Karagatan—Sino ang Makapagliligtas Dito?
ISANG araw ng taglagas noong 1988, siyam na lalaki at apat na babae ang tumalon mula sa isang tulay sa New York City—nang sabay-sabay. Nagpatihulog sila ng mga 20 metro at saka walang kakilus-kilos na bumitin, nakabitin sila sa mga lubid na gamit sa pag-akyat sa bundok, na naghihintay. Ano ang kanilang balak? Harangin ang pagdaan ng isang lantsa de deskarga na punô ng putik na itatambak sa karagatan. Wala ring nangyari; ang lantsa de deskarga ay basta umiwas sa mga tumututol sa pagdaan sa ibang ruta at itinambak ang basura nito na gaya ng dati. Sa wakas ang mga nagprotesta ay inaresto.
Marami pang iba ang masigasig na nakikipaglaban, subalit sa legal na paraan, upang hadlangan ang kamatayan ng karagatan ng daigdig. Nanagana ang mga kasunduan, at dumami ang mga batas. Pinagtibay ang mga batas na nagbabawal sa pagtatambak ng mga plastik sa karagatan. Ang mga tangker ay pinagbawalang magtambak ng kanilang basurang langis sa tubig. Ang ilang ilog at tabing-dagat ay matagumpay na nalinis.
Gayunman, sa kabuuan, ang mga tagumpay ay iilan at ang mga kabiguan ay karaniwan. Ikinatatakot ng mga dalubhasa sa kapaligiran na mientras mas murang magtambak ng mga basura sa karagatan, hindi mawawala yaong mga iiwas sa batas, kung paanong iniwasan ng lantsa de deskarga na may kargang putik na nabanggit kanina ang mga tumututol. Nakalulungkot sabihin, ang kadalasang nagpapasiya sa problemang ito ay ang salapi, ang motibong pakinabang. Ang pag-iingat sa kapaligiran ay kaunti ang pakinabang at magastos.
Dapat bang Sisihin ang Diyos?
Gayunman, nakikita ng magasing Time ang problema ng polusyon na apurahan upang itigil ang paghirang sa “tao ng taon.” Sa halip, pinanganlan ng labas nito noong Enero 1989 ang naligalig na Lupa na “Planeta ng Taon.” Kawili-wili, gayunman, kung minsan ang gayong mga artikulo tungkol sa krisis sa kapaligiran ay nagkakaroon ng lubhang mapang-uyam na palagay sa Bibliya.
Ang artikulo sa Time ay nagsimula sa pagsipi sa Eclesiastes 1:4: “Isang salinlahi ay yumayaon, at ibang salinlahi ang dumarating: ngunit ang lupa ay nananatili magpakailanman.” “Hindi, hindi magpakailanman,” sabi ng autor ng artikulo. “Sa panlabas na hangganan, ang lupa ay malamang na tatagal na 4 na bilyon hanggang 5 bilyong taon pa.” Sinabi ng autor ding iyon na ang utos sa unang mag-asawa na ‘supilin ang lupa’ “ay maaaring bigyan-kahulugan bilang isang paanyaya upang gamitin ang kalikasan bilang isang kaginhawahan. Sa gayon sa paglaganap ng Kristiyanismo, na karaniwang ipinalalagay na nagbukas ng daan sa pag-unlad ng teknolohiya, maaaring kasabay nito ay dinala ang mga binhi ng walang pakundangang pagsasamantala sa kalikasan.” Itinala pa nga ng magasing Life ang pangako ng Bibliya na “mamanahin ng maaamo ang lupa” sa talaan nito ng katawá-tawá at maling mga hula.
Ang lahat ng gayong mga pangungusap ay may iisang diwa: Ito ay nasasalig sa mga palagay na ang Diyos ay hindi umiiral o na hindi niya kinasihan ang Bibliya o na wala siyang karunungan at kapangyarihan upang patnubayan ang kaniyang nilalang at tuparin ang kaniyang mga pangako. Ano ang palagay mo? Hindi ba may kahambugan sa pagsasabi ng mga palagay na ito nang walang katibayan? Sinumang nakasaksi sa kasindak-sindak na lakas at kagandahan ng karagatan kung bagyo ay nakakita mismo sa katibayan na ang Isa na lumikha ng ating planeta ay talagang makapangyarihan. Ang kaniyang karunungan ay makikita saanman sa karagatan at sa buhay na nananagana rito.
Ang utos ng Diyos na ‘supilin ang lupa’ ay hindi nagbibigay karapatan na sirain ito kundi sa halip ang pagkakaloob ng isang tanggapan ng pagiging katiwala, isang pananagutan na pangalagaan at linangin ang lupa. Tutal, kung sa pag-uutos sa tao na ‘supilin ang lupa,’ ang ibig sabihin ng Diyos ay gawin natin itong marumi at maputik na gaya ng mabilis na nangyayari rito sa ngayon, kung gayon bakit niya pinaglaanan sina Adan at Eva ng malaparaisong hardin ng Eden upang gamitin bilang isang huwaran? At bakit sinabi ng Diyos sa lalaki na “bungkalin at alagaan ito” at sa wakas ay palawakin ang mga hangganan nito sa pagsupil sa “mga tinik at dawag” na tumutubo sa labas ng kaniyang huwarang hardin?—Genesis 2:15; 3:18.
