Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 24—Ngayon at Kailanman—Ang Walang-Hanggang mga Kagandahan ng Tunay na Relihiyon
“Ang relihiyon, kung nabibihisan ng makalangit na katotohanan, ay kailangan lamang masdan upang hangaan.”—William Cowper, ika-18 siglong makatang Ingles
WALANG maaaring hangaan sa huwad na relihiyon. Nagdulot ito sa sangkatauhan ng 60 siglo ng paghihirap at pagdurusa. Ang sinungaling, mapandaya, mapanlinlang, at kasuklam-suklam na mga pamamaraan nito ay nagpapangit sa kaniya sa paningin ng Diyos at ng tao. Sa halip na mabihisan ng makalangit na mga katotohanan, ang huwad na relihiyon ang kabaligtaran ng katotohanan at kagandahan.
Malapit nang ang pamuksang mga puwersa ng Diyos ay walang-habas na magbubulid sa huwad na relihiyon sa kalaliman ng walang-hanggang pagkalipol. Agad-agad, pagkatapos niyaon, ang natitirang bahagi ng sistema ni Satanas ay isusunod. Subalit ang tunay na relihiyon, maging yaon mang mga gumaganap nito, ay patuloy na mabubuhay. Anong ligayang makita ang walang-hanggang mga kagandahang nakatanghal sa isang antas na sa ngayon ay hindi natin halos maguniguni!
Anong mga Kagandahan?
Marami ang mga kagandahan ng tunay na relihiyon. Narito ang ilan lamang. Bakit hindi maglaan ng panahong tingnan ang mga binanggit na teksto sa Bibliya na nagpapatunay na ang mga walang-hanggang kagandahang ito ay salig sa Bibliya?
Kasama sa walang-hanggang mga kagandahan ng tunay na relihiyon ay:
▪ Ito ay nakasalig sa katotohanan ng isang Diyos na hindi maaaring magkamali, na ang pangalan ay Jehova, kung kanino tayo’y makapananalig ng walang pasubali.—Awit 83:18; Isaias 55:10, 11.
▪ Ito’y nakakamtan ng lahat ng may pusong mapagpakumbaba, hindi para sa mga may nakahihigit na katalinuhan lamang.—Mateo 11:25; 1 Corinto 1:26-28.
▪ Hindi nito tinitingnan ang lahi, kalagayang panlipunan, at kalagayang pangkabuhayan.—Gawa 10:34, 35; 17:24-27.
▪ Nag-aalok ito ng isang matibay na pag-asa ng buhay sa isang sanlibutan ng kapayapaan at katiwasayan na walang pamimighati, sakit, paghihirap, at kamatayan.—Isaias 32:18; Apocalipsis 21:3, 4.
▪ Naglalaan ito ng balangkas na sa loob nito ang mga membro ay maaaring mamuhay bilang isang pagkakapatirang pandaigdig, nagkakaisa sa doktrina, paggawi, at espiritu.—Awit 133:1; Juan 13:35.
▪ Nag-aalok ito para sa lahat—lalaki, babae, at bata—ng pagkakataong makibahagi ng aktibo sa gawain ng Diyos, pinupuno ng layunin ang buhay.—1 Corinto 15:58; Hebreo 13:15, 16.
▪ Nagbababala ito ng mga di-nakikitang panganib, tinuturuan tayo kung paano gumawi upang mapabuti.—Kawikaan 4:10-13; Isaias 48:17, 18.
At bakit maaaring sabihing ang mga kagandahang ito ay walang-hanggan? Sa payak na pananalita’y dahilan sa sila’y mananatiling sing-tagal ng tunay na relihiyon mismo—walang hanggan.
Paano Sinasapatan ang mga Kakulangan
Maaaring sabihin na ang kamatayan ay isa sa mga dakilang kaaway ng katotohanan, sapagkat napakadalas dalhin ng mga tao sa kanilang libingan ang mga kaalamang hindi alam ng ibang mga tao. Ang eksaktong mga detalye maging ng mga bagong pangyayari—bilang halimbawa, ang asasinasyon noong 1963 ng Pangulo ng E.U. na si J. F. Kennedy—ay patuloy pa ring isang kontrobersiya. Ano ang mga katotohanan? Sino ang talagang nakaaalam? Maaaring ang maraming nakaaalam ay nangamatay na. At kung ito’y totoo sa isang pangyayaring 26 taon lamang na nakalipas, ano kung gayon sa mga pangyayaring naganap daan-daan o maging libu-libong taon pa nga ang nakaraan?
