Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 10/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • GAGAWIN ANG LAHAT UPANG MAGING “LANGO”
  • HUMIHINANG IMPLUWENSIYA
  • “ISANG ANYO NG PAGMAMALUPIT SA BATA”
  • MGA INSEKTO DAHIL SA “GREENHOUSE EFFE ”
  • PAG-AKSAYA SA PAGKAIN
  • NAPAKATAAS NA HALAGA
  • ISANG UMUUNTING KAWAN
  • PAGPAPAKAIN SA MGA DAGA
  • ANG MGA FEMINISTA AY NAGPAPALIT NG RELIHIYON
  • LUMULUTANG NA PADER NG KAMATAYAN
  • HULI SA AKTO
  • Droga—Mapanganib at Nakamamatay
    Gumising!—1988
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1986
  • Palipás Na ba ang Pantí na Pangingisda?
    Gumising!—1992
  • Ang Kilusan ng mga Babae—Ano Na ang Nangyari Rito?
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 10/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

GAGAWIN ANG LAHAT UPANG MAGING “LANGO”

Gagawin ng mga sugapa sa droga ang lahat ng magagawa upang matamo ang kemikal na pagkalango na hinahanap nila. Inilalarawan ito ng sumusunod na tatlong balita.

▪ Ang mga sugapa sa droga sa Lungsod ng New York ay nakasumpong ng isang paraan upang labanan ang panlulumo na karaniwang kasunod ng sandali, matinding pagkalango na nakukuha nila mula sa isang droga na kilala bilang crack. Inihahalo nila ang crack, isang anyo ng cocaine, sa heroin at hinihitit ang halong ito sa isang pipa. Ang pagkalango na nakukuha mula sa heroin ay tumatagal ng mga ilang oras at binabawasan ang panlulumo na mula sa crack. Ang popularidad ng heroin ay humihina, yamang maraming nakababatang mga sugapa sa droga ay bantulot na gumamit ng mga karayom sa iniksiyon. Subalit ngayon isang ganap na bagong kliyente ang balang araw ay maaaring paalipin sa pagkasugapa sa heroin.

▪ Sa Juárez, Mexico, ang mga bata roon ay nakitang sumisinghot ng di-kilalang luntiang mga bato na nasumpungan nila sa basurahan ng munisipyo. Ang mga bato ay matitigas na basurang lason, ipinalalagay na ilegal na itinambak ng mga kompaniya ng E.U. na nasa Mexico. Ang pagsinghot sa mga bato ay iniuulat na nakaaapekto sa mga kabataan na gaya ng epekto ng pagsinghot ng kola, na may kahawig na mga panganib: posibleng pinsala sa bato, atay, at utak, at pagkabaog pa nga o ang panganib na balang araw ay mag-anak ng despormado.

◼ Sang-ayon sa San Francisco Examiner, dinidilaan pa nga ng ilang tao ang mga palaka upang maging langó. Isang kemikal na tinatawag na bufotenine ay dumadaloy sa balat ng ilang mga palaka. Kapag ipinapasok sa katawan sa maliliit na kantidad, apektado nito ang mga pandamdam at pinagmumulan ng pagkalito o pagkahibang. Kapag maramihan, ito ay mapanganib na nakalalason at inuri ito ng mga dalubhasa sa droga na kasama ng iba pang labag sa batas na mga droga, gaya ng LSD at heroin. Bagaman ito ay hindi isang karaniwang gawain, ang mga tao ay iniulat na sinisikap na malango mula sa mga balat ng palaka sa mga rehiyon na magkakalayo na gaya ng Timog Amerika, Estados Unidos, at Australia.

HUMIHINANG IMPLUWENSIYA

Nang tanungin ng Gallop poll kamakailan ang mga estudyante sa kolehiyo sa E.U., halos 80 porsiyento ang nagsabi na ang relihiyon ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa kanilang buhay, subalit 69 porsiyento ang may palagay na hindi masama ang seksuwal na pakikipagtalik bago ang pag-aasawa. Sang-ayon sa The Atlanta Journal and Constitution, isang editor ng Christian Broadcasting Network, na nag-utos na isagawa ang surbey, ay nagsabi: “Ikinalulungkot naming makita na kahit na sila ay naniniwala sa Diyos, ang kanilang pananampalataya ay waring walang gaanong epekto sa kanilang personal na buhay at pag-uugali, sa kanilang seksuwal na mga saloobin at gawain.”

