Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 8/8 p. 25-27
  • Isang Naiibang Uri ng Paraiso

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Naiibang Uri ng Paraiso
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Naiibang Uri ng Parke
  • Makulay na Kasaysayan ng Rehiyon
  • Isang Tanawin ng Kagandahan
  • Magagandang Parke ng Daigdig
    Gumising!—1989
  • Nairobi National Park—Kung Saan Malayang Gumagala-gala ang mga Hayop
    Gumising!—2003
  • Ang Kagandahan ng mga Pambansang Parke sa Alpino
    Gumising!—1997
  • Tayo’y Ginawa Upang Masiyahan sa mga Parke
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 8/8 p. 25-27

Isang Naiibang Uri ng Paraiso

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CANADA

HABANG nakatayo sa gawing itaas na dalisdis ng mababaw na bangin at pinagmamasdan ang pinakasahig ng libis sa ibaba, hahangaan mo ang napakagandang tanawin​—alun-alon na mga burol at matatarik na bangin. Parang nasa harap mo ang walang-katapusang animo’y dagat na damo. Dumaan ang alimpuyo ng bugso ng hangin, na amoy sage, ang halimuyak ng parang.

Ilarawan sa isipan, dalawang daang taon lamang ang nakalipas, makapaglalakbay ka sa loob ng ilang araw na palaging nakakakita ng napakaraming kawan ng buffalo anupat nangingitim ang malawak na damuhan ng Canada at madarama mong yumayanig ang lupang kinatatayuan mo dahil sa dagundong ng milyun-milyong paa ng buffalo. Hindi mapapantayan kahit na ng bantog na mga pandarayuhan ng hayop sa Aprika ang mga buffalo na ito na gumagala sa malawak na dagat na ito ng damo.

Sa ngayon, ang malalaking kiskisang bato ng buffalo na lamang ang ilan sa natitirang palatandaan na sila’y naririto noon. Mahihipo mo ang makikinis na sulok at makikita ang mga trinsera sa palibot ng mga bato na ginawa ng libu-libong buffalo na nagkikiskis ng kanilang makating balat dito. Hindi lamang ang malakas na hanging humihihip mula sa kanluran ang nagpapaluha sa iyong mata kundi ang namamayaning damdamin ng panggigilalas sa kamangha-manghang paglalang na nakapaligid sa iyo at pinupuspos ang iyong mga pandamdam. Nasaan ka ba? Ikaw ay dumadalaw sa naiibang uri ng paraiso.

Isang Naiibang Uri ng Parke

Maligayang pagdating sa Grasslands National Park, sa timog-kanluran ng Saskatchewan, Canada​—ang tanging parke sa Hilagang Amerika na inilaan upang mapanatiling hindi nagagalaw ang parang ng halu-halong damo. Ang parke ay talagang binubuo ng isang bahagi sa silangan at isang bahagi sa kanluran, 22.5 kilometro ang pagitan. Sa dakong huli ay sasaklaw ito ng 900 kilometro kudrado.

Baku-bako ang lupain at punô ng maraming mapanghamon na mga balakid. Pinakamabuting gawin ang panggagalugad na naglalakad o nakasakay sa kabayo. Ang pagkakamping ng ilang gabi sa ilalim ng mga bituin ay para sa mga mahilig sa abentura, ngunit maghanda ng sapat na tubig at iba pang mahahalagang baon. (Tingnan ang kahon na “Paggagalugad sa Parke.”) Sa paglalakad mo sa parke, wala kang makikitang makabagong mga gusali, walang sementado o mabatong mga daan, walang mga linya ng kuryente, walang lugar na tinambakan ng lupa, at walang mga loteng paradahan. Baka wala ka pa ngang makasalubong na ibang tao. Tunay, isa itong naiibang uri ng paraiso! Minsang pumasok ka sa parke, pumapasok ka sa isang daigdig ng natatanging kagandahan.

