Pagmamasid sa Daigdig
Ang Agos ng Bibliya sa U.S.S.R.
Ang agos ng Bibliya sa Unyong Sobyet ay lumago mula sa isang patak tungo sa isang tunay na baha. Noong Mayo ng 1988 iniulat ng The Mainichi Daily News ng Hapón na nang 20 Bibliyang Ruso ay ibaratilyo sa Moscow, isang binatang inhinyero na nagngangalang Vladimir ay nagtaka: “Kailanman ay hindi pa ako nakakita ng isang Bibliya sa isang tindahan saanman sa buong buhay ko.” Sang-ayon sa Los Angeles Times, pinayagan ng pamahalaang Sobyet ang 20,000 Bibliya lamang na pumasok sa bansa sa pagitan ng 1985 at 1987. Saka dumating ang balita na ang U.S.S.R. ay tumanggap ng mga 100,000 Bibliya noong taglagas ng 1988. (Tingan ang Gumising! ng Marso 8, 1989.) Ang pangwakas na bilang noong 1988 ay iniulat na halos 500,000 Bibliya at Bagong Tipan na ipinadala mula sa Europa. Higit pa riyan, iniulat ng Times na tinanggap ng U.S.S.R. ang mga alok na dalawang milyong Bagong Tipan mula sa dalawang pinagmumulan sa Kanluran na dati-rati’y kilala sa pagpupuslit ng mga Bibliya sa teritoryong Sobyet.
Kalulunus-lunos na Resulta ng Bhopal
Hindi pa tapos ang trahedya ng mga biktima ng kapaha-pahamak na pagtagas ng kemikal apat na taon na ang nakalipas sa isang planta ng pestisidyo ng Union Carbide sa Bhopal, India. Ang magasing India Today ay nag-uulat na bagaman ang nakamamatay na usok ng methyl iso-cyanate ay sumawi ng mga 1,800 noong Disyembre 1984, sa pagtatapos ng 1988 ang bilang ng mga namatay ay umabot sa 3,289—sa katamtaman isang biktima ang namamatay sa araw-araw sapol nang nakamamatay na pagtagas na iyon. “Sampu-sampung libo” pa ang nahatulan sa isang “mabagal na kamatayan.” Subalit binabanggit ng magasin: “Ang ilan sa mga nakaligtas ay halos nagsasabing mas gusto pa nilang hindi sila nakaligtas. Ang kanilang pag-asa ay unti-unting nauwi sa kabiguan samantalang ang tulong at bayad-pinsala ay umuurong.” Maliwanag, ang labanan sa hukuman upang magwagi ng bayad-pinsala para sa mga biktima ay lubhang masalimuot. Ang wakas ng proseso, ayon sa India Today, ay “hindi makita.”
Pagtambak ng Basura sa Third World
Ang maunlad na mga bansa na may problema sa pagtatapon ng kanilang basura ay nagsimulang tumingin sa mga bansa sa Third World bilang posibleng mga lugar na pagtatapunan ng basura. Sang-ayon sa Journal Water Pollution Control Federation, ginagamit ng industriyal na mga bansa ang pag-asa ng madaling salapi upang akitin ang hindi gaanong maunlad na mga bansa na tanggapin ang basurang ito mula sa ibang bansa sa ilalim ng pagkukunwaring panambak na lupa o abono. Subalit ang basurang ito ay kadalasang mapanganib. Halimbawa, nang maraming tonelada ng abo ng industriya mula sa Estados Unidos ay itambak sa isang isla sa baybayin ng Guinea, Kanlurang Aprika, namatay ang karamihan ng mga punungkahoy. Sa Nigeria 4,000 tonelada ng nakalalasong kemikal na basura mula sa Italya ay natuklasan. “Ang lokal na mga residente ay nagkakasakit,” sabi ng ulat. Isang opisyal mula sa isang bansa sa Third World ay nagsabi sa Journal na ang mga bansang hindi gaanong industrialisado “ay kulang ng teknikal na kaalaman upang sukatin ang antas ng lason sa mga basura at lubhang nanganganib kapag tinatanggap ang gayong mga basura.”