Isa pa, ang mga historyador ay mga tao lamang, limitado ang kaalaman at nagpapagal na taglay ang mga kapansanan ng personal na di-kasakdalan at posibleng may mga pagtatangi. Kaya para sa isang taong walang-kinikilingan mas makabubuting umiwas sa pagiging dogmatiko sa mga bagay na siya’y walang kapamahalaan, banal na kinasihang ulat.
Ang pagsulat tungkol sa relihiyosong kasaysayan ay naghaharap din ng kahawig na mga suliranin, dahil sa malimit na hindi pagkakasundo ng mga autoridad kung tungkol sa mga katotohanan. Sa seryeng “Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito,” sinikap ng Gumising! na magharap ng may-saligang mga katotohanan, subalit maaaring aminin na sa kasalukuyan may mga bagay na hindi natin nalalaman. Bilang halimbawa, hanggang saan nanghawakan sa tunay na Kristiyanismo ang mga nag-aangking grupo ng mga Kristiyano na umiral sa panahong Media at pagkatapos nito?
Sa mga grupong ito, sinasabi ng propesor ng kasaysayan ng simbahan na si A. M. Renwick: “Maraming pananaliksik sa kasaysayan ang kinakailangan upang mailabas ang tunay na salaysayin at kalagayang teolohiko ng maraming mga grupong iyon.” Sang-ayon kay Renwick, “sa nakalipas nakasalig nang lubusan ang mga historyador sa mga pahayag ng mga kaaway ng mga grupong di-sumasang-ayon para sa kanilang mga pagtaya ng kanilang aral at mga moral.” Siyempre pa, ang labis na pagsalig sa mga pahayag ng kanilang mga kaibigan ay maaaring magbunga ng isang may-kinikilingang pangmalas. Kaya maging pagkatapos man ng pananaliksik sa kasaysayan, maraming mga tanong ang marahil ay mananatiling hindi nasasagot.
Kumusta naman ang Bibliya? Bilang isang kinasihan-ng-Diyos na aklat na naglalaman ng mga kasaysayang relihiyoso, ito ay maaasahan sa lahat ng sinasabi nito. Subalit kakaunti lamang ang sinasabi nito tungkol sa mga iba’t ibang uri ng huwad na relihiyong umiral kailanman. Mauunawaan ito, sapagkat ito’y inilaan bilang isang aklat-aralin para sa tunay na relihiyon, hindi para sa huwad.
Maging kung tungkol sa tunay na relihiyon, hindi sinasabi ng Bibliya sa atin ang lahat ng bagay. Naglalaan ito ng sapat na impormasyon upang matagumpay na makilala ang tunay na relihiyon, subalit sa ilang panahon ay inaalis nito ang mga detalye. Samantalang ang mga detalyeng ito ay maaaring nakawiwili at nakagaganyak malaman, sa kasalukuyan ang mga ito ay hindi gaanong kinakailangan.
At, higit pa, ang Bibliya ay may mga puwang kung tungkol sa panahon. Bilang halimbawa, tahimik ito tungkol sa nangyari noong 400 taong lumipas nang mabuo ang Kasulatang Hebreo, pangkaraniwang tinatawag na Lumang Tipan, at ang paglitaw ni Jesus. At mula nang ang Bibliya ay mabuo, halos 1,900 taon na ang nakalipas.
Kaya para sa nakararaming bahagi ng 18 siglo, wala tayong kinasihang ulat tungkol sa Kristiyanismo. Ito ang sanhi ng di-katiyakan sa mga nag-aangking Kristiyano, gaya ng binabanggit ng autor na si Renwick. Gayumpaman, maliwanag na may mga ilang indibiduwal sa mga siglong iyon na nanghawakan sa sinaunang Kristiyanismo. Gayumpaman, mayroong mga tanong na hindi pa nasasagot may kinalaman sa mga motibo at posibleng kataimtiman ng ilang mga indibiduwal ng mga nakaraang mga taon. Ano naman kung tungkol sa mga lider ng Repormasyon? Sa bagay na iyan, ano naman kung tungkol sa mga lalaking gaya ni Confucius at Muhammad? Bagama’t ang mga kasalukuyang sistemang relihiyoso ay mahahatulan ng tumpak salig sa kanilang mga bunga, ang mga indibiduwal—lalo na kung sila’y matagal nang patay—ay karaniwang hindi.
