Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Anong Masama sa Pagmumura Paminsan-minsan?
“Panunungayaw. Ginagawa ito ng lahat. . . . Maaari itong magsimula nang unti-unti, mga ilang salita lamang na napulot sa ‘magagaling’ na mga bata sa paaralan, subalit hindi nagtatagal ito ay lumalago sa isang ganap na wika, nagiging mahirap supilin.”—Laura, edad 14.
PANUNUNGAYAW. Pagmumura. Paglapastangan. Ang mga kabataan ay nalalantad sa pagbaha nito. Ang U.S.News & World Report ay nagsabi: “Ang mata pati na ang tainga ay sinasalakay ng lumalaganap na kalapastanganan sa mga istiker ng mga bumper, sa mga butones at mga T-shirt.” Ang malalaswang salita ay malakas na maririnig sa mga radyo at laging isinisingit sa mga artikulo sa magasin, mga palabas sa TV, at mga pelikula. Ang mga pagmumura ay hindi ikinahihiyang nagiging bulaklak ng dila ng mga pulitiko at mga tanyag na tao—kahit na ng ilang mga magulang at mga kasama.
Ganito ang sabi ng manunulat na si Alfred Lubrano: “Ang mga salitang panungayaw ay nagiging pamantayang talasalitaan para sa maraming tao sa opisina, sa mga restauran, at sa mga laro ng bola.” Sa katunayan, ang paglapastangan ay naging pangkaraniwan na lamang anupa’t inaakala ng iba na hindi na ito nakasisindak. Maaaring magtanong ka kung may anuman bang pinsala sa paminsan-minsang paglalabas ng ilang “makulay” na mga salita, lalo na kapag ang isang tao ay napapaharap sa isang nakasisiphayong kalagayan.
Kung Bakit Nanunungayaw ang mga Kabataan
Ganito ang sabi ng sikologong si Chaytor Mason: “Ang paglapastangan ang pinakadiwa ng tao. Tulad ito ng pagkamot, inilalabas nito ang kaigtingan.” At kawili-wili, nang tanungin ng mga reporter ng magasing Children’s Express ang ilang kabataan ng tanong na, “Bakit ba nanunungayaw ang mga kabataan?” ang nakuha nilang sagot ay: “Ako’y nanunungayaw kasi ako’y galit.” “Ginagawa ko lamang ito kapag ako’y nagtatampo.” “Bumubuti ang pakiramdam ko, ito’y nakagiginhawa.”
Sapagkat tayo’y nabubuhay sa isang di pangkaraniwang maigting na panahon, ang hindi pagkapalagay na iyon na maglabas ng tensiyon ay maaaring maging madalas. Tunay, nakikita ng lektyurer sa saykayatri sa Harvard na si Thomas Cottle ang kasalukuyang “pagiging normal” ng paglapastangan na katibayan ng “isang malaking pagbabago sa kulturang Amerikano.” Sabi ni Cottle: “Nakikita ng mga tao ang kanilang buhay na hindi tunay, hindi kasiya-siya, at sila’y nagagalit. Tayo’y natatakot sa mga bagay na totoo at tayo’y nagagalit sa mga bagay na totoong-totoo. Nagkukubli sa likuran ng galit na ito ang pagkaagresibo.”
Kaya nga, ang mga pagbabago na binabanggit ni Mr. Cottle ay nagaganap sa buong daigdig. Inihula ni apostol Pablo na ang mga tao sa ating kaarawan ay “di-marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan.” (2 Timoteo 3:1, 3) Hindi kataka-taka, kung gayon, na bilang tugon sa dumaraming panggigipit, maraming kabataan ang naging mapanungayaw. Kanilang “hinasa ang kanilang dila na parang tabak” at kanilang “itinudla ang kanilang palaso, ang masasakit na salita.”—Awit 64:3.
Isang Mabisang Ginhawa?
