Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 9/8 p. 20-22
  • Paano Ko Mapipigil ang Simbuyo na Magmura?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Mapipigil ang Simbuyo na Magmura?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ingatan ang Iyong Puso
  • Ang mga Epekto ng Musika
  • Bantayan Mo ang Iyong mga Kasama!
  • Manatiling Mapagbantay
  • Anong Masama sa Pagmumura Paminsan-minsan?
    Gumising!—1989
  • Kung Bakit ang Kalaswaan ay Hindi Para sa mga Kristiyano
    Gumising!—1992
  • Iwasan ang Nakasasakit na Salita
    Gumising!—2003
  • Magsalita ng “Mabuti sa Ikatitibay”
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 9/8 p. 20-22

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Mapipigil ang Simbuyo na Magmura?

“SA ISANG nakasisiphayong kalagayan,” sabi ng popular na sikologong si Joyce Brothers, “nakabubuti sa kalusugan ang pagmumura.”

Ang malaganap na paggamit ng lapastangang salita ngayon ay nagpapahiwatig na ang marami ay sumasang-ayon sa mga damdaming ito. Gayumpaman, ang paggamit ng lapastangang salita, na hindi nakabubuti, ay nakasasakit ng damdamin, mapangwasak, at nakasásamâ.a Ang manunulat ng Bibliya na si Santiago ay nagsabi: “Bumabalong ba sa iisang bukal ang tubig na matamis at ang tubig na mapait?” Kung gayon, hindi nga magkasuwato na “purihin si Jehova, alalaong baga ang Ama, at gayunman [ang dila ring ito] ang ipinanlalait [o ipang-upasala] natin sa mga tao na nilikha ‘ayon sa wangis ng Diyos.’” Ang konklusyon ni Santiago: “Hindi nararapat, mga kapatid ko, na ang mga bagay na ito’y magpatuloy nang ganiyan.”​—Santiago 3:9-11.

Ang problema ay na ang pagmumura ay kadalasang nagiging isang ugali na naikikintal nang malalim. Gaya ng sabi ng isang kabataang nagngangalang Ron: “Ang mga pagmumurang ito ay hindi na makatkat sa iyong isipan [anupa’t kapag ikaw ay pinagalit] gusto mong magmura.” Paano, kung gayon, masusupil ng isang tao ang kaniyang pananalita, lalo na kapag nasa ilalim ng panggigipit?

Ingatan ang Iyong Puso

Una, pagsikapan mong ihinto ang pagmumura mula sa pinagmumulan nito. Si Jesu-Kristo ay nagsabi na “sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mateo 12:34) Sa gayon kung ano ang lumalabas sa iyong bibig ay nagpapabanaag ng kung ano ang ipinapasok mo sa iyong isipan at puso.

Halimbawa, ang mga aklat at mga magasin bang binabasa mo ay nagtatampok ng maruruming salita? Kung gayon kailangan ang ilang pagbabago ng ugali sa pagbabasa. (Filipos 4:8) May mga poster ka ba, mga butones, o mga T-shirt na may bastos o mahalay pa nga na mga sawikain? Ang gayong mga sawikain ay maaaring magtinging katawa-tawa, ngunit hindi ba ang pagtawa sa mga bagay na hinahatulan ng Diyos​—huwag nang banggitin pa ang paghahayag ng gayong mga bagay sa pamamagitan ng pagsusuot nito​—ay sumisira sa iyong mga pagsisikap na manatiling malinis sa kaniyang paningin? Hinahatulan ng Bibliya ang anumang uri ng “masagwang pagbibiro” na “hindi nararapat” sa isang Kristiyano.​—Efeso 5:4.

Ang mga Epekto ng Musika

Anong uri ng musika ang pinakikinggan mo? “Maaari kang matuto ng anumang bagay sa pakikinig sa mga awit” ang prangkang obserbasyon ng kabataang nagngangalang Jim. Tinutukoy niya rito ang maraming popular na awitin na may imoral o masagwang mga liriko. Ang manunulat na si Tipper Gore ay nag-uulat: ‘Maraming popular na mga idolo sa musika ng mga kabataan ang ngayo’y umaawit tungkol sa panggagahasa, masturbasyon, insesto, karahasan, at pagtatalik.’