Gayumpaman, kung, sa bagong sanlibutan ng Diyos, maging muling layunin ng Maylikha na maisulat muli ang mga aklat ng kasaysayan—maging yaong mang mga tungkol sa relihiyosong kasaysayan—ito ay posibleng mangyari. Ito ay dahil sa isa pang kagandahan ng tunay na relihiyon—ang katiyakan na ang mga patay ay bubuhaying-muli.—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.
Gunigunihin ang kaligayahan ng pagtatamasa ng tumpak na mga kasagutan sa ating mga tanong sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa binuhay-muling mga tao na aktuwal na gumawa ng mga bagay na ating nabasa sa mga aklat ng kasaysayan. Gunigunihing malaman ang mga nawawalang detalye, gaya ng pangalan ng Paraon na namatay sa Dagat na Pula at nakaranas ng mga salot ng Ehipto.
Kung ang ganiyang mga ulat ay isusulat sa balang araw, ito ay isusulat upang dakilain at walang-hanggang ipagbangong-puri ang tagapagtatag ng tunay na relihiyon, ang Diyos na Jehova. Tungkol dito ay walang alinlangan. Subalit, ang katanungang nananatili, gayumpaman, ay ito: Naroroon ka ba upang basahin iyon?
Hindi Sapat ang Paghanga
Ang walang-hanggang mga kagandahan ng tunay na relihiyon ay hindi madaling makita, gaya ng tila ibig ipahiwatig ng mga salita ni Cowper, na sinipi sa panimula ng artikulong ito. Kung gayon, ang unang labas ng Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence ay gumawa ng ganitong obserbasyon 110 taon na ang nakaraan: “Ang katotohanan, gaya ng isang mahinhing bulaklak sa iláng ng buhay, ay napapalibutan at halos nasasakal ng malagong pagtubo ng mga damo ng kamalian. Kung masusumpungan ito kailangang lagi kang mapagbantay. Kung nais mong makita ang kagandahan nito kailangang hawiin mo ang mga damo ng kamalian at ang mga baging ng pagkapanatiko. Upang makuha mo ito kailangan kang yumuko upang abutin ito.”
Umaasa kami na “Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito” ay nakatulong sa aming mga mambabasa na “hawiin ang mga damo ng kamalian at ang mga baging ng pagkapanatiko” upang pahalagahan nang higit ang mga walang-hanggang kagandahan ng tunay na relihiyon.
Subalit ang pagpapahalaga ay hindi sapat. Akmang-akma ang isang kawikaang Intsik: “Ang pagtuturong pumapasok sa mga tainga subalit hindi sa puso ay gaya ng isang hapunang kinain sa panaginip.” Kung tayo ay makikinabang nang personal mula sa mga walang-hanggang kagandahan ng tunay na relihiyon—at hindi basta mangangarap lamang tungkol sa mga ito—napakahalagang ang ating natututuhan ay pumapasok sa ating puso, hindi sa ating mga tainga lamang.
Basahing mabuti ang kahong pinamagatang “Pagkilala sa Inyong Relihiyon kung Tunay o Huwad.” Pagkatapos ay tanungin ang iyong sarili: ‘Ako ba’y sumasang-ayon na ngayon na kung tungkol sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, tama si Voltaire nang tawagin niya ang relihiyong “ang kaaway ng sangkatauhan”? Ang pagsulyap bang ito sa kasaysayan ng relihiyon ay nakatulong sa aking makilala ang tunay na relihiyon, at alam ko ba sa huling yugtong ito ng mga gawain ng tao kung saan ito masusumpungan? Kung oo, ibig ko bang maging gaya ng taong inilarawan ng ika-18 siglong mananalaysay na Pranses na si Joseph Joubert, na “nakasumpong rito ng kaniyang kaligayahan at ng kaniyang pananagutan”?’
Ang mga sumasagot nawa ng oo sa lahat ng mga tanong sa itaas ay patuloy na makinabang sa pagbabasa ng Gumising! at ng mga kasama nitong babasahin. Inaanyayahan namin kayong sundin ang pantas na payong inialok ng binanggit na sa itaas na Zion’s Watch Tower: “Huwag maging kuntento sa isang bulaklak ng katotohanan. Kung sapat na ang isa ay wala na sanang iba pa. Manguha nang patuloy, maghanap ng higit pa.”
Oo, patuloy na manguha, patuloy na maghanap—maghanap ng higit pang walang-hanggang mga kagandahan ng tunay na relihiyon!