Gayunman, gaano talaga kabisang nailalabas ng pagbubuga ng paglapastangan ang tensiyon? Ang iskolar sa wika na si Reinhold Ahman ay nagsasabi na ang pagmumura ay nakatutulong upang “ilabas ang galit.” Sinasabi pa nga niya na kung wala ang emosyonal na paglalabas sa pamamagitan ng panunungayaw, ang mga tao’y daranas ng “mga ulser sa sikmura, sakit ng ulo, pagdurugo ng mga bituka.” Ang konklusyon niya? “Ang isang salita ng panunungayaw sa isang araw ay makabubuti sa iyong kalusugan.”
Ipagpalagay na, sa mga sandali ng matinding kaigtingan, ang panunungayaw ay maaaring tila nakatutulong sa iyo na ‘pasingawin ang iyong galit.’ Gayumpaman, espisipikong hinahatulan ng Bibliya ang paggawa ng gayon. Ang Efeso 4:29 ay nagsasabi: “Anumang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig.” Ganito naman ang pagkakasalin ng The New English Bible sa talatang ito: “Walang malaswang salita ang dapat lumabas sa inyong mga labi, kundi kung ano ang mabuti at kapaki-pakinabang sa pagkakataon.” May mabubuting dahilan sa payong ito.
Sa isang bagay, malayo sa pagiging “mabuti at kapaki-pakinabang sa pagkakataon,” ang galit na mga salita ay lalo lamang magpapagalit sa iyo. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang kawikaan: “Siyang nagagalit na madali ay gagawang may kamangmangan.” (Kawikaan 14:17; 15:18) Pinalalala lamang nito ang isang masamang kalagayan, yamang ang mga tao ay bihirang tumugon nang may pabor sa galit, nakasasakit ng mga salita. Sabi ng Kawikaan 15:1: “Ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot, ngunit ang salitang nakasasakit ay humihila ng galit.” At kapag ang isa’y namihasa sa pagmumura sa bahagyang pagpapagalit, ang masasamang salita ay lumalabas sa maling sandali—o sa maling tao, gaya sa isang guro o sa magulang.
Kaya sa halip na mabisang nagpapahupa ng tensiyon, ang pagmumura ay lumilikha lamang ng sarili nitong tensiyon. Sa halip na lutasin ang iyong mga problema, inaantala lamang nito ang paglutas mo rito.
Makulay o Nakasásamâ?
Hindi lahat ng panunungayaw ay ginagawa dahil sa galit. Sabi ng aklat na Exploring Language: “Ang maruruming salita ay kadalasang ginagamit ng mga tin-edyer sa pagsasabi ng bastos na mga kuwento . . . Habang ang kanilang katawan ay lumalaki at nagbabago, ang mga lalaki at babae ay nagtataka at nag-aalala. Upang huwag silang madaig ng mga takot na ito, ginagawa nila itong mga biro o mga kuwentong bastos.” Inaakala pa nga ng ilang kabataan na ang lapastangang mga salita ay nakadaragdag ng kulay sa kanilang pananalita o pinagtitingin silang may edad na.
Gayunman, waring inilalarawan ng tinatawag na maruruming salita ang normal na mga gawain ng katawan at ang seksuwal na mga gawain sa nakasásamâ, hamak na paraan. Binabanggit ang ilan sa mga katagang karaniwang ginagamit upang ilarawan ang seksuwal na pagtatalik, si Barbara Lawrence, isang associate professor ng humanities, ay nagsasabi na “sa mga pinagmulan nito ang paglalarawan sa mga salitang ito ay naghahatid ng hindi maikakailang masakit, kung hindi man sadistikong, mga pahiwatig.”
