Mula sa Aming mga Mambabasa
Haiku Salamat po sa inyong artikulong “Pagsasabi Nito sa 17 Pantig.” (Enero 8, 1989) Ako po’y siyam na taóng gulang, at kami po ay gumagawa ng haiku [isang anyo ng tulang Haponés] sa paaralan. Dinala ko po sa paaralan ang artikulo, at binasa ito ng aking guro sa klase at ipinasa ito. Nasiyahan ang lahat, at pagkatapos ay tiningnan nila ang buong Gumising! Pinasalamatan ako ng aking guro sa pagdadala ko nito.
R. K., Estados Unidos
Mahilig akong sumulat ng mga awit at mga tula. Nais ko sanang kumuha ng isang karera sa musika subalit ipinasiya kong italaga ang aking sarili sa ministeryong Kristiyano. Kamakailan lamang ang aking isipan ay binagabag ng mga kaisipan tungkol sa karera may kinalaman sa pagkatha na sana’y kinuha ko. Gayunman, nabasa ko ang artikulo tungkol sa haiku. Natanto ko na maaari rin akong masiyahan sa pagsulat ng tula para lamang sa kasiyahan!
D. M., Scotland
Dalamhati Lubhang naantig ang aking damdamin ng mga artikulo tungkol sa ‘Pagharap sa Kamatayan.’ (Agosto 8, 1987) Noong katapusan ng 1988, ang aking matalik na kaibigan ay nasangkot sa isang aksidente sa daan at namatay. Nakadama ako ng matinding kawalan, at ang mga artikulong ito ay nagbigay sa akin ng malaking pag-asa. Naunawaan ko na hindi ko dapat kuyumin ang aking malungkot na damdamin kundi ihinga ko ang aking dalamhati at yaong mga nagdadalamhati ay dapat na magtulungan sa isa’t isa. Hindi ba kamangha-mangha kung dumating na ang panahon kapag ang uring ito ng matinding kalungkutan ay wala na?
H. O., Hapón
Ang Bibliya ay nangangako ng gayong panahon sa Apocalipsis 21:3, 4, kung saan sinasabi nito ang tungkol sa isang panahon kapag “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man.” Hindi lubusang papawiin ng pag-asang ito ang kirot ng dalamhati, kundi tiyak na sa paano man ay babawasan ito at nagbibigay ng malaking kaaliwan sa mga nagdadalamhati.—ED.
Mga Geode Anong gandang artikulo! (Enero 22, 1989) Nangungolekta ako ng mga mineral, nakuha ko ang ideyang ito mula sa Awake! ng Disyembre 8, 1963. Mayroon na ako ngayong koleksiyon ng 2,000 mga ispesimen. Gayunman, nagkaroon ako ng impresyon mula sa artikulo na ang mga geode ay nag-aanyo lamang sa sedimentaryong mga bato. Tama ba iyon?
P. K., Pederal na Republika ng Alemanya
Oo. Sa katunayan, binibigyan-kahulugan ng “The New Encyclopædia Britannica” (ika-15 edisyon, 1987) ang isang geode na isang “hungkag na mineral na bagay na masusumpungan sa mga ‘limestone’ at ilang ‘shale’”—dalawang uri ng sedimentaryong bato.—ED.
Gawaing-Bahay Kung minsan ako’y nananaghili kasi ang aking mga kapatid na babae ay walang ginagawa sa bahay, ngunit ako ay may ginagawa sa bahay. Subalit pagkatapos basahin ang inyong artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” tungkol sa mga gawaing-bahay (Enero 8, 1989), mas mabuti ang pakiramdam ko. Sa isa sa mga parapo, sabi nito: “Ang inyong maibiging pakikipagtulungan ay maaari ring makabawas ng paghihirap sa inyong mga magulang.” Alam ba ninyo? Palagay ko ay lilinisin ko ang kotse sa pamamagitan ng vacuum ngayon! At iyan ang totoo.
J. W., Estados Unidos
“Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” Lumihis ako sa landas na kinalakhan ko, inaakala kong ang aking nanay ay napakaistrito kapag hindi niya ako pinapayagang lumabas at magsaya na gaya ng ibang kabataan. Palibhasa’y ginawa ko ang gusto ko, nauwi ito sa pagkakasala ko ng [seksuwal] na imoralidad; ngayon kailangan kong batahin ang aking nanunumbat na budhi at ako’y nagsisisi. Kung nakinig sana ako sa aking nanay at sinunod ko ang payo ng mga artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ,” wala sana akong problema ngayon. Nais kong idiin sa iba pang kabataan na ang payo sa mga artikulo ay talagang para sa kanilang kabutihan at kapaki-pakinabang na sundin ito.
L. J., Inglatera