Mula sa Aming mga Mambabasa
“Holocaust” Kami ng misis ko ay nagpapasalamat at lubos na nagpapahalaga sa prangka at malinaw na pangungusap na ginamit sa mga artikulo ng “Holocaust.” (Abril 8, 1989) Ang mga larawan at mapa ay totoong nakabagbag ng aming damdamin. Ipinakikita nito ang kalupitan at kabagsikan ng pamamalakad ng tao. Partikular na nasiyahan kami sa artikulo tungkol sa pagkabuhay-muli, napakapositibo at nakaaaliw! Bagaman hindi namin personal na naranasan ang mga bagay na ito, mahalaga na banggitin ito at alalahanin ito.
I.L., Pederal na Republika ng Alemanya
Dapat kong batiin ang inyong mga manunulat. Tiyak na ginawa nila ang kanilang araling-bahay. Ang labas na iyon ay mananatili sa aking aklatan hanggang mamatay ako! Bagaman hinding-hindi ako magiging isang ‘Saksi ni Jehova,’ nais kong ipaalam sa inyo na may mga taong nagpapasalamat sa inyo sa gayong impormasyon.
A.S., Estados Unidos
Edukasyon Sinisiraang-puri ng inyong mga artikulo ang apat-na-taóng titulo sa unibersidad. (“Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Anong Karera ang Dapat kong Piliin?” Mayo 8, 1989) Sabi ninyo: “Ang isang titulo sa unibersidad ay maaari o hindi maaaring pagbutihin ang iyong mga pag-asang makakuha ng trabaho.” Ipinahihiwatig ninyo na malamang na ang isang titulo ay hindi makatulong sa pagkakaroon ng trabaho. Hindi ito totoo! Gayunman sinasang-ayunan ninyo ang dalawang-taon na mga programa sa kolehiyo.
A. N., Estados Unidos
Hindi namin layon na siraang-puri ang edukasyon sa unibersidad kundi himukin ang mga kabataan na magtaguyod ng isang karera sa paglilingkod sa Diyos. Kinikilala namin na, sa katamtaman, ang mga nagtapos sa unibersidad ay kumikita ng mas malaking sahod at kaunti lamang ang walang trabaho di-gaya ng mga nagtapos lamang sa high school. Gayumpaman, ang isang titulo sa unibersidad ay hindi gumagarantiya ng pinansiyal na tagumpay—isang katotohanan na pinatutunayan ng maaasahang mga autoridad. Ang dalawang-taon na mga programa ay binanggit lamang bilang isang mapagpipilian ng ilang mga kabataan sakaling igiit ng kanilang mga magulang ang pag-aaral nila sa unibersidad. Kung ilang taóng sekular na edukasyon ang itataguyod ng isa ay isang personal na bagay. Bagaman hindi winawalang-bahala ang mga katotohanan sa kabuhayan, dapat timbangin ng mga kabataang Kristiyano ang posibleng di-kanais-nais na epekto ng pagkalantad sa kapaligiran sa unibersidad sa kanilang espirituwalidad. (1 Corinto 15:33) Dapat din nilang tandaan ang isang bagay na hindi ipinakikita ng mga estadistika sa trabaho—ang pangako ng Diyos na paglaanan yaong mga inuuna ang kaniyang interes. (Mateo 6:33)—ED.
Ozone Binigyan ako ng asainment ng aking guro na magbigay ng isang report tungkol sa isang kasalukuyang suliranin ng kalikasan. Pinili ko ang paksa tungkol sa “Butas sa Ozone,” kung saan ang labas ng Enero 22, 1989, ay isang malaking tulong. Dahil sa nakapagtuturong materyal na inilahad sa artikulo, ako’y nakakuha ng napakahusay na marka.
C. B., Pederal na Republika ng Alemanya
Biktima ng AIDS Nais kong ipahayag ang aking pag-ibig at pagsuporta sa binatang sumulat ng “Mas Malala sa AIDS.” (Abril 22, 1989) Ang kaniyang kapakumbabaan at pagpapahalaga ay nababanaag.
B. E., Estados Unidos
Binasa ko ang artikulo na nangingilid ang mga luha sa aking mata at gusto kong maiyak. Ako man ay may anak na lalaki na iniwan si Jehova. Sa loob ng 13 taon ay pinagmasdan namin ang paghahanap niya ng kaligayahan. Samantalang kami’y nanindigang matatag sa mga pamantayan ni Jehova, lagi naming sinisiguro kay Wayne ang aming pag-ibig. Subalit siya’y naimpluwensiyahan ng alkohol at cocaine. Ang kaniyang kamatayan ay hindi namin inaasahan, bagaman sa tuwina’y ikinatatakot namin kung ano ang maaaring mangyari. Siya ay 28 anyos. Idinadalangin ko na sana’y makinabang ang iba pang mga kabataan mula sa karanasan ng binata, upang huwag nilang iwan si Jehova at pagbayaran ito nang mahal.
S. E., Estados Unidos