Ang Great Plains sa Hilagang Amerika ang bumubuo ng isa sa mga lubhang nabagong ekosistema sa daigdig. Wala pang dalawang daang taon ang nakalipas, ito ay 100-porsiyentong iláng, hindi nabagong lupain. Halimbawa, sa ngayon ay wala pang 25 porsiyento ng parang ng halu-halong damo sa Canada ang nananatiling di-nababago. Ang ideya ng pangangalaga sa damuhang parang sa pamamagitan ng paggawa ritong isang parke ay lumitaw noong mga taon ng 1830. Pagkalipas ng mahigit na sandaang taon, noong 1957, sinimulan ng Saskatchewan Natural History Society ang pagtatayo ng isang pambansang parke.

Gayunman, noon lamang 1988 nalikha ang Grasslands National Park sa pamamagitan ng isang kasunduang pederal at panlalawigan. Pinangangalagaan ngayon ng parkeng ito kasama ng iba pang parang sa Canada ang 22 halaman, mamal, at ibon na nasa opisyal na talaan ng nanganganib malipol na species sa Canada. Bukod pa rito, maraming iba pa ang pinangangalagaan, na ang ilan sa mga ito ay hindi masusumpungan saanman sa daigdig.

Ang parke ng Grasslands ay isang lupain ng sukdulang mga klima. Nasa gitna ng kontinente, hindi ito apektado ng nakapagpapaginhawang mga epekto ng anumang karagatan. Sa gayon, ang temperatura kung taglamig ay maaaring umabot ng -60 digris Fahrenheit, at sa tag-init naman, pangkaraniwan ang mga temperaturang mahigit na 100 digris Fahrenheit. Dahil sa lubhang kaunting ulan at panay-panay na hangin, matindi ang klima.

Gayunman, bagaman hindi agad nakikita sa simula, napakaraming buhay-iláng. Taglay ang pagtitiis at pagtitiyaga, lalo na sa pagbubukang-liwayway at pagdadapit-hapon, baka magantimpalaan ka ng pagkakataong malitratuhan ang usa, mga coyote, bobcat, jackrabbit, sage grouse, rattlesnake, mga kuwagong humuhukay ng lungga, kulay-kalawang na mga lawin, ginintuang mga agila, kakaibang pronghorn antelope (inilarawan bilang marahil ang pinakamabilis na malalaking hayop sa Hilagang Amerika), o ang tanging natitirang kolonya sa Canada ng mga asong-parang na itim ang buntot. Makikita mo rin ang marami pang ibon gayundin ang mga kulisap at mga halaman na katutubo sa lugar na ito.

Makulay na Kasaysayan ng Rehiyon

Kung magpasiya kang dumalaw sa natatanging parke na ito, hinihimok ka naming magsaliksik tungkol sa lugar na ito. Napakarami mong malalaman hinggil sa kasaysayan nito. Halimbawa, naroroon pa rin ang mga pananda na tumatalunton sa makasaysayang North West Mounted Police Red Coat Trail. Noong 1874, nang mabalitaan ang tungkol sa kaguluhan ng mga katutubo, nagpadala ang pamahalaan ng Canada ng isang tropa ng tatlong daang Mounted Police sa Kanluran upang pairalin ang batas at kaayusan. Pinakalma rin ng pagkilos na ito ang pangamba ng marami na masakop ng Estados Unidos ang Kanluran ng Canada. Palibhasa’y nakasuot ng matingkad na iskarlatang mga tunika at nakasakay sa magagandang kabayo, ang tropa ay lubhang kapansin-pansin anupat hanggang sa ngayon ang kanilang landas ay kilala bilang ang Red Coat Highway.

Kawili-wili, noong 1878 ang lugar na ito ay naging tirahan ng isa sa kinatatakutang mandirigmang Indian sa Hilagang Amerika​—ang dakilang pinunong Sioux na si Sitting Bull. Pagkatapos magtagumpay ang mga Sioux sa mga hukbo ni Custer sa Little Bighorn, tumakas ang libu-libong Amerikanong Sioux sa bahaging ito ng Canada upang magkubli mula sa kabalyeriyang Amerikano.

