Karagatan—Mahalagang Yaman o Pangglobong Imburnal?
Gulong, bughaw na karagatan—gulong!
Sampung libong plota ang tangay mo;
Sinisira ng tao ang lupa—supil niya’y
Hanggang pampang.
Salin buhat sa Childe Harold’s Pilgrimage, ni Lord Byron.
MAY panahon na ang mga salitang iyon ay higit pa kaysa tula; ito ay totoo. Subalit hindi na gayon ngayon. Ngayon ang mga salita ng makata, na lubhang nagpapahayag sa kalawakan ng karagatan at sa wari’y hindi maaaring tablan ng mga pagsisikap ng mahinang tao na papangitin ito, ay hindi totoo at hungkag na gaya ng ideya na ang tao ay hindi kailanman makalilipad. Ang supil ng tao’y hindi na humahangga sa pampang. Nag-iwan din siya ng tatak sa dagat, at isang pangit na tatak pa nga.
Nakapunta ka na ba sa dalampasigan? Kung nakapunta ka na, tiyak na ikaw ay may magagandang alaala: ang kislap ng liwanag ng araw sa tubig; ang naghehele, maindayog na pagsalpok ng alon sa tabing-dagat; isang nakagiginhawang paglangoy; paglalaro sa mga alon. Ang pag-iisip lamang dito ay nagpapangyari sa iyo na asam-asamin ang susunod na pagkakataon, hindi ba? Subalit baka wala nang susunod na pagkakataon. At maaaring iyan ay maliit na bagay; higit pa ang nagagawa ng karagatan kaysa paluguran ang ating mga pandamdam.
Halimbawa, huminga ka nang malalim. Sang-ayon sa The New Encyclopædia Britannica, utang mo ang marami sa hiningang iyon sa karagatan. Papaano? Sinasabi nito na ang tubig sa planetang ito, lalo na ang mga halamang dagat nito (algae), ang nagtutustos ng mga 90 porsiyento ng oksiheno na hinihinga natin. Tinataya ng iba na sa ganang sarili ang pagkaliliit na phytoplankton ng karagatan ay naglalaan ng hanggang sangkatlo ng oksiheno ng planeta. Inaalalayan din ng karagatan ang temperatura ng globo, tinutustusan ang saganang pagkasarisari ng buhay, at gumaganap ng mahalagang papel sa pangglobong klima at mga siklo ng ulan. Sa maikli, ang karagatan ang susi sa buhay sa planetang ito.
Isang Pangglobong Imburnal
Subalit sa tao ito ay higit pa riyan. Ito rin ay tambakan ng basura. Ang mga dumi sa imburnal, kemikal na mga basura mula sa mga pabrika, at umaagos na tubig na punô-ng-pestisidyo mula sa mga bukid ay pawang patungo sa dagat sa pamamagitan ng mga lantsa de deskarga, ilog, at mga tubo. Malaon nang itinuring ng tao ang karagatan na parang dambuhalang imburnal. Subalit ang pinsalang ginagawa ng tao sa dagat ay nagbabalik sa kaniya. Ang popular na mga pamasyalang tabing-dagat sa buong daigdig ay kailangang magsara kamakailan dahil sa nakasusuyang basura na ipinapadpad sa pampang.
Mga kagamitan sa paggamot at medikal na mga labí, gaya ng maruming mga benda, mga karayom ng iniksiyon, at maliliit na botelya ng dugo—ang ilan ay nahawahan ng virus ng AIDS—ay nailalagay sa mga ulong-balita habang ito ay lumilitaw sa mga dalampasigan sa babayin-silangan sa Estados Unidos. Mga bola ng dumi mula sa imburnal, patay na mga daga na gamit sa laboratoryo, sapin ng sikmura ng tao, at higit pang di kaaya-ayang mga bagay ay pawang nakapandidiring naglitawan. Ang iba ay naging pangkaraniwan.
Hinampas ng krisis ang mga dalampasigan sa North Sea at sa Baltic Sea sa gawing hilaga ng Europa, ang mga dagat Adriatiko at Mediteraneo sa gawing timog ng Europa, at pati na sa kahabaan ng babaying Sobyet sa Black Sea at sa Karagatang Pasipiko. Ang mga dalampasigan ay isinara, sapagkat ang mga lalangoy sa gayong mga lugar ay nanganganib sa sarisaring karamdaman. Ang kilala-sa-daigdig na manggagalugad ng karagatan na si Jacques Cousteau ay sumulat kamakailan na ang mga naliligo sa ilang dalampasigan sa Mediteraneo ay pangahas na sumasagasà sa 30 sakit, mula sa pigsa hanggang sa gangrena. Inihula niya na darating ang panahon na walang sinuman ang mangangahas na magtubog ng isang daliri ng paa sa tubig.
