Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 2/22 p. 25-27
  • Bakit Ako Hinihiya ng Aking mga Magulang?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Ako Hinihiya ng Aking mga Magulang?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Hinihiya Ka Nila
  • Pagkatutong Batahin
  • Paano Ko Mapagtatagumpayan ang Pagkapahiya?
    Gumising!—1988
  • Paano Ko Kaya Makikilala Nang Higit ang mga Magulang Ko?
    Gumising!—2009
  • Bakit Ayaw Akong Unawain ng Aking mga Magulang?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Paano Kung Nag-aaway Sina Tatay at Nanay?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 2/22 p. 25-27

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Ako Hinihiya ng Aking mga Magulang?

Sa kalagitnaan ng iyong klase sa biyolohiya, sumamâ ang iyong pakiramdam. Sa iyong malaking pagkayamot, ang paaralan ay tumawag sa inyong tahanan, at di-nagtagal naroon na ang iyong nanay​—na nakasuot ng tsinelas, kulay-rosas na mga pangulot ng buhok, at ang pangit niyang pantalong-pambahay na kulay pula. Sa pag-aakalang ika’y nasa malubhang kalagayan, sumugod siya sa iyong tabi nang di-inaalintana kung ano ang kaniyang hitsura. Subalit hindi mo pinahahalagahan ang kaniyang pagsaklolo. Ang tanging iniisip mo ngayon ay kung gaano katanga at kapangit ang hitsura ng nanay mo sa ayos niya. At nang asikasuhin ka niya sa harap ng iyong mga kaklase, naisip mong sana’y maglaho ka na. Hiyang-hiya ka!

ANG mga pangyayaring tulad nito ay maaaring magmukhang katawa-tawa sa mga nagmamasid. Subalit ika’y hindi natatawa. Asiwa ka, isang napakalakas na panggigipit anupa’t nadarama mong ibig mo nang mamatay. Sa katunayan, isang kasabihan ang nilikha: ‘Ang mamatay sa kahihiyan.’ At hindi ikaw ang unang nakadama nang ganiyan. Halimbawa, kinilala ng sinaunang mga Judio ang kakayahang puminsala ng kahihiyan. Inihalintulad ng Hebreong Talmud ang panghihiya sa isang tao sa publiko sa pagbububo ng kaniyang dugo!

Maraming pinagmumulan ang pagkapahiya, subalit sumasang-ayon ang maraming kabataan na wala ng hihigit pa kaysa kanilang mga magulang. Ang talaan ng mga bagay na maaaring gawin ng iyong mga magulang upang ipahiya ka ay tila walang-katapusan: pagpapakita ng pagmamahal sa publiko, pagyayabang ng iyong mga nagawa, pag-aastang bata sa harap ng iyong mga kaibigan, pag-uutos na ika’y “magtanghal” sa harap ng mga bisita. Aba, maging ang paraan ng pagtitig sa iyo ng iyong mga magulang ay maaaring magpahiya sa iyo! Kung gayon, hindi kataka-taka na kinatatakutan ng ilang kabataan na sila’y makitang kasama ng kanilang mga magulang.

Kung gayon, bakit kaya labis kang hinihiya ng iyong mga magulang? ‘Hindi ba nila alam ang makabubuti?’ maaari mong itanong.

Kung Bakit Hinihiya Ka Nila

Ating suriin ang sarili mong mga damdamin sa bagay na ito. Dahil sa iyong kabataan, ika’y lalo nang madaling tablan ng pagkapahiya, lalo na’t higit mong nalalaman na marami pang ibang tao sa daigdig na ito liban sa iyong malapit na mga kamag-anak. Ibig mong tanggapin ka ng iba​—lalo na ng iyong mga kaedad​—at nagsisikap kang mainam na kumilos nang “tumpak.” Natural, ayaw mong ang pagtanggap na ito ay sirain ng kahiya-hiyang asal sa bahagi ng iyong mga magulang. Gaya ng sinabi ng isang kabataang nagngangalang Linda: ‘Kapag ang iyong mga magulang ay gumawa ng isang bagay na ikinahihiya mo, ika’y nag-aalala: “Ano na lamang ang iisipin sa akin ng aking mga kaibigan?” ’ Kung gayon, bakit kaya hindi maging higit na makonsiderasyon sa iyong mga damdamin ang iyong mga magulang?