Ang mga kabataan ay karaniwang nadadala ng himig at kumpas ng isang awit anupa’t hindi nila alintana ang mga liriko. Gayunman, naranasan mo na bang mahirap iwaksi sa iyong isip ang liriko na narinig mo lamang nang di-sinasadya? Isip-isipin kung gaano kalalim maikikintal ang mga salitang iyon kung maririnig mo ito nang paulit-ulit! Ang walang tigil na pakikinig sa musika na may masagwa o lapastangan na mga liriko ay pupunô lamang sa iyong isipan ng maruruming kaisipan​—na madaling lumabas sa iyong pananalita.

Ang leksiyon? Maging mapili sa pinakikinggan mo! “Hindi ba sinusubok mismo ng pakinig ang mga salita gaya ng ngalangala na lumalasa sa pagkain?” tanong ni Job sa Bibliya. (Job 12:11) Kung paanong ang iyong dila ay pumipili ng ilang uri ng pagkain, ang iyong tainga ay maaari ring sanayin na maging mapamili pagdating sa kung ano ang pinakikinggan mo.

Ang isa pang salik na dapat isaalang-alang ay ang uri ng mga pelikula at mga palabas sa TV na pinanonood mo. Ang mga ito ay higit at higit na nagiging malakas ang loob sa kanilang paggamit ng masagwang pananalita at malinaw na paglalarawan ng imoral na paggawi. Dahil sa mga videocassette napakadaling mapanood ng mga kabataan ang maruruming pelikula. Sang-ayon sa magasing Time, “araw-araw, sa buong bansa [E.U.], ang mga batang wala pang 17 anyos ay nagtutungo sa kanilang kalapit na mga tindahan ng video at umaarkila ng mga pelikulang hindi nila puwedeng mapanood sa isang sinehan.”

Ang susi ay nasa pagiging mapamili. Ito’y maaaring mangahulugan ng paglayo sa mga pelikula o mga palabas na lubhang popular sa iyong mga kaedad. Sabi ni Jesus: “Ngayon, kung ang kanan mong mata ay nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo at iyong itapon. Sapagkat may mapapakinabang ka pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan kaysa ang buong katawan mo ay mabulid sa [pagkawasak].”​—Mateo 5:29.

Ano ang ibig sabihin ng kapuna-punang mga salitang ito? Na dapat handang alisin ng mga Kristiyano ang anumang bagay na maaaring maging isang espirituwal na katitisuran sa kanila​—kahit na ang mga bagay na kasinghalaga ng isang “kanang mata.” Tunay, ang ‘pag-alis’ ng kaunting paglilibang upang pangalagaan ang malinis na pananalita ay maliit lamang na sakripisyo, hindi ba?

Bantayan Mo ang Iyong mga Kasama!

Sa kaniyang aklat tungkol sa lapastangang salita, tinawag ng manunulat na si Burges Johnson ang lapastangang salita na “nakakahawa.” Magiging gaano ka kalapit sa isa na nagdadala ng isang mapanganib, nakakahawang sakit? Gayunman, gaano ka kalapit sa mga kaklase na malayang gumagamit ng masagwang pananalita?

Ang lapastangang salita ay totoong pangkaraniwan sa mga kabataan (at mga adulto). Waring inaakala pa nga ng iba na ang paggamit nito ay gumagawa sa kanila na magtinging may edad na. At sa ilang lugar, ang mga tin-edyer ay gumagawa pa nga ng paligsahan tungkol sa lapastangang salita. Udyok ng mga kaedad na nanonood, sinisikap nilang higitan ang isa’t isa sa isang masamang laro ng pang-iinsulto at panglalait. Ang mga magulang, pamilya​—pati na ang Diyos​—ay pawang patas sa labanang ito ng pag-alimura.

Ang Kawikaan 13:20 ay nagsasabi: “Siyang nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.” Sa ibang pananalita, makisama ka sa mga palamura, at huwag kang magtaka kung ikaw ay nagmumura na rin! Kaya ipinaalam ni Monique, isa sa mga Saksi ni Jehova, na ayaw niyang makarinig ng maruming pananalita. Sinasabi pa nga niya, ‘Mag-ingat ka sa sinasabi mo!’ kapag ang isang kasama ay nagsasabi ng isang bagay na masama. Ang pagkuha ng gayong paninindigan ay hindi madali. Subalit gaya ng sabi ng isa pang kabataang nagngangalang Steve: “Kung hindi ka magsasalita, aakalain nila na ayos lang na magsalita ng gayon kapag kasama ka nila.”

