
Pagbabago ng Isip ng Isa
Ang pinakamabuting paraan ay gamitin ang Salita ng Diyos. Halimbawa, isaalang-alang ang isang kabataang lalaki na naaakit sa isang lalaki na nagpapakita ng mga katangiang panlalaki na inaakala niyang wala siya. O ang halimbawa rin naman ng isang kabataang babae na natatakot sa di-kasekso. Ang isang paraan upang kapuwa nila mapaunlad ang mas mabuting pangmalas tungkol sa pagkalalaki ay suriin ang halimbawa ni Jesus. (1 Pedro 2:21) Siya’y isang ganap na huwaran ng kapangyarihan ng pagkalalaki na tinimbangan ng kaniyang pagkamalumanay. (Mateo 19:14; Juan 19:5) Kaya naman nasumpungan ng isang kabataang lalaki na kapaki-pakinabang na pag-aralan ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman.c “Ang pagkilala kay Jesus ang nagpabago ng aking isip tungkol sa kung ano dapat na maging ang isang lalaki,” aniya.
Ang pagbubulay-bulay sa mga teksto sa Bibliya na tumatalakay sa mga paksang gaya ng pangmalas ng Diyos sa sekso, pag-ibig, at mga pakikipagkaibigan sa mga kasekso ay makatutulong din sa pagtutuwid ng isipan ng isang tao.—Genesis 1:27, 28; Ruth 1:16, 17; 1 Samuel 18:1; Kawikaan 5:18, 19; 1 Corinto 13:4-8.
Mahalaga rin na iwasan ang laging pag-iisip sa masasamang bagay. Kalimitan ang mga pagnanasang ito ay lalong napakalakas kapag ang isa ay malungkot, nanlulumo, o nahahapis. (Kawikaan 24:10) “Ang tanging paraan upang baguhin kung ano tayo ay palitan ang masasamang kaisipan ng mabubuting bagay,” sabi ng isang Kristiyanong babae. Kapag ang isang di-malinis na pagnanasa ay sumisibol sa kaniya, pinaaalalahanan niya ang kaniyang sarili ng tungkol sa pangmalas ng Diyos sa homoseksuwalidad. Ganito ang sabi ng isang tin-edyer na lalaki: “Kailanma’t nakadarama ako ng homoseksuwal na pagnanasa, binubulay-bulay ko ang paborito kong teksto sa Bibliya.” (Ihambing ang 2 Corinto 10:4; Filipos 4:8.) Nasumpungan din ng iba na nakatutulong na makatulugan ang pakikinig sa iba’t ibang salig sa Bibliya na mga audiocassette ng Samahang Watch Tower.
Kung paanong nakaaapekto ang ating iniisip sa ating ginagawi, gayundin naman kung paano tayo gumagawi ay makaaapekto sa paraan ng ating pag-iisip at nadarama. Kaya dapat na iwasan ng isa ang paggawi at pakikisama na pumupukaw o higit na magpapasidhi sa maling pagnanasa. (1 Corinto 15:33) Kailangan din ng isa na maging ‘mapagbantay’ pagdating sa pampublikong mga palikuran, mga tabing-dagat, mga locker room, at ibang mga lugar na maaaring maghantad sa isa sa tukso.—Awit 119:9.
Ang masturbasyon ay isa pang masamang gawain na dapat iwasan. Para sa nakararaming homoseksuwal na lalaki’t babae, ito’y isang di-masupil na pagnanasa. “Nagkaroon ako ng problema tungkol sa masturbasyon sapol nang ako’y anim na taon lamang,” ang pagtatapat ng isang kabataang lalaki. “Ang pangangarap ng tungkol sa sekso ang higit na nagpasidhi sa aking homoseksuwal na damdamin.” Paglabanan ang masamang kaugaliang ito!d—Colosas 3:5.
Sa kabilang panig, mahalaga rin na itatag ng isa ang mabuting paraan ng paggawi. Iminungkahi ng ilan na kung pauunlarin ng isang kabataang lalaki ang mga katangiang panlalaki, maaaring siya’y di-gaanong maaakit sa ibang lalaki. Mangyari pa, maaaring hindi alam ng isang kabataang lalaki kung paano gawin ito kung hindi siya kailanman nakakita ng isang huwarang lalaki noong siya’y bata pa. Baka hindi pa nga siya mapalagay sa kaniya mismong katawan o makadama ng pagkaasiwa o di pagiging lalaki. Ang pagtatrabaho ng mabibigat, katamtamang ehersisyo, o nakalilibang na isport ay kalimitang makatutulong sa bagay na ito. (Ihambing ang 1 Timoteo 4:8.) Subalit kung paanong ang kabataang lalaki na si Timoteo ay naging parang anak na lalaki ni Pablo, maaaring masumpungan ng isa na lalong nakatutulong sa pagkakaroon ng isang mabuting kaunawaan ang makasama ang isang timbang na nakatatandang Kristiyanong lalaki. (Filipos 2:19-22; 2 Timoteo 3:10) Sa pamamagitan ng pagtatatag ng malinaw na mga hangganan sa paggawi at pagpapaunlad ng malayang pakikipag-usap, ang gayong kaugnayan ay magiging kaayaaya at mapagtitiwalaan mo, subalit walang anumang bahid ng pagkaerotiko.
Higit sa lahat, dapat gawin ng isa ang isang matatag na espirituwal na pakikipaglaban. Ang regular na pag-aaral ng Bibliya, pananalangin, at pagbabahagi ng pananampalataya ng isa sa iba ang makatutulong upang mapanatili ang isipan ng isa sa espirituwal na landas. (Awit 55:22; 119:11; Roma 10:10) Kung minsan ang damdamin ng pagkawalang-kabuluhan ang magpapangyari na maging mahirap na makisalamuha sa kapuwa mga Kristiyano, subalit ang Bibliya ay nagbababala laban sa pagbubukod sa sarili. (Kawikaan 18:1) Ang kaayaayang pakikisama sa Kristiyanong mga lalaki’t babae ay makatutulong sa isa na manatiling timbang.—Hebreo 10:24, 25.
Kung ikaw ay ginugupo ng homoseksuwal na pagnanasa, ang mga mungkahing ito ay totoong makatutulong. Subalit, huwag labis na masiraan ng loob kung nagpapatuloy ang masamang damdamin. Nauunawaan ng Diyos ang iyong damdamin at siya’y nahahabag sa mga tao na nakikipagpunyagi upang paglingkuran siya. (1 Juan 3:19, 20) Sa bagong sanlibutan, mararanasan ng sangkatauhan ang pagpapagaling sa lahat ng karamdaman na nagpapahirap sa atin. (Apocalipsis 21:3, 4) Samantala, umasa sa Diyos at paglabanan ang maling mga pagnanasa. (Galacia 6:9) Sa pagdaan ng panahon at matatag na pagsisikap, marahil maging ang maling mga pagnanasa mismo ay mababawasan.
(Pasimula sa aming susunod na labas, “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” ay lalabas ng minsan na lamang sa isang buwan.)
[Mga talababa]
a Ang ilang pangalan ay pinalitan.
b Tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” sa aming labas ng Pebrero 8, 1995.
c Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
d Ang mga kabanata 25 at 26 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas (inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.) ay naglalaman ng praktikal na mga mungkahi upang tulungan ang isang kabataan na mapagtagumpayan ang bisyong ito.
[Blurb sa pahina 22]
Magkaroon ng isang mabuting pangmalas sa pagkalalaki sa pamamagitan ng pagsusuri sa halimbawa ni Jesus