Isinasaysay ng sikologong si Bernice Berk na sinabi ng isang ina sa kaniyang lubhang maramdaming tin-edyer na anak na lalaki na labis na maramdamin: “Iyan ang trabaho ko, ang hiyain ka. Hiniya ako ng aking ina, at kailangang hiyain mo rin ang iyong mga anak.” Wala ni isang butil ng katotohanan sa tila tahasang pahayag na ito. Hindi, hindi namamana ang pagiging kahiya-hiya, subalit mayroong tayong namamana: ang di-kasakdalan.

Ang mga magulang ay di-sakdal. (Roma 3:23) Hindi sila maaasahan na magmukhang tila fashion models, ni lagi kaya silang may kontrol sa lahat ng kanilang sinasabi o ginagawa, gaya mo rin. May karapatan din silang magrelaks sa pana-panahon at magkaroon ng kasayahan. Ang paminsan-minsang pag-aastang mas bata sa kanilang edad​—o maging hangal pa nga​—ay maaaring paraan nila ng pakikitungo sa pagtanda. Hindi nalalaman ang epektong taglay nito sa iyo, maaaring hiyain ka ng iyong inay sa pagsubok niya sa pinakausong sayaw kasama ng iyong mga kaibigan; maaaring patunayan ni itay na kaya niyang makipagpaligsahan sa mga tin-edyer sa basketball court. Nakakahiya? Marahil. Subalit, tiyak na wala silang intensiyon na saktan ka.

Taglay rin ng iyong mga magulang ang pinakamabuting kapakanan mo sa kanilang puso, at dahil sa di-kasakdalan, maaaring lumabis ang kanilang reaksiyon kapag ang iyong kapakanan ay tila nasa panganib. Bilang halimbawa, sinasabi ng manunulat ng Bibliya na si Lucas ang tungkol sa panahon nang dumalo ng Paskua sa Jerusalem ang 12-anyos na si Jesus kasama ng kaniyang pamilya. Nang papauwi na ang kaniyang mga magulang, napansin nilang siya’y nawawala. Gumawa sila ng isang masigasig na paghahanap sa kaniya, at “pagkatapos ng tatlong araw nasumpungan nila siya sa templo, nakaupo sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at tinatanong sila.” Walang alinlangang nasisiyahan si Jesus sa pakikipag-usap na ito sa mga lalaking higit na matanda kaysa kaniya. Gayumpaman, nang dumating ang kaniyang ina, marahil ay sa harap mismo ng pangunahing mga lalaking ito ng bansa, kaniyang sinabi: “Anak, bakit mo kami ginanito? Narito ang iyong ama at ako ay balisa sa paghahanap sa iyo.”​—Lucas 2:​41-48.

Isa pang salik na dapat isaalang-alang ay na ang iyong mga magulang ay mayroon din kanilang sariling mga suliranin, na maaaring hindi mo nalalaman. Marahil ang mga kabalisahan sa pananalapi, sakit, o iba pang mga panggigipit ang may pananagutan sa kanilang asal.

Katapus-tapusan, ipinagmamalaki ng karamihan ng mga magulang ang kanilang anak. Nasisiyahan silang ipagyabang ang mga ito. Gayumpaman, ito ay maaaring umakay sa lahat ng uri ng kahiya-hiyang sitwasyon, gaya ng paghiling sa iyo na tumugtog ng piano sa harapan ng mga kaibigan ng iyong ina, o tiising marinig ang iyong ama na sabihin sa kahit kaninong nakikinig kung gaano ka “kahusay”!

Pagkatutong Batahin

Kapag hinihiya siya ng kaniyang mga magulang, sabi ng isang kabataang nagngangalang Tonia, “Ako’y namumula.” Bagaman ito’y isang likas na reaksiyon, may iba pang mabungang paraan upang makayanan ito. Basta tandaan ang ilan sa mga puntong nailahad na ay maaaring makatulong na bawasan ang iyong panimulang pagkapahiya. (Kawikaan 19:11) Isaalang-alang rin ang mga sumusunod na payo:

Huwag Mag-alala: Sa paano man hindi mababago ng lahat ng pag-aalala sa daigdig ang bagay-bagay. (Ihambing ang Mateo 6:27.) Sabihin pa, hindi ikaw ang mananagot sa iyong mga magulang; ikaw ay isang nabubukod na persona. ‘Bawat isa’y kailangang magdala ng kaniyang sariling pasanin,’ sabi ng Galacia 6:5. Isa pa, marahil ang kalagayan ay hindi naman kasinsamâ ng iyong inaakala. Napuna ni Dr. Joyce L. Vedral na ‘naguguniguni ng bawat napapahiyang tin-edyer na may nanonood sa kaniya.’ Gayumpaman, karamihan ng mga tao ay hindi naman gayon kainteresado. Isinusog ni Vedral: “Karamihan ng mga tao ay mas nababahala sa tagihawat sa kanilang ilong kaysa kasaysayan ng iyong buong pamilya.” Alalahanin rin, ang iyong mga kaedad ay may mga kabalisahan rin sa impresyon na ginagawa ng kanilang mga magulang!