“ISANG ANYO NG PAGMAMALUPIT SA BATA”

May pagkabahalang binabanggit ni Dr. W. Gifford-Jones, sumusulat sa The Globe and Mail ng Toronto, Canada, na maraming bata sa Hilagang Amerika ay nagdurusa dahil sa sobrang taba. Bakit? Sinisisi ng doktor ang pagkain ng mamantikang mga fast food at di-sapat na ehersisyo, na ang sabi: “Ang mga bata ay hindi nagsusunog ng calories kapag sila’y nanonood ng TV at kumakain ng potato chips.” Ang mga bata, sabi ng doktor, ay maaaring magbayad ng malaking halaga sa kanilang sobrang taba sa pagkakaroon ng sarisaring malubhang karamdaman. Isa pa, ang sobrang taba na mga bata ay may 25-porsiyentong tsansa na maging sobrang taba na mga adulto, samantalang yaong nananatiling sobra ang taba hanggang sila ay maging tin-edyer ay mayroong 75-porsiyentong tsansang makaharap ang isang habang-buhay na pagtaba. Sinasabi niya na “ang batang mataba ay isang batang maysakit,” at ang hinuha niya: “Ito ay isang anyo ng pagmamalupit sa bata na hayaang ang mga bata ay magkaroon ng sakit na ito dahil lamang sa kapabayaan.”

MGA INSEKTO DAHIL SA “GREENHOUSE EFFE ”

Ang mga siyentipiko sa New Zealand ay nagbababala na ang greenhouse effect, ang unti-unting pag-init ng lupa dahil sa polusyon ng tao, ay magkakaroon ng isang di-inaasahang kakambal na produkto: Maaaring dumami ang mga pesteng insekto. Hinuhulaan ng mga siyentipiko na ang pagtaas ng temperatura ay magpapangyari sa maraming insekto na makalusot sa mga pamamaraan sa pagkuwarentenas ng New Zealand o ipadpad doon ng hangin upang maligtasan ang mga taglamig, magparami, at mabuhay. Sang-ayon sa New Zealand Herald, hinuhulaan ng mga siyentipiko ang mga kuyog ng mga balang, mga lamok na nagkakalat-sakit, at libu-libong milyong dolyar na gugugulin sa paglaban sa pagsalakay na ito. Binabanggit ng Herald na ang entomologong si Dr. Garry Hill ay nagsabi na “ang ilan sa mga epekto ng pagbabago sa temperatura ay parang nakikita na.”

PAG-AKSAYA SA PAGKAIN

Sa Europa, ang pagsira sa pagkain ay malaon nang isang patakaran. Upang mapanatiling matatag ang mga presyo ng prutas at gulay, binibili ng organisasyong European Common Market ang sobrang produkto. Subalit sang-ayon sa isang report kamakailan ng European audit office, halos 84 porsiyento ng mga sobrang produkto na binili sa Italya, Pransiya, Netherlands, at Gresya ay sinira​—halos 2.5 milyong tonelada ng mga produkto sa bawat taon. Sa natitira pa, “10 porsiyento ay ginagawang kumpay o pagkain ng mga hayop, 5 porsiyento ay ginagawang alkohol, at halos 1 porsiyento ay ipinamamahagi sa mahihirap,” komento ng pahayagang Aleman na Wetterauer Zeitung.

NAPAKATAAS NA HALAGA

Ang ibang tumatanda nang mga artista ng musikang rock, malaon nang kilala sa pagtugtog ng kanilang musika sa nakababasag-taingang lakas, ay nagsasalita ngayon tungkol sa pagkawala ng pandinig na dinaranas nila bunga nito. Sang-ayon sa The Toronto Star, inaamin ng gitaristang rock na si Ted Nugent na ang kaniyang kaliwang tainga “ay naroroon lamang para maganda sa tingin. Hindi ito nakaririnig.” At si Pete Townshend ng grupong tinatawag na The Who ay nagsabi sa pahayagan ding iyon na “isa sa katakut-takot na hirap . . . ay na matagal pa bago ka tumanda, hindi mo marinig kung ano ang sinasabi sa iyo ng mga bata.” Tungkol sa kaniyang mga taon ng nakabibinging rock ’n’ roll, sabi pa niya, “Palagay ko sulit sabihin na may halagang ibinabayad diyan: ang wala sa panahong pagkabingi.” Samantalang siya at ang iba pang beteranong mga musikero ay hinihinaan na ngayon ang kanilang volume o lakas ng tunog, maraming mas batang mga tagatanghal ay hindi hinihinaan ang volume.

ISANG UMUUNTING KAWAN

“Ang Pag-unti ng Kawan ay Humahamon sa Iglesya Katolika,” ang kababasahan ng isang ulong balita kamakailan sa pahayagan sa Brazil na O Estado de S. Paulo. Nag-uulat tungkol sa isang surbey sa mga naninirahan sa lungsod na isinagawa sa kahilingan ng Pambansang Konseho ng mga Obispo sa Brazil, binanggit ng artikulo na bagaman 73 porsiyento ng mga kabataan sa pagitan ng 18 at 29 anyos ay mula sa mga pamilyang Katoliko, 26 porsiyento lamang ang nagpunta sa simbahan noong nakaraang buwan. Si Arsobispo Geraldo Majella ay iniulat na nagsabi: “Ang bautismo lamang ay hindi sapat upang gumawa ng isang Katoliko. May mga taong nag-aangking Katoliko subalit nagpapalaglag. May malubhang mga pagkakamali sa paghubog sa tapat.” Siya’y naghinuha na, bunga nito, ang Brazil ay hindi na maituturing na isang bansang Katoliko.

