Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 6/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • KABAYARAN SA BHOPAL
  • MGA BENTAHA NG PAGPAPATULI
  • ANG NARIRINIG NG SANGGOL NA IPINAGBUBUNTIS
  • ISANG NAKAMAMATAY NA ANI
  • ANG SANGKAKRISTIYANUHAN SA TSINA
  • PAG-ABUSO SA BATA SA ALEMANYA
  • PORNOGRAPYA PARA SA MGA PRESO
  • PINANGANGALAGAAN NG THAILAND ANG KAGUBATAN
  • MGA MANOK NA APAT ANG PAA
  • ULAT TUNGKOL SA DIYOSESIS NG PAPA
  • MGA SANGGOL SA TUBIG NG SOBYET
  • ANG PAGLANGHAP NG USOK NG SIGARILYO AY NAGSASAPANGANIB SA MGA BATA
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1997
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1985
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1992
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 6/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

KABAYARAN SA BHOPAL

Bagaman sinabi ng magasing India Today na “wala pang natatanaw na wakas” para sa mga biktimang humihingi ng bayad-pinsala para sa kemikal ng aksidente sa Bhopal, wari bang isang wakas ang dumating sa wakas. (Tingnan ang Gumising! ng Abril 8, 1989.) Sa isang kabayaran na ipinag-utos ng hukuman kamakailan, ang Union Carbide ay sumang-ayon na magbayad ng $470 milyong sa mga biktima ng sakuna, bagaman ang mga abugado ay humihiling ng $3 bilyon. Ang mga biktima ay tatanggap ng katamtamang $14,460, na, sabi ng magasing Britano na The Economist, ay “humigit-kumulang katumbas ng $1m[ilyon] sa bawat tao sa Estados Unidos.” Sinabi rin ng babasahin na ang kabayaran ay maaaring napakababa upang ganyakin ang malalaking korporasyon na magtayo ng mapanganib na mga planta sa mahihirap na bansa, kung saan kaunti lamang ang ibabayad nila sa mga biktima ng aksidente. Pinangyari pa nga ng mababang kabayaran na tumaas ang halaga ng stock ng Union Carbide, susog ng The Economist.

MGA BENTAHA NG PAGPAPATULI

Binaligtad ng American Academy of Pediatrics ang katayuan nito tungkol sa pagtutuli. Noong 1971 pinanindigan ng pangkat na iyan na “walang mabisang medikal na palatandaan” upang bigyan-matuwid ang kinaugaliang pagtutuli sa mga bagong silang na lalaki. Gayunman, ipinakikita ng mga pag-aaral kamakailan na maaaring makatulong ang pagtutuli na hadlangan ang mga impeksiyon sa bato at sa daanan ng ihi, na totoong mapanganib. Sa isang pag-aaral, ang mga batang lalaki na hindi tinuli ay 11 ulit na mas malamang magkaroon ng mga impeksiyon sa daanan ng ihi kaysa mga batang lalaki na tinuli. Sinasabi ngayon ng pediatric academy na ang pagtutuli “ay may potensiyal na medikal na mga pakinabang at bentaha.” Bagaman ang mga Kristiyano ay wala na sa ilalim ng batas Mosaiko na humihiling ng pagtutuli, ipinakikita ng mga bagong tuklas na ang batas ay kapaki-pakinabang sa sinaunang mga Israelita na sumunod dito.

ANG NARIRINIG NG SANGGOL NA IPINAGBUBUNTIS

Ang mga mananaliksik ay namangha kamakailan sa pagkatuklas kung gaanong karaming tunog sa labas ang maaaring naririnig ng di pa isinisilang na sanggol. Naglagay sila ng isang mikropono sa matris na malapit sa ulo ng bata, malinaw na naririnig ng mga doktor ang sarisaring tunog sa labas, mula sa usapan mga 4 na metro ang layo hanggang sa tunog ng kariton na nagdaraan sa pasilyo sa kabilang panig ng nakasarang pinto. Sa katulad na pag-aaral, napansin ng isang sikologo sa Ireland na para bang nakikilala ng mga sanggol na bagong silang ang temang musika mula sa isang programa ng telebisyon na regular na pinanood ng kani-kanilang ina samantalang nagdadalang-tao. Ang gayong mga tuklas ay maaaring umakay sa higit pang pananaliksik tungkol sa epekto ng lahat ng tunog na ito sa mumunting tainga ng di pa isinisilang na mga sanggol, ulat ng magasin sa E.U. na Women’s World.