Pinakahuling Balita Tungkol sa Polusyon
Ang mga bansang magkaiba na gaya ng Poland at Colombia ay may isang karaniwang katangian: polusyon. Sa Poland, ang Academy of Sciences ay naglathala ng isang report sa Warsaw, na nagpapahayag na ang sangkatlo ng populasyon ng bansa ay nakatira sa ekolohikal na mapanganib na dako. Ang ilog Vistula ay nagdadala ng sampu-sampung libong tonelada ng nakapipinsalang dumi sa Dagat Baltic, sinisira ang mga dalampasigan nito para sa mga bakasyunista at ginugulo ang pagkakatimbang sa ekolohiya. Sa kahawig na paraan, ang Ilog Bogotá sa Colombia ay tigmak ng mahigit isang libong iba’t ibang tagapagparumi. Ito’y naglalaman ng 50 ulit na mas maraming asoge kaysa tinatanggap na ligtas na antas. Ang polusyon ay sinasabing malamang na siyang sanhi ng maraming kapinsalaan sa katawan ng mga sanggol sa mga nayon na nasa tabi ng ilog. Kapuwa ang pamahalaan ng Colombia at ang pamahalaan ng Poland ay bumuo ng mga programa upang sugpuin ang polusyon.
“Ligtas na Sekso” Di-ligtas?
Sang-ayon sa The Star ng Johannesburg, Timog Aprika, si Dr. Claude Newbury ay may katibayan na magpapatunay na ang tinatawag na ligtas na sekso, ang paggamit ng mga condom upang maiwasan ang paglaganap ng AIDS, ay hindi nga ligtas. Binabanggit ang mga estadistika tungkol sa kabiguan ng condom, si Dr. Newbury ay naghihinuha: “Ang tanging ligtas na paraan upang maiwasan ang seksuwal na naililipat na AIDS, o ang anumang iba pang sakit na naililipat sa seksuwal na paraan, ay ang panatilihin ang iyong pagkadonselya bago ang pag-aasawa, mag-asawa ng malinis na babae at ganap at lubusang maging tapat sa iyong asawa hanggang sa kamatayan.” Kung gayon, bakit napakapopular ang pagtaguyod sa “ligtas na sekso”? “Sapagkat,” sulat ni Dr. Newbury, “karamihan ng mga doktor, sa ilalim ng impluwensiya ng lipunan na maluwag sa disiplina, ay nawalan ng moral na lakas ng loob upang sabihin sa isang hedonistikong daigdig na ang sodomya, at ang iba pang anyo ng pangangalunya, ay moral, sosyal at medikal na nakapipinsala, at nakamamatay pa nga.”
Magkano ang Ibabayad Upang Muling Bumata?
Magkano ang ibabayad mo upang ikaw ay muling bumata? Tinanong ng isang bangko sa Tokyo ang 600 mga babae ng tanong na iyan, at ang kanilang mga tugon ay masigla: Ang mga babaing nasa edad 40’s ay handang magbayad ng ¥10 milyong ($80,000, U.S.), samantalang ang sabik na 10 porsiyento ng grupo ay handang magbayad ng hanggang ¥30 milyon ($240,000, U.S.). Ang pinakamataas na tumawad ay isang babae na nagsasabing siya’y magbabayad ng ¥70 milyon ($560,000, U.S.) upang muling bumata. Mangyari pa, gaano man karaming salapi ay hindi magagawa ang bagay na iyon. Subalit magagawa iyon ng Diyos. Siya ay nangangako ng isang panahon kapag ang pagtanda at kamatayan ay mawawala na. (Apocalipsis 21:4) Iyan ang dahilan kung bakit sa aklat ng Bibliya na Job ay ating mababasa: “Ang kaniyang laman ay magiging sariwa kaysa laman ng isang bata; siya’y bumabalik sa kaarawan ng kaniyang kabataan.”—Job 33:25.