Huwag Palalain ang Isang Masama Nang Sitwasyon: Sabi ng Kawikaan 27:​12: “Nakikita ng isang taong pantas ang dumarating na gulo at dumadapa.” (The New English Bible) Ang pagtawag-pansin sa iyong sarili sa pamamagitan ng pagsigaw ng, ‘Oh, Inay!’ ay nagpapalala lamang sa sitwasyon. ‘Ang pagdapa’ sa pamamagitan ng di-pagsasalita ay maaaring maging matalino.​—Eclesiastes 3:7.

Tanggapin ang Kinakailangang Disiplina: Ang pagtutuwid sa publiko ay maaaring humiya sa iyo. Subalit kadalasan ang disiplina ay angkop, at ang pagkapahiya ay bahagi lamang nito. (Hebreo 12:11) Subalit ano kung tila hindi naman kailangan ang disiplina? Alalahanin kung paano pinakitunguhan ni Jesus ang paggambala ng kaniyang ina. Nanatili siyang kalmado at ipinaliwanag ang kaniyang sitwasyon. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na siya’y “patuloy na nagpasakop” sa kaniyang mga magulang. (Lucas 2:​49, 51) Bakit hindi sikaping gawin ang gayundin?

Kausapin ang Iyong mga Magulang: Sabihin sa kanila nang may kabaitan at may paggalang kung ano ang bumabagabag sa iyo. Iya’y gumagana! Nasumpungan ni Rosalee sa kaniyang kaso na “kung sasabihin mo sa kanila kung ano ang iyong nadarama, at kung sa inaakala nilang ito’y makatuwiran, kaya kadalasa’y sinisikap nilang ituwid ang kanilang mga sarili.” Isang paraan upang tulungan ang iyong mga magulang na makita ang iyong panig sa isang usapin ay ang tanungin sila sa mga kahiya-hiyang karanasan nila noong sila’y bata pa. Ito marahil ang tutulong sa kanila na unawain ang iyong sitwasyon.

Magpakita ng Pakikiramay: Alalahanin ang lahat ng mga pagkakataong hiniya mo ang iyong mga magulang! Sinadya mo ba iyon? Aba, hindi! Kaya bakit mo iisiping sinasadyang magpakana ng iyong mga magulang upang mapahiya ka?

Huwag Iwala ang Ugaling Palatawa: Gaya ng inamin ng isang kabataan: “Ang ilang bagay ay kailangang subukin mo at tawanan; pagkaraan ang mga ito ay katawa-tawa.” Oo, bakit labis na daramdamin ang isang sakunâ? Tandaan, mayroong “panahon upang tumawa,” at kung minsan inaalis ng pagiging palatawa ang kirot ng pagkapahiya.​—Eclesiastes 3:4.

Gayunpaman, gaano man ang iyong pagsisikap, hindi mo lubusang maiiwasang mapahiya. Subalit sa pagkakapit ng nabanggit na, maaari mong baguhin ang paraan kung paano mo minamalas ang tinatawag na kahiya-hiyang mga sitwasyon.

Halimbawa, isinalaysay ng autor na si Jami Bernard: “Laging pinahahawak sa akin ng aking ina ang kaniyang kamay kapag kami’y tumatawid sa daan, kahit nang ako’y matanda na. Isang araw, binitiwan ko ang kaniyang kamay, at umangal, ‘Inay, hindi ko na kailangan ito.’ Bumaling siya sa akin at sinabi, ‘Kailangan ko.’ Hindi ko alam kung ang ibig niyang sabihin ay na kailangan niya ng isang masasandigan o kung hinahanap-hanap niya ang panahon noong ako’y kaniyang ‘baby’ o kung ibig niya akong hawakan at di-batid kung papaano. Subalit ngayon kapag hinahawakan ko ang kaniyang kamay upang tumawid sa daan, ako’y namumula​—hindi sa kahihiyan kundi sa pag-ibig.”​—Magasing Seventeen, Disyembre 1985.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share