ISANG NAKAMAMATAY NA ANI

Sang-ayon sa Kagawaran ng Estado ng E.U., ang pangglobong produksiyon ng droga ay lubhang tumataas. Mula noong 1987 hanggang 1988, ang sumusunod na ani ay dumami: marijuana, ng 22 porsiyento; opyo, ng 15 porsiyento; hashish, ng 11 porsiyento; at coca mula sa apat na bansa, ng 7.2 porsiyento. Nagkaroon ng napakaraming nakamamatay na ani sa kabila ng mas maraming pag-aresto, pagsamsam sa droga at pagsira ng tanim, at mas maraming kasunduan na nangangako ng internasyonal na pagtutulungan. Sang-ayon sa The New York Times, ang ulat ng Kagawaran ng Estado “ay naging isang taunang pagtanggap sa kawalang kakayahan ng Estados Unidos na isahang labanan ang narkotiko.”

ANG SANGKAKRISTIYANUHAN SA TSINA

“Ang Kristiyanismo sa Tsina ay sumulong nitong nakalipas na mga taon,” sabi ng New Zealand Herald, sinisipi ang opisyal na pahayagang Intsik, ang News Digest. Tatlong taon ang nakalipas, karamihan ng nag-aangking Kristiyano ng bansa ay sinasabing kabilang sa mga matatanda, hindi marunong bumasa at sumulat, at medyo marunong bumasa at sumulat. Sinabi ng Digest na ipinakikita ng mas bagong surbey ang malaking bahagi ng pitong milyong mga tagapagtaguyod ng Sangkakristiyanuhan ng Tsina​—mga 25 porsiyento sa kanila​—ay “mga intelektuwal,” gaya ng mga doktor, propesor sa unibersidad, estudyante, manunulat, at mga inhinyero.

PAG-ABUSO SA BATA SA ALEMANYA

Sa Pederal na Republika ng Alemanya, sa bawat sampung minuto isang bata ang ginugulpi nang katakut-takot anupa’t ito’y kailangang dalhin sa ospital, ulat ng pahayagang Stuttgarter Nachrichten. Sa 11,000 mga batang ginugulpi taun-taon, 100 ang namamatay. At, tinataya ng mga dalubhasa na 150,000 mga bata ang paulit-ulit na dumaranas ng seksuwal na pag-abuso mula sa mga miyembro ng pamilya at mga kamag-anak. Maliit na bahagi lamang nito​—mga 10,000 kaso​—ang inirireport sa pulisya. Tinataya ng isang dalubhasa na ang kabuuang bilang ng mga batang dumaranas ng paulit-ulit na pisikal, mental, o seksuwal na pag-abuso ay 300,000. Ang mga biktima ay lalaki’t babae at kadalasa’y mga bata pa.

PORNOGRAPYA PARA SA MGA PRESO

Ang mga preso sa isang bilangguan sa Iowa, E.U.A., ay may karapatang sumuskribe sa ilang magasin na gaya ng mga hindi bilanggo, pati na ang matinding pornograpikong mga magasin, pasiya ng isang pederal na pandistritong hukom. Ang bilangguan ay sumunod sa utos ng hukuman sa pagtatayo ng isang opisyal na “silid kung saan maaaring bumasa ng porno” kung saan iniingatan ang gayong mga magasin. Sa loob ng ilang panahon, ang mga preso ay pinapayagang sumuskribe sa hindi gaanong malalaswang pornograpikong mga magasin. Bagaman ang sikolohikal na katayuan at rekord ng preso ay dapat repasuhin bago siya maaaring sumuskribe sa matitinding pornograpikong mga magasin, walang anumang krimen ang kusang mag-aalis sa kaniya ng karapatan na sumuskribe. Gayunman, hindi lahat ay natuwa sa patakaran. Binanggit ng The New York Times na “kinuwestiyon ng maraming taga-Iowa ang karunungan ng pagpukaw sa silakbo ng damdamin ng mga taong ang agresibong ugali ang siyang dahilan kung bakit sila ay nasa bilangguan.”

PINANGANGALAGAAN NG THAILAND ANG KAGUBATAN

Sa pinakahuling pagsisikap na iligtas ang umuunting kagubatan nito, ipinagbawal kamakailan ng pamahalaan ng Thailand ang lahat ng pagtotroso sa bansa. Tinataya ng mga opisyal na ang kagubatan ngayon ay sumasaklaw lamang ng 18 porsiyento ng Thailand, mula sa 70 porsiyento pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Inilalagay ng mga tagapangalaga sa kalikasan ang kasalukuyang bilang na mababa pa sa 12 porsiyento. Sa timog ng bansa, ang mga baha at pagguho ng mga putik, na pumatay ng 350 katao, ay pangunahin nang maisisisi sa ilegal na pagtotroso. Ang sakuna ay tumulong sa gobyerno na ipatupad ang pagbabawal sa kabila ng mahigpit na pagtutol mula sa industriya ng pagtotroso.