Mas Mura ang Walang Tatak
Ang mga gamot na walang tatak ay karaniwan nang 50 porsiyentong mas mura kaysa may-tatak na mga katulad nito, sang-ayon sa isang report ng FDA (U.S. Food and Drug Administration) kamakailan. Subalit mahusay ba ang mga ito? Ang FDA ay naghinuha na ang mga gamot na walang tatak ay ligtas na magagamit na katumbas ng mga gamot na may-tatak.
Pangglobong Makinang Pandigma
“Mga 27 milyong lalaki (at ilang daang libong mga babae) ang sinasanay upang patayin ang isa’t isa,” sabi ng magasing Asiaweek sa pag-uulat sa laki ng hukbong sandatahan ng daigdig. Kabilang diyan ang lahat ng bumubuo sa makinang pandigma, gaya ng mga kawani, mga tsuper, at mga kusinero. Ano ang halaga ng pagpapanatili sa pagkalaki-laking hukbong ito na sinanay sa pagwasak? Ang magasin ay sumasagot: “Sa pagiging handa, hindi na nila kailangang pumatay.” Subalit binabanggit nito na maraming hukbo para sa pagpapatupad ng kapayapaan ay “nagsagupaan kamakailan lamang sa kasaysayan,” kung minsan taglay ang “katakut-takot na kawalan ng buhay.”
Mga Maton sa Paaralan
“Libu-libong” mga estudyante ang natatakot pumasok sa eskuwela, sabi ng isang pag-aaral ng Norwegong sikologo na si Dan Olweus. Batay sa mga bilang mula sa pag-aaral, tinatantiya ng The Globe and Mail ng Toronto, Canada, na maaaring may 45,000 mga estudyanteng taga-Canada ang binibiktima ng 35,000 mga maton na kaklase. Sang-ayon sa pahayagan, sinabi ni Olweus na “60 porsiyento ng mga maton na ito sa paaralan ang sa paano man ay pormal na makukulong nang minsan sa gulang na 24.” Sa isang panayam, sinabi ni Olweus na “kadalasa’y hindi nalalaman ng mga magulang kung ano ang nangyayari at ang mga guro sa paaralan ay walang gaanong ginagawa upang makialam.” Ang ilan sa mga mag-aaral na takot na takot ay sinasabing “nagkaroon ng somatikong mga sintomas na gaya ng mga sakit ng ulo at mga kirot sa sikmura dahil sa kaigtingan.” Ang pag-aaral sa Scandinavia ang nag-udyok sa pagkakaroon ng mga programang namamagitan na kinasasangkutan ng mga magulang, mga guro, at mga estudyante.
Namamatay ang mga Bata sa Third World
Sang-ayon sa UNICEF (United Nations Children’s Fund), ang pagbagsak ng kabuhayan noong 1987 sa mga bansa sa Third World ang naging dahilan ng pagdami ng namamatay na mga batang wala pang limang taong gulang na mga 500,000. Ang direktor ng UNICEF, sa isang panayam sa The New York Times, ay nagsabi kung bakit: “Karamihan ng mga lipunan na nasa ilalim ng malubhang panggigipit sa kabuhayan ay di-timbang na nagbawas ng mga paglilingkod sa: kalusugan, edukasyon, mga programa sa mga kapakanang panlipunan.” Ano ang dahilan ng lahat ng kahirapang ito sa kabuhayan? Ang isang salarin ay ang krisis sa pangungutang. Ang mga pamahalaan sa Latin Amerika, Aprika, at Asia ay nabaon nang malalim sa pagkakautang kamakailan, anupa’t mayroon silang kaunting magagastos sa mga paglilingkod na kailangan ng mahihirap. Gaya ng sinabi ng direktor ng UNICEF sa Times: “Isang resolusyon tungkol sa krisis sa pagkakautang ang kinakailangan upang malutas ang mga problemang iyon.”