Subalit higit pa ang ginagawa ng basura ng tao kaysa sarhan ang mga dalampasigan at gambalain ang mga lumalangoy. Ang pinsala nito ay kumalat na sa mas malalim na mga tubig.
Isang daan at siyampu’t-walong kilometro mula sa baybayin ng New York, E.U.A., sinimulang itambak ng New York ang dumi ng imburnal nito mga ilan taon na ang nakalipas. Kamakailan, mula sa mga libis sa ilalim ng dagat mga 130 kilometro ang layo, nahuhuli ng mga mangingisda ang mga isdang may sugat at nabubulok ng mga palikpik at mga alimasag at uláng na may “burn-spot disease”—mga butas sa kanilang balat na para bang sinunog ng nag-aapoy na panghinang. Ikinakaila ng mga opisyal ng gobyerno ang anumang kaugnayan sa pagitan ng dakong tambakan ng basura at ng maysakit na mga isda, subalit hindi gayon ang pagkaunawa rito ng mga mangingisda. Sinabi ng isang kapatas sa piyer sa magasing Time na “aanihin ng mga taga-New York ang basurang kanilang itinapon sa mga isdang kanilang kinakain.”
Inaakala ng mga dalubhasa na ang polusyon ng karagatan ay mabilis na nagiging isang pangglobong epidemya; ni ito man ay natatakdaan sa industriyal na mga bansa. Ang mahihirap na bansa ay sinasalakay din, sa dalawang kadahilanan. Una, ang karagatan ng daigdig ay tunay na isang malaking karagatan na ang agos ay walang kinikilalang hangganan. Ikalawa, sinamantala ng industriyal na mga bansa ang mahihirap na bansa bilang tapunang dako ng kanilang mga basura. Sa loob lamang na nakalipas na dalawang taon, ipinadala ng Estados Unidos at ng Europa ang mga tatlong milyong tonelada ng mapanganib na basura sa mga bansa sa Silanganing Europa at Aprika. Karagdagan pa, ang ilang banyagang kontratista ay nagtayo ng mga pabrika sa Asia at sa Aprika nang hindi isinasama ang mga sistemang kinakailangan upang itapon ang basura.
Ang Salot ng Plastik
Dahil sa plastik, nakaharap ng tao ang isa pang naghuhuramentadong produkto na likhang-isip ng tao. Kung minsan wari bang ang teknolohiya ay hindi maaaring umiral nang wala ito. Ang plastik ay para bang kailangang-kailangan; ito rin naman ay nananatili. Kapag hindi na ito kailangan ng tao, nahihirapan siyang alisin ito. Ang paketeng plastik na humahawak ng anim na latang beer ay maaaring tumagal ng mga 450 hanggang 1,000 taon.
Ang popular na paraan upang mawala ang bagay na iyon, gaya ng hula mo, ay itapon ito sa karagatan. Sa katunayan, tinataya ng isang report kamakailan na taun-taon halos 26,000 toneladang pampakete at 150,000 tonelada ng engranahe sa pangingisda ang nawawala o inihahagis sa karagatan. Sang-ayon sa U.S.News & World Report, “ang mga sasakyang pangkalakal at pandagat ay naghahagis ng 690,000 mga sisidlang plastik araw-araw.” Tinataya ng isang dalubhasa na kahit na sa gitna ng Karagatang Pasipiko, may 50,000 piraso ng plastik sa bawat kilometro kuwadrado.
Hindi kayang tanggapin ng karagatan ang salot na ito ng plastik. Karaniwang ito’y lumulutang hanggang sa iluwa ito ng karagatan sa ilang dalampasigan, kung saan patuloy na sinisira nito ang kagandahan ng lupa. Datapuwat mayroon pa itong ginagawang mas maselan.
Napakalaking Halaga
Ang problema sa mga plastik, gaya sa iba pang tagapagparumi, ay ang halaga nito sa ibinabayad na buhay. Napagkakamalan ng dambuhalang mga pawikan ang lumulutang na mga bag ng basura na lagusan ng liwanag, aalun-along dikya—isang paboritong pagkain. Ang mga pawikan ay alin sa nahihirinan sa mga bag o nilululon ito nang buo. Sa alinmang paraan, pinapatay ito ng plastik.