MGA MANOK NA APAT ANG PAA

Kung ano ang maituturing na huwaran para sa industriya ng pritong manok ay isang problema sa ilang guro ng junior-high-school sa Hiroshima, Hapón. Nang ang 153 mag-aaral ay sinabihang gumuhit ng isang larawan ng isang manok, mahigit na 12 porsiyento ang gumuhit ng mga manok na apat ang paa. Nang suriin sa siyam na punto ng disenyo, “tatlong bata lamang ang wastong nakaguhit ng mga manok,” ulat ng pahayagang Asahi Shimbun. “Wala nang gaanong pakikitungo sa kalikasan na gaya ng dati,” sabi ng guro na nagsagawa ng surbey.

ULAT TUNGKOL SA DIYOSESIS NG PAPA

Ang mga pari sa parokya ng Roma ay may nakalulungkot na balitang iuulat sa kanilang obispo, ang papa, sa kanilang taunang miting sa kaniya sa taóng ito. Sang-ayon sa pahayagang Katoliko na Avvenire, ipinanangis ng isang pari ang “nakatatakot na paglayo sa Kristiyanismo ng kaniyang parokya, kung saan 3 porsiyento lamang ang dumadalo sa misa at 90 porsiyento niyaong nagbabalak mag-asawa ‘ay walang nalalaman tungkol sa relihiyon.’” “Noong nakaraang taon,” sabi pa ng pari, “may 18 libing, subalit walang humiling ng sakramento.” Idinagdag pa ng Avvenire na ang isa pang problemang nakakaharap ng mga pari sa parokya ay ang pagkanaroroon ng mga Saksi ni Jehova, “na ang pagdami ay laganap”​—may kamaliang sinabi pa nga ng isang nag-aalalang pari na “ginawa ng mga Saksi ang Roma na kanilang kabisera sa Europa, Asia, Aprika.”

MGA SANGGOL SA TUBIG NG SOBYET

Ilang mga babaing Sobyet ang nagsisilang ng kanilang mga sanggol sa isang pambihirang paraan: sa tubig, sa bahay o sa dagat. Iniuulat ng magasing Sobyet na Sputnik na sa 700 gayong pagsilang, walang isa man ang nagkaroon ng komplikasyon o namatay. Ang kapaligiran ng tubig ay inaakalang mas kahawig ng kapaligiran na iniwan ng bagong silang. Sinasabi ng artikulo na ang mga batang ipinanganak sa ganitong paraan ay nauupo, tumatayo, at lumalakad pa nga na mas maaga kaysa iba. Tiyak na sila ay lumalangoy na mas maaga. “Sa loob lamang ng apat na oras pagkasilang ang gayong mga sanggol ay maaaring lumutang nang hindi tinutulungan, at pagkaraan lamang ng ilang buwan maaari na silang lumangoy nang mga ilang kilometro ang layo,” sabi ng Sputnik. Gayunman, ang ibang Sobyet na doktor naman ay hindi sang-ayon sa pagsisilang sa tubig sapagkat “ang sanggol ay dumaraan sa isang hindi malinis na kapaligiran na hindi sapat ang temperatura,” at dahil sa posibleng mga problema sa pagdurugo.

ANG PAGLANGHAP NG USOK NG SIGARILYO AY NAGSASAPANGANIB SA MGA BATA

Ang mga magulang na naninigarilyo ay maaaring maging sanhi ng kamatayan ng mula 10 hanggang 20 mga batang Australiano sa bawat taon, ulat ng pahayagang The Weekend Australian. Libu-libo pa ang maoospital. Sinisipi ng artikulo ang isang pag-aaral ng mga 500 batang naospital dahil sa sakit sa palahingahan. Nasumpungan ng mananaliksik ang malakas na katibayan ng kemikal na paglanghap ng usok mula sa mga sigarilyo niyaong nag-aalaga sa kanila ang pinagmulan ng sakit ng mga bata. Binanggit din ng artikulo ang kaugnayan sa pagitan ng paglanghap ng usok ng sigarilyo at ng pulmunya, trangkaso, hika ng bata, at SIDS (Sudden Infant Death Syndrome). Ang konklusyon nito: “Nakababahala ang pagdami ng mga babaing naninigarilyo.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share