Kailan Hindi Baboy ang Baboy?
ANG sagot ay, Kapag ang cholecystokinin ay nagsasabing, Tama na! Kung iyan ay napakahirap bigkasin, subukin mo ang CCK. Ito’y isang hormone na ginagawa ng mga baboy kapag sila ay kumakain. Kapag punô na ang kanilang tiyan, ang CCK ay naghuhudyat sa utak, ‘Awat na, tapos na ang pagkain.’ Ang mga baka, tupa, at iba pang mga hayop sa bukid ay kakain hanggang sa sila ay malugmok, subalit hindi ang labis na sinisiraang-puri na mga baboy! Itinuturing ito ng mga nag-aalaga ng baboy na isang sagwil upang patabain ang kanilang mga alaga, at ang kanilang mga bulsa.
At mayroon silang ginagawa tungkol dito, gaya ng iniulat sa The Wall Street Journal: “Sa isang pag-aaral ng Kagawaran ng Agrikultura, natuklasan ng mga siyentipiko na maaari nilang barahan ang hormone sa pamamagitan ng pagtuturok sa mga baboy ng isang bakuna na gumagawa sa kanilang mga gana na walang kabusugan, bunga nito ay nakagagawa sila ng ilang tunay na baboy. Sa loob ng wala pang tatlong buwan, ang mga hayop na binakunahan ay kumukunsumo ng katamtamang 10 kilong higit pang mais at soybean na pagkain, at nagdaragdag ng 5 kilong laman ng baboy kaysa mga kasama nila sa kulungan na hindi binakunahan.”
“Lahat ng mga nilikha,” sabi sa amin, “ay gumagawa ng sarisaring dami ng CCK.” Mayroon nito ang mga tao, at sinisimulan na nilang alamin kung ito kaya ay maaaring dagdagan upang sugpuin ang di makontrol na gana. Ang mga walang pagpipigil sa pagkain, sabi ng report, “ay nagpapakita ng lubhang mababang antas ng CCK at kabusugan.” Subalit sabi pa nito na itong “mababang CCK ay maaaring epekto ng magulong gawi sa pagkain sa halip na ang sanhi nito.” Sa mga tao, inaakalang ang dalawang rehiyon sa hypothalamus gland, ang mga sentro para sa kabusugan at pagkain, ang siyang kumukontrol sa pagkain. Subalit ang wastong pagkilos ng mga sentrong ito ay maaaring mapinsala ng isang pinahabang yugto ng labis na pagkain. Ang lunas dito ay ang Galacia 5:22, 23: “Ang bunga ng espiritu ay . . . pagpipigil-sa-sarili.”