Lahat ng uri ng buhay sa dagat, mula sa mga balyena hanggang sa mga dolphin at mga seal, ay nabubuhol sa iniwang mga plastik na pamingwit at lambat sa pangingisda. Mapaglarong isinusuot ng mga seal ang kanilang nguso sa itinapong mga anilyong plastik, at pagkatapos, palibhasa’y hindi maalis ito o maibuka ang kanilang bibig, sila ay dahan-dahang namamatay dahil sa gutom. Ang mga ibon-dagat (seabirds) ay nasasabit sa mga pamingwit sa pangingisda at balisang nagkakakawag sa kamatayan sa pagnanais na muling makawala, at ito ay hindi nabubukod na mga kaso. Halos isang milyong ibon-dagat at isang daang libong mga mamal sa dagat ang nahihirinan ng basura sa bawat taon.
Nakaragdag din sa dami ng mga namatay ang kemikal na polusyon. Noong nakaraang tag-araw, mga patay na seal ang ipinapadpad sa mga baybayin ng North Sea. Sa loob lamang ng ilang buwan, mga 12,000 ng 18,000 seal sa North Sea ang nalipol. Ano ang pumatay sa kanila? Isang virus. Ngunit may iba pang dahilan. Ang bilyun-bilyong galon ng basurang regular na ibinubuhos sa North Sea at sa Baltic ay may pananagutan din, pinahihina ang sistema ng imyunidad ng mga seal at nakatulong sa paglaganap ng sakit.
Bagaman ang polusyon ay lalo nang matindi sa mga dagat sa Baltic at sa Norte, ang isang hayop ay mahihirapang humanap ng malinis na karagatan sa ngayon. Sa malayong Artiko at Antártiko, ang mga penguin, narwhal, polar bear, isda, at mga seal ay pawang may mga bahid ng mga kemikal at pestisidyo ng tao sa himaymay ng kanilang katawan. Ang mga patay na balyenang Beluga sa Gulpo ng St. Lawrence ng Canada ay itinuturing na peligrosong basura, kargado ito ng lason. Sa baybaying Atlantiko ng Estados Unidos, mga 40 porsiyento ng mga dolphin sa dakong iyon ay namatay sa loob lamang ng mahigit isang taon, ipinapadpad sa tabing-dagat na may mga paltos, sugat, at nalalagas na balat.
Paglaban sa Isang Delikadong Mekanismo
Ang polusyon ng karagatan ay may iba pang parusa. Ito ay nagdadala ng nakamamatay na paglaban sa masalimuot na ecosystems, taglay ang nakatatakot na mga resulta. Halimbawa, ang karagatan ay idinisenyo na may mga depensa laban sa pagpaparumi rito. Ang mga wawà at mga latian sa mga bunganga ng ilog ay mabisang tagasala, inaalis ang nakapipinsalang mga bagay sa tubig bago ito umagos patungo sa dagat. Ang karagatan mismo ay may pagkalaki-laking kakayahang baguhin-ang-sarili at linisin ang mga karumihan. Subalit nilalatagan ng tao ang mga latian, pinahihirapan ang mga wawà, at kasabay nito’y itinatambak ang basura sa karagatan na mas mabilis kaysa kayang tanggapin nito.
Habang ang mga dumi sa imburnal at agos ng maruruming tubig ay nagtutungo sa mga dagat, pinararami nito ang mga algae, na namumukadkad at nagiging red o brown tide na umuubos ng oksiheno sa tubig at pumapatay sa mga buhay sa dagat na milya-milya ang layo. Ang gayong mga tide ay dumarami sa buong daigdig.
Dinumhan pa nga ng tao ang paligid sa mga paraang dati’y hindi nababalitaan. Halimbawa, nariyan ang thermal na polusyon. Ang pag-agos ng mainit na mga basura na bahagyang nagtataas sa lokal na temperatura ng tubig ay maaaring magpasigla sa paglaki ng mga organismo na sumisira sa ecosystem.
Nariyan din ang polusyon ng ingay. Sang-ayon sa The New York Times, winasak ng tao ang katahimikan ng daigdig sa ilalim ng dagat sa pamamagitan ng kaniyang pagpapasabog para sa seismikong pag-aaral, ng kaniyang pagbutas para sa langis, at ng kaniyang pagkalalaking bapor. Sinisira ng ingay ang sensitibong mga sangkap sa pandinig ng mga isda, balyena, at mga seal—marahil ginugulo pa nga ang kanilang kakayahang makipagtalastasan sa isa’t isa. Sinasabi ng aklat na Cosmos ni Carl Sagan na ang mga balyena ay maaaring nagkakarinigan ng mababang-prekuwensiyang mga tunog na libu-libong kilometro sa karagatan, kasinlayo ng distansiya sa pagitan ng Alaska at ng Antartiko. Tinataya ni Sagan na ang pagdating ng panghihimasok ng ingay ng tao ay nakabawas sa distansiyang iyon ng mga ilang daang kilometro. “Inihiwalay natin ang mga balyena sa isa’t isa,” sabi niya.