Sa katunayan, malaon nang panahon ang Bibliya ay kamangha-manghang humula na maaari lamang kumapit sa atin mismong mapangwasak na salinlahi, yaon ay, na “ipapahamak [ni Jehova] ang mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Ipinakikita ng hula sa Bibliya na ang panahong iyon ay malapit na.
Gayunman, sinisisi ng ilan ang Diyos dahil sa polusyon at itinuturo ang tao mismo bilang lunas, ang tanging pag-asa. Ang kabaligtaran naman ang ipinakikita ng katuwiran—na ang tao mismo ang dapat sisihin, na ang lunas ay wala sa kaniya. Ang pagsisi sa Diyos ay hindi isang bagay na bago. Matagal nang ipinakikita ng Kawikaan 19:3 ang kakulangan ng unawa ng tao: “Sinisira ng mga tao ang kanilang sarili ng kanila mismong kamangmangan at pagkatapos ay sisisihin ang Panginoon.”—Today’s English Version.
Ang pagiging katiwala na sinimulan sa Eden mga anim na libong taon na ang nakalipas ay hindi lipas na. Sinuman ngayon na gumagalang sa Maylikha ay maaaring magpakita ng paggalang sa kaniyang mga gawa sa halip na walang-ingat na dumhan ang kapaligiran. Bawat isa sa atin ay makatutulong upang panatilihing malinis ang karagatan. (Tingnan ang nasa ibaba.) Subalit nakalulungkot sabihin, sa sistemang ito ng daigdig ang sinumang nagnanais na huwag makatulong sa polusyon ng lupa at ng mga dagat ay kailangang maging isang ermitanyo, nakabukod sa iláng. Wala ang gayong karapatan sa pagpili para sa mga tagatulad kay Jesus; hindi iyon ipinahihintulot ng kanilang ministeryo.—Mateo 28:19, 20.
Kaya ang tanging pag-asa para sa ganap na wakas ng polusyon ng karagatan ay wala sa atin kundi nasa Diyos. Ang kaniyang mga pangako ay malayung-malayo sa mga kabiguan ng tao; walang isa man dito ang hindi niya tinupad. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga salitang ito mula sa Bibliya ay maaaring magbigay sa atin ng kaaliwan: “Ikaw lamang Jehova; ikaw ang gumawa ng langit, maging ang langit ng mga langit, pati ng lahat na natatanaw roon, ng lupa at ng lahat ng bagay na naroroon, ng mga dagat at ng lahat ng naroroon; at iyong iniingatan silang lahat na buháy.”—Nehemias 9:6.
Hindi na magtatagal, isasauli ang walang-hanggang kagandahan ng lupa at ng karagatan nito. Oo, ang “bughaw na karagatan” ay gugulong—magpakailanman. Titiyakin iyan ng Maylikha.
[Kahon sa pahina 9]
KUNG ANO ANG MAGAGAWA MO
Kung paano mo pakikitunguhan ang karagatan nang may paggalang:
◼ Kapag namamangka at nangingisda, sundin ang payak na tuntunin: Kung ano ang dala-dala mo, iuwi mo rin. Ito’y kapit lalo na sa mga bagay na plastik. Ingatan ang pamingwit. Wastong itapon ang langis ng makina malayo sa pampang, hindi sa dagat.
◼ Sa dalampasigan, kapit ang tuntuning nabanggit sa itaas. Bantayan ang mga bagay na plastik na dala ninyo—mga supot ng tinapay, mga pingga na nagdadala ng mga lata ng soda, mga kagamitang plastik, at mga bote ng losyon. Tandaan kung gaano kadaling liparin ang mga bagay na ito kung hindi lalagyan ng pabigat. Bago umalis, tingnang mabuti ang lugar, at dalhin ang inyong basura.
◼ Sundin ang gayunding tuntunin kapag nagpipiknik, nangingisda, o namamangka sa mga dagat at lawa at sa kanilang mga pampang. Tandaan na ang pagpaparumi sa ilog ay masama sa ganang sarili. Isa pa, kung ano ang itinambak mo sa ilog ay maaaring mapunta sa karagatan sa dakong huli upang higit pang puminsala.
◼ Sundin ang lahat ng lokal na batas tungkol sa pagtatapon at pagriresiklo ng basura.
◼ Kapag naglalaba at naghuhugas ng pinggan, huwag gumamit ng labis na sabon kaysa kinakailangan.
◼ Ang tubig, gaya ng hangin, ay isa sa pangunahing kailangan sa buhay. Igalang mo ito, huwag mong dumhan.
[Larawan sa pahina 8]
“Hanggang dito ay darating ka, ngunit hindi ka na lalagpas.”—Job 38:11