Gayunman, kumusta naman kung ang kapuwa Kristiyano ay bumabalik sa kaniyang pananalita? Dahil sa takot na mawalan ng kaibigan, maaaring palampasin na lamang ng iba ang nasabi na parang isang maliit na bagay lamang. Gayunman, ang tunay na mga kaibigan ay nagmamalasakit sa isa’t isa, kahit na ito’y mangahulugan ng ‘pagsugat’ sa damdamin ng kaibigan sa pagsasabi ng totoo. (Kawikaan 27:6) Baka kailangan lamang ang isang mabait na paalaala​—hindi isang pangaral​—upang iwasto ang mga bagay-bagay. Mangyari pa, kung ang isang kaibigan ay may seryosong problema sa kaniyang pananalita, marahil pinakamabuting tulungan siya na humingi ng tulong sa isang espirituwal na kuwalipikadong adulto.b​—Ihambing ang Galacia 6:1.

Manatiling Mapagbantay

Binanggit ng salmista ang isa pang simulain na makatutulong sa isa na supilin ang kaniyang pananalita nang ibangon niya ang tanong na: “Papaano lilinisin ng isang binata ang kaniyang daan?” Ang sagot? “Sa pananatiling mapagbantay ayon sa iyong salita.” (Awit 119:9) Ang isang paraan upang magawa ito ay ugaliin ang paggamit ng mabuti, kaaya-ayang pananalita sa tuwina. Iwasan ang paggamit ng lapastangang salita kahit na walang nakakarinig sa iyo. Hindi ka mahihilig na gawin ito kapag ikaw ay ginigipit.

Ang pananatiling mapagbantay ay nangangahulugan din ng pagiging “mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkagalit.” (Santiago 1:19) Bago emosyonal na kumilos at magsabi ng isang bagay na pagsisisihan mo, sikapin mong supilin ang iyong mga damdamin. (Ihambing ang Genesis 4:7.) Isipin mo kung ano ang nais mong sabihin. Ito kaya ay lalo pang makasasakit? Ito ba’y magbibigay sa iba ng maling impresyon tungkol sa iyo? Ipinakikita ba nito ang pag-ibig mo sa Diyos at pagkabahala mo sa iba? (Mateo 22:37-39) Kung ang tukso na manlait ay malakas pa rin, humingi ka ng tulong sa Diyos sa panalangin, gaya ng ginawa ng salmista na nanalangin: “Maglagay ka ng bantay, Oh Jehova, sa aking bibig; ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi.”​—Awit 141:3.

Kung minsan maaari ka pa ring magkamali at magsabi ng maling bagay. (Santiago 3:2) Subalit patuloy na magsumikap na labanan ang paggamit ng napakaruming pangungusap. Hindi ka magiging ang pinakapopular na kabataan sa paaralan sa paggawa ng gayon. Ganito ang sabi ng kabataang nagngangalang Kinney: “Maraming beses sa paaralan, literal na naglalakad akong mag-isa.” Subalit ang kaniyang determinasyong ingatan ang kaniyang mga kasa-kasama ay totoong naging isang proteksiyon. Higit pa riyan, gaya ng sabi ni Kinney, “Iginagalang ka ng mga tao. Inaakala nilang ito’y nangangailangan ng tibay-loob.” Gayundin ang palagay ng Diyos na Jehova. (Kawikaan 27:11) At kaniyang bibigyan-pansin ang iyong pagsisikap na labanan ang simbuyong magmura.

[Mga talababa]

a Tingnan ang “Ano ang Masama sa Pagmumura Paminsan-minsan?” na lumilitaw sa Agosto 22, 1989 na labas ng Gumising!

b Tingnan ang artikulong, “Dapat Ko bang Isumbong ang Aking Kaibigan?” na lumabas sa Setyembre 8, 1988, na Gumising!

[Larawan sa pahina 21]

Iwasan ang pakikisama sa mga taong nagmumura

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share