Anong laking kaibahan nito sa mataas, marangal na paraan ng pagtalakay ng Bibliya sa seksuwal na mga bagay! (Kawikaan 5:15-23) Ang malalaswang salita ay nagtuturo ng bulok, ubod ng samang pangmalas tungkol sa sekso at pag-aasawa. Ang maruruming salita ay sa bibig kung paanong ang pornograpya ay sa mata. Tulad ng pornograpya, maaaring pukawin ng pagsasalita tungkol sa sekso sa nakasásamáng paraan ang di-wastong haka sa puso. Minsang ang binhi ng masasamang pita ay naitanim na, kailangan na lamang ang pagkakataon upang isagawa ang mga pitang iyon.—Santiago 1:14, 15.
Isa pa, hindi nito ginagawang makulay ang pananalita, bagkus ginagawa ng panunungayaw ang pananalita na nakasisindak at nakasusuya. Isang 13-anyos na babae na kinapanayam ng Children’s Express ay nagsabi: “Alerdyi ako sa masasamang salita. . . . May mga bagay na hindi mo makasanayan.” Ang pantas na taong si Solomon ay ‘humanap ng nakalulugod na salita’ sa pagpapahayag ng kaniyang mga kaisipan. (Eclesiastes 12:10) Maihahatid mo rin ang iyong mga ideya sa basta paggamit ng piling mabubuting salita. Hindi mo na kailangan pang gumamit ng nakasisindak na mga salita.
Sa katapusan, ang ilang malalaswang salita ay nagdadala pa nga ng kasiraan sa Diyos mismo! Tiyak na ito’y magdudulot lamang sa kaniya ng sama ng loob. (Exodo 20:7) Dahil dito, hinihimok tayo ng Bibliya: “Ngunit ang pakikiapid at ang anumang uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal; o ang nakahihiyang asal o ang walang kawawaang pagsasalita o ang masagwang pagbibiro, na mga bagay na di-nararapat.”—Efeso 5:3, 4.
Panggigipit ng mga Kasama
Gayunman ang isa pang dahilan kung bakit ang ilang kabataan ay nagsasalita ng maruruming salita ay dahil sa panggigipit ng mga kasama. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang kabataang Kristiyano: “Ayaw ng karamihan sa mga kabataan na sila’y ituring na kakatuwa o kakaiba. Nais nilang maging gaya ng karamihan. Kaya kung ang pagmumura ay isa sa mga bagay na dapat mong gawin, ginagawa mo ito.”
Ang panggigipit ng mga kasama ay lalo nang matindi sa mga gawain na gaya ng isports sa paaralan. Doon, ang panunungayaw kung minsan ay sadyang itinataguyod ng mga tagapagsanay sa koponan. Kaya isang kabataang nagngangalang Kinney ang nagsabi na ang panunungayaw ay palasak sa locker room bago ang laro ng basketball sapagkat “pinupuno nito ang isang tao, pinangyayari siyang sumabog.”
Subalit ano ang kadalasang mga resulta kapag ang mga damdamin ay sumidhi sa ganitong paraan? Kung gayon ang isport ay hindi na isang laro kundi isang pagsasanay sa pagkapoot at mahigpit na kompetisyon. Karaniwan na ang mga away at pagsasakitan. At sabi ng isang kabataang nagngangalang Tyrone: “Kapag ang lahat ay ganadung-ganado sa paglalaro at ang isang na-foul ay magalit at murahin ang kaniyang kalaban o ang referee, maaaring mahawa ka.”
Maliwanag, kung gayon, ang panunungayaw ay isang masamang ugali na “maaaring mahawa ka.” Sabi ng Bibliya: “Inihihinga ng mangmang ang buong galit niya, ngunit ang pantas ay nananatiling mahinahon hanggang sa wakas.” (Kawikaan 29:11) Kaya nga, paano ka ‘maglalagay ng paningkaw na tagapag-ingat sa iyong bibig’ kapag nasa ilalim ng panggigipit na magmura? (Awit 39:1) Tatalakayin ito ng isang artikulo sa hinaharap.
[Larawan sa pahina 23]
Maaaring masumpungan ng isang namihasa sa pagsasabi ng malalaswang salita ang kaniyang sarili na ginagamit ito sa publiko