Ipinakikita rin ng karagatan kung paano naging masalimuot ang krisis ng polusyon. Halimbawa, dahil sa pinsalang nagawa ng tao sa ozone layer ng atmospera ng lupa, mas maraming ultraviolet na liwanag ang nakararating sa mga dagat at pinapatay ang plankton na lumulutang malapit sa ibabaw ng tubig. Yamang sinisipsip ng plankton ang carbon dioxide, ang pagsira rito ay nakatutulong sa pag-init ng globo na kilala bilang greenhouse effect. Pumapasok din sa larawan ang pag-ulan ng asido yamang itinatambak nito ang nitroheno ng tao sa tubig ng daigdig, marahil inuudyukan ang pamumukadkad ng nakamamatay na algae. Anong masalimuot, mapanganib na kalagayan ang ginawa ng tao!
Subalit ang larawan ba ay ganap na wala nang pag-asa? Ano ang mangyayari sa ating karagatan? Ito ba’y mauuwi sa walang buhay na lawa ng mga kemikal at basura?
[Kahon sa pahina 5]
ISANG PANGGLOBONG SALOT
◼ Noong 1987, 33 porsiyento ng mga talabahan sa E.U. ay nagsara dahil sa polusyon.
◼ Ang Sylt, isang Alemang islang pamasyalan sa North Sea, na malaon nang kilala sa malilinis na dalampasigan, ay sinalakay noong nakaraang tag-araw ng isang namumulaklak na algae at polusyon. Isang 0.9 metro ang kapal na mabahong bulâ ang makikita sa mga tabing-dagat.
◼ Inaasam-asam ng mga naturalist ang pagdalaw sa Laysan, isang liblib at walang taong isla sa Pasipiko na isang libo anim na raang kilometro ang layo mula sa Hawaii. Nasumpungan nila ang mga dalampasigan na punô ng mga basurang plastik at basura.
◼ Sa buong daigdig, ang tao ay nagtatambak ng mga anim na milyong tonelada ng langis sa karagatan taun-taon—karamihan nito ay sinasadya.
◼ Sang-ayon sa pangkat pangkapaligiran na Greenpeace, ang Irish Sea ay naglalaman ng mas maraming radyoaktibong mga basura kaysa lahat ng pinagsamang karagatan. Ang karumihan nito ay maaaring siyang dahilan ng 50-porsiyentong pagdami ng leukemia sa mga nakatira sa kahabaan ng pampang.
◼ Ang mga dalampasigan ng bawat bansa sa Indian Ocean ay sinasalot ng mga bola ng alkitran mula sa langis na idinidiskarga ng mga tangker.
◼ Ang nawala o itinapong mga lambat mula sa industriya ng pangingisda ay pumupulupot at pumapatay ng mga 30,000 northern fur seal sa bawat taon. Ang mga sasakyang dagat buhat sa Asia lamang ay nawawalan ng tinatayang labing-anim na kilometro ng lambat gabi-gabi.
◼ Bagaman sinasabi ng pamahalaan ng Italya na 86 porsiyento ng mga dalampasigan nito ay malinis, inilalagay ng mga dalubhasa sa kapaligiran ang bilang sa 34 na porsiyento. Mga 70 porsiyento ng mga lungsod sa kahabaan ng baybayin ng Mediteraneo ay tuwirang nagtatambak ng dumi ng imburnal sa dagat.
◼ Ang 20,000 kapuluan sa Timog-silangang Asia ay dumaranas ng pinsala ng polusyon mula sa pagmimina ng lata malayo sa pampang, pagpapasabog, at pagtatapon ng basura mula sa lupa at mula sa mga barko. Ang halaga: nanganganib malipol na mga uri ng buhay, napinsalang mga bahura ng korales, at mga dalampasigang punô ng grasa at mga bola ng alkitran.
◼ Dala-dala ng magasing Veja ng Brazil ang isang artikulong tinatawag na “Isang Pagsigaw ng Saklolo,” tungkol sa polusyon sa pampang at baybaying tubig ng Brazil. Ang salarin: di-wastong pagtatapon ng dumi ng imburnal at industrialisasyon nang walang kinakailangang pag-iingat.
[Larawan sa pahina 7]
Ang natatapong langis ay pumapatay ng libu-libong buhay
[Credit Line]
H. Armstrong Roberts