PAGPAPAKAIN SA MGA DAGA

Ang mga taga-New York ay sinisisi sa pagdami ng populasyon ng daga sa kanilang lungsod. Sinasabi ng mga dalubhasa na ang pangunahing problema ay ang di-wastong pagtatapon ng basura. Pinakakain ng mga tao ang mga daga sa pagtatapon ng basura sa kanilang mga bintana, paghahagis ng pagkain sa mga daanan sa subwey, pag-iiwan ng mga tira-tirang pagkain sa mga parke, at iba pa. Sa kabila ng $10.5 milyong na ginagastos ng lungsod sa taun-taon sa isang programa upang sawatain ang mga daga, patuloy na dumarami ang pamayanan ng mga daga. Si Tousaint Vogelsang, isang tagapatay ng daga sa Lungsod ng New York, ay nagsasabi: “Bakit ba kakainin ng mga daga ang lason na inilalagay namin gayong makakakain naman sila ng caviar​—manok, steak, pizza​—mula sa mga bag ng basura! Kailangang gutumin mo ang isang daga. Walang pagkain, walang tubig. Saka niya kakanin ang lason.”

ANG MGA FEMINISTA AY NAGPAPALIT NG RELIHIYON

Inaakala ng ilang feminista na ang banyagang mga relihiyon ay nag-aangat sa mga babae nang higit kaysa nagagawa ng kanilang lokal na mga relihiyon. Sang-ayon sa isang kolumnista sa Mainichi Daily News ng Tokyo, tinatanggihan ng mga feminista sa Estados Unidos ang Sangkakristiyanuhan bilang male-oriented at sa halip ay sinasamba ang diyosa ng araw na si Amaterasu, ang pangunahing diyosa sa Shintong Hapones. Sa kabilang dako naman, ang mga feministang Hapones ay may kaunting panahon para kay Amaterasu, na iniuugnay nila sa mga digmaang itinataguyod-Shinto at pagsupil sa mga babae. Marami sa kanila ang sumama sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, ikinakatuwiran na ang pagbubukas ng mga relihiyon ng mga paaralan para sa mga babae ay nagpalaya sa mga babae sa Hapón.

LUMULUTANG NA PADER NG KAMATAYAN

Ang mga lambat ay isang kontrobersiyal na paraan ng paghuli ng isda. Binansagang “pader ng kamatayan,” ang mga ito’y di-nakikitang nakabitin sa ilalim ng tubig, mga 15 metro ang taas at hanggang 56 kilometro ang haba, sinisilo hindi lamang ang mga isda kundi rin naman ang mga pawikan sa dagat, mga seal, dolphin, at maging ang maliliit na balyena. Ngayon ang gamit ng mga lambat ay kumalat hanggang sa Timog Pasipiko, sa malaking pagkabahala ng Australia, New Zealand, at ilan pang mga bansang pulo. Karamihan ng mga bangkang pangisdang gumagamit ng mga lambat ay mga sasakyang dagat na Taiwanes at mga Hapones na naghahanap ng albacore, isang uri ng tuna. Subalit sinasabi ng Ministri sa Pagsasaka at Pangingisda ng New Zealand na ang pangingisda na gumagamit ng mga lambat ay maaaring palisin ang mga tuna mula sa rehiyon sa loob ng dalawang taon. Ang pagkawala ng mga uring ito ng tuna ay magiging isang malaking dagok sa mas maliliit na bansang pulo, na ang ekonomiya ay nakasalalay sa industriya ng pangingisda.

HULI SA AKTO

Ipinasiya ng mga kaso sa hukuman sa Estados Unidos kamakailan na papanagutin ang mga babaing nagdadalang-tao na nag-aabuso sa droga sa mga epekto ng kanilang bisyo sa ipinagbubuntis na sanggol. Ang isang ina na gumagamit ng cocaine sa panahon ng pagdadalang-tao ay, sa katunayan, naghahatid ng droga sa pamamagitan ng pusod. Sa Illinois, hinatulan ng isang hukuman para sa mga kabataan ang isang ina na nagmalupit at nagpabaya sa ipinagbubuntis na sanggol dahil sa paggamit ng cocaine samantalang nagdadalang-tao. Si Hukom Frederick J. Kapala ay naghinuha: “Katulad din ito ng isang ina na nagbibigay ng isang pakete ng blade upang paglaruan ng bata.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share