May mga 1,800 mahahalagang dako ayon sa arkeolohiya na nasa parke na mula pa noong mas naunang panahon. Masusumpungan sa maraming tagaytay, tuktok ng burol, at mga nabubukod na burol o bundok ang malalaking bato na nakaayos nang pabilog na kilala bilang tepee, o tipi, na mga argolya. Ang mga batong ito ang dating nagpapabigat sa laylayan ng mga tepee (mga tolda) na yari sa balat ng buffalo upang huwag itong liparin ng hangin. Mayroon ding ilang magkakatnig na sinaunang mga daanan ng buffalo na ginamit ng mga Plains Indian. Maraming dantaon na ang nakalipas, ang dakong ito ay isang saganang lupain para sa pangangaso ng mga tribong Gros Ventre, Cree, Assiniboin, Blackfoot, at Sioux.

Kung iaatras pa natin ang panahon, sa silangang bahagi ng parke, natuklasan ang mga labí ng dinosauro sa gitna ng gumuho nang mga burol ng adobe sa Killdeer Badlands.

Isang Tanawin ng Kagandahan

Kung hindi pa sapat ang pagkasari-sari at saganang halaman at hayop o ang kawili-wiling kasaysayan ng lupaing ito upang mamangha ka, tiyak na mamamangha ka sa napakaganda at kahanga-hangang saklaw ng lupain. Nariyan ang himig ng isang laksang uri ng mga ibon, ang halimuyak ng sage, at ang dampi ng init ng araw at hangin sa iyong balat. Sumasarap pang lalo ang inihandang pagkain na niluto sa isang nabibitbit na kalang de gas dahil sa marikit na tanawin, na pagpipistahan ng iyong mga mata. Higit sa lahat, makikita mong malinaw ang abot-tanaw sa buong palibot mo, lalo na sa kahabaan ng Two Trees Interpretive Trail, na nasa kanlurang bahagi ng parke. Ang malawak at maaliwalas na bughaw na kalangitan sa itaas ay napapalamutian ng paminsan-minsang buhaghag at mapuputing ulap na nasa ibabaw mo na parang lumulutang na bundok. Ang kagila-gilalas na tanawin ay magpapadama sa iyo ng damdamin na lipos ng kalayaan at, manliliit ka at mamamangha ka.

Pagdating naman sa mga parang, mahalaga hindi lamang kung ano ang nakikita mo kundi kung ano rin naman ang nadarama mo. Ang nadarama mo sa lugar na ito ang aakit sa iyo pabalik sa naiibang uring ito ng paraiso. Pupunuin ng karanasang ito ang iyong puso ng pasasalamat. Mapupuno ang iyong kaisipan ng papuri sa Dakilang Maylalang, si Jehova, na naglagay ng lahat ng iyan dito. Hindi na magtatagal at ang inaasam-asam na araw ay naririto na kapag ang buong lupa ay magiging paraiso at lubusang magtatanghal ng likas na kagandahan nito.

[Kahon sa pahina 26]

Paggagalugad sa Parke

Tandaan na

1. Magparehistro sa kawani sa parke at kumuha ng koleksiyon ng mga impormasyon bago pumasok sa parke.

2. Magdala ng sapat na panustos ng tubig na maiinom. Makukuha lamang ang maiinom na tubig sa Park Information Centre.

3. Magsuot ng sombrerong pananggalang sa araw at gayundin ng matibay at komportableng sapatos na natatakpan ang iyong bukung-bukong bilang proteksiyon sa matinik na cactus.

4. Magdala ng isang patpat upang ikampay sa harap mo kapag ikaw ay naglalakad sa matataas na damo at talahib.

5. Magdala ka ng kamera at largabista kung mayroon ka ng mga ito. Ang pinakamagandang panahon upang masdan ang mga hayop ay sa pagbubukang-liwayway at sa pagdadapit-hapon.

BABALA: Iwasang ilagay ang iyong mga kamay o paa sa mga dakong hindi mo nakikita. Maaaring manuklaw ang mga rattlesnake kapag nasukol o nagulat. Labag sa batas ang manligalig o mangaso ng mga hayop sa iláng sa isang pambansang parke.

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Lahat ng larawan: Parks Canada

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share