[Kahon sa pahina 18]
Pagkilala sa Inyong Relihiyon kung Tunay o Huwad
▪ Pinasisigla ng tunay na relihiyon sa mga mananamba nito ang hindi masisirang ugnayan ng pag-ibig at pagkakaisa na hindi apektado ng mga pambansang hangganan. (Juan 13:35) Hindi pinasisigla ng huwad na relihiyon ang gayong pag-ibig. Sa halip, bilang pagtulad kay Cain, ang mga membro nito ay humahayo at nagpapatayan sa isa’t isa sa mga digmaang internasyonal.—1 Juan 3:10-12.
▪ Ang tunay na relihiyon ay nananatiling hiwalay sa mga makataong pulitika at tumitingin sa Maylikha upang lutasin ang mga suliranin sa daigdig sa pamamagitan ng kaniyang pamahalaang Kaharian. Sumusunod ang huwad na relihiyon sa halimbawa ni Nimrod sa Tore ng Babel. Inilalahok nito ang kaniyang sarili sa pulitika, at sa gayo’y naglalagay ng saligan para sa sarili nitong pagkapuksa.—Daniel 2:44; Juan 18:36; Santiago 1:27.
▪ Kinikilala ng tunay na relihiyon si Jehova bilang tunay na Diyos, ang tanging makapagliligtas mula sa pang-aapi. Ang huwad na relihiyon, gaya ng isinagawa noon sa sinaunang Ehipto at Gresya, ay nag-aalok ng sari-saring mga walang-magawang maka-alamat na mga diyos na panay walang kabuluhan.—Isaias 42:5; 1 Corinto 8:5, 6.
▪ Ang tunay na relihiyon ay nangangako ng buhay na walang hanggan sa lupa sa kaligayahan. Ang huwad na relihiyon—bilang halimbawa, ang Buddhismo—ay minamalas ang buhay sa lupa bilang hindi kanais-nais at isang bagay na kailangang matakasan sa isang di-tiyak na kabilang buhay.—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.
▪ Ang tunay na relihiyon, sa pamamagitan ng banal na aklat nito, ang Bibliya, ay nagtatag sa mga tao ng hindi natitinag na pananampalataya, binibigyan sila ng isang garantisadong pag-asa at nagpapasigla sa kanila sa mga gawa ng tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. (2 Timoteo 3:16, 17) Ang huwad na relihiyon, sa kabila ng pagkakaroon ng mga banal na aklat, ay sa pangkalahatan hindi epektibo sa paggawa ng mga bagay na ito.—1 Juan 5:3, 4.
▪ Ang tunay na relihiyon ay may mapagpakumbabang mga tagapangasiwa. Ang huwad na relihiyon ay tanyag sa kaniyang ambisyoso, malasarili ang kaisipang mga lider, na handang pumilipit sa katotohanan at naghahangad ng pulitikal o makasanlibutang pakinabang.—Gawa 20:28, 29; 1 Pedro 5:2, 3.
▪ Ang tunay na relihiyon, ang tamang paraan ng pagpapasakop sa Diyos, ay humahawak ng espirituwal, hindi isang literal, na tabak. Ang huwad na relihiyon, sa kabilang dako, ay ikinukumpromiso ang tunay na aral, sinisira ang Kristiyanong neutralidad, at ang itinataguyod ay kapakanang pantao higit kaysa mga banal na kapakanan.—2 Corinto 10:3-5.
▪ Nagwawagi ng mga puso ng mga di-sumasampalataya ang tunay na relihiyon tungo sa pagsamba sa tunay na Diyos. Ang huwad na relihiyon ay nagbubunga ng isang kapaligiran ng pag-aalinlangan, malayang kaisipan, rasyonalismo, at sekularismo.—Lucas 1:17; 1 Corinto 14:24, 25.
▪ Ang tunay na relihiyon, na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova, ay lumalago sa espirituwal nang higit kailanman. Ang huwad na relihiyon, na ang mga laylayan ay natilamsikan ng dugo, ay nagdurusa mula sa espirituwal na malnutrisyon at humihinang pagtangkilik.—Isaias 65:13, 14.
Ano ang kinabukasan ng relihiyon sa liwanag ng kahapon nito? Ang huwad na relihiyon ay walang kinabukasan. Lisanin siya! (Apocalipsis 18:4, 5) Bumaling ka sa tunay na relihiyon. Ito’y mananatili magpakailanman.